
Opinions
![]() |
|
Ellen Adarna & Derek Ramsay |
|
![]() |
|
Dennis Trillo & Jennylyn Mercado |
|
![]() |
|
Bea Alonzo |
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
KC & Gabby Concepcion |
|
![]() |
|
Richard Reynoso
|
|
![]() |
|
Kris Aquino & her fiancé Mel Sarmiento | |
![]() |
|
Jinkee Pacquiao |
|
![]() |
|
Enchong Dee |
|
![]() |
|
Ogie Diaz |
|
![]() |
|
BB Gandanghari
|
|
![]() |
|
Vice Ganda |
|
![]() |
|
Mygz Molino & Mahal |
Tapos na ang mga panghuhusga kina Derek Ramsay at Ellen Adarna na hanggang pagtitikiman lang naman ang kanilang relasyon. Kung gaano kabilis ang pagkabuo ng relasyon nila ay ganoon kabilis na maglalaho ‘yon.
Mag-asawang sampal sa mukha ng mga nagdududa ang ipinatikim sa kanila nina Derek at Ellen, humantong sa kasalan ang kanilang pagmamahalan. Mister and Misis Ramsay na sila ngayon.
Kailangang kumuha ng seminar kina Derek at Ellen ang mga magpapakasal na artista na gustong gawing pribado ang kanilang pagpapakasal.
Talagang wala silang pinagsabihan tungkol sa kanilang kasal kundi ang kanilang pamilya lang, mga ninong at ninang, ang lahat ng bahagi ng pagharap nila sa altar ng sumpaan sa isa’t isa.
Kami nga ay napagod na sa kakukumusta kay Derek kung kailan ang kasal nila ni Ellen, puro paiwas kasi ang kaniyang sagot, basta magaganap daw ang kasal bago matapos ang taon pero ayaw niya namang magbigay man lang ng impormasyon kung kailan at saan.
Pero ang mahalaga ay napaninindigan nila na gawing pribado ang kanilang kasal. Pribado at simple pero elegante. Binigyan ng disenteng kasal ni Derek si Ellen.
Naging malungkot lang si Ellen dahil hindi na nasaksihan ng kaniyang ama ang kanilang kasal dahil pumanaw na ito.
Tumayong ring bearer si Elias Modesto, anak nila ni John Lloyd Cruz, nandoon din ang anak ni Derek na si Austin. Ayon sa aming source ay malaki ang ginastos ni Derek sa kasal dahil sa mga bulaklak pa lang na galing pa sa ibang bansa ay magkano na ang inabot.
Ang pagpapasarado nila sa Rancho Bernardo nang eksklusibo lang para sa kanilang mga bisita, ang catering na bonggang-bongga, ang sinagot niyang damit ng mga principal sponsors at ng kanilang pamilya.
Sabi ng aming source, “Naku, hindi masasaktan si Derek sa ginastos niya, kahit bilyonaryo pa ang family niya, e, may sarili siyang pera.
“Saka talagang gusto niyang ibigay kay Ellen ang the best sa lahat ng aspect ng kasal nila. At nagawa naman niya,” komento ng aming impormante.
Ilang tulog at gising na lang ay ikakasal na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Ayon sa balita ay civil wedding lang muna ang magaganap.
Natawa kami sa tanong ng kaibigan naming propesor, “Saang lokal kaya gaganapin ang kasal nila ni Jennylyn?” Akala nito ay miyembro ng INC si Dennis dahil sa mahusay niyang pagganap bilang tagapamuno ng INC noon sa isang pelikula.
Hinog na hinog na ang husay bilang aktor ni Dennis. Kahit walang dialogue ay nakapagtatawid siya ng mensahe sa pamamagitan lang ng kaniyang mga mata sa Legal Wives.
Kayang-kaya nang magalit ng kaniyang mga mata, wala na siyang kailangan pang sabihin, aktor na aktor na nga si Dennis.
Maraming maligaya sa nalalapit na nilang pagpapakasal. Tahimik kasi ang kanilang relasyon, mahusay silang magdala ni Jen kahit pa masasabing hindi naman perpekto ang kanilang pagmamahalan, sa simbahan talaga ang tuloy ng matagal na nilang pagsasama.
Siguradong iiyakan ni Jennylyn ang pagharap nila sa altar ni Dennis, hindi na kasi makikita ni Mommy Lydia ang isa sa pinakamaligayang araw sa kaniyang buhay, ang pumanaw nitong nanay-nanayan ang humubog sa kaniyang pagkatao.
Nagtagal din bago lumabas ang katotohanang nagdadalantao na si Jen, hindi nila agad kinumpirma ang kaniyang kalagayan, may munting anghel na ngang pumipintig ngayon sa kaniyang sinapupunan na mas magpapatibay pa sa pundasyon ng pagmamahalan nila ni Dennis.
Nabubuhay ngayon ang mga artista sa isang panahon na kahit ano ang sabihin nila ay kailangang sumailalim sila sa matinding panghihimasok ng ibang tao.
Maayos ang kanilang komento ay may masasabi ang mga bashers, bibigyan ng ibang kulay, wala nang ligtas na artista ngayon.
Ang pinakahuling biktima ay si Bea Alonzo. May binanggit lang siyang higad ay nagmarakulyo na agad ang mga tagasuporta ni Julia Barretto. Ito raw ang pinariringgang higad ni Bea.
Kinakapa lang naman ni Bea ang laman ng kahon sa isang panayam, hindi sinasadyang nagsabi siya ng marami talagang higad sa paligid ngayon, ‘yon na!
Pakikisali ng kaibigan naming propesor sa isyu, “Kapag sinabi kasing higad, of course, ang kapaniwalaan doon, e, makati ang girl. Malandi, ganoon!
“Natural, magkalaban ang magkabilang kampo dahil kay Gerald Anderson, kaya ang feeling ng mga fans ni Julia, e, ang idol nila ang tinutukoy na higad ni Bea!
“Wala namang binanggit na pangalan si Bea, pero nag-react agad ang kampo ni Julia, hindi pa rin daw siya nakakapag-move-on ngayon!” natatawang komento ni prop.
Talagang wala nang ligtas ang kahit sino ngayon dahil sa pinalilitaw na insinwasyon ng mga taong ginagawa na lang na libangan ngayon ang pamba-bash.
Pahabol pa ni prop, “Bakit sila nag-react sa salitang higad? Di ba dapat, sa anaconda?”
Pumirma na ng contract si John Lloyd Cruz sa GMA-7. Natural, isang grand welcome ang naganap sa pangunguna ng mga ehekutibo ng network, isa siyang karagdagan para sa istasyon.
Kuwento ng aming source ay natagalan lang ang pagpirma ng kontrata ng magaling na aktor dahil hindi pa plantsado ang mga gagawin niyang proyekto. Gusto nilang nakahanda na agad ‘yon para maisabay na nila sa contract-signing.
Si Willie Revillame ang unang nagbigay ng balita na may gagawing sitcom si Lloydie sa GMA-7 na si Direk Edgar Mortiz ang mamamahala. Mayroon din siyang nakalinyang gawing pelikula.
Sabi pa ng aming kausap, “Pero mauuna muna ang movie nina Bea Alonzo at Alden Richards, matagal nang nakakalendaryo ‘yon. Tatapusin lang muna ang airing ng continuation ng The World Between Us ni Alden.
“Akalain mo ‘yon? Ang isa sa pambentang tambalan ng ABS-CBN, e, nasa GMA-7 na ngayon? Wala talagang permanent at walang imposible,” opinyon pa ng aming source.
Natural lang na pagsabungin sina JLC at Alden Richards sa pagpasok ng aktor sa balwarteng pinaghaharian ng Pambansang Bae.
Pero hindi pa man nagaganap ang pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN ay palagi nang sinasabi ni Alden sa mga interbyu na idolo nito si John Lloyd.
Nasa isang network man sila ngayon ay wala pa ring punto para sila paglabanin dahil may kani-kaniya naman silang talento at napatunayan na sa kanilang propesyon.
Siguradong bumubulwak ang kaligayahan ni Sharon Cuneta dahil sa napakagandang komplimentong ibinigay sa kaniya ng panganay niyang si KC Concepcion.
Nag-ugat ang kuwento sa masarap na pagbati ni KC sa kaniyang ama sa kaarawan nito kamakailan. Natural, may mga Maritess na nagbigay ng insinwasyon na mas mahal ni KC si Gabby kaysa kay Sharon, ramdam na ramdam kasi ‘yon.
Pero maagap si KC. Agad nitong ibinigay ang papuri sa kaniyang ina na never na siniraan sa kaniya si Gabby. Totoo ang sinabi ni KC na kadalasan ay sa pagpapalaki ng ina humuhugot ng respeto at pagmamahal sa nakahiwalay na ama ang isang anak.
Dati nang sinasabi ng Megastar na kahit kailan ay hindi niya nilason ang isip ni KC tungkol kay Gabby. Kahit pa marami siyang puwedeng sabihin, kahit pa tunay na nagkulang si Gabby sa kanilang anak, walang narinig na anuman si KC mula sa kaniya.
Salamat at si KC mismo ang nagpatunay sa maayos na pagpapalaki sa kaniya ni Sharon, napakasarap na komplimento noon para sa isang ina, si KC ang nagselyo sa isyu.
Sa maraming kuwentuhan namin ni Sharon ay iniiyakan na lang niya noon kapag nababaligtad pa siya sa mag-isang pagpapalaki kay KC.
“May mga kulang, pero hindi ko ‘yon sinasabi sa anak ko. Ayokong maapektuhan ang respeto niya sa tatay niya. Never ko siyang sinabihan ng mga pagkukulang ng father niya.
“Tatay pa rin niya ‘yon, anuman ang nangyari sa amin, hindi dapat madamay si KC,” madalas sabihin sa amin ni Sharon.
Ang magandang samahan nina Gabby at KC ang repleksiyon ng maayos na pagpapalaki ni Sharon sa kanilang anak. Walang naaalalang masamang salita si KC na ipinangtukoy kay Gabby ng kaniyang ina.
Hindi bitter ang kaniyang ina, sabi pa ni KC, dahil kahit minsan ay hindi siniraan ni Sharon si Gabby sa kaniya.
Sabi ni prop, “Sana, all. ‘yon kasi ang nakakalimutan ng ibang mommy. Bali-baligtarin man ang mundo, e, hindi mabubuo ang binhi nang sila lang. May tatay ang anak nila na kailangang irespeto at mahalin.”
Wala po muna kaming blind item ngayon. Ibibigay namin ang espasyo sa panghihingi ng panalangin para sa pamilya ng OPM singer na si Richard Reynoso.
Nagpositibo silang mag-asawa at ang dalawa nilang anak sa COVID-19. Ang kanilang mga anak ay sa bahay lang nag-quarantine pero si Richard at ang kaniyang maybahay na si Amor ay nasa ospital ngayon.
Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nakatanggap kami ng tawag mula kay Amor, hindi halos namin maintindihan ang kaniyang sinasabi dahil sa kaiiyak. Matindi ang pinagdadaanan ngayon ng kaniyang asawa dahil sa pneumonia.
“Close monitoring po si Richard. Iba po ang tumama sa kaniya, ni hindi po siya makalakad nang ilang steps dahil sa hirap niya sa paghinga.
“Magkaiba po kami ng room, hindi po maganda ang sitwasyon ni Richard, ililipat na po siya sa ICU,” humahagulgol na impormasyon ni Amor.
Sa isang panahon na ayon sa balita ay pababa na nang pababa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 ay saka naman nagkaroon ang pamilya ng singer.
Bakunado sila, nagpapa-swab test, pero hindi pa rin sila naging ligtas sa virus. Ayaw na lang magturo ni Amor pero minsan lang silang nagsama-sama ng kanilang mga kamag-anak na sa kaniyang palagay ay nakahawa sa kanilang pamilya.
Humihingi ng panalangin si Amor, harinawang maligtasan nila ang matinding paghamong ito sa kanilang pamilya, lalo na kay Richard na talagang binabantayan ngayon sa ospital dahil sa malubha niyang sitwasyon.
Akala pa naman natin ay puwede na tayong lumabas ng bahay nang malaya, pero sa nangyari sa pamilya Reynoso ay nakakapagdalawang-isip pa rin ang paglabas, wala pa ring garantiya ang panahon.
Si Richard pa naman, hindi siya nakakalimot, palagi siyang tumatawag sa amin para lang alamin kung maayos ang aming pamilya.
Bahaginan po natin ng panalangin ang kanilang pamilya, lalo na ang kalagayan ngayon ni Richard na binabantayan ng mga doktor at nurses, dahil ayon na mismo sa kaniyang maybahay ay hindi maayos ang kalagayan ngayon.
Isa pang ikinababahala ng publiko ay ang sobrang kapayatan ngayon ni Kris Aquino. Dati na niyang pinoproblema ang kaniyang allergies, nakapagpagamot na siya sa iba-ibang bansa para mahanap ang kalapat na gamot sa kaniyang problema, pero hanggang ngayo’y inaabala pa rin si Kris ng kaniyang sakit.
Sobra ang pagbagsak ng timbang ni Kris, siya na mismo ang nagsasabi na sobrang naging lampa pa siya ngayon dahil sa pagkawala ng kaniyang balanse, huwag na sana siyang pumayat nang pumayat.
Komento nga ni SOS, “Sobra po kaming nabahala at naawa kay Kris noong makita namin ang latest picture niya. Sobrang payat na nga niya kaya parang humaba ang mukha niya.
“Ngayon niya deserve na maging masaya at healthy. Sa panahon ngayon, kung ano ang makapagpapaligaya sa kaniya, e, gawin na niya.
“Tama po kayo, ibigay na natin kay Kris ang makapagpapasaya sa kaniya. Kung happy siya with Mr. Mel Sarmiento, ibigay na natin sa kaniya ‘yon,” komento ni SOS.
Hiling ng mas nakararami na panatiliin na lang sanang pribado ni Kris ang kanilang relasyon ni Mr. Sarmiento. Hindi naman daw ang publiko ang karelasyon nito, siya naman, kaya kung puwede sana ay huwag nang ipinagmamakaingay pa ng TV host ang kanilang pagmamahalan.
At sabi pa ni prop, “Huwag na rin sanang sagot nang sagot si Mr. Sarmiento sa tanong ng mga netizens. Mahilig din kasing sumagot ang boyfriend ni Kris, e!
“May nag-insinuate lang na baka sa hiwalayan din mauwi ang relasyon nila, sumagot na agad si Mr. Sarmiento nang tapos! Hindi raw sila magkakahiwalay dahil mahal na mahal niya si Kris!
“Patola? Nahawa na siya kay Kris? Tantanan na ang ganoon, hindi na bagay sa age niya!” matalim na opinyon ni prop.
Kung walang inilalabas na kuwento si Kris sa kaniyang IG account ay wala namang pag-uugatan ang pagpansin sa kanila ni Mr. Sarmiento.
Nagkakaroon lang naman ng isyu kapag naglalabas ng video si Kris, kapag naglilitaniya siya tungkol sa kanilang pagmamahalan, kung wala ‘yon ay magiging tahimik naman ang kanilang relasyon.
Si Kris din ang naglalawit ng pain sa mga Maritess, kung wala siyang kuwento ay walang intriga, ganoon lang naman kasimple ‘yon.
Pero si Kris Aquino nga pala ang pinag-uusapan natin, hindi ibang Kris, si Kris Aquino nga pala na parang hindi mapakali nang hindi siya magiging inconsistent.
Galit na galit ang mga loyalista ng pamilya Marcos sa madalas sabihin ni Senador Manny Pacquiao na hinding-hindi magiging Imelda Marcos ang kaniyang misis na si Jinkee.
Ang pagpuna at pagkukumpara ay nag-ugat sa pagiging paboloso ng misis ni Pacman, alahada pa rin ito at puro branded stuff ang suot sa kanilang pag-iikot sa mga probinsiya, kaya palaging bina-bash si Gng. Pacquiao.
Pabolosa ang dating Unang Ginang, napakaganda nitong gumayak, sikat na sikat din sa buong mundo ang mga sapatos nitong koleksiyon.
Nagagalit ang mga Marcos loyalist, kinukuwestiyon nila si Pacman, bakit daw nagbibitiw ng salita ang senador-boksingero na hinding-hindi magiging Imelda Marcos ang kaniyang misis?
Komento ng isang tagasuporta ng pamilya Marcos, “Tantanan na nila ang paggamit sa dating First Lady! Talgang no comparison! Natural ang kagandahan ni Imelda Marcos, hindi siya retokada! Hindi pinagkukumpara ang fake sa totoo!
Nilinaw rin ng kampo ng dating Unang Ginang na ang mga isinusuot nitong sapatos ay regalo lang sa kaniya ng magagaling nating sapatero mula sa Marikina.
“Puro regalo ‘yon, si Madame Imelda ang parang model nila. Hindi niya ‘yon binibili, bigay lang sa kaniya! Saka locally-made products ang ginagamit ni Frist Lady, hindi tulad ni Jinkee na puro branded at binibili niya!
“Huwag na nilang idinadamay pa si First Lady, hindi sila pinakikialaman noong tao! Tama na ang panggagamit, gumawa sila ng ingay sa sarili nilang paraan!” matinding buwelta sa mag-asawang Pacquiao ng loyalista ng pamilya Marcos.
Nasampolan si Enchong Dee. Isang bilyong pisong danyos ang kakambal ng asuntong cyber libel na isinampa laban sa kaniya ng tagapamuno ng DUMPER Party List na si Representative Claudine Bautista Lim.
Sa kaniyang dating post kasi ay mabigat ang akusasyon ng aktor laban sa kinatawan, pinalalabas niya na ang pondong pera sa organisasyon ay ginastos ni Rep. Claudine sa kaniyang pagpapakasal sa Balesin, matindi nga ‘yon.
Pero pagkatapos noon ay binura na ni Enchong ang mapanghusga niyang post, pinalitan niya ‘yon ng panghihingi ng paumanhin, pagbawi na hindi rin pala pinagbigyan ng kinatawan ng DUMPER Party List.
Tuloy pa rin ang kaso, isang bilyong piso na ang danyos na hinihingi sa kaniya ay napakalayo pa ng lugar kung saan didinggin ang asunto, kaya sa umpisa pa lang ay talagang mahihintakutan na si Enchong.
Sa mga personalidad na nakahiligan na ang pagpo-post ng kanilang saloobin tungkol sa mga kaganapan sa ating bayan ay isa si Enchong Dee sa pinakamatapang.
Madiin siyang magbitiw ng mga salita, matulis ang kaniyang dila, parang wala nang bukas kung magpahayag si Enchong ng kaniyang damdamin.
Pero laging may first time. Kung pinalampas lang ng ibang politiko ang kaniyang maaanghang na paghusga ay nakatiyempo siya kay Representative Claudine Bautista Lim.
Hindi ‘yon pinalampas ng politiko, hindi nito tinanggap ang pagbawi ni Enchong sa nauna niyang post, kaya sa korte mauuwi ang kuwento ngayon.
‘Yon ang sinasabi ng marami, bago mag-click ay mag-isip muna nang maraming beses, dahil madaya ang emosyon. Huwag magpapadala sa galit, sa inis, dahil siguradong may kapupuntahan ang ganoong paghusga.
Harinawang sa kalagitnaan ng kanilang laban ay makapag-usap nang masinsinan ang magkabilang kampo. May mga problemang nadadaan ang solusyon sa maayos na komunikasyon.
Ano kaya ang nakain ni BB Gandanghari para upakan uli ang manunulat-manager-vlogger na si Ogie Diaz? Matagal nang ininterbyu ni Ogie si Robin Padilla sa kaniyang You Tube vlog pero bakit ngayon lang nagbibigay ng reaksiyon ang dating Rustom Padilla?
Maganda ang daloy ng panayam, noon din inamin ni Robin na hiwalay na nga sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla, at mayroon daw third party sa hiwalayan.
Kung tutuusin ay napasadahan lang naman nina Robin at Ogie ang paksa tungkol kay BB Gandanghari, hindi nila tinutukan ‘yon, saka positibo naman ang mga binitiwang kuwento ni Robin tungkol sa kaniyang kapatid.
Walang dapat ikagalit si BB, binigyang-katwiran pa nga siya ni Robin tungkol sa kaniyang sitwasyon ngayon, hindi siya siniraan ng nakababata niyang kapatid.
Pero hindi nagustuhan ‘yon ni BB. Pinagtsismisan daw siya nina Robin at Ogie, kung mayroon daw gustong sabihin si Binoe ay bakit hindi na lang siya kausapin nito?
Galit si BB, sinungaling daw si Ogie, hinding-hindi raw niya tatantanan ang manunulat-manager-vlogger. Bakit kay Ogie nagagalit si BB samantalang nagbato lang naman ito ng tanong kay Robin tungkol sa relasyon nilang magkapatid?
Kung sana’y si Ogie ang nagmagaling na nagkuwento tungkol sa kaniya? Si Robin ang nagkuwento, hindi si Ogie, tanong lang ang naging partisipasyon ni Ogie.
Nagagalit siya kay Robin sa pakikipagkaibigan nito kay Ogie. Dapat daw iwasan ni Binoe ang sinungaling na si Ogie, sabi pa niya, talagang apektado si BB Gandanghari.
Tuloy ay lumalabas ang katotohanan na hindi pa rin pala sila maayos ng kaniyang mga kapatid. Si Mommy Eva lang pala ang regular niyang nakakakumustahan.
Wala kay Ogie Diaz ang problema, nasa kanilang magkakapatid, ‘yon na lang sana ang tutukan ni BB para maging maayos ang kanilang relasyon.
Binabakbakan ngayon si Vice Ganda dahil sa pinakahuli niyang pagresbak sa kaniyang mga bashers. Pakomedya ang kaniyang mga kuda, pero alam na alam mong pikon na pikon si Vice Ganda, kaya umabot sa sukdulan ang kaniyang pagyayabang.
Totoong may tema ng pagmamaangas ang kaniyang mga salita, ipinakadiin kasi niya na mas yumaman pa raw pala siya ngayong pandemya, samantalang ang kaniyang mga bashers ay walang pag-unlad ang buhay kaya ipagdarasal niya.
Isinama rin ni Vice sa kaniyang mga parunggit ang kaniyang ina na masayang-masaya ngayon, lalo na siya, dahil magkasama pa rin sila ni Ion Perez at tatlong taon na ang kanilang relasyon ngayon.
Kung hindi pagkapikon ay wala kaming maapuhap na tamang termino para gamitin sa kaniyang pagmamayabang. Narindi na nga siguro si Vice sa masasakit na salitang ibinabato laban sa kaniya ng mga bashers.
Nagmayabang lang siya para maiangat ang kaniyang sarili kontra sa kaniyang mga bashers pero iba ang naging pagtanggap ng publiko sa kaniyang mga lintanya.
Sa kaniya mismo bumalik ang kaniyang mga sinabi, galit na galit sa kaniya ang mga nakapanood sa kaniyang TikTok video, kailangan na raw talagang kalusin ang kayabangan ni Vice Ganda.
Sa kaniyang estado ngayon ay wala nang kailangan pang patunayan si Vice Ganda. Sobra pa sa pinangarap lang niya ang ibinigay na biyaya sa kaniya ng kapalaran.
Sobra-sobra. Bilyonaryo na siya ngayon, popular pa rin, at siya na ang nagsasabing maligaya siya sa piling ni Ion Perez.
Ano pa ba ang kulang sa kaniya? Wala na kaming maisip, nasa kaniya na ang lahat-lahat, lalo na nga at nandiyan pa ang kaniyang ina na nabigyan niya ng kaginhawahan sa buhay.
Sabi ng isang nagbigay ng reaksiyon sa social media, “Alam sana ni Vice na kapag nagpantay ang dalawang paa niya, ang ipinagmamayabang niyang laman ng bank book niya, e, mawawalan ng saysay.
“Ipinagpapasalamat ang mga biyayang tinatanggap natin, hindi ipinagyayabang, lalong hindi ginagamit na armas sa pangmamaliit sa ibang tao,” sabi ng komento.
Noted.
Dapat ay nananahimik na ngayon ang kaluluwa ng komedyanang si Mahal. Dapat ay ipinagdarasal na lang natin ang katahimikan ng kaniyang kaluluwa pero hanggang ngayon ay may mga nagaganap pa ring kaguluhan tungkol sa kaniyang pagpanaw.
Kinukuwestiyon ng kapatid ni Mahal kung saan napunta ang naipon niyang pera mula sa mga proyektong ginawa niya noon. Said na said daw ang bank book ng munting komedyana.
Hindi naman naghahabol ang pamilya ni Mahal, nagtatanong lang sila, wala rin silang tinutukoy kung sino ang umubos sa pera ng kanilang kapatid.
Natural, sa paglabas ng pagtatanong ng kapatid ni Mahal ay papasok sa isip ng marami ang kaniyang kaibigan na si Mygz Molino, sa poder nito pumanaw ang komedyana.
Matagal na panahong tumira sa bahay nina Mygz sa Batangas si Mahal, masayang-masaya siya sa mga vlogs nila ni Mygz, kitang-kita ang kaligayahan ng komedyana kapag magkasama sila.
Sa pagkakaalam namin ay palagi pa ngang abonado si Mygz sa mga munting kapritso ng komedyana. Mahilig sa magagarang damit si Mahal, sa magagandang sapatos, si Mygz ang bumibili noon para sa kaniya.
Mas magandang huwag nang kinukuwestiyon ang pera ng komedyana. Matagal na panahon na namang natulungan ni Mahal ang kaniyang pamilya. Mapagmahal si Mahal sa kaniyang mga kapatid lalo na sa kaniyang pumanaw na ama.
Isantabi na lang sana ang isyu ng pera. Hindi maganda sa panlasa ang ganoong pagtatanong kahit pa wala namang naghahabol.
Alalahanin na lang natin ang masasayang panahong nakasama natin si Mahal. Nagbigay siya ng aliw sa ating mga kababayan, marami siyang pinasayang mga Pinoy sa ibang bansa, ‘yon na lang dapat ang ating tutukan.
Ipanalangin na lang natin ang katahimikan ng kaniyang kaluluwa saanman siya naroon ngayon. ‘Yon din ang gusto ni Mahal. Ayaw niya ng may mga nag-aaway-away. Lalo na kung pera ang dahilan. – CSF