Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 1-15, 2022

    Sue Ramirez
 
Sue Ramirez
  Carla Abellana Tom Rodriguez
 
Carla Abellana Tom Rodriguez
  Diego Loyzaga Barbie Imperial
 
Diego Loyzaga Barbie Imperial
  Joshua Garcia
 
Joshua Garcia
  Derek Ramsay Ellen Adarna
 
Derek Ramsay & Ellen Adarna
John Lloyd Cruz
 
John Lloyd Cruz
  Vhong Navarro
 
Vhong Navarro
  Willie Revillame
 
Willie Revillame
  Alden Richards
 
Alden Richards
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Lotlot De Leon
 
Lotlot De Leon
  Vice Ganda
 
Vice Ganda

Sue Ramirez – Ang bagong crush ng mga bagets

Tanungin mo ang mga bagets kung sino ang crush nilang artista at isang pangalan lang ang kanilang sasabihin – si Sue Ramirez.

Matagal na hinawakan ni Alice Dixson ang tronong ‘yon. Si Alice ang pinapangarap ng mga bagets noon, ang kanilang crush, pero nagbabago nga ang panahon.

Ngayon ay si Sue Ramirez na ang crush ng mga bagets, siya ang pinapangarap makilala ng mga kabataan, panahon na ni Sue Ramirez.

May mga dahilan naman kung bakit. May kolorete o wala sa mukha ay napakaganda ng dalaga. Simple rin siya, walang kaarte-arte sa katawan, walang yabang.

Marami nang puhunan si Sue sa pag-arte. Para rin siyang kangkong, kahit saan mo itapon ay tumutubo, nabibigyan ng hustisya ang role na ibinibigay sa kaniya ng produksiyon.

At isa pang karagdagan papuri kay Sue ay ang masarap niyang pagmamahal sa kaniyang pinagmulan. Ilongga ang kaniyang ina, nasa Sipalay, Negros Occidental ang kanilang lahi, napakatatas mag-Ilonggo ni Sue.

Nang salantahin ng bagyong Odette ang kanilang lugar ay walang nagawa si Sue kundi ang umiyak na lang sa sobrang awa sa inabot ng kaniyang mga kababayan.

Nagiba ang mga bahay, kasama na ang sa kaniyang mga kamag-anak, kaya siya ang namuno sa isang charity fund raising para kahit paano’y makatulong sa pagbangon ng mga taga-Sipalay City.

Sa unang pagkakataon ay gagampanan niya ang papel ng isang mistress, si Jodi Sta. Maria ang palagi niyang kaeksena, pinaghandaan na ng kaniyang kalooban na kapag umere na ang The Broken Marriage Vow ay makakatikim siya ng hagupit ng dila ng manonood dahil sa ikot ng istorya.

“Opo, nakahanda na po ako. Pinaghandaan ko na po ‘yon. Pero ang maganda lang, alam nila na may role lang akong ginagampanan,” nakangiting pahayag ng magandang aktres.

Carla Abellana at Tom Rodriguez – Hiwalay na?

Sino kaya ang tinutukoy na ka-network din nila na naging dahilan nang matinding away nina Tom Rodriguez at Carla Abellana?

Ayon sa mga umiikot na istorya ay taga-GMA-7 din daw ang babaeng binibigyan ng atensiyon ni Tom na nahuli ni Carla. Ilang panahon na raw na may mga dumarating na kuwento kay Carla tungkol sa kaniyang mister at sa babaeng ka-network nila pero hindi lang niya pinapansin.

Pero siguro nga ay nag-ipon ng resibo si Carla, nang maipon na niya ang mga ebidensiya ay saka na lang siya kumilos.

Nakakalungkot ang nangyari kina Tom at Carla. Napakatagal muna nilang naging magkarelasyon bago dumating ang napakaespesyal na araw ng kanilang kasal noong Oktubre.

Umiiyak-iyak pa si Tom noong kasal nila dahil palihim na ipinakuha ni Carla ang paboritong sombrero ng namayapang ama ni Tom.

Tatlong buwan pa lang silang kasal pero dumating agad ang matinding pagsubok sa kanilang pagmamahalan. Pero siguro naman ay sila ring dalawa ang gagamot sa kanilang problema.

Mahal na mahal ni Carla si Tom, makukuha pa siguro ang matindi niyang galit sa maayos na pagpapaliwanag, sa ngalan ng pag-ibig ay kinakayang lunukin ng mag-asawa ang kanilang pride.

Diego Loyzaga at Barbie Imperial – Magpakatotoo na kasi

 Kailangang linawin nina Diego Loyzaga at Barbie Imperial ang totoong estado ng kanilang relasyon ngayon. Sa Amerika nag-Pasko si Diego kasama ang kaniyang mga pinsan, hindi kasama si Barbie, bakit hindi ito kasama ang linuurirat ng marami.

At bakit tahimik ang magkabilang kampo? Dati ay nagpo-post sila ng malalagkit nilang mensahe bilang paramdam sa kanilang pagmamahalan.

Pero noong Kapaskuhan ay wala silang pagpapalitan ng post, napakalamig ng kanilang Pasko, ano ba ang totoo sa kanila?

Nauugnay ngayon si Barbie kay Tony Labrusca, pero bakit kaya ayaw bilhin ng iba ang kuwento, mayroon kaya silang naamoy na kung ano o ipinagpalagay nila na magkaibigan lang naman ang dalawa.

Kung gaano kainit ang pagmamahalan noon nina Diego at Barbie ay ‘yon naman ang paglamig ngayon ng kanilang relasyon. Isang source ang nagbulong sa amin na nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan bago mag-Christmas.

“Ayaw paalisin ni Barbie si Diego pero napakatagal nang plano ‘yon ng magpipinsan. Committed na siya sa mga relatives niya,” sabi pa ng aming source.

Kailangan na nilang magpakatotoo. Sabihin dapat nila kung ano ang nangyari para hindi na sila pinagpipistahan ng mga Marites.

Joshua Garcia – Ibang klase ang karisma

Ibang klase ang karisma ni Joshua Garcia. Kaunting galaw lang niya ay milyunan na agad ang views niya sa Tiktok. Hindi pa nga siya gumigiling-giling noong lagay na ‘yon, nahihiya pa nga siya, pero grabe ang ibinibigay na sukli sa kaniya ng publiko.

‘Yong isang ginawa niya na kunwari ay may padila-dila pa siya na sobra niyang ikinahiya, tapos ay nag-ala Michael Jackson siyang hinimas nang makalawa ang kaniyang kargada, susmaryosep!

Daang milyon na ang views noon! Wala naman siyang ipinakita, napakaigsi pa, pero ginulantang ni Joshua Garcia ang mga kababayan natin.

Ganoon siya kamahal ng publiko, tahimik lang ang kaniyang mga tagasuporta, pero napakatindi pala ng pagsuporta sa kaniya.

Magaling umarte si Joshua, siya nga ang tinatawag na batang John Lloyd Cruz ng marami, maraming nag-akala nang mabuwag ang loveteam nila ni Julia Barretto ay para na lang siyang bula na mawawala.

Nang makipagrelasyon si Julia kay Gerald Anderson ay nagmukhang basang sisiw ang imahe ni Joshua, nakakaawa raw naman siya, pero mayroon palang regalo ‘yon sa bandang huli.

Ang milyun-milyong views na tinatanggap niya sa Tiktok ay isang napakalaking patunay na nakuha niya ang simpatya ng publiko nang magkahiwalay sila ni Julia.

Hindi siya nawala, hindi nabalagoong ang kaniyang karera, mas dumami pa nga ang nagmahal at sumuporta sa kaniya nang wala si Julia.

Simple lang ang pag-aanalisa. Ang artistang may talento ay mayroon, ang wala ay wala, ganoon lang ‘yon.

Derek Ramsay, Ellen Adarna at John Lloyd Cruz – Dapat tularan

Dapat tularan ng ibang mga personalidad ang magandang usapan nina Derek Ramsay, Ellen Adarna at John Lloyd Cruz tungkol kay Elias Modesto.

Pare-pareho silang nagkakaroon ng espesyal na pagkakataon para makasama ang bata. Malinaw ang kanilang usapan. Tuwing Sabado at Linggo ay si JLC ang kasama ng bata at sa mga ordinaryong araw naman na mas marami kung tutuusin ay nakina Derek at Ellen si Elias.

Walang bumabali sa kanilang usapan, wala mang kontratang nakasulat na ganoon ang kanilang kasunduan ay hindi nila sinisira, pare-pareho silang may word of honour.

Si Lloydie mismo ang sumusundo kay Elias, walang problema dahil tinatanggap naman siya nang maayos ng mag-asawang Derek at Ellen, ganoon din ang usapan kapag ihinahatid na ang bata.

Maaaring nag-aalala ang marami dahil baka maapektuhan ng ganoong set-up si Elias. Maguguluhan ang bata kung bakit para itong bolang pinagpapasahan ng magkabilang kampo.

Siguradong ipinaliliwanag na nila ang sitwasyon kay Elias, ibang-iba na ang mga bata ngayon, sa ilang kuwento lang ay nakukuha na nila agad ang sitwasyon.

Maraming dating magkarelasyon na hindi nagkakaintindihan sa paghihiraman ng kanilang anak. Nagiging dahilan pa ‘yon ng kanilang away.

Kumuha na lang siguro sila ng seminar kina John Lloyd Cruz, Derek Ramsay at Ellen Adarna.

Vhong Navarro – Malaki ang pasasalamat kay Willie Revillame

Ang dami-daming tumatawag sa amin para magtanong kung bakit nagpasalamat si Vhong Navarro kay Willie Revillame sa pagbati niya sa kaarawan ng sikat na TV host.

Ang eksaktong pahayag ni Vhong, “May mga pagkakataon ng nagbibigay ka ng tulong kahit hindi hinihingi sa iyo. At isa ako sa naka-experience noon.”

Nagtaka ang marami, ano ba ang nagawang tulong ni Willie kay Vhong at kailan nangyari ‘yon, dahil wala namang lumabas na isyung tinulungan siya ni Willie noong mga nakakaraang panahon?

Totoong napakatagal nang nangyari noon, alam namin ang istorya, pero ayaw ipasulat ni Willie. Pero dahil kay Vhong naman nanggaling ang pangyayari ay kailangan naming sagutin ang tanong ng mga nagtatanong-nagtataka kung ano ‘yon.

Maraming taon na ang nakararaan ay nasangkot si Vhong Navarro sa isang kalunus-lunos na senaryong ikinagimbal ng buong bayan. Hindi na namin idedetalye pa ang pangyayari pero ‘yon ang naganap na bugbugan sa elevator na ilang taon nilang pinaglabanan sa korte ng mga gumawa sa kaniya.

Dinalaw ni Willie si Vhong sa ospital. Personal na nakita ni Willie ang itsura ni Vhong na sarado ang mga mata at puro pasa ang buong mukha.

May kaliitan ang kuwarto ni Vhong. Kapag nagkasabay-sabay ang mga imbestigador, abogado at mga doktor ng pasyente ay hindi na halos sila makagagalaw.

Pinalipat ni Willie si Vhong sa mas malaking kuwarto para maging kumportable siya. May iniabot na tseke si Willie kay Vhong, isang milyong piso ang nakasulat na halaga, napaluha si Vhong.

‘Yon ang kuwento na ngayon lang namin inilabas nang walang paalam kay Willie. ‘Yon ang hanggang ngayon, hindi man sila nagkikitang madalas, ay hinding-hindi makakalimutan ni Vhong Navarro tungkol sa kabutihan ng puso ng kaniyang Kuya Wil.

***

Isaw party ang pinagsaluhan ni Willie Revillame at ng kaniyang mga kaibigan at staff noong kaniyang kaarawan. Nag-ihaw-ihaw sila. May barbecue, hindi mawawala siyempre ang isaw, at hotdog naman para sa mga batang nandoon.

Hindi na namin babanggitin kung sino ang karelasyon ni Willie, pero noong sila pa ang magkasama ay madalas silang magpunta sa may UP, kumakain sila ng masarap na isaw na ibinebenta doon.

Kahit sa kaniyang programa sa TV5 noon, may nag-iihaw ng isaw sa likuran ng studio, paboritong pagkain ng sikat na TV host ang isaw.

Biro ni prop, “Nakakatuwa naman si Willie, namigay siya nang one hundred thousand sa mga tinawagan niya, ilang one hundred thousand ‘yon, pero ang party niya, e, napakasimple!”

Sa totoo lang, tuwing dumarating ang kaniyang kaarawan ay hindi nakasanayan ng Wowowin host ang magpa-party. Ibang tao ang naghahanda para sa kaniya.

Mas gusto niyang siya ang mamigay ng regalo sa kaniyang mga tagasuporta, napakalaking bagay nga naman noon lalo na ngayong pandemya, na tinupad niya naman.

Nag-iiyakan ang mga tinatawagan niya, hindi nga ba naman kasi napakalaking biyaya nang isandaang libong piso ngayong naghihirap ang buong mundo, parang biyayang bumagsak ‘yon mula sa langit.

Masayang-masaya si Willie kapag mayroon siyang pinasasaya, kapag alam niyang nakapagsalba siya ng mga kababayan natin sa tiyak na kagutuman, doon nanggagaling ang kaniyang kaligayahan.

Gretchen Barretto – Namahagi na naman ng ayuda

Ngayong papasok na linggo ay magsisimula na uli si Gretchen Barretto sa pamamahagi ng ayuda sa mga kababayan nating sobrang apektado ng pandemya.

Sa pagsargo ng bilang ng mga kinakapitan ng virus ay natural lang na marami na namang ipinagbabawal ang ating pamahalaan. Marami na namang nawalan ng trabaho, maraming pamilyang iniraraos na lang ang kagutuman sa maghapon, sila naman ang babahaginan ng tulong ng mapusong si Gretchen.

“Karate Queen” na rin ang tawag ngayon sa aktres ng marami sa pagiging bukas ng kaniyang palad sa pagtulong. Pagkatapos niyang pasayahin ang mundo ng showbiz noong bago mag-Pasko ay ang mga kababayan naman natin ang bibigyan niya ng ayuda.

Napakarami nating kilalang literal din namang nahihiga sa salapi, pero wala sa kanilang bokabularyo ang pagtulong, kaya namumukod-tangi si Gretchen. May mga pulitiko ring kayang-kaya namang tumulong dahil sobra-sobra na ang kanilang yaman, pero deadma lang, wala silang pakialam.

May mga pulitiko ngang nagpayaman habang nakaupo sila, pero nang magdesisyong babaklas na sa mundo ng pulitika ay nagtengang-kawali na lang, kasi nga ay hindi na sila mamamalimos ng boto.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Dahil sa ginagawa na pagtulong ni Gretchen, kapag tinitingnan ko ang mga pictures niya sa social media, I can’t see anything bad in her eyes.

“Nabura na sa isip ko ang pag-aaway nilang magkakapatid na parang magkaibang sinpupunan ang pinanggalingan nila, natakpan na ‘yun ng mabuting puso niya sa pagtulong sa mga kababayan natin.

“Ganoon naman talaga. Kapag maganda ang puso ng tao, mas gumaganda pa siya sa paningin mo,” mahabang komento ni prop.

Mismo! Parang lalaki raw na hindi naman guwapo, pero kapag nagmamaneho na ng Rolls Royce ay biglang humihingi ng pangalawang tingin, ang layo naman ng pagkukumpara.

Right or left, SOS?

Alden Richards – Dakila ang puso

Dakila ang puso ni Alden Richards. Wala tayong kamalay-malay pero marami na pala siyang napagtapos sa pag-aaral. Tahimik lang niyang ginawa ang pagtulong.

May isa siyang napagtapos na nagtatrabaho na ngayon, nakatutulong na ito sa kaniyang pamilya, pitong taon na ang nakararaan nang sagutin ni Alden ang matrikula niya sa high school at kolehiyo.

Marami siyang bagong iskolar ngayon. Kasama na sa hanay ng kaniyang mga pinag-aaral ang isang estudyanteng walang mga kamay at paa nang ipanganak.

Nanghihinayang si Alden dahil mayroon mang kakulangan sa katawan ang estudyante ay matalino naman pero hindi kayang pag-aralin ng kaniyang pamilyang walang-wala sa buhay.

Nangingilid ang luhang mensahe ni Alden, “Napakahalaga sa akin ng education. Alam ko ang ganyang sitwasyon. Magka-college ako noong mamatay ang mommy ko. Hindi naman kami mayaman.

“Masakit sa loob ko ang makakita ng batang hindi nag-aaral dahil lang sa walang pang-tuition. Hanggang kakayanin ko, gagawa ako ng paraan para makatulong sa mga estudyanteng nangangarap makatapos ng pag-aaral,” komento ng Pambansang Bae.

Ang lahat ng kikitain sa kaniyang concert noon January 30 ay magiging pondo ng kaniyang AR Foundation. Mas palalalimin pa nila ang balon ng pampinansiyal na pangangailangan ng mga iskolar niya.

Napakamabuting adhikain, edukasyon ang kaniyang ipinaglalaban, ang tanging kayamanang iiwan ng mga magulang sa kanilang anak na hindi mananakaw ninuman.

Uulitin namin, ang taong tumutulong sa mga dukha ay nagpapautang sa Diyos, hindi lang ang taong iniaangat niya ang buhay ang naliligayahan kundi ang Diyos na pinanggalingan din ng kayang mga biyaya.

Kaya naman hindi apektado ng kahit anong kahirapan ngayong pandemya si Alden Richards. Trabaho ang lumalapit sa kaniya at hindi niya kailangang maghanap.

Napakasuwerteng anak ng Diyos ni Alden. Ang kaniyang kaguwapuhan ay pinapalakpakan. Ang kaniyang pusong matulungin ay dinadakila ng mahihirap. Siya ang pinakapopular na aktor ng kaniyang panahon.

Ganoon kung gumanti ang langit. Ang mga kakulangan ay Siya ang magpupuno. ‘Yun ang mga pautang ni Alden Richards sa mga dukha na ibinabalik sa kaniya nang maraming beses ng kapalaran.

Ang mapagkumbabang puso niya ang mas nag-aangat pa kay Alden Richards. Patuloy siyang itinataas kahit pa ang mundong ginagalawan niya ay kapos na kapos dahil sa pandemya.

Kris Aquino – Ano ang tunay na kalagayan?

Hindi maganda ang gising namin kahapon. Napanaginipan namin si Kris Aquino. Bumiyahe raw siya sa ibang bansa para magpagamot. Nakadalawang linggo raw naman siya sa ospital pero binawian din siya ng buhay.

Bago kami natulog ay ipinagdasal pa namin si Kris. Ilang linggo na namin siyang ibinabahagi sa aming mga panalangin. ‘Yun lang naman kasi ang maitutulong namin sa kaniyang pinagdadaanan ngayon.

Humihingi kami ng milagro para sa kaniya. Na kung may mahuhulog mang himala mula sa langit, sana’y masambot niya ang isa, si Kris na rin kasi ang nagsabing wala nang paggaling ang kaniyang autoimmune disease.

Nakalulungkot lang na habang nagdurusa si Kris at patuloy nang pumapayat ay mayroon pa ring mga taong hindi naniniwala sa kaniyang dinaramdam.

Ginagamit lang daw ‘yon na dahilan ng TV host para siya kaawaan. Kailangan daw tanggapin ni Kris na ‘yon ang kaniyang karma. Masasakit ang mga salitang ikinakapit kay Kris.

Nangyari na ang ganiyan noon kay Roxanne Abad Santos, ang pumanaw na artistang nakatambal ni Gabby Concepcion sa isang pelikula (Miracle Of Love), ayaw ring paniwalaan ng marami na mayroon itong cancer.

Ginagamit lang daw ang sakit ng dalaga para sa promosyon ng pelikula nila ni Gabby. Pero pagkatapos ng proyekto ay pumanaw si Roxanne, noon lang naniwala ang mga pilosopo, totoo raw palang malala na ang sakit ni Roxanne.

Kabaligtaran daw ang panaginip. Ibig sabihi’y lalakas pa si Kris at natatagpuan na ng mga espesyalista kung saan nagmumula ang kaniyang sakit.

Kung totoo ngang kabaligtaran ang laman ng ating panaginip, sana’y gabi-gabi naming mapanaginipan na namaalam na si Kris, para humaba pa ang kaniyang buhay.

Hindi simple ang kaniyang pinagdadaanan. Parang braso na lang ng sanggol ang mayroon siya ngayon. Humpak na ang kaniyang mga pisngi at halatang-halatang parang sumusuko na siya kaya ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang kaniyang kahihinatnan.

Totoo namang sa libro ng Panginoon ay nakasulat ang ating kapanganakan at panahon ng pamamaalam. ‘Yun lang ang dalawang katotohanan sa buhay na ito.

***

Maraming kinabahan sa terminong medical emergency na ikinakambal kay Kris Aquino para makaalis siya at makapagpagamot sa ibang bansa.

Kapag sinabi nga namang medical emergency ay parang sobrang malala na ang sakit ng isang pasyente, parang kailangang-kailangan na niya ng medical attention, kaya dapat na siyang makaalis.

Sa panahong ito ay napakarami nang tumutulong kay Kris para makalipad siya papuntang Amerika. Pati mga taong-gobyerno ay nagbibigay na ng tulong kay Kris. Ganoon din ang dahilan – medical emergency.

Pero pinagdadamutan ng panahon at pagkakataon si Kris. Matindi ang mga protocols na hinihingi sa lahat ng mga bumibiyahe pauwi at paalis ng bansa.

Napakaraming kailangan, ang dami-daming hinahanap, kaya ang mabilisan niyang pagpapagamot sa ibang bansa ay nagtatagal.

May kaibigan kami na tinanggihan na ng mga doktor dito sa Pilipinas ang kalagayan ng kaniyang mister. Pero dahil mayroon silang sobra pa sa sapat na panggastos sa gamutan ay sa Singapore nila dinala ang pasyente.

Pribadong eroplano ang nagdadala at pribadong eroplano rin ang nag-uuwi kapag umaayos na ang sitwasyon. Grabe ang kanilang ginastos sa kabuuan ng gamutan. Nasa tatlong daang milyong piso.

Pero walang pinagsisisihan ang pamilya ng aming kaibigan, inilaban nila ang kaligtasan ng kaniyang mister, kaya nga lang ay hindi nila hawak ang kapalaran ng kanilang mahal sa buhay.

Sabi ng aming kaibigan, “Napakatindi ng gamutan sa ibang bansa. Araw-araw, parang nilalaslas ang bulsa mo. Everyday, nakikipagsapalaran ka. Everyday rin, dasal ka nang dasal na sana, humaba pa ang buhay ng mahal mo.

“Pero ganoon talaga, hindi naman tayo ang may hawak ng buhay ng pasyente, pinakamagagaling mang doktor sa buong mundo ang gumamot sa kaniya, balewala rin if it’s time for him to go na.

“We can only ask, we can only pray, we can only request, pero kapag talagang panahon na para siya magpaalam, wala na tayong magagawa. Kailangan na lang nating tanggapin na kalooban ng Diyos ang masusunod,” detalyadong kuwento ng aming kaibigan.

***

May mga nakakausap kaming kaibigan na hindi na masyadong nag-aalala sa kundisyon ng pangangatawan ngayon ni Kris Aquino. Hangad pa rin nilang makabawi sa sobrang kapayatan ang TV host pero hanggang doon na lang ‘yon.

Sabi ng isang guro naming kaibigan, “At least, maganda na ang nangyayari, hindi na ako masyadong nag-aalala sa kaniya. Dati kasi, e, sobra akong problemado.

“Noong makita ko ang video at mga pictures niyang halos buto at balat na lang siya, talagang awang-awa ako sa kaniya. In fact, I prayed for Kris.

“Pero noong sunud-sunod na siyang nagpo-post, naisip ko, maayos na siguro ang health niya, kasi, para makapag-post siya ng ganoon, she must be feeling better na,” paliwanag ng aming kaibigan.

‘Yun ang punto ng mga kababayan nating bumibira kay Kris ngayon sa social media. Sana raw ay tigilan na niya ang pagpo-post, ang paglalabas ng mga rebelasyon, ang pagbira sa kaniyang dating karelasyong si Mel Sarmiento.

Ang tao raw kasing maysakit na dumadaan sa health emergency ay hindi na makukuha pang mag-post nang mag-post. Utak ang gumagana kapag ganoon, sumusunod lang ang katawan sa estado ng isip, kaya sa pagpapalagay ng mga bashers at haters ni Kris ay isinasangkalan lang niya ang kaniyang pagkakasakit.

Kung minsan talaga ay nakapagdududa ang isang bagay kapag iba naman ang ginagawa ng maysakit. Matindi pala ang kaniyang pinagdadaanan, sobra nang bumabagsak ang kaniyang timbang, pero paano pa niya naihahanap ng panahon ang pagpo-post?

Ngayon ay pinapayuhan ni Kris ang mga tagasuporta niya na huwag nang pansinin pa si Mel. Nakuha na raw nito ang kaniyang gusto, napasikat na raw niya ito, kaya deadma na lang dapat kay Mel ang kaniyang mga loyalista.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “At partida pa ‘yan, ha? May pinagdadaanan pa siyang matinding sakit n’yan? Paano kung wala pala siyang dinaramdam? Inihaw nang sunog na sunog sigurado si Mel!”

Haaaay!

Lotlot De Leon – Walang utang na loob?

Maraming nagtatanong sa amin kung bakit walang kahit anong pahayag si Nora Aunor sa pinagpipistahang isyu ngayon tungkol sa kanilang mag-iina.

Nagsalita na raw ang kaniyang mga anak, lalo na si Lotlot, pero bakit parang wala man lang salitang nanggagaling sa Superstar tungkol doon?

At dahil walang anumang komento si Nora ay ang kaniyang mga tagasuporta ang sumasagot para sa kaniya, sila ang nagpapakain ng ampalaya kay Lotlot, ang tumatawag sa panganay na ampon ni Nora bilang walang utang na loob.

Kunsabagay ay sanay na ang publiko sa hindi masalitang Superstar. Kundi pa nga siya puntahan sa shooting o taping ng mga reporters para interbyuhin ay wala pa siyang lalabas na anumang publisidad.

Sinasadya siguro ng Superstar ang ganoon, kung magsasalita nga naman siya ay mas lalawak pa ang isyu, samantalang kung mananahimik siya ay mabilis na mamamatay ang kontrobersiya.

Wala siyang anumang sasabihin ay wala rin siyang babawiin pagdating ng araw. Ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang lahat.

Maganda ang ginagawa ni Nora. Wala siyang ipinauutang na salita, lalo na’t mga anak niiya naman ang sangkot, ayaw niyang makasakit ng kalooban.

Pero hindi ganoon ang mga Noranians, patuloy siyang ipinagtatanggol ng kaniyang mga tagahanga, kundi raw tinanggap ng Superstar si Lotlot ay ano kaya ang buhay nito ngayon?

Sa apat na ampon ni Nora ay malambot ang puso ng mga Noranians kay Matet, matanaw raw ng utang na loob si Matetsky, dahil hindi ito nakalilimot na dumalaw sa kaniyang kinagisnang ina.

“Ipinagluluto pa niya si Guy, basta may free time siya, agad nang nakadalaw sa mommy niya, napakalayo ng ugali niya kay Lotlot!” komento pa ng dating malapit sa Superstar.

Problema ‘yun ng mag-ina, hindi natin alam kung gaano kalalim ang naging dahilan ng kanilang paglalayo, pero siguradong isang araw ay magkukrus din ang landas nina Nora at Lotlot.

Vice Ganda – Pikon at balat-sibuyas

Ang pinalulutang na pagkapikon ngayon at pagiging balat-sibuyas ni Vice Ganda ay senyal na ng pag-aalala sa kung saan hahantong ang kaniyang popularidad at karera.

Tinatamaan na ng pagiging insecure ang sikat na komedyante. Dahil kung buung-buo pa ang tiwala niya sa kaniyang kasikatan at career ay hindi siya maghahanap ng mga kalaban.

Pikon si Vice. Magaling siyang mamikon ng kaniyang kapuwa, pero kapag siya ang napipikon, ayaw na ayaw niya sa ganoon.

Alam ni Vice Ganda ang pinasok niyang mundo. Ito ang balwarteng wala siyang ligtas sa pamumuna, hindi siya makatatakas sa mga pagpansin, dahil public figure siya.

Pero ano ang gustong mangyari ng komedyanteng ito na ihinahalintulad ang kaniyang sarili sa kabayo? Puro magaganda lang ang kailangang mabasa niya, puro papuri lang dapat ang maririnig niya, dahil kapag mayroong nega ay maninipa siya.

Napakagaling niyang mangpahiya ng ibang tao, kung pangaralan niya ang mga Marites ay para siyang guro na walang bahid-dungis, samantalang marumi rin naman ang bibig niya.

Maraming sinasaktan si Vice, hindi na lang kumikibo, dahil kilalang-kilala siyang benggadora. Hindi siya tumatanggap ng mga pagkakamali, napakalinis niya talaga, baka nga pagdating sa paghuhukom ay siya lang ang maligtas sa pakiramdam niya.

Hanggang hindi humaharap sa katotohanan si Vice Ganda ay mawawalan ng saysay ang kung anumang mayroon siya. Mananatiling punumpuno ng galit ang kaniyang puso sa mga taong pumapansin-pumupuna sa kaniya.

Ayaw niyang may kumokontra sa kaniya? Mamundok siya! Pero gustung-gusto niya ang pag-aartista, dito kumapal ang bulsa niya, ito ang mundong nagpabago sa estado ng kaniyang buhay.

Daang milyon ang kinikita niya sa pag-aartista, natupad na ang lahat ng mga pangarap niya, kaya kailangang ihanda rin niya ang kaniyang sarili sa presyong kailangan niyang pagbayaran sa pagiging sikat na artista.

Ano ‘yun? Hamig lang siya nang hamig ng kaniyang kinikita pero kailangang nakasilid siya sa kahon na walang sinumang kailangang makialam sa buhay at karera niya?

Ano si Vice Ganda, sinusuwerte, katangi-tangi? E, kung ang mga mas sikat nga kaysa sa kaniya na sina Nora Aunor, Sharon Cuneta, Vilma Santos, Maricel Soriano at marami pang iba ay tumatanggap ng mga negatibong komento, siya pa ba ang magpapakapikon, siya pa ba ang magiging choosy? – CSF