
Opinions
![]() |
|
Paul Soriano & Toni Gonzaga
|
|
![]() |
|
Manny Villar & Willie Revillame |
|
![]() |
|
Kris Aquino
|
|
![]() |
|
Gretchen Barretto
|
|
![]() |
|
Enchong Dee
|
Nasa tamang huwisyo si Toni Gonzaga nang magdesisyon siyang i-unfollow na ang maraming pangalan sa kaniyang Instagram account. Ang pinakahuling bilang ay mahigit na dalawampu na lang.
Sabi nga, less is more, aanhin mo naman ang marami kung puro sama at sakit ng kalooban lang naman ang ibinibigay sa iyo? Bakit mo ihahain ang sarili mo sa balon ng mga ahas para tuklawin ka?
Mas normal na ang iilan lang ang bilang pero alam mong sa harapan at talikuran ay sa iyo at hindi ka tinatraydor. ‘Yong mga taong alam mo na kapag nakipagkomunikasyon sa iyo ay totoong-totoo at hindi pakunwari at paimbabaw lang.
‘Yong hindi man kayo nagkikita nang madalas ay alam mong inuunawa ka at nirerespeto ang mga ginagawa mong desisyon at naniniwala na tayo ay nabubuhay sa demokrasya at ang pinakaesensiya noon at ang kalayaan nating piliin at sundin ang sinasabi ng ating puso.
Kung nakamamatay lang ang mga bira kay Toni Gonzaga ay ilang araw na siyang pinagbuburulan. Napakatitindi ng paninira sa kaniya. Mabuti na lang at Kristiyano ang pamilya ni Toni.
Hindi tinatapatan ng paghihiganti ang mga taong nangwawasak sa kaniya kundi ipinagdarasal na makita ng mga ito ang katwiran at karapatan ng kanilang kapwa.
Napakasama ng ugali ng basher na ang sabi, “Lord, sana po, mag-crash ‘yong sinasakyang eroplano ni Toni Gonzaga. Salamat po, Amen.”
Ginamit pa ng basher ang pangalan ng Diyos. Napakawalanghiya. Hindi tayo nagnanais ng anumang masamang-maaaring mangyari sa ating kapuwa kahit gaano pa tayo ka galit sa taong pinatutungkulan natin.
May retribusyon. May karma. Sa nagsasalita bumabalik ang ganoong kawalanghiyaan. Walang takot gabaan ang basher na ‘yon.
Isang malaking barko ngayon si Toni Gonzaga na gustong sakyan-angkasan nang sangdamakmak na pasahero. Siya kasi ang woman of the hour. Positibo o negatibo man ang mga tinatanggap niyang komento ngayon ay hindi maikakaila na kaniya ang entablado ng kasikatan ngayon.
May mga nakikisawsaw na dati niyang katrabaho, mapakla raw sa panlasa ang ginawa niyang pagpapakilala sa isang tumatakbong senador, dahil isa ang pulitikong ‘yun sa mga humarang para mapagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN.
May nakikisali rin sa kontrobersiya na hindi naman puwedeng ituring na laos dahil hindi naman sumikat. Para-paraan lang para masabing relevant sila kahit hindi naman.
Parang isang puno ngayon si Toni na punumpuno ng mga kulisap ang bawat sanga, nanginginain sa kaniyang mga dahon, kaya kailangan na lang niyang ipagpag para mahulog.
Sa isang napanood naming episode ng vlog ni Toni Gonzaga ilang buwan na ang nakararaan ay kinakapanayam nila ni Alex ang kanilang amang si Daddy Bonoy.
Father’s Day ‘yun. Ang kanilang tanong kay kay Daddy Bonoy, ano ang maaari nilang gawing magkapatid para malungkot ang kanilang tatay, mayroon ba?
Humigit-kumulang ay ganito ang tugon ng kanilang ama, “Palagi ko kayong ipinagdarasal. Hindi ko kayo hinihiwalayan ng panalangin. Masaya ako sa nangyayari sa career n’yo.
“Ang tanging hiling ko lang kung sakaling magtagumpay kayo ay ang hindi n’yo paglimot sa Diyos. At nakikita ko naman, ginagawa n’yo ang para sa Kaniya,” sinserong sabi ni Daddy Bonoy.
Hindi kayang pabagsakin ng kahit ano ang tulad ni Toni na binabalot ng malalim na pundasyon ng paggabay ng kaniyang magulang.
Hindi siya perpekto, maaaring sa pananaw ng iba ay maling-mali ang kaniyang ginawa, pero ang lahat naman ng ating ginagawa ay mayroon ding kakambal na malalim na dahilan.
Hindi kayang gamutin ng basta tableta lang ang masasakit-matitinding salitang ibinabato ngayon laban sa kaniya. Hindi rin ‘yun mapaglulubag lang ng basta pasensiya na.
Lilipas din ito. Isang araw ay magiging makinis din ang daan. Kailangan lang magpakatatag ni Toni Gonzaga. Kasama ‘yan sa laban.
Balitang-balita na tumataginting na isandaan at dalawampung milyong piso ang halagang tinanggap ni Toni Gonzaga para sa pagsuporta kina BBM at Mayor Sara Duterte.
Puwede na palang huminto sa pagtatrabaho si Toni kung totoo ang kuwento, hindi birong halaga ang one hundred twenty million pesos, kayang-kaya na niyang matulog at kumain na lang kung may katotohanan ang balita.
Pero hanggang drawing lang naman ang kuwento, walang resibo, walang patotoo. At kung totoo man ang istorya ay mayroon ba namang maglalabas ng pahayag na eksakto ang halagang kapalit ng suporta ni Toni sa tambalan?
Ang lahat ay depende sa pagtanggap at pananaw. Kung ibang panabong na manok ang hinihimas at pinauusukan ng makakarinig ay totoo ang kuwento. Pera-pera lang ang labanan.
Pero kung kaalyado naman ng ineendroso ni Toni ang makakatanggap ng impormasyon ay hindi totoo ‘yon, gawa-gawa lang ‘yon ng mga taong walang magawa, mema lang.
Marami pang kuwentong lulutang sa mga darating na araw tungkol sa mga personalidad na kumakampi-nag-eendorso ng mga naglalaban-labang politiko.
‘Yan ang eleksiyon sa ating bayan. ‘Yan ang estado ng labanan sa bansang ito. Kapag binayaran ay susuporta at kung hindi ay kokontra.
Ibang klase talagang magbiro ang kapalaran. Wala ngang imposible sa mundong ito. May isang dekada na ang nakararaan ay kinansela ng ABS-CBN ang trabaho ni Willie Revillame.
Lumipat siya sa TV5, naging matagumpay ang kaniyang show sa Kapatid network, kinasuhan siya ng ABS-CBN at nakarating ang labanan nila hanggang sa Court of Appeals. Ipinanalo ni Willie ang lahat ng kasong isinampa laban sa kaniya ng Kapamilya network.
Pagkatapos ng TV5 ay lumipat naman si Willie sa GMA-7, halos pitong taon ang ipinamalagi niya sa Kapuso network, hindi na nag-renew ng bagong kontrata si Willie sa ngalan ng prinsipyo.
Ang pamilya Villar ang nakakuha sa frequency ng ABS-CBN, magiging aktibo ang Advanced Media Broadcasting System, si Willie Revillame ang napupusuan ng pamilya Villar na mamahala sa kanilang pagsahimpapawid.
Noong minsang nakatanaw kami ni Willie sa bintana ng kaniyang Wil Tower ay biniro namin siya, tanaw na tanaw kasi mula doon ang buong bakuran ng istasyong nakatulong sa kaniya, pero nagbigay rin nang napakalaking problema at sakit ng kalooban sa kaniya.
Ngumingiti lang si Willie, kasunod ang pagbuntong-hininga, ‘yun ang kaniyang ugali na gustung-gusto namin. Wala kang maririnig na anumang salita ng paghihiganti mula sa kaniya.
Pero mas matindi ang biro ng kapalaran sa kaniya ngayong malinis na ang tatahakin niyang daan sa hindi pagpirma ng kontrata sa GMA-7. Sila ng pamilya Villar ang magpapatakbo ng network.
Kinikilabutan kami habang isinusulat namin ang kolum na ito. Wala talagang mayhawak ng bukas. Umiikot nga ang gulong ng buhay. Sino ang mag-aakala na ang mismong network na nagbigay sa kaniya ng bangungot ang ipagkakatiwala pa sa kaniya ng mga Villar na patakbuhin?
Sino ang mag-iisip na ang network pang nagdemanda laban sa kaniya nang patung-patong ang magkatulong nilang pagtatagumpayin ng pamilya Villar?
Naaalala pa namin ang mga pesonalidad na nanira nang todo kay Willie na nagpakain sa kaniya ng mga salitang mahirap lunukin tulad ng walang utang na loob. Mapapaklang salita ‘yun na humusga at nangmenos sa kaniyang pagkatao.
Pero dahil ang buhay ay parang gulong na umiikot ay nagkakaroon ng iba-ibang direksiyon ang kapalaran. Ang imposible ay nagiging posible pala.
At walang ibang puwersang nakapagtatakda ng ating kinabukasan. Diyos lang at kapalaran.
Huling araw na noong nakaraang Biyernes ni Willie Revillame sa GMA-7. Tapos na ang kasaysayan ng Wowowin-Tutok-To-Win sa Kapuso network. Nakahalos pitong taon siya sa istasyon.
Nagtatawid ng kalungkutan ang kaniyang mga tagahanga-tagasuporta sa mga numayroong ginagamit ni Willie sa pagtawag sa ating mga kababayan kapag namamahagi siya ng tulong na pampinansiyal.
Daan libong mensahe ng kalungkutn ang kaniyang tinatanggap mula sa mga tagasuporta niyang hinayang na hinayang sa pagkawala ng programa. Paano na raw sila ngayon?
Ang halagang treinta mil na ibinibigay ni Willie araw-araw sa masusuwerte niyang tinatawagan ay napakalaking biyaya lalo na ngayong pandemya.
Walang gaanong kaalaman si Willie tungkol sa teknolohiya, ni wala nga siyang kahit anong account, kung mayroon mang lumalabas ay mga posers lang ‘yon at nagpapanggap.
Pinag-aaralan na ngayon ng kaniyang staff kung paano maipagpapatuloy ni Willie ang pamamahagi ng ayuda para sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho na natural lang na hirap na hirap sa buhay ngayon.
Sabi ni Willie, “Ang staff ko ang may alam kung paano. Puwede rin pala kaming makatulong, sa binubuo nilang paraan sa social media. Itutuloy ko ang pagtulong.
“Bukod sa sarili kong paraan, nand’yan pa rin ang mga sponsors ko, handa silang sumuporta, nand’yan lang sila at hindi ako iniiwan,” sabi ng sikat na TV host.
Mula sa araw na ito ay nanamnamin ni Willie Revillame ang sarili niyang panahon. ‘Yong wala siyang inaalalang trabaho, ‘yong hindi siya nagmamadali at nai-stress, magkakarga muna siya ng lakas bago niya harapin ang pinakamalaking hamon sa kaniyang buhay at karera sa mga darating na araw.
Unang masarap na tulog ni Willie Revillame ang nakaraang Biyernes nang gabi dahil naipahayag na niya sa publiko ang mga dahilan kung bakit hindi na siya nag-renew ng kaniyang kontrata sa GMA-7.
Isang linggo na kasi siyang hindi nakakatulog nang mahimbing. Sa kaniyang paglalarawan ay nakapikit nga siya pero gising na gising naman ang kaniyang diwa.
“Ang hirap. Inaantok ako, pero hindi naman ako makakuha ng tulog. Kapag naging mabuti talaga sa atin ang mga tao, napakahirap magpaalam. Sabi ko nga, lumalakad ako, pero naiiwanan ang isang paa ko,” pag-amin ng TV host.
Naging markado ang panghuli niyang sinabi sa huling araw ng Wowowin-Tutok-To-Win sa GMA-7. Emosyonal siya, napapaiyak sa mga ipinalabas na dating epsodes ng kaniyang programa, balot ng lungkot ang kaniyang puso.
Sa pinakahuli niyang pagsasalita ay sinabi ni Willie, ang mga nawalan daw ng trabaho ay ibabalik nila, ang tinutukoy niya ay ang pamilya Villar na magbubukas ng bagong network.
Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nagsisimula nang balangkasin ni Willie at ng mga Villar ang matinding paghamon sa kanilang kapasidad ngayon.
May test broadcast na nga ba sila ngayong maghapon?
Naturalesa na ni Kris Aquino ang pagreregalo. Kung sa kaniyang mga kasamahang artista at kaibigan nga lang ay napaka-generous na ni Kris, bigay na siya nang bigay, paano pa kaya sa kaniyang karelasyon?
Isa-isahin man natin ngayon ang mga nakarelasyon ni Kris ay hindi makapagdedenay ang mga ito tungkol sa pagiging generous niya.
‘Yun na kasi siya, kinalakihan na kasi niya ang kahiligan sa pagreregalo, maging sa kaniyang mga kapatid at pamangkin ay bonggang-bonggang magregalo si Kris.
May isang masakit na komentong tinanggap si Kris dahil sa sinabi niya na binitbit daw lahat ni Mel Sarmiento ang mga branded stuff na iniregalo niya.
Komento ng kaniyang hater-basher, “Ano, di lumabas din ang tunay na kulay mo? Kasi naman, dinadaan mo sa material things ang pakikipagrelasyon mo! Ang akala mo kasi, kapag binusog mo sila ng material things, e, hindi ka na iiwan!
“Hindi nabibili ang pag-ibig, Kris Aquino! Kung mahal ka talaga ng karelasyon mo, hindi ka iiwan! Pero walang tumatagal sa iyo!” kabuuang mensahe ng basher ng TV host.
Gusto lang pasayahin ni Kris ang kaniyang mahal. Tulad din ng gusto niyang mapasaya ang mga kaibigan niya at katrabaho.
Saka pera niya naman ang ginagastos niya, hindi naman siya nakikialam sa pera ng iba, lalong wala naman siyang tinatapakan para lang mapasaya ang karelasyon niya.
Pero hindi rin natin maiaalis sa iba ang magkaroon ng kakaibang pananaw sa nakaugalian na ni Kris. Totoo nga namang hindi nabibili ang kaligayahan, ang mahimbing na tulog, ang kapayapaan ng kalooban.
Kung ang barometro nga naman ng pagmamahal ay dadaanin sa mga mamahaling regalo ay wala na dapat kumalas kay Kris. Pero ‘yun nga, wala siyang nagtatagal na karelasyon, palaging sa hiwalayan ‘yun nauuwi, kaya maraming nagsasabing walang forever para kay Kris Aquino.
Kaarawan ni Kris Aquino noong February 14. Singkuwenta’y uno anyos na ang TV host. At sa kaniyang kaarawan ay nakiusap siya na huwag nang gumastos ang mga babati sa kaniya.
Pandemya nga naman ngayon, ramdam ang hirap ng pera, kaya ang pagbati lamang para alalahanin ang kaniyang kaarawan ay sapat na.
Maraming bumati kay Kris na ang kagandahan ng kaniyang kalusugan ang hangad, ‘yun naman talaga ang kailangan niya ngayon, ang gumanda ang sitwasyon ng kaniyang kaarawan.
Kung magiging maayos ang kaniyang mga tests ngayon ay malaki ang posibilidad na bumiyahe na silang mag-iina papuntang Amerika para sa masusi niyang pagpapagamot.
Kahit noong ilang buwan siyang nanatili sa Singapore para sa kaniyang gamutan ay kasama rin niya sina Joshua at Bimby. Nakaospital siya at naka-hotel naman ang magkapatid.
Mas maganda na nga naman ang ganoon para alam niya ang nangyayari sa kaniyang mga anak. Sina Josh at Bimby ang kaniyang buhay, kailangang alam niya ang lahat ng detalye, kaya mas magandang magkakasama nga sila.
Kahit naman hindi kaarawan ni Kris ay palagi naming ipinagdarasal na sana’y matunton na ng mga doktor kung saan nag-uugat ang kaniyang sakit.
Sana’y magkaroon ng saysay ang kaniyang salapi para sa kaniyang paggaling. Sa kaniyang pagbabalik pagkatapos nang ilang buwan ay ibang Kris Aquino na sana ang tumambad sa atin.
Nadagdagan na ng timbang, maayos na ang buong katawan, isang masayang Kris na sana ang ating makasama uli.
Panalangin lamang ang puwede nating iregalo sa isang tulad niya na wala nang kailangang materyal na bagay sa mundo.
May bagong titulong ikinakapit ngayon kay Gretchen Barretto. Siya ang kinikilalang Pandemic Goddess of Charity and Philanthropy. Beauty with a purpose daw ang kaniyang peg.
Walang kumokontra sa titulo ng magandang aktres, tunay naman kasing maganda ang kaniyang puso, sinserong pagtulong ang ginawa niya at ginagawa pa rin hanggang ngayon sa iba-ibang sektor ng ating lipunan.
Maraming personalidad na tumutulong sa mga kababayan nating hinahagupit ng kalamidad pero si Gretchen lang ang nagbigay ng ayuda na wala siyang pinipili.
Pagkatapos niyang pasayahin ang mundo ng showbiz at ang kaniyang mga kasamahang personalidad sa pelikula, telebisyon at teatro ay ang mga frontliners naman ang inaayudahan niya ngayon.
Ang mga love boxes na ipinamahagi ni Gretchen ay biyayang itinuturing ng kaniyang mga pinadalhan. Napakalaking regalo noon sa Kapaskuhan.
Nagdiwang ng anibersaryo ng kanilang relasyon sina Tony “Boy” Cojuangco at Gretchen Barretto, dalawampu't walong taon na ang kanilang pagsasama, magtatatlong dekada na pala ang kanilang pagmamahalan.
Napakaraming naganap, binalot ng kontrobersiya ang kanilang pagsasama, pero sa kabila ng lahat ay heto at buung-buo pa rin ang pagmamahal at tiwala nila sa isa’t isa.
Anong klase kaya ng pana ni Kupido ang dumapo kina Tony Boy at Gretchen?
Dahil sa hugot video na ginawa ni Angelica Panganiban ay naging sentro siya ng bashing. Grabe ang mga salitang ipinakakain sa kaniya ng mga bashers.
‘Yun ang literal na kahit asong gutom ay hindi nanaising kainin dahil talagang puro negatibo ang ipinupukol kay Angge. Tinawag siyang starlet. Nag-iingay lang daw siya dahil gusto niyang magpapansin. Wala na raw siya sa gitna ng entablado kaya kailangan niyang magparamdam.
Kinontra ‘yun ng isang basher, hindi raw starlet si Angelica, starless daw dapat ang ikabit na pagpapakilala sa kaniya. Napakasakit dahil marami nang napatunayan ang aktres.
Kumikita ang kaniyang mga pelikula, magaling siyang umarte, hindi starlet o starless ang dapat itinatawag sa isang tulad niya.
Alam ni Angelica kung ano ang magiging resulta ng kaniyang katapangang gawin ang nasabing hugot video. Nakahanda siya sa bashing, alam niya na gagawin siyang sunog na inihaw nang dahil doon, pero itinuloy niya pa rin.
Bibihira ang katulad niya sa punto ng katapangan. Sinasabi niya ang kaniyang gusto. Pinaninindigan niya ang kaniyang ginagawa at mga sinasabi. Hindi uso sa kaniya ang pagpapanggap.
Mainit ang labanan. Sinagot naman ni Juliana Pariscova ang kaniyang hugot video. Si Direk Darryl Yap, ang napapanahong direktor, ang sumulat ng script at nagdirek ng video sa loob lamang nang isang oras.
Pero nakakaaliw ang bersiyon ng beking komedyante, puro patama kay Angge ang kaniyang mga kuda, plakadung-plakado ng video nito ang ginawa ni Angge.
Tayong mga nasa labas ng kuwadro ay nakamasid lang. May naiinis, nagagalit, naaaliw at iba pang emosyon ayon sa ating paniniwala.
Nakapagpiyansa na si Enchong Dee sa kasong Cyber Libel na isinampa laban sa kaniya ni Congresswoman Claudine Bautista Lim. Forty-eight thousand ang binayaran niyang bail.
Pagkatapos ng piyansa ay makakatanggap si Enchong ng schedule ng arraignment. Doon siya manunumpa ng “not guilty.”
Napakalaking abala nito para sa aktor dahil hindi naman yata nag-file ng motion ang kaniyang mga abogado na ilipat ang pagdinig ng kaso na malapit lang sa magkabilang kampo.
Kung hindi nila ‘yon hiningi sa korte, ibig sabihi’y bibiyahe si Enchong at ang kaniyang abogado sa Davao Occidental, na napakalayong probinsiya sa Maynila.
Saka napakatagal na usapin nito. Matalo man si Enchong sa lower court ay mayroon pa tayong Court of Appeals. Kapag hindi pa rin niya naipanalo ang kaniyang depensa sa CA ay mayroon pa tayong Supreme Court.
Mula sampu hanggang labinglimang taon nilang paglalabanan sa korte ang kasong ito. At sa mga panahong ‘yon ay maaaring lumamig na ang ulo ng Party List congresswoman na nagdemanda kay Enchong at posible nang may mamagitan sa kanila para tapusin na ang kaso.
Lahat ay posibleng mangyari. Baka nga hindi pa nag-iinit ang labanan ay mayroon nang mamagitan kina Enchong Dee at Congresswoman Claudine Bautista Lim na sila’y magkapatawaran. – CSF