Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 16-30, 2022

    KC CONCEPCION
 
KC Concepcion
  ALDEN
 
Alden Richards
  ANGELINE AND BF
 
Angeline Quinto & Nonrev Pelayo
  yen santos paolo contis
 
Yen Santos & Paolo Contis
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  baron
 
Baron Geisler
  Nanay Tessie Relucio & Jake Zyrus
 
Nanay Tessie Relucio & Jake Zyrus
  Rico Yan & Claudine Barretto
 
Rico Yan & Claudine Barretto
  Herbert Bautista & Kris Aquino
 
Herbert Bautista & Kris Aquino
  Isko Moreno
 
Isko Moreno
  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao
  Gretchen Barretto
 
Gretchen Barretto
  Bato dela Rosa
 
Bato dela Rosa

GMA-7 at ABS CBN – Nagsanib-puwersa na!

Nagsanib-puwersa na ang GMA-7 at ABS-CBN. Nagpirmahan sila ng kontrata para sa mga pelikula ng Star Cinema na mapapanood na ngayon sa GMA-7.

Habang pinanonood namin ang kanilang pagkakasundo ay may halong lungkot kaming naramdaman. Sino ba ang mag-aakala na ang nagpapakilalang numero unong network sa ating bayan ay makikipanirahan na lang ngayon sa iba-ibang istasyon?

Ang kanilang mga serye ay ipinalalabas sa TV5, ang iba nilang programa ay napapanood naman sa isa pang istasyon, at ang mga pelikula ng ABS-CBN-Star Cinema ay ipalalabas na sa GMA-7.

Parang bangungot ang nangyari sa ABS-CBN. Wala silang ibang pamimilian para kahit paano’y kumita pa rin sila kundi ang makipanirahan sa ibang bahay.

Dating magkalabang network, ngayon ay nagsanib-puwersa na, totoo nga ang kasabihan na hindi lang laway ang nilulunok kundi pati ang pride kung kinakailangan.

Text ng kaibigan naming propesor, “Nakakalungkot, parang hindi ko pa rin matanggap na ganito na ang nangyayari sa ABS-CBN. Para silang isinumpa!

“Para rin silang mga pusa na kinain uli ang isinuka na nila! Grabe, nakakalungkot ang mga nangyayari sa kanila ngayon!” sabi ni prop.

Ganoon din ang emosyon ng mga nakakausap namin, dating napakatayog na istasyon, nawalan ng armas. Nawalan sila ng prangkisa, dalawang taon na silang hindi makagalaw nang malaya, wala silang ibang lulunukin kundi ang makisukob sa payong ng mga dati nilang itinuturing na kalaban.

Nangyayari pala ang ganoon kahit sa pinakamalaki at makapangyarihang negosyo kapag napag-initan. Hindi iyon panaginip, bangungot ang naganap sa Dos, kaya nakikipagkamay na sila ngayon sa iba-ibang istasyon.

Naaalala pa namin, sobrang mamersonal ang mga ehekutibo ng ABS-CBN, kapag itinuturing nilang hindi kanila ang artistang may kailangan i-promote na pelikula ay hindi nila pinapayagan.

Kahit sa poster ay ipinatatanggal nila ang mukha ng artistang ayaw nila, ganoon sila mamersonal dati, grabe ang pagpapairal nila ng kapangyarihan.

Dumating ang matinding bagyo sa kanilang istasyon, wasak na wasak ang kanilang mga plano, ano ang kanilang gagawin kung wala na silang prangkisa?

Wala talagang puwedeng ipagmalaki ang kahit sino. Nasa ituktok man sila ng labanan ay puwede silang mabaklas. Ayaw man nila ay kailangan nilang magpakumbaba para lang patuloy na umikot ang takbo ng kanilang mundo.

KC Concepcion – di nakikilahok sa ginaganap na kampanya

Madaling unawain kung bakit hindi nakikilahok sa ginaganap na kampanya si KC Concepcion. Umuwi lang siya para ayusin ang bago niyang nilipatang bahay pero hindi rin siya nagtagal.

Dahil doon ay maraming reaksiyon agad ang naglitawan. Wala raw talagang plano ang dalaga na ikampanya si Senator Kiko Pangilinan. Puwedeng pinakiusapan siya ni Sharon Cuneta pero kilala si KC sa pagkakaroon ng sariling desisyon.

Siguro nga ay umiiwas lang si KC sa matinding kahihinatnan kung sakaling ikampanya niya ang mister ng kaniyang ina. Malapit si KC sa mga Sotto, at tumatakbo rin sa pagka-vice president si Senator Tito Sotto, na itinuturing na siyang kapamilya.

Maaaring pinag-usapan na nilang mag-ina ang hindi niya pangangampanya para sa mga naglalabang politiko, naintindihan din siguro ni Sharon ang puwedeng ibunga kung sakaling pumili ng papanigan si KC, kaya ang pinakamagandang paraan ay huwag na lang mangampanya si KC.

Sa isang okasyong ginanap sa bahay ng mga Sotto ay nakitang nandoon ang panganay na kapatid ni Sharon na si Chet. Marami silang larawang magkasama ni Senate President Tito Sotto.

Agarang nagkomento ang mga kababayan natin na si Senator Tito raw ang dinadala ng pilotong kapatid ni Sharon at hindi ang bayaw nitong senador.

Sa lahat ng mga naglalaban-labang politiko ngayon ay pinakasensitibo ang pag-aagawan sa posisyon nina SP Tito Sotto at Senador Kiko. May sangkot kasing relasyon sa labanan.

Nakapagitna sa mga nag-uumpugang bato sina Sharon Cuneta at KC Concepcion. May nakatayang relasyon na puwedeng maapektuhan nang husto kahit tapos na ang eleksiyon.

Alden Richards – May kumalat na hubo’t hubad na larawan

Nakakaawa naman si Alden Richards. Nananahimik iyong tao at puro trabaho lang ang tinututukan niya, pero may mga taong walang budhi, kinakaya ng kanilang kunsensiya ang paninira sa kanilang kapuwa.

Hindi naman natupad ang mga pangarap ni Alden nang magdamagan lang, sampung mahahabang taon ang ipinuhunan niya, pero may mga taong walang magawa sa buhay kaya ang mga taong nag-iingat sa kanilang imahe ang pinupuntirya.

Nakita namin ang larawan ni Alden na topless lang pero nakapantalon siya, pero ang ginawa ng walanghiyang nagpakalat, hubo’t hubad na inilabas ang retrato ng Pambansang Bae. Talagang sinadya iyon, naglaan ng panahon ang walanghiya para palabasing walang saplot si Alden, malapit nang matukoy ng Sparkle kung sino ang nagpasimuno sa pagwasak sa imahe ng sikat na aktor.

Kailangan talagang magdusa ang mga taong walang pakialam sa pinaghirapang imahe ng mga personalidad. Sa isang iglap lang dahil sa katarantaduhan ng ibang tao ay basta na lang masisira ang kanilang pangalan.

May ibinigay nang pangalan ang mga Marites kung sino ang walanghiyang nanguna sa paglalabas ng retrato, iyon ang tinututukan ngayon ng Sparkle ng GMA-7, kung kilala nga namin kung gaano kabangis si Direk Johnny Manahan sa mga ganitong klase ng usapin ay may kalalagyan ang mga utak sa likod ng paninira kay Alden Richards.

Dapat lang!

Angeline Quinto – Malapit nang manganak

Babad na babad nang nakita ng publiko ang itsura ng ama ng magiging anak ni Angeline Quinto na si Nonrev Pelayo. Noong ganapin ang baby shower para sa malapit nang manganak na singer ay kasama niyang nagbubukas ng mga regalo ang kaniyang karelasyon.

Matangkad si Nonrev, pero hindi maskulado ang dating, sa biglang tingin ay mahiyain at malambot itong kumilos. Dumating ang pamilya nito sa baby shower.

Maraming nagmamahal kay Angeline, sa mga pagkukuwentuhan namin ng kaniyang mga kapuwa singers ay puro positibo ang natatanggap naming komento tungkol sa kaniya, marunong makisama si Angge at walang kaangas-angas.

At malaking puntos para kay Angeline ang sinsero niyang pagmamahal kay Mama Bob, ang kinagisnan niyang namayapang ina, saksi ang publiko kung paano niya pahalagahan ang babaeng tumanggap, kumupkop at nagpalaki sa kaniya.

Sa mundo ng lokal na aliwan, kapansin-pansin na basta mapagmahal sa kaniyang pamilya ang arista ay minamahal din siya pabalik ng ating mga kababayan, lalo na sa estado ni Angeline na inampon lamang ng kaniyang Mama Bob pero sobra-sobrang pagmamahal at pagrespeto ang kaniyang ibinalik.

Ilang tulog at gising na lang ay manganganak na si Angeline, darating na ang munting anghel nila ni Nonrev Pelayo, harinawang maging maayos at ligtas sila ng sanggol sa kaniyang pagsisilang.

Ibang gumamot ng sugat ang panahon. Sa pagkawala ni Mama Bob ay heto na ang isisilang niya, ang pampalit sa kaniyang kalungkutan dahil sa pagpanaw ng isang minamahal.

Paolo Contis at Yen Santos – Ayaw tantanan ng mga Marites

Talagang ayaw tantanan ng mga Marites sina Paolo Contis at Yen Santos. Halos humiwalay na ang kanilang leeg sa ulo nila sa kadedenay na wala silang relasyon pero walang naniniwala sa kanila.

Alam ng marami na nagkakaila lang sila, pero hindi naman nag-iingat, dahil kung saan-saan sila nakikitang magkasama at magkahawak-kamay pa.

Ang pagpapakilala nina Paolo at Yen sa kanilang mga sarili ay magkaibigan lang sila. Magkaibigang nagsisiping, nagmamahalan, iyon naman ang mas pinaniniwalaan ng mga sumusubaybay sa kanilang mga galawan.

Sa kasagsagan ng kanilang pagdedenay ay magkasama silang nakita sa Baguio, sa Boracay, sa isang shopping mall at sa isang sosyal na restaurant na masayang-masaya.

Sabi pa ng isang Marites, “Punumpuno sila ng kasinungalingan. Ano ba namang aminin na lang nila na sila talaga, di tapos! Wala raw silang relasyon, friends lang daw sila, isaksak nila iyon sa baga nila!”

Tinatawanan lang ni Paolo ang mga kuwentong lumalabas tungkol sa kanila ni Yen, deadma rin ang dalaga, asar-talo ang labanan nila ng mga Marites na ayaw silang tantanan.

At masakit din ang komento ng mga Marites laban kay Paolo, ang sabi, “Rich kasi ang girl, kailangan siya talaga ni Paolo, lalo na ngayong matumal ang kaniyang trabaho.”

Sabi naman ng isa pa, “Napakabatang sugar mommy ni Yen, pero siguradong tanggap niya iyon, mahal niya naman ang pinagkakagastusan niya!”

Aray naman!

Angel Locsin – Matindi ang kalungkutan

Ramdam na ramdam ng publiko ang matinding kalungkutan ni Angel Locsin sa isa niyang post. Tungkol iyon sa kaniyang ama, si Mang Angel, na tanging nakasama niya hanggang sa kasalukuyan.

Maraming nagtatanong sa amin kung nasaan ang kaniyang ina, bakit si Mang Angel lang daw ang kaniyang nakasama sa paglaki, isang sensitibong paksa iyon na hindi pa nabubuksan ng magandang aktres.

Ang kalungkutan ni Angel ay nag-uugat sa katandaan na ng kaniyang ama, kinatatakutan niya ang pagdating ng panahon na sumuko na ang lupang katawan ng kaniyang tatay, hindi alam ni Angel kung paano niya iyon tatanggapin.

Si Mang Angel pa naman ang lahat-lahat para sa kaniya, pero mayroon man siyang kapasidad na ibigay ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang ama ay wala na rin siyang magagawa, kapag dumating na ang kinatatakutan niyang senaryo.

Naiiyak nga si Angel kapag naaalala niya na noong kasagsagan ng kaniyang popularidad na nakakalat sa buong EDSA ang kaniyang mga billboard ay ni hindi iyon nakita ni Mang Angel.

Ang tao pa namang pinakamamahal niya ang hindi nakasaksi sa pagkatupad ng kaniyang mga pangarap. Talagang hindi ibinibigay sa isang tao lang ang kumpletong kaligayahan.

Maraming humaplos nang malayuan kay Angel Locsin. Maraming nagdasal para sa mga karagdagang taon pa ng kaniyang ama.

Bulag man si Mang Angel ay damang-dama nito ang pagmamahal ng kaniyang anak. Totoo namang mas nararamdaman natin ang aksiyon kesa sa mga salita lang.

Baron Geisler – Balik sa dating bisyo

Bumalik na naman si Baron Geisler sa dating gawi. Matindi ang kaniyang pangako na magbabagong-buhay na siya at iiwasan na ang pagkahumaling sa alak.

Pero hindi pa rin naman pala siya nagbago, nagbago lang siya ng kukunan, ipinagpatuloy pa rin niya ang paglaklak na pinakamatinding kalaban ng imahe at karera niya.

Hindi lang ang publiko ang dinadaya ni Baron kundi ang kaniyang sarili mismo sa patago niyang pag-inom. Inilalagay niya ang alak sa tumbler ng tubig.

Pero maitatago ba naman niya ang amoy ng alak sa kaniyang mga kaeksenang artista? Natural, lumalabas ang kuwento, pinagpipistahan siya, pero denay naman siya nang denay.

Nakakapanghinayang si Baron Geslier. Napakahusay niyang aktor, wala siyang pinipiling role, ang tanging problema sa kaniya ay disiplina. Pangako siya nang pangako na titigil na siya sa pag-inom pero sige-sige pa rin naman siya sa kaniyang bisyo.

Ilang ulit na siyang nagpapa-rehab, pero paulit-ulit niya pa ring sinusunod ang luho ng kaniyang katawan, siya mismo ang sumisira sa kaniyang pagkatao.

Ngayon, pati ang babaeng nagtiwala sa kaniya ay mukhang napupuno na rin, napanood ng publiko ang isang video kung saan binato ng lalagyang may tubig si Baron ni Jamie.

At parang siya pa ang biktima sa video, tinanong pa niya kung sino sa kanilang dalawa ang dapat magpa-rehab? Napakalaki ng ginawang tulong sa kaniya ng doktorang nagtiwala sa kaniya pero kahit pala ito ay mukhang sumusuko na ngayon.

Sino naman kaya ang sugar mommy na tinutukoy ng kaniyang misis? Mayroon ba siyang karelasyong mas may edad kesa sa kaniya ngayon?

Si Baron Geisler lang ang makatutulong sa kaniyang sarili, walang iba, dahil siya ang mayhawak ng susi ng ikatitino niya.

Sayang na aktor. Kulang na lang ang halo kapag matino ang isip, pero kapag nakainom na, sungay na lang ang kulang sa kaniya.

Jake Zyrus – Matindi ang sama ng loob ng mga kamag-anak

Nasa ibang bansa pala si Jake Zyrus nang pumanaw ang kaniyang lola. Mas kilala si Nanay Tessie Relucio ng mga taga-showbiz kesa kay Aling Raquel na tunay niyang ina.

Si Nanay Tessie kasi ang palaging kasama ni Jake Zyrus sa lahat ng singing contest na sinasalihan niya. Ito ang matiyagang nagbabantay sa kaniya, ang tumatahi ng mga damit na pang-contest niya, sumasama na lang ang kaniyang inang si Raquel noong nagkakapangalan na noon ang dating Charice Pempengco.

Nasaksihan namin kung paano siya pinagtiyagaang sama-samahan ni Nanay Tessie na may edad na rin. Mahal na mahal ni Nanay Tessie ang kaniyang apo.

Nakakalungkot lang na noong magpalit na ng gender si Charice ay nagkaroon sila ng sigalutan ng kaniyang lola. Kontra si Nanay Tessie sa pagiging transman ng kaniyang apo.

At ang matinding pahayag ni Nanay Tessie na hindi makakalimutan ng publiko ay ang sinabi nito na “Charice, tandaan mo ito, magbago ka man ng itsura mo, babae ka pa rin! Buwan-buwan ka pa ring rereglahin!”

Nakakalungkot na paghihiwalay.

Ngayon ay matindi pala ang sama ng loob kay Jake Zyrus ng kanilang mga kamag-anak dahil sa parang balewala lang sa kaniya na pagpanaw ng kaniyang Nanay Tessie.

Malungkot ang kanilang paghihiwalay, ni hindi sila nagkausap bago pumanaw si Nanay Tessie, maraming nag-aalala na baka bitbitin ni Jake Zyrus habambuhay ang ganti ng langit sa kawalan niya ng utang na loob.

Nagbigay ng pahayag ang kampo ni Jake na nakipagkomunikasyon na raw sila sa mga kamag-anak nilang namamahala sa lamay. Pero ayon naman sa kaniyang pamilya ay walang anumang ipinararating si Jake Zyrus sa kahit kanino sa kanila.

Mismong ang ina ni Jake Zyrus ang nagpatunay na wala siyang pagpaparamdam tungkol sa pagpanaw ni Nanay Tessie at ng isa niyang amain.

Ang taos-puso po naming pakikiramay sa mga iniwan ni Nanay Tessie Relucio.

Claudine Barretto at nanay ni Rico Yan – Nagkabati na

Pagkatapos nang eksaktong dalawang dekada ay nag-krus din ang landas ni Claudine Barretto at ng pamilya ng namayapang si Rico Yan. Makulay at makasaysayan ang istoryang kinasasangkutan nila.

Nagalit ang pamilya ni Rico sa aktres, ni hindi nga siya pinayagang masilip man lang ang bangkay ng kaniyang dating boyfriend, hanggang sa libing ay nawalan ng puwang si Claudine na makapagpaalam kay Rico.

Bitbit ni Claudine ang matinding galit na iyon ng pamilya sa loob nang 20 taon. Bumibisita siya sa puntod ni Rico pero palaging patago. Sa mga okasyong inaalala ng pamilya ang aktor ay wala si Claudine. Bawal siya doon.

Pero heto, ginamot na ng kapalaran ang kanilang hidwaan, eksaktong dalawang dekada pagkatapos ay natulayan na ang kanilang komunikasyon.

Naganap ang pagtatagpo ni Claudine at ng pamilya ni Rico sa Manila Memorial Park. Pag-alala iyon sa ika-20 taong pagpanaw ng isa sa pinakasikat na aktor ng kaniyang panahon.

Nagyakap pa nga si Claudine at ang ina ni Rico, umiiyak si Claudine, dahil napakatagal nga naman niyang hinintay ang pagkakataong iyon. Pero siyempre, umaandar pa rin ang pagpansin ng mga Marites sa senaryo, may patutsada ang mga ito sa aktres.

“Parang magkumare lang si Claudine at ang mommy ni Rico! Grabe ang laki ng katawan ni Claudine, kalahati lang ng katawan niya ang bulto ng mommy ni Koriks!” sabi ng mga ito.

Kapansin-pansin nga ang laki ng katawan ng aktres, pero hindi iyon ang importante, ang mahalaga ay hindi ang bigat ng kaniyang katawan kundi ang bigat ng saloobin na dalawang dekada niyang binitbit sa kaniyang puso.

Herbert Bautista – Walang ipinangakong kasal kay Kris Aquino

Ibang-iba talaga ang katalinuhang ginagamit sa wastong paraan. Maraming matatalinong sinasayang ang talino at pagiging edukado sa mga maling dahilan.

Pinatutsadahan ni Kris Aquino si dating Mayor Herbert Bautista sa inakyatan nitong entablado sa Tarlac City. Huwag daw iboboto ang kaniyang ex na nasa kabilang partido.

Sa mismong entabladong iyon ay kaaakyat lang ng aktor-politiko, napakasuwabe ng kaniyang mensahe, “Iginagalang ko po ang kaniyang mga magulang, nirerespeto ko rin siya, iboto n’yo po ako, ha?” napakalakas na pagbubunyi ang ibinalik ng audience kay Mayor Herbert.

Ganoon ang matalinong ginagamit ang kaniyang talento sa tamang paraan. Hindi nagpapatutsada, hindi naninira, hindi nega.

Umani ng galit ng bayan si Kris, hinusgahan ng ating mga kababayan ang dating sikat na TV host, inilapit nito ang kaniyang sarili sa apoy kaya pagkatupok ang kaniyang inabot.

Ito ang pinakahinog na panahon para manahimik na lang si Kris dahil sa kaniyang sitwasyon. Palaging ipinagbabawal ng mga doktor ang stress dahil iyon ang magpapahina sa ating naturalesa, pero nagtetengang-kawali lang si Kris.

Kinasanayan na kasi nito ang kaugaliang kung ano ang kaniyang gusto ang kailangang masunod. Iba na ang panahon ngayon. Napakalaki na ng ipinagbago ng kaniyang sitwasyon sa dati.

Bago ang iba at bago ang anuman, ang kailangang tutukan ngayon ni Kris ay ang kaniyang sarili muna, dahil iyon ang kailangang-kailangan ng kaniyang katawan.

Tama na ang galit, tantanan na ang pagpapatutsada, mas makapagpapalala ang ganoon sa kaniyang sitwasyon ngayon.

Marespeto at punumpuno ng konbiksiyon pero malinaw na malinaw ang naging pahayag ni dating Mayor Herbert Bautista na napag-usapan lang nila ni Kris Aquino ang paksa ng kasal.

Hindi nila iyon pinag-usapan dahil sa gusto nang pakasalan ng politiko si Kris, isang kaswal na kuwentuhan lang iyon, pero iba ang naging pagtanggap ng TV host.

Ayon kay Mayor Herbert ay mahabang proseso ang kailangang pagdaanan ng pagpapakasal, hindi iyon ginagawa nang biglaan, seryosong desisyon ang kailangan sa pagharap sa altar.

Dalawang beses nang nilinaw iyon ni Mayor Herbert sa kaniyang mga panayam, hindi man niya diretsong sinupalpal ang pagpaparinig sa kaniya ni Kris na huwag siyang iboto dahil hindi siya marunong tumupad sa pangako ay iyon na iyon, hindi na kailangang ipakadiin pa.

Sa susunod na buwan ay magtatapos na sa isang kilalang kolehiyo sa New York si Athena, ang panganay nilang anak ni Tates Gana, naging mahirap para kay Athena ang pagtatapos nito ng master’s degree dahil sa pandemya.

Dahil sa eleksiyon ay baka hindi na makasama si Mayor Herbert sa graduation ng kaniyang anak pero kipkip niya ang pagmamahal dahil sa kabila ng pagkakalayu-layo nila ay natupad din ang pangarap nila ng kaniyang anak.

At siyempre’y hindi maitatago ang kaligayahan ni Tates Gana, ang simple lang at tahimik na kaagapay ng politiko kina Athena at Harvey, napanatili nina Mayor Herbert at Tates Gana ang respetuhan at sinserong suporta sa isa’t isa sa kabila ng pagdaraan ng panahon.

Isko Moreno – Walang artistang sumusuporta

Maraming nagugulat kung bakit walang mga artistang sumusuporta kay Mayor Isko Moreno sa malaki niyang laban. Mula siya sa industriya, mga kapuwa niya personalidad ang inaasahang makita ng ating mga kababayan sa kaniyang kampanya, pero bakit wala?

Nag-text sa amin ang kaniyang manager na si Daddie Wowie Rojas, mayroon daw mga kausap ito na tutulong kay Mayor Isko, pero nagulat na lang daw si Daddie Wowie kung bakit biglang nasa ibang kampo na ang mga kausap nito.

Noong malaman daw ng mga personalidad na walang budget ang partido ay nagpuntahan na sa ibang kampo ang kaniyang mga kausap.

Pero pinaninindigan naman ng mga artistang umaakyat sa entablado nina VP Leni at Senador Kiko Pangilinan maging ng mga maka-BBM-Sara Duterte na wala rin silang tinatanggap na bayad sa pangangampanya.

Sa kanilang kampanya ay isinisigaw pa nga nila ang “Hindi kami bayad!” Kusang-loob daw ang kanilang ginagawa dahil naniniwala sila sa minamanok nila sa halalan.

Mainit ang mundo ng politika ngayon, maraming magkakaibigan ang nagsaulian na ng kandila dahil sa kulay na kanilang sinusuportahan, maraming dating magkakalapit na pinaglayo na ng usaping politika.

Pagkatapos ng bilangan ay hihintayin na lang namin ang magaganap. Magkasundo na sana ang mga personalidad na pansamantalang pinaglayo ng politika.

Iisang payong lang ang kanilang sinusukuban, iisang industriya lang ang kanilang kinabibilangan, pababayaan ba nilang basta na lang iyon mawasak ng politika?

Manny Pacquiao – Kailangan nang umurong sa labanan

Maraming nagbibigay ng opinyon na kailangan nang umurong sa labanan si Senador Manny Pacquiao. Unang-una ay wala naman daw siyang pag-asang manalo kaya bago pa mahuli ang lahat ay kailangan na niyang isuko ang laban sa panguluhan.

Ang palaging tugon ng senador ay may hinihintay raw siyang mensahe ng Diyos. Pinasok daw niya ng matinding laban na ito dahil sa kaniyang panaginip. Tungkol iyon sa puting kabayo na sinasabi lagi ng Pambansang Kamao.

Napanood namin ang paglilitanya ng kontrobersiyal na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa pastor ay hindi raw dapat ginagamit ni Senador Pacman ang pangalan ng Panginoon sa linya ng politika, dahil hindi naman ang Diyos ang nagsabi sa kaniya na tumakbo.

“Ano ang kinalaman ng Diyos sa pagtakbo mo? Ikaw at ang mataas mong ambisyon ang dahilan ng pagtakbo mo bilang pangulo, kaya anong mensahe ng Diyos ang hinihintay mo para ka umurong?

“Ikaw ang nagdesisyon, hindi ka naman sinabihan ng Diyos na tumakbo ka, di ba? At kung may hinihintay ka ngang mensahe, ayan na iyon!

“Kulelat ka, hindi pa ba ‘yan ang sinasabi mong mensahe ng Diyos sa iyo?” malumanay pero matapang na litanya ni Partor Quiboloy.

Matagal na raw nitong sinabihan ang Pambansang Kamao na huwag nang kumandidato bilang pangulo dahil hindi niya kakayanin pero hindi nakinig sa kaniya ang senador-biksingero.

Gretchen Barretto at Senador Bato dela Rosa – Nagsalpukan!

Para maiba naman siguro sa mga awayang-politika ay marami nang nag-aabang sa parang mga manok panabong na pagsasalpukan nina Gretchen Barretto at Senador Bato dela Rosa.

Talpakan ang pinag-aargumentuhan nila ngayon. Pinaninindigan ng senador na kailanman ay hindi ito nagsabong, ni hindi pa nga raw ito nakapapasok sa sabungan, kaya naghamon si Gretchen ng harap-harapang giyera ng salitaan.

Sabihin lang daw ni Senador Bato kung saan at kailan at darating si Greta. Kailangan na raw magkaalaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nagsisinungaling, palabang hamon pa ng aktres sa mambabatas.

Bukod kay Gretchen ay maraming kababayan natin ang nagtataas ng kilay sa pahayag ng senador na ni minsan daw ay hindi pa ito nakapapasok sa sabungan.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Ano sa palagay ni Senador Bato ang magiging resulta ng paghuhugas-kamay niya? Dati siyang tagapamuno ng PNP, hindi pa siya nakapapasok man lang sa sabungan?

“Sa edad niya ngayon? At sa nakaraang position na hinawakan niya? Nakaka-proud ba ang sinabi niya? Nagkamali siya ng binangga, si Gretchen pa?

“E, kahit nga mismong kadugo niya, e, inuupakan niya, ang tao pa kayang hindi niya kaanu-ano ang palalampasin ni Gretchen?” natatawang komento ni prop.

Talpakan na! Naiinip na ang mga Marites sa kanilang pagtutuos! – CSF

Showbiz Na banner