
Opinions
![]() |
|
Liza Soberano |
Malinaw na ang istorya. May 31, natapos ang kontrata ni Liza Soberano kay Ogie Diaz. Pero bago pa dumating ang takdang araw ay nagkausap na sila bilang manager-talent.
Walang naririnig si Ogie mula kay Liza tungkol sa kanilang kontrata kaya siya na ang nagtanong sa kaniyang alaga kung pipirma pa rin ba ito sa kaniyang pangangalaga?
Ayon kay Ogie ay marespeto naman ang pagkakasabi ni Liza na hindi na muna dahil gustong sumubok ng dalaga sa kaniyang kapalaran sa Hollywood.
Maigsi lang ang kamay ni Ogie, wala siyang masyadong kaalaman sa Hollywood, kaya naintindihan niya ang punto ng naging alaga niya nang 11-taon.
Babalikan lang namin ang kuwento kung paano napunta si Liza bilang alaga ni Ogie. May dating manager si Liza, pinamili niya ito kung gusto ba nitong bilhin ni Ogie ang kontrata o babahaginan na lang ito ng komisyon sa anumang kontratang papasukan nila ni Liza, ang huli ang pinili ng dating manager ni Liza.
At pinanindigan iyon ni Ogie, basta may trabaho si Liza sa pelikula, telebisyon o TVC ay mayroong nakalaang komisyon para sa dating manager ni Liza.
Hindi iyon maikakaila dahil pirmado ang lahat ng resibong tinatanggap ng dating manager sa kaniyang opisina. Malinaw iyon.
Sumikat si Liza Soberano, sa husay mag-manage ni Ogie ay naikuha niya ng magagandang proyekto sa ABS-CBN at Star Cinema ang kaniyang alaga, napakarami ring product endorsement ng dalaga.
Sabay silang sinuwerte. Noong mga panahong iyon ay napakaraming pangarap ni Liza ang natupad. Naipagpagawa nito ng bahay sa Amerika ang kaniyang lola, regular na nakapagbibigay ng tulong sa pamilya ng kaniyang ina si Liza, naging pabolosa ang kaniyang buhay.
Iyon naman ang panahong matindi rin ang pangangailangan ni Ogie para sa bunso niyang anak na si Miracle. Ipinanganak ni Georgette, ang kaniyang misis, si Meerah na napakaliit at kulang na kulang ang timbang sa pagiging kulang sa buwan.
Napakaraming pinagdaanang proseso ng gamutan ni Meerah, milyunan ang ginagastos ni Ogie, pero mayroon siyang pinagkukunang buslo dahil sa matagumpay nilang pagiging manager-talent ni Liza.
Utang ni Liza kay Ogie ang kasikatang tinatamasa ngayon ng dalagang aktres at tinatanaw namang malaking utang na loob ni Ogie kay Liza ang pagkaligtas ng kaniyang bunsong si Miracle.
Labing-isang taon ang kanilang pinagsamahan. Maayos ang kanilang relasyon, wala tayong anumang nabalitaang problemang pinagdaanan ni Ogie habang inaalagaan si Liza, kahanga-hanga ang kanilang kumbinasyon.
Hindi man niya sinasabi ay alam naming may bahid ng lungkot kay Ogie ang paghihiwalay nila ng kaniyang alaga. Karagdagang anak kasi si Liza sa kaniyang pamilya.
Pero maganda ang kaniyang katwiran, naghiwalay silang magkaibigan pa rin ni Liza, mayroon pa nga siyang habilin na kung anuman ang maitutulong niya sa dalaga ay nand’yan lang siya.
Iyon ang mahalaga para kay Ogie, ang hindi pagsusunog ng tulay, hindi nga naman natin alam kung ano ang hatid ng kinabukasan. Baka sila pa rin ang muling pagtagpuin ng panahon.
***
Si James Reid na at ang mga kaibigan nito ang hahawak sa karera ni Liza Soberano. Maraming nag-alala dahil kung career nga naman ang pag-uusapan ay hindi rin naman naging perpektong matagumpay si James Reid.
Kung ang kaniyang karera nga ay hindi naalagaan ni James, paano pa ang kay Liza, anong magandang bukas ang maibibigay nito sa kaniyang mga pangarap?
Hindi natin minamaliit ang kapasidad ni James Reid, pero mayroon tayong maaalala, kung ang napakalaking kumpa niya na ngang tulad ng Viva Films ay hindi naging matagumpay na mapaalagwa ang career ng aktor ay paano pa ang kay Liza Soberano?
Hindi naman natin hawak ang bukas, baka may magawa rin naman si James sa karera ng dalaga sa Amerika, iyon na lang ang kailangan nating abangan.
Maayos na maayos na ang kabuhayan ni Ogie Diaz, naabot na ng manager ang pinakaituktok ng kaniyang mga pangarap, tingnan na lang natin kung puwede ring sabihin iyon ni Liza Soberano sa pangangalaga ni James Reid.
Nagwa-one-plus-one na ang mga Marites. Sa kanilang paniniwala ay hiwalay na sina Enrique Gil at Liza Soberano. Sa pag-aaral nila sa takbo ng relasyon ng LizQuen ay ngayon lang nangyari na hindi sila magkasama sa ibang bansa.
Sabi pa ng isa, “Nagkasugat lang sa daliri si Liza, nakabantay sa kaniya sa Amerika si Quen, di ba? Kailan umalis nang mag-isa sina Liza at Enrique, kailan sila nagkahiwalay kapag umaalis sila?”
May katotohanan. Kung nasaan si Liza ay nandoon din ang kaniyang boyfriend. Hindi sila nagkakahiwalay.
May sariling bolang kristal na ang tropa ng mga Marites. Nasisilip na nila ngayon pa lang kung ano ang magaganap sa relasyon nina Liza at Quen.
Ang hula nila ay papasok sa eksena si James Reid na kunwari ay karera ng dalaga ang inaalagaan pero hindi naman pala. Magbi-break sina Liza at Quen at ang bagong magiging boyfriend ng magandang aktres ay si James Reid.
Komento ng isang Marites, “Di ba, pareho lang naman sina James at Daniel Padilla na may crush kay Liza, kaya lang, e, naunahan sila ni Quen?”
Iyon ang kanilang nabubuong senaryo ngayon, isang araw ay puputok ang balitang magkarelasyon na sina Liza at James Reid, out na si Enrique Gil.
Sabi naman ng isang nakausap naming taga-showbiz na sanay na sanay na sa ganitong mga pangyayari, “Ginawa lang nilang dahilan ang kunwari, e, ima-manage ni James Reid at ng mga friends niya si Liza.
“Great escape ang tawag doon. Pero ang totoo, magugulat na lang tayo one day, puso pala ni Liza ang inalagaan ni James, hindi ang career noong girl. Very possible,” sabi nito.
Nasa proklamasyon ng ika-17 pangulo ng Pilipinas ang mag-asawang Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga.
Narinig naming pagpapakilala ni Pangulong Bongbong Marcos sa kaniyang inang si former First Lady Imelda Romualdez Marcos kay Direk Paul, “He is the grandson of actor Nestor de Villa. He is a director, he made all my campaign videos and materials.”
Ganoon din ang pagpapakilala ng pangulo kay Toni Gonzaga sa kaniyang ina, mula sa unang araw hanggang sa huling entablado ay ang singer-actress ang nag-host ng kampa niya ng UniTeam, nakatikim ng grabeng pamba-bash si Toni dahil sa kanila ni Vice-President Sara Duterte.
Sabi ng isang kaibigan namin, “Inggit much siguro lahat ang mga kasamahan niyang artista kay Toni! Aba, napakalapit niya sa kusina ngayon! Sigurado na ang future nilang mag-asawa!”
Paninindigan ang naging puhunan nina Direk Paul at Toni kung bakit maraming nagsasabi ng sigurado na ang kanilang kinabukasan. Dumaan sa butas ng karayom ang pagtaya nila sa UniTeam.
Kung nakamamatay lang ang bashing ay inaalayan na lang natin ng bulaklak ngayon si Toni sa kaniyang puntod, grabe ang mga salitang ipinalunok sa kaniya ng mga kalaban, mabuti na lang at minaster na ng singer-actress ang art of deadmatology.
Iyon ang mga panahong ginagawa niyang agahan, pananghalian at hapunan ang masasakit na salita. Pinupog talaga sina Ditek Paul at Toni ng pamba-bash. Pero nanatili lang silang tahimik.
Ang pinakaganti ni Toni sa bashing ay ang pagbibigay niya nang todo-todong energy sa pagpapakilala sa mga kandidato ng grupo, lalo na kapag ipinakikilala na niya si BBM, panalung-panalo!
“Ang susunod na magiging pangulo ng Pilipinas, ang malapit nang umuwi sa Palasyo, Bongbong Marcos!” may konbiksiyong palaging isinisigaw ni Toni sa entablado de kampanya.
Ang totoo, nang tayaan nilang mag-asawa ang UniTeam ay malabo pa ang kulay ng kapaligiran, hindi pa sila sigurado na mananalo ang tambalang BBM-Sara.
Paninindigan ang tawag doon. Iyong wala pa tayong nakikitang eksaktong larawan ng tagumpay ay tumataya na tayo. Positibo na ang takbo ng ating isip na sa dulo ng laban ay nandoon ang masarap na resulta ng pakikipaglaban.
Nasaan na ngayon ang mga kasamahang artista ni Toni Gonzaga na nagpatikim sa kaniya ng ampalaya at napakapaklang apdo, ano kaya ang nararamdaman nila ngayon, inggit much kaya sila sa naging kapalaran ng nilalait-lait nilang kasamahan sa industriya?
Biglaan ang pag-alis ni Bea Alonzo papunta sa Spain. May mga Marites pa ngang nagduda na magpapakasal na sila ni Dominic Roque pero si Bea lang ang bumiyahe.
Apat na araw lang siyang nanatili sa Spain, “personal” ang ibinigay na dahilan ng magandang aktres, pero ngayon ay siya na rin ang umamin kung ano ba ang pinagkaabalahan niya sa loob nang apat na araw sa Madrid, Spain.
Bumili pala siya ng bahay (apartment) sa Madrid, anim na lugar ang binisita nila ng Spanish-Filipino broker, at mayroon siyang nagustuhan.
Pinuntahan nila ang unang apartment sa Malasana, sumunod naman ay tiningnan din nila ang La Casa de Papel, mayroon din silang binisita sa mismong Plaza Mayor na nasa sentro ng Madrid.
Magaganda ang tatlo pang apartment na pinuntahan nila ng broker, pero nagpakatotoo si Bea, mataas ang presyo noon sa nakahanda niyang budget para sa bibilhin niyang bahay.
Pag-iisipan daw muna niya ang presyo dahil ooperahan na rin ang kaniyang dakilang ina na ilang taon nang hindi nakakalakad. Mas mahalaga iyon para kay Bea, gusto niyang makitang nakapaglalakad na rin ang kaniyang mommy sa Beati Firma, si Mommy Mary Anne at ang kaniyang stepdad ang namamahala sa napakaganda niyang farm.
Maagang natuto si Bea Alonzo na pahalagahan ang kaniyang kinikita, pagpupundar ng mga ari-arian ang kaniyang inuuna, wala nga namang kasiguruhan ang nahapbuhay ng mga artista.
Sabi ng aming source na malapit sa pamilya ng magandang aktres, “Hindi naman minsanan lang ang mga ipinagagawa ni Bea sa farm niya. Paunti-unti ang pagpapatayo niya ng bahay, ng chapel, ng gym.
“Kapag may project siya, doon siya nagpapagawa, doon niya isinisingit ang mga kailangan sa farm niya. Bumibili siya ng mga baka, kambing, mga baboy, ang dami-dami na nilang alaga sa Beati Firma!” sabi ng aming kausap.
Napakagandang ehemplo.
Nakakaawa si Sharon Cuneta. Hindi pa talaga handa ang publiko para ibigay sa kaniya ang pagmamahal, pang-unawa at pagrespeto. Hindi pa nga ngayon.
Noong Linggo nang gabi nang magbigay-pugay ang buong cast ng seryeng Ang Probinsyano sa mga labi ng Reyna Ng Pelikulang Pilipino ay nagsalita si Sharon bilang kabahagi ng palabas.
Napakatagal ng pagsasalita ng Megastar, kung saan-saan sumusuot ang kaniyang mga kuwento, halos isang oras siyang kuwento nang kuwento.
Nagtatanungan na ang mga nakikipaglamay, bakit daw palaging si Fernando Poe, Jr. ang tutok ng pagsasalita ni Sharon, samantalang si Ms. Susan Roces ang nakahimlay?
Ang iba ay nagtayuan muna at lumabas, iyon ang mga taong sanay na kay Sharon na kapag nagsasalita sa lamay ay inaabot nang napakatagal, nakakainip.
Pero kailangan na nating masanay kay Sharon, ganoon talaga siya kapag humahawak ng mikropono, parang siya lang ang mag-isang magbibigay ng eulogy sa buong gabi.
Kahit sa pakikipagkuwentuhan sa telepono ay ganoon din siya. Napakatagal. Kailangan mo nang tapusin ang lahat ng trabaho mo bago ka makipag-usap sa kaniya dahil siguradong bibilang iyon nang mahigit na isa o dalawang oras.
Sa mga naririnig naming kuwento sa pagsasalita ni Sharon sa lamay ni Manang Inday ay naisip lang namin, hindi pa handa ang marami para dinggin ang kaniyang pakiusap na respeto, pagmgamahal at pang-unawa.
Kung hindi nagkaroon ng eleksiyon kung saan tumakbong bise-presidente ang kaniyang asawa pero natalo ay maaaring hindi pupunahin ng marami ang napakatagal niyang pagsasalita sa burol.
Magiging normal lang iyon, parang ang matagal din niyang pagsasalita kapag may ibang personalidad na pumapanaw, hindi maiinip-maiinis ang kahit sino.
Hindi maituturing na taon ni Sharon ang 2022. Maraming kabiguang naganap sa kaniyang buhay. Naging sentro siya ng mga bira at upak ng mga loyalista ng pamilya Marcos. Binimbang siya ng mga tagasuporta ng tambalang BBM-Mayor Sara Duterte.
At ang matindi pa ay sinilihan ang lahat dahil sa anak niyang si Kakie na sobrang minantikaan ang dila, ang galit ng mga sinasagasaan ni Kakie ay sa kanilang mag-asawa bumabagsak, negang-nega ang kanilang pamilya.
Malapit na naming mabitiwan ang hawak naming tasa ng kape nang matiyempuhan namin sa You Tube ang mahabang komento ng isang vlogger tungkol kay Kakie Pangilinan.
Galit na galit ito pero cool na cool ang pagbibitiw nito ng mga salita. Si Kakie ang kaniyang tinutukoy pero sigurado kami na sina Senador Kiko at Sharon ang unang aaray kapag napanood nila ang litanya.
Diretsong sinabi nito habang nakatingin sa kaniyang camera, “Kakie Pangilinan, alam kong pangit ka, pero umaasa akong maganda naman ang ugali mo. Pero hindi, e. Kung ano ang itsura mo, ganoon din ang ugali mo. Pangit din!”
Napaigtad kami. Sa mata ng magulang ay pinakamaganda ang kaniyang anak anuman ang maging itsura ng supling. Walang anak na hindi maganda sa paningin lalo na ng kaniyang ina.
At hindi dapat personalin ang kahit sino, hindi kagandahan ang barometro ng anumang argumento, pero puro ganoon ang balikwas ng mga kababayan natin sa mga kamalditahang ipinakikita ni Kakie.
Salbahe ang social media, walang kalaban-laban ang kahit sino kapag natiyempuhan siya, kaya kailangan talagang mag-iingat sa pagbibitiw ng mga salita.
Nananahimik si KC pero ito ang palaging ikinukumpara kay Kakie, ang pisikal nilang itsura ang palaging paksa, kung si KC nga raw na maganda na ay hindi nega pero heto naman si Kakie na wala na ngang itinatagong ganda ay ganyan pa ang ugali?
Pero balwarte ng mga tigre ang pinakialamang pasukin ni Kakie, natural lang na lapain siya, kung gaano kasakit ang mga paghusgang binitiwan niya ay iyon din ang ibinalik sa kaniya.
Nakikipagtagpo na sa katotohanan ang maraming personalidad na sobrang sumusuporta sa Kakampink. Nauna na si Angel Locsin sa pagtanggap sa naging resulta ng nakaraang halalan.
Napakadali naman kasing tanggapin ang senaryo kung magpapalawak lang ng isip ang iba. Mahirap bang intindihin na mas malaki pa nga ang kalamangan ni BBM kesa sa kabuuang boto ni VP Leni?
Nagtatanga-tangahan lang ang hindi makatatanggap ng resulta. Nagmamatigas na lang ang nagsasabing nagkaroon ng dayaan.
Kapuri-puri ang tulad ni Angel Locsin na may paninindigan, nakikipagbardagulan sa kampanya, pero marunong tumanggap ng katotohanan.
Sila ang bulag, Kim Chiu. Sila ang walang utak, Andrea Brillantes. Sila ang hindi nag-iisip, Kakie.
Ano ba ang tanging gamot sa kalungkutan nang dahil sa pagkabigo? Walang iba. Pagtanggap lang sa katotohanan. Tapos.
Wala sa talampakan ang utak ni Angel Locsin, nasa tamang posisyon, pinagagana niya at hindi sinasayang.
Si Angel Locsin pa nga kung tutuusin sa kanilang lahat ang mas may karapatang magreklamo dahil siya ang personalidad na gising sa pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan.
Aksiyon ang kay Angel at laway lang naman ang sa iba na kuda nang kuda pero sarado naman ang puso sa pagtulong sa ating mga kababayang naghihirap kapag sinasalanta ng kalamidad.
May paninindigan. Nakikipaglaban. Tumataya. Pero marunong humarap sa katotohanan. Iyon si Angel Locsin.
Palakpakan!
May kaibigang nagtanong sa aming opinyon. Ano raw kaya ang nararamdaman ngayon ni Kris Aquino? Nalanos kasi halos lahat ng mga tumakbong pulitiko sa ilalim ng mga Dilawan na naging Kakampink.
Iisa lang ang kanilang kulay, nagbago lang ng kulay si VP Leni, pero iyon pa rin ang mga Dilawan. Si Senador Risa Hontiveros lang ang nakalusot sa kanilang partido.
Natural, matinding kalungkutan para kay Kris ang naganap, para kasing literal nang nabura ang kulay-pulitika ng kaniyang pamilya.
Tatlumpu’t anim na taon na ang nakararaan ay walang pinakakawawang pamilya ng mga pulitiko kundi ang mga Marcos. Ang pamilya Aquino ang namamayagpag.
Pero mayroon talagang panahon ng pagbawi. Ang mga Marcos naman ang nakapaibabaw ngayon at ang lahi ng mga Aquino ay pumailalim dahil sa kabiguan.
Napakasakit ng senaryong ito para kay Kris na nasanay na sa kapangyarihan. Dalawang beses namuno sa ating bayan ang kaniyang ina at kapatid. Sa aminin at sa hindi ni Kris ay namamayagpag ang kanilang angkan, katabi niya sa pagtulog ang kapangyarihan, na ngayon ay wala na at ipinasa na uli ang baton sa pamilya Marcos.
Pero ganoon talaga ang buhay. May panahon ng pagtatanim at pag-ani. Ang mga nawala ay nakababalik, kung paanong ang mga namamayagpag ay wala nang makapangyarihang armas ngayon, pero tuloy pa rin ang ikot ng mundo.
Tuloy ang buhay.
Ihinatid na sa huling hantungan kahapon nang umaga ang Reyna Ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces sa mismong tabi ng puntod ng hari ng kaniyang puso sa Manila North Cemetery.
Iyon ang palagi niyang ihinahabilin sa kaniyang anak na si Senadora Grace Poe Llamanzares, walang ibang lugar na paghihimlayan ang kaniyang bangkay, kailangang magkatabi sila ng Hari Ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.
Komento ng kanilang mga tagahanga, kung naudlot man ang kanilang pagmamahalan dito sa lupa, pagkatapos nang labingwalong taon ay magkasama na sila at hinding-hindi na magkakahiwalay pang muli.
***
Sa apat na gabi ng lamay para sa yumaong reyna ng pelikula ay narinig nating nagsalita bilang pag-alala sa kaniya ang marami niyang kaibigan, nakasama sa pelikula at ang mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Sa apat na gabi ng burol ay hindi nagsalita sa eulogy si Sheryl Cruz, anak ng kapatid ni Manang Inday na si Rosemarie Sonora, pati ang mga kapatid nitong sina Wowie at Patrick.
Nakita si Sheryl sa Cardinal Santos Medical Center noong mismong gabing mamayapa si Manang Inday, nakita rin ito nang ilang gabi sa lamay, pero ano nga ba ang nangyari at hindi ito naging bahagi ng eulogy para sa kaniyang tiyahin?
Dahil doon, Miyerkoles nang gabi bago ihinatid sa huling hantungan si Manang Inday ay gumawa ng sariling eulogy si Sheryl, idinaan nito ang kaniyang saloobin sa pamamagitan ng social media.
Mahaba ang kaniyang lintanya, mahal na mahal daw nito ang kaniyang tiyahin, binanggit din ni Sheryl ang lahat ng pangalan ng kaniyang mga pinsan pero hindi nito minsan man binanggit ang pangalan ni Senadora Grace Poe.
May malalim na kaming pagsasaliksik tungkol sa kuwento na nag-ugat noong 2016 pa nang magsalita nang masasakit na salita laban sa senadora si Sheryl Cruz.
Titilarin namin ang buong istorya kung bakit sa aming programang Cristy Ferminute sa OnePH at Radyo Singko, sa aming You Tube show na Showbiz Now Na! kasama sina Romel Chika at Morly Alinio, at sa kolum namin sa pahayagang ito.
Napakaraming nagtatanong sa amin ngayon kung kanino ipinamana ng namayapang Hari at Reyna Ng Pelikulang Pilipino ang kanilang naiwanang kayamanan.
Lantad sa publiko kung paano pinaghirapan nina Fernando Poe, Jr. at Ms. Susan Roces ang kanilang kabuhayan. Dugo at pawis ang kanilang ipinuhunan.
Napakarami nilang naipundar na ari-arian, sininop nila ang kanilang kinikita, itinuturing na pinakamayamang personalidad ng lokal na aliwan ang mag-asawa.
Kung ang magiging basehan ay pagiging legal na anak, nakadokumento ang legal adoption nila kay Mary Grace Sonsora Poe, isa lang ang kanilang anak. Pero sa abot ng aming kaalaman, nang pumanaw ang Hari Ng Pelikulang Pilipino ay si Manang Inday mismo ang nagbahagi ng pamana kina Ronyan at Lovi Poe at sa isa pang anak ni Tito Ronnie na nasa ibang bansa, iyon ang nakaabot na impormasyon sa amin.
Napakasuwerte raw naman ni Senadora Grace ayon sa aming mga nakakausap, mapupunta sa kaniya ang mga iniwan ng kaniyang mga magulang, pero hindi ganoon ang interpretasyon ng isang mapagkakatiwalaang source na nakakuwentuhan namin.
Matagal na palang pinaghandaan ni Manang Inday ang panahon ng kaniyang pag-alis. Bukod kay Senadora Grace ay binahaginan din ng pamana ng Movie Queen ang kaniyang mga pamangking hindi na namin papangalanan na tunay na nag-alaga sa kaniya nang mahabang panahon.
Sabi ng aming source, “Hindi maramot si Senadora Grace, ganoon din si Manang Inday, marunong silang magpahalaga sa mga taong totoong nagmahal sa kanila.” – CSF