
Opinions
![]() |
|
Matteo Guidacelli & Sarah Geronimo |
|
![]() |
|
Winwyn Marquez |
|
![]() |
|
Angeline Quinto |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Angel Locsin & Neil Arce |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
Andi Eigenmann |
|
![]() |
|
Nadine Lustre |
|
![]() |
|
Marvin Agustin |
|
![]() |
|
Allan K & Ahron Villena |
Ang pagtanggap ng kaniyang mga magulang sa relasyon nila ni Matteo Guidicelli ang kukumpleto sa kaligayahan ni Sarah Geronimo.
Hindi na siguro ganoon kainit ang galit ng kaniyang Mommy Divine sa lihim nilang pagpapakasal ni Matteo pero hanggang ngayo’y hindi pa rin sila tanggap nito.
Masakit naman talaga para sa magulang ang aksiyon ng kaniyang anak na itinago sa kanila pero may pamimilian ba naman sina Matteo at Sarah noong mga panahong ‘yon? Hingin nila ang basbas ay hindi naman ibibigay sa kanila kaya itinago na lang nila ang kaganapan sa pamilya ni Sarah.
Ang tanong—ano pa ba ang kailangang gawin ni Sarah, ilabas na natin sa argumento si Matteo, para mapatawad siya nina Daddy Delfin at Mommy Divine?
Ang nawala bang buslo ng biyaya sa kanila ang iniintindi ng mag-asawa? Hindi pa ba naman sapat ang napakalaking naitulong sa kanila ni Sarah na habampanahon na lang na kanta nang kanta para sa kanilang kabuhayan?
Nagkaroon sila ng mga negosyo, nakapagpatayo sila ng mga gusali, pinag-aral pa ni Sarah ang kaniyang mga kapatid sa ibang bansa. May kulang pa ba doon?
Napakasuwerte nila sa pagkakaroon ng isang mabait, mapuso at mabuting anak kay Sarah. Kung ibang anak lang siya ay baka matagal na niyang tinalikuran ang kaniyang pamilya para sa personal niyang kaligayahan. Pero ginawa ba ‘yon ni Sarah?
Ang sabi ay kaya raw tiisin ng anak ang kaniyang magulang pero ang magulang ay hindi kayang tikisin-tiisin ang kaniyang anak. Baligtad.
Sobra-sobra na ang biyayang ibinigay sa kanila ng gintong boses ni Sarah. Lahat ng pangarap ng pamilya ay ginawang totoo ni Sarah.
Sabi nga ni prop, “Magpagawa man sila ng anak na katulad ni Sarah, e, wala silang makikita. Walang makakaduplika sa kabutihan bilang anak ni Sarah!
“May sariling buhay ang anak nila, hindi nila dapat ikagalit ‘yon, lalo na’t ilampung taon naman silang pinagsilbihan noong anak nila!
“Huwag na nilang bilangin ang pagkakamali ni Sarah, kung pagkakamali ngang maituturing ‘yon. Count their blessings na lang!” inis na komento ni prop.
Amen.
Kaya naman pala. Nang maging guest namin sa Cristy Ferminute si Alma Moreno ay diretso namin itong tinanong kung gaano katotoo ang umiikot na balitang nagdadalantao ang anak nila ni dating Mayor Joey Marquez na si Winwyn.
“Ayokong magsalita. Siya na lang ang tanungin mo, aamin naman siya sa iyo,” paiwas na tugon ng maganda pa ring aktres sa kabila ng kaniyang pagkakaedad.
Kuha na namin ‘yon. Alam na namin ang totoo. Kung hindi nagdadalantao ang kaniyang anak ay mabilis na makasasagot ng hindi si Ness.
Si Winwyn na lang daw ang tanungin namin dahil pupunta naman siya sa presscon ng pelikulang Nelia na pinagbibidahan niya para sa MMFF.
“Ayokong mag-comment. Basta, siya na lang ang tanungin n’yo, mas eksakto ang maibibigay niyang sagot,” sabi uli ng dakilang nanay ni Winwyn.
Nasa ikaanim na buwan na ang dinadala ngayon ng actress-beauty queen, non-showbiz ang ama ng sanggol, mula noon hanggang ngayon ay hindi pinapangalanan ni Winwyn ang kaniyang karelasyon.
Responsableng kapatid si Winwyn, bata pa lang siya ay pinakikinabangan na siya ng kaniyang mga magulang sa pag-aasikaso sa kaniyang mga kapatid, palatandaan na magiging mabuti rin siyang ina.
Sunud-sunod ang mga kuwentong naglalabasan tungkol sa karelasyon at ama ng anak ni Angeline Quinto. Nonrev Pelayo Daquina ang pangalan ng card dealer, beinte sais anyos lang, at nakatira diumano sa may riles ng tren sa Sampaloc.
Pero ang pinakamatindi ay ang kuwentong may girlfriend pa ang lalaki nang magkakilala sila ni Angeline, ito ang sinasabing junior ni Gerald Anderson sa panggo-ghosting, mula nang maging sila na ng magaling na singer ay hindi na ito nagpakita sa kaniyang naanakan.
Kuwento pa ng isang source na nakakaalam sa kuwento, “Para siyang si Gerald Anderson, mula noong maging sila ni Angeline, e, hindi na siya nagpakita sa girlfriend niya! E, may anak sila!
“May balita nga kami na one day, e, lalapit na ang girl sa programa ni Idol Raffy Tulfo para magreklamo!” malinaw na sabi pa ng aming source.
Napakaraming naaawa ngayon kay Angeline Quinto, mukha raw tumaya sa maling kabayo ang magaling na singer, tamang pag-ibig daw sa maling panahon ang pinasok niya.
Pero ang nagmamahal ay bingi at bulag sa kahit anong negatibong kuwento tungkol sa kaniyang minamahal. Hindi naman kasi maibibigay ng iba kay Angeline ang pagmamahal na nararamdaman niya mula sa kaniyang karelasyon.
***
Marunong sa buhay si Angeline Quinto. Kahit anong klase ng trabaho ay papasukin niya basta kikita siya at wala siyang kahit sinong tinatapakan.
Masipag si Angge, ganoon siya pinalaki ng kinagisnan niyang ina na si Mama Bob, basta marangal ang trabaho ay hindi dapat tinatanggihan.
Ngayon ay pumasok na rin si Angeline sa online selling, kakambal na rin niya ngayon ang salitang “mine,” mahigit na apat na milyon ang kaniyang tagasubaybay.
Tama naman ang kaniyang ideya, kung lilipat siya ng bahay ay kailangan niyang ihiwalay ang mga kailangan pa rin niyang dalhin at iiwanan na, kaya ibinebenta na niya ang mga kagamitang napakinabangan na niya pero puwede pa ring mapakinabangan ng mga bibili.
Napanood namin ang kaniyang panayam noon, marami siyang damit na isang suot lang naman, masuwerte nang magamit niya nang higit pa. Magaganda pa ‘yon, pati ang mga sapatos niya, kaya talagang maraming bibili sa mga ibinebenta niya.
Maraming artistang gumagawa ng ganoon, punumpuno na kasi ang kanilang closet, kaya mas magandang pagkakakitaan pa nila ang mga sobra-sobra nilang kagamitan.
Ang online selling lang ni Angeline ang nabibigyan ng kulay ngayon dahil balitang maliit lang ang kinikita ng boyfriend niya, malapit na siyang manganak, kaya kailangan niyang paghandaan ‘yon.
Maraming nakikisimpatya kay Angge, matinding sakripisyo ang kailangan niyang paghandaan sa pagdating ng kaniyang munting anghel, pero kung maligaya naman siya sa kaniyang pinasok ay wala nang magagawa ang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kaniya.
Pinagkakaabalahan na naman ng mga bashers at trolls si Kris Aquino. Laman na naman siya ng social media. At sa timbangan ng mga komento ay mas marami ang namimintas sa TV host kesa sa mga pumupuri sa kaniya.
Nag-ugat ang isyu sa pagsama niya kay VP Leni Robredo sa pagtulong sa mga binagyo sa Negros. Pinagsalita siya, nagpaalala siya sa mga tagaroon na sana’y huwag makakalimutan ng mga lokal kung sino ang unang umayuda sa kanila, may tunog pangangampa niya ‘yon para sa iba.
Ipino-post din ni Kris ang pagbibigay niya ng tulong. Para sa kaniyang mga bashers ay hindi na niya dapat ipinagmamakaingay pa ang mga ginagawa niya dahil nawawala ang indulhensiya.
Pero tama rin naman ang katwiran ni Kris na kailangan niyang ipaalam ang ginagawa niyang pagtulong para pamarisan ng iba. May mga puso nga namang kailangang katukin nang katukin bago magbigay ng simpatya sa ating mga kababayan.
Mayroon ngang mga pulitikong sumusuka ang bulsa sa dami ng pera pero walang pakialam sa pagtulong. Hindi bale nang amagin ang kanilang pera kesa sa mapakinabangan ng ibang nangangailangan.
Kailangan na lang tanggapin ni Kris na kahit ano ang kaniyang gawin ay bibirahin pa rin siya. Huwag siyang tumulong at magtengang-kawali lang, siguradong iba-bash pa rin siya, kakambal na ni Kris ang kontrobersiya sa anumang desisyong gawin niya.
Ang pinakamahalaga, ipinagmakaingay man niya ang pagtulong ay maraming bituka ang nagkaroon ng laman, libu-libong pamilya ang kahit paano’y nabiyayaan.
At tama, sarili niyang pera ang ginastos niya sa pagtulong, hindi nakaw na salapi ng bayan, kaya sabihin man niya sa publiko ang kaniyang pag-ayuda ay siya ang reyna ng kaniyang pera.
Ang tanong—ang mga naninira ba kay Kris Aquino ay gumawa ng paraan kahit paano para magpagaan sa damdamin ng mga binagyo?
Ipinahamak ni Kris Aquino si Angel Locsin. Ang aktres na matagal na panahon nang tumutulong nang tahimik lang ay ipinagmakaingay ni Kris na nagbigay nang dalawang milyong piso sa opisina ni VP Leni Robredo bilang tulong sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo sa Katimugan.
Komento ng iba ay tinanggalan ng indulhensiya ni Kris ang nakasanayan nang tahimik na pagtulong ni Angel. Dapat daw ay hindi nanguna si Kris sa ibinigay na ayuda ni Angel.
Pero isiniwalat man o hindi ni Kris ang personal na pagtulong ni Angel ay todo ang papuri ng ating mga kababayan kay Angel.
Sabi ng kaibigan naming propesor, “Look at Angel, wala siyang ginagawang project ngayon, pero heto, siya pa ang nangunang magbigay ng tulong sa mga binagyo.
“‘Yon na kasi si Angel, she has a pure heart, hindi talaga siya makpapayag na hindi makatulong dahil ‘yon na ang naturalesa niya,” papuri sa aktres ni prop.
Noong tutukan namin ang house tour nila ni Neil Arce ay may isang bahaging sumuntok sa aming kamalayan. Napakaganda ng kanilang bahay, kumpleto, may mga tirahan din ang kanilang mga alagang aso.
Sabi ni Neil, “Nagulat ako, kailangang may sariling bahay rin daw ang mga walis niya at iba pang mga kagamitang panglinis. Oo nga naman, kung ang mga aso, e, may bahay, dapat, mayroon din ang mga walis niya!”
Tuwang-tuwang binuksan ni Angel ang isang cabinet. Nandoon ang mga walis niyang maayos na nakasabit. Simple, pero mapuso, napakaparehas niya sa buhay.
Iba ang lahing Pinoy. Sa kabila ng kalamidad, sa kabila ng pagdarahop, ay nakakaya pa rin nating ngumiti at magsaya. Ganoon daw ang matatapang na tao.
Nakakatawa sa kabila ng lungkot. Buhay na buhay ang pag-asa kahit pa wala nang makain. Nakukuha pang libangin ang ang sarili kahit wala nang bahay dahil inilipad ng bagyo.
Ganoon na ganoon ang naganap nang personal na dalawin ni Willie Revillame ang mga binagyong probinsiya ng Surigao, Siargao at ang isla ng Dinagat.
Hindi na talaga maitatago sa kahon ang TV host, kahit saan siya magpunta ay sinusundan-kinukuyog siya sa Katimugan na para bang bitbit niya ang kalderong may kanin para sa kanilang sikmura, hindi naman siya makapag-abot sa mga tagaroon mula sa kaniyang bulsa dahil kapag nagsimula siya at namigay ay baka stampede na naman ang mangyari.
“Mahirap, gustung-gusto kong mag-abot sa matatanda at bata, alam n’yo naman na napakalapit nila sa puso ko, pero hindi ko magawa!
“Huwag daw, sabi ng mga nakapaligid sa akin na tagaroon, dahil kapag nag-umpisa akong namigay ng pera, siguradong magkakagulo. So, ang ginawa ko, ang mga mayors ang binigyan ko ng amount na maipangtutulong sa kanila,” kuwento ni Willie.
Noong pauri na raw siya sa Manila ay para pa rin siyang tulala, ayaw maalis sa isip niya ang parang binombang kapaligirang nasaksihan niya, panay-panay ang dasal niya na sana’y makabangon agad ang mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao.
Maganda para sa mga personalidad ang personal na pagpunta sa mismong lugar ng kalamidad. Puwedeng maging reality check ‘yon para malaman nilang napakasuwerte nila sa buhay.
Tulad ni Willie, bilyonaryo na siya, malaking patotoo ang mga nakikita niya kung gaano siya kapalad. Maraming salamat naman dahil marunong siyang magpahalaga sa kaniyang mga biyaya, ibinabahagi niya ‘yon sa mga nangangailangan, hindi siya naghihintay ng anumang balik.
At ginagawa niya ang kabutihang ‘yon nang wala siyang inaambisyong upuan sa pamahalaan. Hindi siya pulitiko, Mabuti lang ang kaniyang puso, kaya mapuso siyang tumutulong sa mga pinahihirapan ng kalamidad.
Para na naming naririnig ang komento ni SOS naming mahal, “Sana all.”
Sa wakas ay nakawala rin sa hawla ng pagtatrabaho araw-araw si Alden Richards. Bago mag-Pasko ay nakaalis na sila ng kaniyang pinsan papuntang Amerika at babalik siya sa unang linggo ng Enero.
Ito ang pinakapremyo ng Pambansang Bae sa kaniyang sarili dahil sa buong taon niyang pagtatrabaho. Para nga naman siyang makina na walang pahinga.
Sasamantalahin ni Alden ang kaniyang panahon sa pamamasyal at pakikipag-bonding sa kaniyang kapatid na lalaki na matagal nang nagtatrabaho-naninirahan sa Amerika.
Sabi ng anak-anakan naming doktor, “Tama ang ginawa ni Alden, he has to give himself a break. Makatutulong ‘yon sa mental health niya. Hindi lang naman ang katawan natin ang kailangang alagaan, mahalaga ang nakatutok tayo sa mentel health natin.
“Nagsisimula ‘yon sa pagkaburyong, sa anxiety, sa walang pahingang pag-iisip. Dapat talagang binibigyan natin ng chance ang utak natin na mapahinga,” sabi ni Dr. Dennis Sta. Ana.
Wala man si Alden Richards ay nakakasama pa rin siya ng publiko sa kaniyang seryeng The World Between Us na palalim na nang palalim ang daloy ng istorya ngayon.
Malapit nang mapanood ang rebelasyon tungkol sa pagkamatay ni Dina Bonnevie. Nagsisisihan na sina Tom Rodriguez at Sid Lucero. Babalik na sa piling ni Alden si Jasmine Curtis. Babaligtad na sa sinumpaang salaysay si Jaclyn Jose.
Kaabang-abang ang bawat episode ng serye at tama ang sinabi ni Alden na hinding-hindi niya malilimutan ang seryeng ito na humamon sa kaniyang kapasidad sa pag-arte.
Maraming eksenang ramdam na ramdam ang husay sa pagganap ni Alden bukod pa sa napakaguwapo niya sa mga eksena. Makinis ang kaniyang mukha, sariwa ang kaniyang dating, kaya nagmumukhang matanda ang kaniyang kapareha.
Sa susunod na taon ay nakasisiguro na si Alden Richards sa takbo ng kaniyang karera. Inaayos na ng GMA-7 ang mga proyektong gagawin niya kasama na ang pelikulang pagtatambalan nila ni Bea Alonzo.
Mabait ang kapalaran kay Alden Richards. Isa siya sa iilang artistang hindi binigyan ng problema ng pandemya dahil siya ang sumusuko sa trabaho.
Tama ka, SOS naming mahal, it pays to be humble, talented, handsome and loyal.
***
Heto na. Nambubulabog ngayon ng mga kababayan natin sa Amerika si Alden Richards. Tawa nga kami nang tawa sa mga kaibigang nagtatawagan sa amin, mukhang ini-stalk nila ang Pambansang Bae, dahil alam ng mga ito kung saan siya masusundan para makita nang personal.
Nagbibigay rin naman si Alden ng ilang detalye kung ano ang ginagawa niya sa Amerika habang nagbabakasyon at ‘yon ang sinusundan talaga ng mga kababayan natin.
Sabi ng kaibigan naming dekada nang naninirahan sa LA, “Grabe ang pagiging mabait ng batang ‘yon! Kumakain sila ng mga friends niya sa isang Korean resto noong makita namin. Di ba, may mga artistang ayaw magpaabala habang kumakain?
“Iba ang Alden Richards! Tumatayo pa siya para makipag-usap at makipag-picture sa mga lumalapit sa kaniya! Ibang klase! Now, we know, kung bakit siya binigyan ng suwerte ni Lord,” papuri nito sa guwapong aktor.
Mas guwapo raw si Alden sa personal kesa sa screen, dagdag pa ng aming kaibigan, pero ang sentrong papuri ng grupo ay ang pagiging mapagkumbaba ng pinakasikat na aktor ng kaniyang panahon.
“Hindi siya namimili ng kakausapin, pinagbibigyan niya ang lahat ng lumalapit sa kaniya, tama ang mga kuwento mo. He’s so humble, napakasimple rin niya, parang hindi niya nararamdaman na sikat na sikat siya!
“At ang dimples niya! Kung puwede ko lang tapyasin ‘yon sa pisngi niya, e, ginawa ko na sana!” CEO ng isang malaking kumpa niya sa LA ang kausap namin.
Alam namin ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang pagpuri at pagmamahal kay Alden ng aming mga kausap. Nagkaroon kasi sila ng hindi kagandahang karanasan sa isang male personality na sikat din.
Sa isang restaurant din ‘yon sa Los Angeles, maraming kasama ang male personality, nilapitan ito ng mga Pinoy na kumakain din. Nag-request ang mga ito ng pakikipag-selfie.
“Remember? Bago niya kami pinagbigyan, tumingin muna siya sa mga kasama niya, alam mo ‘yong tawanang nakakainis? Tapos, tumayo nga siya, pero para siyang nabubuwisit!
“Nagkamot siya ng ulo, ginulo ang buhok niya, tama bang ganoon ang gawin niya? Suplado! Kung hindi pa siya… huwag na nga!” tawa kami nang tawa sa senaryong ‘yon.
Ha! Ha! Ha! Ha!
Grabe ang pinsalang inabot ng ating mga kababayan sa Katimugan dahil sa matinding pananalanta ng bagyong Odette. Parang bagyong Yolanda ang pagkukumpara nila sa tindi ng hangin at ulan na ibinigay ni Odette.
Daan-daan ang nawalan ng bahay at may mga buhay ring nawala dahil sa bagyo. Nagngangalit ang hangin, umaapaw ang tubig sa mga ilog at dagat, kaya laganap ang baha.
Ang dinadayong isla ng Siargao, sa isang iglap ay nagmistulang ghost town, giba ang mga establisimyento, nakabuwal ang mga puno at bahay.
Wala talaga tayong maipagmamalaki sa buhay na ito. Ang napakagandang isla ay isang malakas na bagyo lang pala ang katapat. Buwan ang aabutin bago bumalik sa dati ang isla.
Sa Cebu, sa Leyte, sa Bacolod, sa Bohol, sa halos lahat ng probinsiya ng Kabisayaan ay umatake ang bagyo na halos wala nang itinira sa ating mga kababayan doon.
Sina Andi Eigenmann at Nadine Lustre na itinuturing nang ikalawang bahay nila ang Siargao ay panay-panay ang panawagan ngayon para matulungan ang mahal nilang isla.
Salamat na lang dahil wala sila doon nang sumalakay sa kaniyang unang landfall ang bagyo. Pero paano nga naman ang mga nasalanta?
Maraming pulitiko ang nangako ng kanilang pag-ayuda, buti na lang at kahit panahon ng pandemya ay malapit na ang eleksiyon, may mga kumakandidatong nangangako ng tulong.
At kahit sa maliit nating kapasidad ay maaari tayong dumamay sa mga kababayan nating binagyo. Hindi naman kailangang malaki, ang maliliit na tulong kapag pinagsama-sama ay lilikha ng milagro, maraming mabibiyayaan.
Totoong-totoo ang nakasulat sa Bibliya na kapag nahabag tayo sa mga dukha ay nagpapautang tayo sa Diyos. May balik man o wala ang kabutihang ginagawa natin ay nakalista ‘yon sa libro ng Panginoon.
Harinawang makabangon agad ang mga probinsiyang sinalanta ng bagyo. Mahirap, walang kasinghirap ang mawalan ng bahay at kabuhayan, lalo ang mawalan ng mga mahal sa buhay.
Bilang isang negsoyanteng lumalaban nang patas sa buhay ay kasalu-saludo ang pag-amin ni Marvin Agustin sa kaniyang pagkakamali.
Kabaligtaran ng ibang nagnenegosyo ay agarang umamin ang aktor sa malaking sama ng loob na inabot ng ating mga kababayan sa kaniyang makasaysayang cochinillo.
Ang mga naunang delivery ng kaniyang lechon ay maayos naman, pero nang kalaunan ay hindi na maganda ang produkto, kumunat na. Tuloy, sa unang pagkakataon mula nang magtayo siya ng restaurant, ay nakatanggap siya ng mga hindi kagandahang komento.
Maganda lang daw pala sa picture ang lechon, produkto lang daw ng hype ang kaniyang cochinillo, dahil nang kainin ng mga umorder ‘yon ay napakakunat na.
Mayroon pang mga order na hindi na dumating, napabayaan ng staff ni Marvin ang kanilang mga kostumer na namumuti na ang mga mata sa paghihintay, lahat ‘yon ay ipinanghingi ng paumanhin ng aktor.
Hindi lang naman kay Marvin nangyayari ang ganyang insidente, marami pang ibang restaurant na nagkakaroon din ng mga problema, nagkataon lang na kilala siyang artista kaya pinagpistahan ang kanilang pagkakamali.
Noong nakaraang Pasko ay umorder ng isang bucket na fried chicken ang aming mga apo. Ayos na ang usapan nila ng food chain, ipadedeliber na lang daw, pero dumating ba?
Wala mang lang pasintabi ang mga tauhan ng food chain na kinansela na pala ang order, hindi na raw kaya, inis na inis ang aming mga apo.
May tinanggap ba silang sorry kung bakit nagkaganoon ang oder nila? Wala! Kaya humahanga kami kay Marvin Agustin, inako niya ang pagkakamali, kasunod ang pangakong hindi na ‘yon mauulit.
Hindi kinagat ng mga Marites ang paglilinaw ni Allan K na playtime lang daw ang namamgitan sa kanila ng hunk actor an si Ahron Villena. “It’s a prank!” ang sigaw ng magaling na komedyante-TV host.
Pero parang pumasok lang ‘yon sa kaliwang tenga ng mas nakararami at lumabas din uli sa kanang tenga. Walang naniwala sa pahayag ni Allan K.
Mas hitik ang bilang ng mga naniniwala na totoong mayroon silang relasyon, totoong nakaplano ang kanilang bakasyon sa Boracay, hindi playtime lang.
Naging marahas ang paghusga kay Ahron, nakapagtataka pa raw ba namang magkaroon sila nang biglaang relasyon ni Allan K, samantalang dati na anman siyang kilala sa pagpatol sa mga bading?
Nagbalik-alaala pa nga ang ibang Marites na dati nang sumasama sa mayayamang beki si Ahron, tulad ng pagsama niya sa pagbabakasyon sa iba-ibang bansa ng mga rich businessmen, kaya may bago pa ba tungkol sa engkuwentro nila ni Allan K?
Hindi nga naman sila magkakabarkada, hindi naman alam ng publiko na magkakaibigan sila, pagkatapos ay sasama si Ahron sa kanilang grupo nina Paolo Ballesteros?
Anuman ang ikatwiran nina Ahron at Allan tungkol sa bakasyon nila sa isla ay walang maniniwalang hindi sila magkarelasyon.
Saka hindi maganda para sa hunk actor ang pagpayag sa mga prank-prank, nangyari na ang ganyan noon sa kanila ni Kakai Bautista, prank na naman ang sa kanila ng komedyante?
Ano nga naman ‘yon? Hanggang sa pakikipag-playtime na lang ba ang hunk actor na ito? Saka mayroon na bang napabalitang babaeng karelasyon nang seryosohan si Ahron Villena?
Teka lang naman! – CSF