
Opinions
![]() |
|
Andrea Brillantes |
|
![]() |
|
Bea Alonzo |
|
![]() |
|
Mariel Rodriguez & Robin Padilla |
|
![]() |
|
Toni Gonzaga |
|
![]() |
|
Pokwang |
|
![]() |
|
Ai Ai delas Alas |
|
![]() |
|
Kathryn Bernardo & Daniel Padilla |
|
![]() |
|
Luis Manzano |
|
![]() |
|
WIllie Revillame |
|
![]() |
|
Jodi Sta. Maria |
|
![]() |
|
Melai Cantiveros |
Kailangang mag-ingat si Andrea Brillantes sa kaniyang mga ginagawa. Nakatutok sa kaniya ang mga mata ng publiko ngayon. Para siyang isda sa aquarium na anumang galawan niya ay sinusundan ngayon ng mga Marites.
Paborito siyang pagpistahan ngayon. Ang kaniyang lovelife, ang pagiging Kakampink niya, halos lahat ng mga ikinikilos niya ay sentrong paksa ng mga kababayan natin.
Kailangan siyang mag-ingat dahil panahon niya ngayon. At kapag umaayon ang panahon sa artista ay para siyang barbecue na palaging nakasalang sa apoy para sunugin.
Iyong mga lumalapit sa kaniya para makipag-selfie, ingatan niya ang patanggi, dahil kumakalat na ang mga kuwentong feeling sikat na sikat na siya.
Ipaliwanag niya na lang na mayroon siyang dinaramdam na pisikal kaysa sa umiiwas siya nang walang dahilan. Kesyo nagmamadali na raw siya, kesyo may naghihintay siyang trabaho, kahit wala naman.
Palapatol pa naman ang dalagang ito sa kaniyang mga bashers, hindi siya papayag na walang sagot ang mga ibinabatong kuwento laban sa kaniya, mayroon siyang sobra-sobrang panahon para magpatol.
Ang pinupuri ngayon ng mas nakararami ay ang kasabayan niyang si Francine Diaz. Hindi raw KSP ang young actress, napakasimple lang, hindi tulad ni Andrea na masyadong papansin.
Papasok talaga ang pagkukumpara dahil sila ang magkakontemporaryo, para silang magka-loveteam na parehong bumibida sa mga serye, hindi iyon maiiwasan.
Napakasuwerte ni Bea Alonzo sa pagkakaroon ng isang inang makalinga at mapagmalasakit. Hindi napupunta sa wala ang kaniyang pinaghihirapan, kasama niya sa pagpapahalaga sa kinikita niya si Mommy Mary Anne, nagpupundar sila ng mga ari-arian.
Paulit-ulit naming tinututukan ang kanilang Beati Farm sa Zambales. Napakagandang pagmasdan ang mga hilera ng mangga na itinanim nila na may kakambal na pagmamahal.
Si Mommy Mary Anne at ang kaniyang stepfather ang namamahala sa malawak niyang farm, sari-saring gulay at mga punong-kahoy ang nandoon, mayroon pa silang palaisdaan at mga alagang baboy, manok at baka at marami pang ibang mga hayop.
Ilang taon nang hindi nakakalakad nang maayos si Mommy Mary Anne, mayroon itong electric wheelchair na sinasakyan sa pag-iikot sa farm, iyon ang tinututukan ngayon ni Bea.
Paooperahan na niya sa tuhod ang kaniyang ina pero bago iyon ay nagpagawa muna ang aktres ng gym kung saan puwedeng paunti-unting mag-ehersisyo ang kaniyang mahal na mommy.
Sabi ni Bea, “Lahat-lahat ng ginhawa, ibibigay ko sa mommy ko. Siya ang partner ko sa lahat ng mga pangarap ko. Siya ang kasama kong nanghihiram ng damit sa mga kaibigan ko at kapitbahay namin kapag may trabaho ako, pero wala pang pambili ng damit.
“Nakita kong lahat ang mga sakripisyo ng mommy ko, ngayon pa lang ako bumabawi, never ko siyang pababayaan,” sinserong pangako ng aktres.
Sa ipinatayo niyang bahay ni Mommy Mary Anne sa Beati Farm ay pinalagyan ni Bea ng malalaking tubo ang nilalakaran ng kaniyang ina para hindi ito mahirapan.
Napakabuting anak.
Makabuluhan ang laman ng vlog ni Mariel Rodriguez na napanood namin. Binalikan nito ang New Bilibid Prison, ang pansamantalang naging tahanan ng kaniyang asawang si Robin Padilla nang halos tatlong taon, pamilyar kami sa mga lugar na inikutan nito sa NBP.
Dalawang beses kaming nag-show sa Pambansang Piitan habang nakakulong si Robin, ipinakita sa amin ng aktor ang kaniyang kulungan, nagmistulang tour guide namin noon si Robin.
Sa NBP na nagtapos ng high school si Robin, nagpatayo rin siya ng mosque sa loob, noon siya nagpalit ng relihiyon bilang Muslim mula sa Jehovah’s Witness.
Nagsisigaw si Mariel nang makita nito ang Igorotak drug rehabilitation na si Robin din ang nagpatayo “‘Yan! ‘Yan ang Igorotak! Palagi niyang ikinukuwento sa akin ‘yan!” pasigaw na sabi ni Mariel.
Noong silipin ni Mariel ang ICA main dorm kung saan dalawang taong nakulong ang kaniyang mister ay kitang-kita ang kaniyang pagkalungkot. Pero mayroon naman itong bawi, “Napakarami niyang natutuhan dito sa kulungan.”
Ramdam na ramdam ang pagmamahal ng mga guwardiya ng NBP kay Binoe, pati ng mga nakakulong pa hanggang ngayon, kung mabibigyan siguro ng pagkakataon ang mga ito para makaboto ay siguradong susuportahan nila si Robin sa pagka-senador.
Bilang kasamahan sa industriya ay nag-iimbita ng paghanga ang mga panayam ni Robin Padilla na napapanood namin. Minemenos lang siya ng iba at sinasabihang artista lang pero kapag napanood nila kung paano sumagot at kung gaano kalalim ang alam ng action star tungkol sa kasaysayan ng politika ay baka maengganyo silang magbigay ng suporta.
Bukod pa iyon sa pagkakaroon ng mabuting puso ni Robin sa mga taga-industriya, marami siyang natutulungan na walang hinihintay na kapalit, saktung-sakto sa kaniya ang pangalang Robinhood.
Tama ang obserbasyon ng mga kababayan natin na sa lahat ng mga personalidad na nagho-host sa kampanya ng iba-ibang partido ay ibang-iba ang dating ni Toni Gonzaga.
Sabi ng isang kaklase namin noong kolehiyo na naninirahan na ngayon sa Europa, “Napakahusay mag-host ni Toni Gonzaga, parang binabayaran siya nang milyon-milyon! Kapag nag-i-introduce siya ng mga tumatakbong senador, sa introduction pa lang, e, parang nanalo na sila!
“Ibang-iba ang energy ni Toni, napakabilis niyang magsalita, pero hindi siya nagba-buckle! Bibihira ang host na katulad niya!” papuri ng aming kausap.
Napakalaki ng natutuhan ni Toni sa pagho-host ng maraming programa, alam niya kung kailan siya sisigaw nang madiin, alam din niya kung kailan siya magsasalita nang mahinahon lang.
Pagkatapos niyang mag-host ay kumakanta naman siya, wala siyang pakialam sa mga bashers, ginagawa lang niya ang kaniyang trabaho.
At pinakikisakyan ng mga sawsawera ang kaniyang mga sinasabi sa kampanya, mabuti na lang at namaster na ng singer-actress ang art of deadma, kaya walang napala sa kaniya ang super-sawsawera at mapagpanggap na matalinong si Mocha Uson.
Belat ang inabot ng singer-dancer na de primerang tagasigaw ngayon ni Mayor Isko Moreno, puro pamba-bash ang inabot nito, buti nga sa kaniya.
Mukhang paboritong gawing punching bag ngayon sa social media si Pokwang. Isa ang komedyana sa palaging bina-bash, ang pinakakain ng ampalaya, at sumasagot naman siya.
May banta pa nga siyang idedemanda ang nag-post na pangit ang kaniyang anak, magkikita na lang daw sila sa korte, sabi pa ni Pokie.
Pero ang talagang nagpaningas sa apoy ng galit ng mga bashers ay ang diumano’y sinabi ni Pokwang na ang mga trolls at bashers na umuupak sa kaniya ay palamunin ng kampo ni BBM.
Ay, talagang nagwarla ang tropa, umangil sila at talagang pinalangoy si Pokwang sa swimming pool ng apdo at pinakain nang banye-banyerang ampalaya.
Politika ang dahilan ng lahat. Nagrarambol sila dahil magkaiba ang minamanok nilang politiko sa darating na botohan. Kakampink si Pokwang at talagang sumusugal siya nang todo para isulong ang kaniyang pinaniniwalaan.
Walang bayad ang suportang ibinibigay niya, abono pa nga siya sa gasolina at matinding pagod, pero dahil naniniwala siyang si VP Leni Robredo ang dapat mahalal na pangulo ay wala siyang pinagsisisihan.
Palaban si Pokwang, sinasagot niya ang mga patutsada laban sa kaniya, walang takot niyang hinaharap ang kaniyang mga katunggali.
Masyadong personal ang mga nababasa naming komento tungkol kay Pokwang. Masakit para sa kaniya ang pagpansin na huwag sanang lumaki ang kaniyang anak na si Malia na kamukha niya.
Kailangan pa raw ng dugo ng banyaga para matakpan ang kapangitan ni Pokwang, ganoon katitindi ang bashing sa kaniya, masyado nang personal.
Maglaban-laban na lang sana sila nang parehas, iwasan na ang mga personal na patutsada na talagang aarayan ng kabilang kampo, dahil talagang personal na nanunugat.
Ang utak ni Ai-Ai delas Alas ay wala sa talampakan. Kontrolado ng sikat at magaling na komedyana ang kaniyang bibig at ang takbo ng kaniyang disposisyon.
Hindi siya mahilig kumain ng patola, at kung sakali mang sumagot siya sa mga pagpuna ay piling-pili lang iyon, tungkol sa kaniyang pamilya.
Minsan pang pinatunayan ni Ai-Ai na iba siya sa iba ay nang patambis na ipinost ng manager na si Audie Gemora na mas matalino pala si Pokwang kesa sa kaniya.
Magaling kumilatis ng mga salita si Ai-Ai, alam niya na himig-pulitika ang pagpaparinig sa kaniya ng manager, magkaiba kasi ang kulay nila sa pulitika.
Cool na cool ang pahayag ni Ai-Ai na ang pulitika ay panandalian lamang pero ang pagkakaibigan ay pangmatagalan. Kung sa palagay ni Audie Gemora ay mas nakakaaliw at mas matalino si Pokwang kesa sa kaniya ay walang problema.
Nasa demokrasya tayo, sinuman ang kumampi kahit kanino ay kalayaan ang tawag doon, kung paanong sana’y respetuhin din ang kaniyang opinyon at pananaw.
Walang problema kina Ai-Ai at Pokwang, maayos silang nagtatrabaho na wala sa kanilang isip ang kung sino ang mas mahusay sa kanilang dalawa, may kani-kaniyang atake ang kanilang pagkokomedya.
Ibang tao lang naman ang naglalagay ng kumpetisyon sa dalawa, iyong mga taong sarado ang utak, iyong kapag hindi nila kakampi sa pulitika ang artista ay kalaban na ang turing nila.
At tama si Ai-Ai, pagkatapos ng botohan sa Mayo 9 ay balik na naman sa kanormalan ang takbo ng kanilang buhay, wala nang kulay-pulitika at balik-trabaho na sila uli, na parang walang pagkokontrahang naganap.
Sila-sila pa rin ang magkakasama sa isang malaking payong ng industriya, magkikita-kita pa rin sila, kaya nakapanghihinayang ang pagkakataong nagamit sa pag-aaway nang dahil lang sa pulitika.
At kailangang tanggap natin ang katotohanan na isang pangulo lang ang uupo sa Palasyo, hindi puwedeng dalawa, kaya siguradong may tutumba sa umiinit na labanan sa panguluhan.
Salamat naman at ang kaniyang sitwasyon na ang binigyan ng pagtutok ni Kris Aquino. Hindi na siya umeksena pa sa kampanya ng minamanok niyang pangulo na siguradong hindi nakagaganda sa kaniyang kalusugan.
Ilang araw pa mula ngayon ay nakatakda na siyang pumunta sa Amerika kasama ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby, matatagalan ang kaniyang gamutan, kaya may kasama na rin siyang mga kasambahay sa kaniyang pag-alis.
Madugo ang gastos sa pagpapagamot ni Kris, noong sa Singapore siya nagpagamot na inabot nang ilang buwan ay milyones ang kaniyang ginastos, bukod sa ospital ay kumuha pa siya ng bahay kung saan pansamantalang tumira ang kaniyang mga anak.
Sabi ng aming source, “Nagtagal ang pag-alis niya dahil siniguro ng mga doktor niya na sa isang ospital lang siya magpapa-confine. Kumpleto na dapat ang mga doktor na sasalo sa kaniya sa States, hindi na niya kailangang magpalipat-lipat pa.
“Saka ang alam namin, e, may kasama siyang doktor sa biyahe, mahaba kasi ang flight time, mayroon than ten hours, kaya kailangang may doktor siyang kasama,” sabi ng aming source.
Hindi naman problema ang gagastusin para kay Kris, sumusubo naman sa kapunuan ang kaniyang bulsa, kung nakagagastos siya sa mga bagay-bagay na hindi naman mahalaga ay ang kalusugan pa ba naman niya ang titipirin ni Kris?
Iisa lang ang ating buhay, kapag nawala na ay hindi na tayo makahahanap ng kapalit, kahit pa libutin natin ang buong mundo.
Panahon na talaga para bigyan ng tutok ni Kris ang kaniyang kalusugan, patuloy ang pagbagsak ng kaniyang timbang, kailangan nang matunton ng mga espesyalista kung ano ang pinanggagalingan ng kaniyang mga sakit.
Hindi talaga lahat ng katangian at biyaya ay ibinibigay sa isang tao lang. masalapi si Kris Aquino, natupad ang kaniyang pangarap na sumikat at may hawak pang korona sa pagiging mahusay na TV host, pero mern ding mga ipinagdamot sa kaniya.
Hindi siya nagtagumpay sa pakikipagrelasyon, pero ang pinakamarkado ay ang kaniyang pagkakasakit, iyon ang unang-unang matinding pinoproblema ng kahit sino.
Harinawang maging matagumpay ang kaniyang gamutan sa Amerika. Matunton na sana ng mga doktor ang pinag-uugatan ng kaniyang allergies, iyon ang pinakauna niyang piniproblema, sa kaniyang pagbabalik ay maayos na sana ang kaniyang kalusugan.
Maraming nagtatanong sa amin kung bakit lumalantad din daw bilang Kakampink si Kathryn Bernardo katulad ng kaniyang boyfriend na si Daniel Padilla.
Hindi raw ba bawal sa mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang makihalo sa politika dahil ang pamunuan ng kanilang sekta ang nagdedesisyon kung sinu-sinong politiko ang dadalhin nila?
Taong 2016 pa ay tiwalag nang miyembro ng INC si Kathryn. Hindi na siya miyembro ng INC. Alam namin ang kuwento kung paanong sinadya pa ng kanilang mga elders si Kat sa kaniyang shooting pero hindi siya ang humarap sa mga ito kundi ang kaniyang ina.
Kaya malaya nang sumali sa isyung-politika ang dalaga, mayroon na siyang kalayaang pumili ng gusto niyang manukin sa panguluhan, hindi tulad noong miyembro pa siya ng INC na ang pamunuan nila ang pumipili kung sino ang dapat suportahan.
Ang pagpapasya ng kanilang pamunuan ang dapat masunod, pinaninindigan nila ang doktrina ng pagkakaisa, dapat silang sumailalim sa kautusan ng kanilang pamunuan.
Naalala pa namin ang kuwento ng isang malapit kay Kathryn sa unang Pasko na naranasan niya na hindi na siya miyembro ng INC. Napakasaya raw ni Kat, mula pagkabata kasi ay hindi siya nakapagdiwang ng Pasko, walang Pasko sa kanilang relihiyon.
Bawal din sa mga artistang miyembro ng INC ang kampanya. Iyon ang naging malaking balita tungkol kina Kathryn at Daniel noong 2016, pumutok ang balita na binayaran sila nang milyones ng partidong ikinampanya nila, na ayon sa mga kuwento ay naging dahilan ng pagkatiwalag ni Kathryn bilang miyembro ng INC.
Malaking bentahe ng mga politiko kapag dinala ka ng INC. Kayang magpanalo ng INC ng mga kandidato. Kahit sa labanang lokal ay “nililigawan” ang sekta para makakopo sila ng boto.
At hindi kami naniniwala na hindi sumusunod sa kanilang pamunuan ang mga miyembro, sumusunod sila, dahil ang isusulat nila sa balota ay hindi lang katapatan sa kanilang relihiyon kundi sa Panginoon.
Sino kaya ang dadalhing pangulo ng INC sa Mayo 9? Mayroon na kayang napupusuan ang mga tagapamuno ng kanilang milyun-milyong samahan?
Parang may naamuyan na kami. Pero kailangan pa rin nating malaman kung sino ang susuportahan nila sa panguluhan at iba pang mga posisyong pinag-aagawan ngayon.
Naku, kung ang politikong iniisip namin ngayon nga ang dadalhin ng INC ay paano na, di lalong lalawak ang kaniyang kalamangan sa kaniyang mga kalaban?
Tinawagan kami ni Willie Revillame kahapon nang umaga. Dalawang linggo rin kaming hindi nagkakuwentuhan, kahit text lang ay wala, hindi namin inaabala ang TV host kapag nananahimik siya.
“Nagpahinga lang ako, sinamantala ko lang ang panahon,” agarang sabi ni Willie. Inangkin daw niya ang pagkakataong magawa ang mga bagay-bagay na hindi niya nabibigyan ng oras kapag sobrang abala siya.
Pero may maganda siyang balita, mamayang hapon ay babalik na uli siya sa FB at You Tube para mapasaya ang kaniyang mga tagahanga, mamimigay na uli siya ng mga papremyo-ayuda sa mga kababayan natin.
At mayroon siyang sorpresa sa kaniyang pagbabalik, magiging co-host niya ang magaling ding TV host na si Luis Manzano, ang title ng kanilang pagsasama ay A Minute To Wowowin It.
Siguradong swak na swak ang kanilang kumbinasyon dahil una, parehong maganda ang kanilang puso sa pagmamahal sa mga kababayan natin, ikalawa ay pareho rin ang takbo ng kanilang utak sa pagpapasaya.
“Malaki ang respeto ko kay Luis, hindi siya nakalilimot, sa kahit anong nangyayari sa buhay at career ko, palagi siyang nagte-text sa akin.
“Sabi ko, mag-co-host sana siya sa akin sa digital show ko, sumagot siya agad, walang problema! Ganoon kadaling kausap si Luis, mahal ko ang taong iyon, walang pagbabago,” papuri pa ni Willie kay Luis.
Kaya sa mga tagasuporta ni Willie na text nang text sa amin kung nasaan na ang kanilang kuya, ngayong Lunes nang hapon sa You Tube at FB ay magkakasama-sama na sila uli at mayroon pang bonus iyon sa pagsama ni Luis Manzano.
A Minute To Wowowin It. Siguradong riot ang kumbinasyon nina Willie Revillame at Luiz Manzano.
Malapit na ring ilunsad ang Wil TV App, ang sariling channel ng sikat at mapusong TV host, panay-panay na rin ang pagmimiting nila ngayon ni Senador Manny Villar para sa bubuksan nilang network.
Tamang sabihin na nabubuhay tayo sa demokrasya. Kakambal noon ang ating kalayaang pumili ng gusto nating manukin sa eleksiyon.
Pero sa pagpili ng gusto nating suportahan ay mayroong batas na hindi nakasulat. Kailangang may kalakip na pagrespeto ang pinanghahawakan nating kalayaan bilang mamamayan.
Sentrong paksa ngayon si Jodi Sta. Maria na lumantad na bilang Kakampink. Sa mga hindi pa nakakaalam, si Jodi Sta. Maria ay dating manugang ni Senador Ping Lacson bilang asawa ni Pampi, nagkaroon sila ng anak na si Thirdy.
Ikinasal sila sa Mandalay Bay salas Vegas, mahabang panahon din silang nagsama sa isang bubong, hanggang sa magkahiwalay sila. Naging karelasyon ni Jodi si VG Jolo Revilla na hindi nauwi sa kasalan dahil may problema pa ang aktres sa mga dokumento ng kasal nila ni Pampi.
Naging magkarelasyon naman sina Pampi at Iwa Moto, mayroon na silang anak ngayon, at si Raymart Santiago naman ang karelasyon ngayon ni Jodi.
Sabi ng aming kaibigang propesor, “Wala namang problema kung Kakampink si Jodi, we live in a democracy, pero sana, hindi na lang niya iyon idineklara sa publiko.
“She should have kept it to herself na lang, dahil ang ex-biyenan niya, e, tumatakbo rin ngayon. Puwedeng alam naman iyon ng mga Lacson, pero na kay Jodi pa rin ang decision kung ilalabas pa niya iyon.
“Napakasuwerte niya, edukado ang pamilyang kinabilangan niya noon, naiintindihan siya, pero mas marami ang hindi nakakaintindi sa kaniya,” opinyon ni prop.
May katwiran ang katwiran.
Pinaglaruan sa isang You Tube vlog si Melai Cantiveros. Maraming before and after niyang larawan muna ang halinhinang ipinakita. Napakalaki nga naman ng pagbabago ng kaniyang itsura.
Pero ang talagang sinentruhan ng vlog ay ang pag-akyat niya sa entablado de kampanya ng Kakampink. Iyong paulit-ulit niyang pagsigaw tungkol sa magnanakaw.
Ayaw raw niya sa magnanakaw. Hindi raw dapat iboto ang magnanakaw. Minsan kunong magnakaw ay ganoon pa rin ang gagawin ng kandidato sa susunod.
Ayaw raw ng kanilang tropa sa magnanakaw, wala raw magnanakaw sa kanilang hanay, hindi raw dapat tularan ang mga magnanakaw!
Heto na. habang nagtutungayaw si Melai tungkol sa magnanakaw ay may isiningit silang police report. Eksaktong pareho ang oras ng pagsigaw-sigaw ni Melai at ng police report dahil ipinakita ang oras ng dalawang senaryo.
Sabi ng isang miron sa vlog, “Ayan, oh! Habang sige sa kasisigaw si Melai sa stage na huwag daw suportahan ang magnanakaw at wala raw magnanakaw sa kanilang tropa, e, ang dami-dami namang nagre-report sa mga pulis na ninakawan daw sila!
“Mga nawalan ng cellphone, may nawalan ng wallet, maraming nadukutan sa rally ng mga Kakampink! Nagpanggap palang Kakampink din ang mga madurukot! Naka-pink t-shirt din sila habang nagnanakaw!
“Ano ngayon ang isinisigaw ni Melai na walang magnanakaw sa kanilang tropa, e, ayun mismo, maraming ninakawan sa rally nila!” saka sabay-sabay na naghalakhakan ang mga miron sa vlog.
Nakakaloka ang eleksiyon ngayong 2022, walang maitatago dahil sa tindi at lawak ng kapangyarihan ng social media, buking na buking ang lahat ng nagaganap. – CSF