
Opinions
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Bea Alonzo |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
Rita Daniela & Ken Chan
|
|
![]() |
|
Piolo Pascual & Shaine Magdayao
|
|
![]() |
|
Nora Aunor’s family |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
Terrence Romero
|
|
![]() |
|
Beatrice Pia White
|
Lalong naalarma ang mga kababayan natin sa sitwasyon ng pangangatawan ni Kris Aquino sa kaniyang pinakahuling IG post.
Bagsak na bagsak na ang kaniyang katawan, napakapayat na niya, hirap na hirap din ang kaniyang nurse na saksakan siya ng suwero dahil sa sobrang nipis ng kaniyang mga ugat na nagbibigayan na.
Pagkaliliit na ng kaniyang mga braso, humpak na ang kaniyang mga pisngi, kitang-kita talaga ang patuloy na pamomroblema ni Kris sa kaniyang sakit.
Dahil doon ay may mga nagtawagan sa amin, bakit daw hindi magbigay ng panahong maniwala si Kris sa mga albularyo, marami rin daw milyonaryong napapagaling ang mga ganoong manggagamot!
Sabi pa ng isang kausap namin, “May mga milyonaryong tinaningan na ng mga doktor na napapagaling ang mga albularyo. Si Kris na mismo ang nagsasabing hindi makita ang dahilan ng sakit niya, wala na raw cure iyon, remedy na lang ang maibibigay sa kaniya.
“Masama bang malaman ng publiko na nagpapagamot na rin siya sa mga albularyo? Nakakaawa na kasi siya, sobrang payat na niya!” madiing pang sabi ng aming kausap.
Sa ngayon ay hindi pa bukas ang isip ni Kris na humingi ng tulong sa mga albularyo. Magpapagamot pa rin siya sa ibang bansa. Kailangan niyang magpalakas para sa kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby.
Sinabi rin ni Kris na isinuko na niya sa Diyos ang anumang maaaring mangyari sa kaniya. Itinaas na raw niya sa Diyos ang kaniyang kalagayan ngayon.
Sa kabila ng paghina ng kaniyang katawan ay patuloy pa rin si Kris sa pagbibigay ng tulong para sa mga kababayan natin. Napakaganda ng ginagawa niya. Siya ang may kakayahang tumulong kaya siya ang nagbibigay.
Hindi tayo hinuhusgahan ng Diyos sa ating mga sinasabi, binabasa Niya ang laman ng ating puso, harinawang regaluhan si Kris ng Diyos ng matatag na kalusugan.
Makabawi sana siya. Madiskubre na sana ng mga doktor ang tamang gamot na makapagpapagaling sa kaniya. Sobra pa sa sapat ang kaniyang pera para mapagaling siya.
Pero sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Money is not everything. Maraming hindi kayang bilhin ang pera. Good health is one.”
Aminado si Bea Alonzo na kapag nandoon siya sa kaniyang Beati Firma Farm sa Zambales ay parang nakakalimutan niya ang lahat ng pagod niya sa pagtatrabaho.
Noong huling dalaw niya ay nagtanim pa siya ng dalawang puno ng calamansi, namitas siya ng mga gulay na kinagabihan ay iniluto ng kaniyang ina, hayahay naman talaga ang buhay sa bukid.
Tapos na ang bahay nila ng kaniyang mommy, napakalaki ng pasasalamat niya kay Mommy Mary Anne at sa kaniyang stepdad na si Ronald, dahil ang mga ito ang patuloy na nag-aalaga sa kaniyang farm.
Dahil PWD nga ang kaniyang ina ay ipinasadya niya ang maraming lugar ng bahay. Sa paliligo ni Mommy Mary Anne ay mayroon itong upuan na malapit sa shower.
Sabi ni Bea, “Hindi kasi siya makatatayo sa paliligo, kaya pinagawan namin si mommy ng upuan na sementado. Kailangang ibigay natin ang comfort sa parents nating PWD.”
Napakaganda ng kaniyang farm. Sa paggising niya ay kitang-kita niya agad ang hilera ng mga puno ng mangga sa kaniyang bintana. Nadagdagan na rin ang mga alaga nilang hayop, ang kanilang gulayan, ang kanilang fish pond at mga kubo kung saan sila nagsasalo-salo kapag nandoon siya.
Kung wala lang sa Maynila ang tunay na laban ng karera ni Bea ay baka nga doon na lang niya gustong mamalagi kasama siyempre ang kaniyang mahal na si Dominic Roque.
Produkto ng pagtatrabaho ni Bea Alonzo nang maraming taon ang kaniyang Beati Firma Farm. Tanawin lang niya ang malawak na lupain ay makakaramdam na siya ng kaligayahan dahil hindi nasayang ang kaniyang pinaghirapan.
Sa Lake Tahoe sinalubong ni Alden Richards ang kaniyang kaarawan kasama ang kaniyang kapatid at ilang malalapit na kaibigan. Sa larawan niyang lumabas ay para siyang nakatalukbong ng kumot.
Ang Lake Tahoe ay isang malawak na bundok ng yelo. Nandoon din ang mga ice glaciers (mga buo-buong malalaking tipak ng yelo na tulad ng nabangga ng barko sa pelikulang Titanic).
Talagang kailangang magtalukbong si Alden sa sobrang lamig ng lugar lalo pa’t alas dose nang hatinggabi ang pang-aasalto sa kaniya.
Hindi sasapat ang pasasalamat lang sa Diyos ang mensahe ni Alden. Naging napakabait nga naman sa kaniya ng kapalaran. Natupad ang lahat ng kaniyang mga pangarap nang dumating na ang takdang panahon ng kaniyang kasikatan.
Wala na siyang mahihiling pa sa sitwasyon ng kaniyang buhay at karera ngayon. Nagkaroon ng pandemya pero hindi naapektuhan ang kaniyang pag-aartista. Tuluy-tuloy pa rin ang kaniyang trabaho habang naghihintay sa wala ang marami niyang kasamahan.
Iyon ay dahil sa kaniyang pagsisikap at pagsisipag, wala sa kaniyang bokabularyo ang pagrereklamo, marunong siyang makisama at palaging nakalapat ang magkabila niyang paa sa lupa.
Walang dahilan para hindi magtagumpay ang isang tulad ni Alden Richards na hindi pinagbago ng oportunidad at kinang ng salapi. Wala siyang ipinagbago.
At napakabukas ng puso ng Pambansang Bae sa mga tunay na nangangailangan. Tumutulong siya nang tahimik, walang kahit anong ingay, kaya bumabalik sa kaniya ang biyaya nang hindi lang sampung doble kundi higit pa.
***
Parang makinang bagong linis at pahinga ngayon si Alden Richards. Naka-quarantine pa siya sa isang five-star hotel ngayon pagkatapos niyang magbakasyon sa Amerika pero trabaho agad ang kaniyang aasikasuhin paglabas niya.
Parang makina uli siyang magtatrabaho, una niyang sesentruhan ang kaniyang concert na gaganapin sa January 30, napakapersonal ng atake ng concert dahil iikot iyon sa kaniyang pribadong buhay.
Ang kikitain ng kaniyang concert ang ipangtutulong niya sa mga kabataang matalino pero walang kapasidad na makapag-aral. Ramdam na ramdam ng Pambansang Bae ang ganoong klase ng sitwasyon dahil aminado siyang mahirap lang ang pamilyang pinanggalingan niya.
Totoo. Nang pumanaw ang kaniyang ina ay kinailangang magretiro ng ama niya para ang makukuhang pera nito ay maipampapalibing naman sa kaniyang mommy.
“Kaya po kapag nagdarasal ako, it’s more of thanking the Lord na dahil sa ibinigay niyang mga biyaya sa pamilya namin. Naging maginhawa po at kumportable ang buhay namin dahil sa trabaho ko,” mapagkumbabang sabi ni Alden.
Nakabalik na si Alden Richards, pero ang mga positibong kuwento ng mga kababayan nating nakaengkuwentro niya sa Amerika ay naiwanan doon, tulad ng kaniyang kabaitan at pagiging mapagkumbaba.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Iba ang dating ni Alden sa publiko. Parang hindi siya artista. Parang anak, apo at pamangkin siya ng mga kababayan natin.
“Napakalapit niya sa puso ng masa, itinuturing siyang hindi iba. It pays to be nice and humble talaga,” opinyon ni prop.
Maraming nagtatanong-nagtataka kung bakit parang pinagkaisahan ng mga jurors ng MMFF ang pelikulang pinagtambalan nina Ken Chan at Rita Daniela.
Kung hindi pa ibinigay sa kanila ang parangal para sa musical scoring ay uuwing humahagulgol ang buong produksiyon dahil wala talaga silang nakuhang nominasyon man lang sa maraming aspetong pinaglabanan.
Ang dami-dami pa namang kaibigang nakapanood ng Huling Ulan Sa Tag-Araw ang nagsabi sa amin na maganda ang pelikula at mahuhusay sina Ken at Rita sa mga papel na ipinagkatiwala sa kanila.
Sabi ng isang taga-MMFF na tinanong namin, “Kasi naman, dying of cancer si Rita, pero hindi kapani-paniwalang may taning na ang buhay niya. Malusog siya, paano naman magiging convincing ang ganoon?
“Kung ngayon ginawa ang movie, e, puwede pa, dahil nag-diet si Rita. Malaki ang nabawas sa timbang niya, magiging kapani-paniwala na mamamatay na nga siya!” komento ng aming tinanong.
Pero maraming tagahanga pa rin ng tambalan ang naniniwalang parang pinagkaisahan ang pelikula ng kanilang mga idolo. Mahuhusay sina Ken at Rita, pero kahit nominasyon man lang ay hindi sila binigyan, kaya parangal pa kaya ang magiging posible?
“Hindi kayang kunin sa make-up lang ang mga eksenang mamatay si Rita, hindi pa rin siya convincing, kailangang umaayon ang physical appearance ng artista sa role na ginagampanan niya,” madiing sabi ng taga-MMFF.
Aminado naman sina Ken at Rita na kinunan ang principal photography ng pelikula dalawang taon na ang nakararaan. Iyon ang panahong marami talagang pumapansin sa bulto ng pangangatawan ni Rita.
Napabalita pa nga ang inilabas na memo ng GMA-7 na kung gustong magkaroon ng mga proyekto ng aktres ay kailangang magbawas siya ng timbang.
Na pinaghirapan naman at pinagsakripisyuhan ni Rita, malaki ang nahulog sa kaniyang timbang, kaya marami siyang gagawing proyekto sa network ngayong taong ito.
Panghimasmas namang komento ng kaibigan naming propesor, “Ang pelikula, e, istorya sa totoong buhay na iniaarte lang ng artista. Kailangang kapani-paniwala.”
Si Piolo Pascual naman ang napagtripan ngayon ng mga Marites. Ang una nilang tanong—bakit daw sa edad na kuwarenta’y singko ni Piolo ay binata pa rin siya hanggang ngayon?
Sa normal na takbo ng buhay ng mga kalalakihan, ang edad na treinta ay parang huli na nga, ang kuwarenta’y singko pa kaya?
Napakaguwapo ni Piolo, sangdamakmak na kababaihan ang nahuhumaling sa kaniya, pero bakit wala pa rin siyang ihinaharap sa altar hanggang ngayon?
Ayon ka Piolo ay walong taon na silang magkarelasyon ni Shaina Magdayao, kung totoo nga iyon ayon sa mga Marites, bakit hanggang ngayo’y hindi pa rin niya pinakakasalan ang magandang aktres?
Saka bakit si Piolo lang ang nagsasabing magkarelasyon sila, bakit kapag natatanong si Shaina ay hindi naman nito kinukumpirma, ngiti lang ang isinasagot ng dalaga?
Kinokontra ng marami ang kaniyang litanyang “What you see is what you get,” kung ano raw ang nakikita sa kanila ay iyon na iyon, ano ba ang nakikita sa kanila?
Ang paghahawak-kamay nila? Ang pagyakap ng guwapong aktor kay Shaina mula sa likuran? Ayaw pa ring maniwala ng mga Marites! May gusto silang sabihin pero ayaw nilang unahan si Piolo.
Para matapos ang argumento ay sakyan na lang natin ang mga sinasabi ni Piolo. Siguro nga ay kabilang siya sa mga kalalakihan na may edad na kung mag-asawa.
May iba pa siguro siyang mas prayoridad kesa sa magbuo na siya ng pamilya sa edad niyang kuwarenta’y singko. Mayroon namang mga lalaking ganoon.
Ihinahanda muna nila ang kinabukasan ng kanilang magiging pamilya bago sila mag-asawa. Kailangan muna nilang magsiguro, iyong mapapanindigan nila ang pagpapamilya, ganoon din siguro ang pinaghahandaan ni Piolo.
Iyon na lang ang paniwalaan natin para matapos na ang isyu. Huwag nating madaliin si Papa P, darating din tayo doon, ang tanong na lang ay kung kailan?
Ano sa palagay mo, SOS naming mahal, your very honest opinion, please!
Maraming nag-text na Noranians sa amin para ibalita na dinalaw ng kaniyang mga anak si Nora Aunor nitong maka-Bagong Taon.
Dumating sina Ian, Matet, Kiko at Kenneth. Pati ang kaniyang mga apo ay nakasama ng Superstar. Si Lotlot de Leon lang ang wala.
Anuman ang gawin ni Nora Aunor na hindi maganda sa panlasa namin ay palagi naming maaalala ang maganda niyang puso. Hindi na magbabago iyon habampanahon.
Si Ian lang ang nagmula sa kaniyang sinapupunan, sina Lotlot, Matet, Kenneth at Kiko ay sa puso na niya nagmula, hulog sa kaniya ng langit.
Hindi lahat ng tao ay makapagmamahal ng mga binhing hindi naman sa kaniya. Puso ang nagtulak kay Nora Aunor para tanggapin, alagaan at palakihin ang kaniyang mga tinaguriang ampon.
Itinuring niyang mga sariling anak ang mga batang ni gapatak na dugo ay walang kuneksiyon sa kaniya. Kung hindi dakilang matatawag ang ipinakita ni Nora Aunor ay hindi na namin alam kung anong termino ang ireregalo namin sa kaniya.
Sabi ng isang Noranian na tumawag sa amin, “Wala pong utang na loob si Lotlot! Pagkatapos siyang ituring na anak ni Ate Guy, e, ganito pa ang igaganti niya! Wala siyang utang na loob talaga!”
Hindi namin alam kung gaano kalalim ang itinatagong galit o tampo ni Lotlot sa Superstar. Maaaring may dahilan iyon, pero hindi alam ng publiko, kaya hanggang ngayon ay nagmamatigas pa rin si Lotlot.
Sabi namin ay apat na anak ni Nora ang dumating, iisa lang si Lotlot na wala, siguro’y mas kailangan nilang pahalagahan ang magkakapatid na nagbigay ng respeto sa kanilang magulang.
Napakaigsi ng buhay, hindi natin alam kung kailan tayo mawawala, kaya kailangang sulitin na natin ang panahon na makapiling ang mga taong nagmahal at nagpala sa atin.
Sabi nga, habang nabubuhay pa sila ay ipaamoy na natin ang bango ng mga bulaklak. Dahil kapag wala na sila, pinakamahal at pinakamabango mang bulaklak ay mawawalan na ng saysay, wala nang makakaamoy.
Ang mahalaga ay maligaya si Nora Aunor. Kaligayahang hindi kayang pantayan ng salapi, ng kasikatan, at ng kahit ano pang materyal na bagay sa mundo.
Iyon ang pinakamarkado.
Paboloso at malawak ang nabiling property ni Willie Revillame sa Iruhin, Tagaytay. Malapit lang ang ari-arian ng TV host sa Palace In The Sky na dinadayo sa siyudad.
Limang taon na ang kaniyang mansiyon, tatlong taon na ang mga ipinagawa niyang villa, kitang-kita ang Taal volcano at Taal Lake mula sa kaniyang bahay.
Nasa ikaapat na palapag ang kuwarto ni Willie. Putimputi ang kulay ng lahat ng kaniyang mga kagamitan. Walang ibang kulay na makikita sa kaniyang bedroom.
Sa isang bahagi ng kaniyang mansiyon ginaganap ngayon nang live ang Wowowin-Tutok-To-Win. Sinikap niyang ipagpatuloy ang airing ng kaniyang programa para makapagbigay siya ng tulong sa ating mga kababayan.
Ganoon din ang ginawa niya nang abutan siya ng lockdown sa bahay-bakasyunan niya sa Puerto Galera. Nag-live show siya doon na kulang-kulang ang kaniyang mga equipment, mairaos lang ang Wowowin, hanggang sa payagan na siyang lumipat sa Wil Tower.
Nag-iiyakan ang mga tinatawagan ni Willie, malaking biyaya kasi ang ipinamamahagi niya araw-araw, lalo na ngayong naka-Alert Level 3 sa maraming probinsiya.
“Ginawan ko talaga ng paraang makapag-show kami nang live. Konting ilaw lang muna sa unang araw, hanggang sa nakumpleto na namin ang equipment. SNG (satellite network gathering) lang naman ang importante, iyong magbabato ng nangyayari sa GMA-7 para mapanood ng mga kababayan natin ang show,” paliwanag ni Willie.
Aminado si Willie na mahirap ang ginagawa niya, lima lang kasi silang nagpapatakbo ng show, wala ring mga dancers na nakasanayan na ng manonood.
Lagi kaming naniniwala na kapag gusto ay may paraan pero kapag ayaw ay maraming dahilan. Sobrang mahal ni Willie ang kaniyang programa, mahal na mahal din niya ang mga kababayan nating nangangailangan ng ayuda, hindi siya titigil hanggang kaya pa niya.
“Para lang tumakbo ang show, kung anu-anong games na lang muna ang ginagawa ko. Ano ang kulay ng suot ko, ng medyas ko? Kapag tama ang sagot, twenty thousand na agad iyon! Naglaro na rin kami ng beto-beto na parang sa peryahan!
“Wala pa kasi akong staff, naka-quarantine sila, kaya ganito muna ang mga palaro namin. At least, nakatutugon tayo sa pangangailangan ng mga kababayan natin,” kuwento pa rin ni Willie Revillame. Panalo!
Si John Lloyd Cruz ang nagpasikat sa terminong “Ingat!” Kunektado iyon sa isang brand ng paracetamol na siya ang modelo ng isang laboratory ng mga gamot.
Kahit saan magpunta si Lloydie ay iyon ang sigaw sa kaniya ng ating mga kababayan—”Ingat!” Napapanahong paksa dahil nagkakaubusan ngayon ng paracetamol sa mga botika.
Usung-uso ang sipon at ubo ngayon. Hindi na mga aso lang ang kumakahol ngayon, ang buong bayan ay kahulan nang kahulan, dahil sa matinding mikrobyo ng ubo.
Nakakatakot ang mga pahiwatig na napapanood natin. Kapag umuubo at sinisipon daw, kahit walang lagnat ay kailangan nang magpa-check-up, iyon daw kasi ang palatandaan ng Omicron virus.
Natural, nerbiyos na nerbiyos ang mga kababayan natin, lalo na ang mga hindi pa bakunado. Tama lang naman ang abiso na kailangan nating magpabakuna. Kapitan man tayo ng virus ay may mga sundalo nang nakikipaglaban sa atin dahil sa bakuna.
Pero may mga ayaw pa ring magpabakuna. Ang sipon at ubo raw na kalat na kalat ngayon ay sanhi lang ng amihan. Taun-taon daw naman ay sumasargo talaga ang ubo at sipon kapag nagpapalit na ng klima sa ating bayan.
Bakuna pa rin ang pinakamabisang armas sa anumang sakit. Isang turok lang naman iyon na parang kagat lang ng langgam. Isang hinga lang nang malalim ay tapos na ang laban.
Mabuti naman at nauntog na rin sa katotohanan si Nadine Lustre pagkatapos nang mahabang panahon. Napakarami na niyang sakripisyong ginawa para lang sila magkabalikan ni James Reid.
Tama na iyon. Ginawa na niya ang lahat-lahat pero parang nagmamakaawa lang siyang balikan ng ex niya. Panahon na para una niyang mahalin ang kaniyang sarili.
Sobrang magmahal si Nadine. Ibinibigay niya ang lahat kasama na ang pamato. Wala siyang iniiwanan para sa kaniyang sarili. Mabuti naman at nagising na rin siya para bigyan ng kaligayahan ang kaniyang sarili.
Madalas nating naririnig ang ganitong lita niya sa pelikula, “Kapag nagmahal ka, huwag mong ibibigay ang lahat-lahat. Kailangang mag-iwan ka para sa iyong sarili bilang respeto.
At para dumating ang taong magmamahal uli sa iyo, mayroon ka pang ibibigay.” Pero ang pag-ibig ay bulag. Walang nakikitang iba.
Sabi ng isang kasamahan naming manunulat na nakakakilala kay James Reid, “Feeling naman kasi ng taong iyon, e, siya lang ang nag-iisang isda sa dagat! Nakakaawa sa kaniya si Nadine! Ginagawa niyang tau-tauhan!”
Muling nagbukas ang puso ng dalaga. May lalaking dumating sa kaniyang buhay na nangangako ng isang magandang bukas. Magkaiba man sila ng lahi ay puso naman nila ang magtatakda ng kanilang pagmamahalan.
Maging maayos sana ang relasyon nila ni Christophe Bariou.
Pinagpipistahan sa mundo ng basketball ang sumabog na balita tungkol sa pagkahuli-pagkakulong sa misis ni Terrence Romeo.
Hindi na estafa lang ang asuntong pinagdadaanan ngayon ni Beatrice Pia White, ginagamit niyang pangalan, kinasuhan na rin siya ng paggamit ng mga fake na pangalan at technical carnapping.
Post ni Ogie Diaz na isa sa mga inutangan at hindi binabayaran ni Pia, “Nasakote rin, finally.” Napakarami na kasing naghahabol kay Pia, mga negosyante iyon na inutangan niya, pero puro pangako lang ang kaniyang tugon kapag sinisingil na.
Nakakalungkot ang nangyari kay Pia. Kahit paano’y nakakasama rin namin siya nina Manay Lolit at Mr. Fu kapag dumadalaw siya sa Take It, Per Minute… Me Gano’n.
Ang palagi niyang pakiusap ay huwag siyang kukunan ng retrato, ganoon din ang pakiusap niya kapag nanonood ng PBA sa laro ni Terrence Romeo, huwag siyang tututukan ng mga camera.
Akala naman namin ay mahiyain lang siya, paniniwala nami’y mapagpahalaga lang si Pia sa kaniyang pribadong buhay, pero may pinoproteksiyunan pala siya.
Ayaw niyang lumabas ang mga pictures niya dahil marami siyang pinagtataguang maniningil. Matagal na palang sangkot si Pia sa mga tiwaling gawain, marami na siyang kaso, pero ngayon lang naglalabasan.
Minsan ay sinabi niya kay Ogie Diaz na magbabayad siya sa pamamagitan ng kotse. Napakatagal na hinintay ni Ogie ang sasakyan, pero wala manan siyang maibigay, rent a car lang pala ang ipinangangako niyang kotse.
Isang lote sa Antipolo at sa probinsiya ng Quezon ang ipinangako niya uling pambayad kay Ogie, nang itsek ni Ogie ang mga property ay nabisto nito na dalawang beses na palang naibebenta ang propyedad, nagkagastos pa nang daang libo si Ogie nang dahil doon.
Talagang isang araw ay magkikita-kita ang problema ni Pia dahil sa dami, mahihinog ang mga demandang kinakaharap niya, hanggang sa nahuli na nga siya at ikinulong.
Nasaan ang magaling na basketbolistang si Terrence Romeo sa lahat ng mga kasong kinakaharap ni Pia ngayon?
Ayon sa aming source ay naghiwalay na sila, nahuli ni Pia ang kaniyang mister na may ibang babae, mag-isa na lang niyang hinaharap ang kaniyang mga asunto ngayon.
Sabi pa ng aming impormante, “Nakakaawa rin si Pia, kasi, siya ang gumastos sa lahat ng mga luho ni Terrence. Pati sa pagsusugal ni Terrence, si Pia ang nagbibigay ng puhunan sa kaniya.” Napakasaklap naman. – CSF