Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 1-15, 2021

    Mel Senen Sarmiento & Kris Aquino
 
Mel Senen Sarmiento & Kris Aquino
  Kylie Padilla
 
Kylie Padilla
  Aljur Abrenica
 
Aljur Abrenica
  AJ Raval
 
AJ Raval
  Julia Barretto & Dennis Padilla
 
Julia Barretto & Dennis Padilla
  Lolit Solis
 
Lolit Solis
  Alex Gonzaga Mikee Morada
 
Mikee Morada & Alex Gonzaga
  Willie Revillame
 
Willie Revillame
  Isko Moreno
 
Isko Moreno
  Jaime Fabregas
 
Jaime Fabregas
  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao
  Bobit Vidanes
 
Bobit Vidanes

Kris Aquino – Engaged na!

Sa wakas, pagkatapos nang mahabang panahon ng pag-iisa, ay natagpuan na ni Kris Aquino ang lalaking pinapangarap niyang makasama habambuhay.

May edad na rin si dating Congressman Mel Senen Sarmiento, sa biglang tingin ay kahawig pa nito si dating Mayor Joey Marquez na matagal ding nakarelasyon ni Kris, kaibigan ng namayapang kuya ng aktres-TV host ang kaniyang pakakasalan.

Totoong sila na, sabi ng isang nakausap namin, dahil naka-t-shirt na rin ng pink ang dating kongresista. ‘yon ang paboritong kulay ni Kris na kailangang maging paborito rin ng mga nakakarelasyon niya.

Matunog si Kris sa lalaki. Alam niya kung gagamitin lang siya, kung mayroon lang kailangan sa kaniya ang lalaki, hindi ‘yon makalulusot sa kaniya.

Siguro nga ay napatunayan ni Kris na malinis ang hangarin sa kaniya ni Mr. Sarmiento, siguro nga ay kinakitaan niya ito ng magagandang katangiang hinahanap niya sa makakasama niya nang habambuhay, kaya engaged na sila ngayon.

Maraming maligaya para kay Kris, nagbubunyi ang kaniyang mga taga-suporta at kaibigan, dahil lalaking mamahalin at lalaking magmamahal din sa kaniya na lang ang kulang sa buhay niya.

Hindi siya paliligayahin ng salapi, ng kasikatan, isang lalaking magmamahal sa kaniya nang sinsero ang kukumpleto sa kaniyang buhay.

At tama, gawin sanang pribado ni Kris Aquino ang biyahe ng kanilang pagmamahalan ni Mr. Sarmiento, huwag na niyang ilantad pa sa publiko.

***

Parang sa anak niyang si Bimby nakasasalay ang kaligayahan ni Kris Aquino. Kahit sa kaniyang pagdedesisyon ay kailangang bahagi ang kaniyang bunso, kapag ayaw ni Bimby ay ayaw na rin ni Kris, hindi na niya ‘yon itutuloy.

Lalo na sa kaligayahan ng kaniyang puso ay parang si Bimby rin ang kailangang kumilatis. Kapag hindi pasable kay Bimby ang lalaki ay nawawalan na rin ng interes si Kris.

Pero mukhang nagkita sa gitna ang mag-inang Kris at Bimby kay dating Congressman Mel Senen Sarmiento. Pasado sa panlasa ni Bimby ang malapit nang pakasalan ng kaniyang mommy.

Sa pananaw ni Bimby ay malinis ang hangarin ng pulitiko sa kaniyang ina. Wala itong ibang agenda kundi ang mahalin lang at paligayahin si Kris.

‘yon ang dahilan kung bakit maligaya si Bimby sa nalalapit nang pagpapakasal ng kaniyang mommy at Tito Mel. Walang bolang kristal si Bimby pero ramdan na ramdan nito na maligaya si Kris sa piling ng kaibigan ng kaniyang Tito Noynoy.

At ‘yon naman ang palaging inililita niya ni Kris. Ang mamahalin niyang lalaki ay kailangang kakitaan niya ng pagtanggap sa kaniyang mga anak na sina Joshua at Bimby.

Kapag hindi niya ‘yon nakita ay tapos na ang kuwento. Kailangan munang mahalin ang kaniyang mga anak bago siya.

At siguradong nakita ‘yon ni Kris kay dating Congressman Mel Sarmiento na malaki talaga ang pagkakahawig kay Mayor Joey Marquez.

Kylie Padilla – Walang nakuhang ugali sa ama na si Robin

Hindi pa kami nagkikita nang personal ni Kylie Padilla. Nasisilip namin siya sa ilang palabas ng GMA-7 pero bukod doon ay wala na kaming alam tungkol sa kaniya.

Siyempre, alam naming anak siya ni Robin Padilla, ang action star na mula noong kaniyang kasikatan hanggang ngayon ay hindi pinagbabago ng panahon ang magandang ugali.

Nag-post ng isang mensaheng kapos sa respeto si Kylie tungkol sa amin. Parang magkaedad lang kami sa kaniyang lintanya. Pero napakabilis din niyang binura ang kaniyang post sa Twitter.

Pero na-grab na ‘yon ng mga kaibigan at kasamahan namin sa panulat kaya naipadala sa amin. Nagsalita na kami ng aming panig sa CFM, naitawid na namin kay Kylie ang gusto naming sabihin, lalo na sa pagtatangka niyang saklawan ang aming opinyon bilang isang kolumnista.

Walang-walang nakuhang ugali ang Kylie na ito sa kaniyang ama. Mapagkumbaba si Robin, matayog naman si Kylie, na para bang mayroon na siyang napatunayan na maaari niyang maipagmalaki.

Ang gusto lang niyang mabasa ay mga opinyong pabor sa kaniya, pero kapag binibigyan ng espasyo si Aljur Abrenica ay ayaw niya, lalo na ang mga papuri kay AJ Raval na nililigawan ng kaniyang asawa.

Kung ganoon ang hinahanap ni Kylie ay pinagpayuhan namin siyang magtayo ng sarili niyang publikasyon para puro papuri lang sa kaniya ang mababasa niya.

Hindi ang isang Kylie Padilla lang ang puwedeng manghimasok sa aming propesyon. Hindi siya sapat para angkinin ang karapatang manduhan at diktahan ang mga manunulat ng kung ano lang ang gusto niyang Mabasa –binabangungot ang babaeng ito.

Aljur Abrenica – Hinamon si Kylie Padilla!

Kung isinalin sa Tagalog ni Aljur Abrenica ang kaniyang pasabog tungkol sa kung sino sa kanila ni Kylie Padilla ang unang nangaliwa ay mas markado sana ‘yon sa publiko.

Hinahamon ni Aljur si Kylie na magpakatotoo, huwag nitong pinaliliguy-ligoy pa ang kuwento, umamin na raw sana si Kylie kung sino ang unang nanloko at totoong nangwasak sa kanilang pamilya.

Napakadiin din ng pahayag ni Aljur na aminin nito sa kaniyang ama ang katotohanan at kung sino ang kasama nito ngayon. Siguradong-sigurado si Aljur sa ginagawa ni Kylie.

Nang magsalita pala si Robin Padilla tungkol sa kanilang hiwalayan ay hindi kumibo at sumagot si Aljur dahil mayroon silang usapan ni Kylie na walang magbibigay ng reaksiyon.

Pero ‘yon ang hindi na kinakaya pa ni Aljur ngayon, siya pa rin kasi ang sinisisi at inuupakan ng mga tagasuporta ni Kylie, samantalang alam na alam niya kung sino ang unang nanloko sa kanilang dalawa.

Kundi raw ‘yon kayang sabihin ni Kylie sa kaniyang ama ay umamin na ito kahit para man lang sa kanilang mga anak, para matapos na ang problema.

“Kylie, tell them the truth, tell them who cheated first. Tell them why I gave up on you, tell them the truth, have the courage to settle this,” pakiusap pa ni Aljur kay Kylie.

Ang tanging sagot ni Kylie sa mga pahayag ni Aljur ay maigsi at simple lang, “Never underestimate a man’s ability to make you feel guilty for his mistakes.”

Ang buod ng mensahe ni Kylie ay binaligtad ni Aljur ang kuwento. Huwag daw maliitin ang kapasidad ng lalaki na iligaw ang pangyayari para ang babae ang ma-guilty o lumabas na may pagkakamali.

Sa buong istorya ng kanilang hiwalayan ay hindi nagbigay ng komento si Aljur, praying hands lang ang kaniyang ipinost, pero may nakatago palang pasabog sa likod noon.

Ang bulto ng pagpapatunay ngayon ay nakay Kylie Padilla na. Pinaputok na ni Aljur ang kanyon, lumabas na ang pasabog, si Kylie na ang bahalang dumepensa sa matatalim na salita ng paghahamon ng ama ng kaniyang mga anak.

***

Burado na ngayon ang matapang na post ng paghahamon ni Aljur Abrenica kay Kylie Padilla kung sino sa kanilang dalawa ang unang nagluko at tunay na sumira sa kanilang pamilya.

Ikinawindang ‘yon ng mga kaibigan ni Aljur, ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho, lalo na ng mismong mga kamag-anak nila.

Kuwento ng isang source na tumawag sa amin, “Gulantang ang mga friends ni Aljur kung bakit dumating siya sa point na hinamon na niya si Kylie! Sa pagkakilala kasi nila kay Aljur, e, hindi siya ‘yon!

“Pasensiyoso siya. Tahimik lang. Kaya noong mag-post siya na ramdam na ang pagkapuno, talagang nawindang ang mga nakakakilala sa kaniya.

“Ang nasabi na lang nila, e, iba raw mapuno ang taong mabait at pasensiyoso. Isang bagsakan lang, pero rock na rock!” sabi ng aming source.

May naalala naman ang isa pang source kung paano ipinakipaglaban ni Aljur si Kylie noong bago pa lang silang nagsasama sa isang bubong na wala pang basbas ng kasal.

Kuwento nito, “May nabili nang bahay si Aljur sa Scout area, di ba? So, doon sila nakatira. Kasama nila sa bahay ang mommy at mga kapatid ni Aljur.

“Ewan kung ano ang nangyari, pero siguradong si Kylie ang dahilan, malungkot na pinakiusapan ni Aljur ang mommy at kapatid niya na humanap ng bahay na malilipatan.

“Matindi ‘yon! Dugo ang iniluha ang pamilya ni Aljur, pero para sa ikagaganda ng relasyon nila ni Kylie, umalis sila ng bahay, lumipat sila ng tirahan,” pag-alala pa ng aming impormante.

Ganoon katinding minahal ni Aljur si Kylie. Kung ano ang gusto ng babae ay sunod lang nang sunod ang lalaki. Pero may pagkapatid ang pisi ng pasensiya.

Dumarating ang kahit sino sa sukdulan.

Pasabog ni Kylie Padilla – Walang laman

Press release lang pala ang ipinagmamalaking resbak ni Kylie Padilla sa KMJS. Inabangan ‘yon ng buong bayan, sasagutin daw kasi nang punto por punto ni Kylie ang mga hamon sa kaniya ni Aljur, pero maraming nabigo.

Wala siyang sinagot nang diretso. Ang rebentador ay walang pulbura. Sa madaling salita, supot ang sinasabing bombang pasasabugin ni Kylie, walang laman.

Kahit ang mahusay na host ng programa ay walang nagawa para pasukahin si Kylie, paulit-ulit ang tanong ni Jessica Soho kung ano ang maisasagot niya sa mga hamon ni Aljur, pero idinaan lang niya ‘yon sa katatawa.

Nagtago si Kylie sa ilalim ng pajama ng kanilang mga anak ni Aljur, ayaw raw niyang magdetalye, dahil naaawa siya sa kanilang mga supling.

Napakagandang pagkakataon na sana ‘yon para maipagtanggol ni Kylie ang kaniyang sarili sa matatapang na hamon ni Aljur, pero nasayang, kung sinagot niya ang tanong kung sino ang unang nangloko sa kanila at kung sino ang tunay na nagwasak sa kanilang relasyon at pamilya ay kuwentas claras na sana sila ng ama ng kaniyang mga anak.

Hindi ‘yon ang inaasahan kay Kylie ng mga tumutok sa KMJS, sinayang niya ang makasaysayang damage control, marami raw siyang puwedeng sabihin para siraan si Aljur pero wala naman siyang sinabi.

Sina Alas at Axle ang palagi niyang isinasangkalan. Mahal daw niya ang kaniyang mga anak. Kung ang pagmamahal na ‘yon ang una niyang naisip nang maghiwalay sila ni Aljur ay pinigilan sana niya ang kaniyang mga daliri sa pagpo-post ng mga double-bladed niyang mensahe.

Hindi sana niya isinapubliko ang kanilang paghihiwalay, nag-usap na lang sana sila nang pribado, dahil silang dalawa lang naman talaga ang makapagreresolba ng kanilang problema.

AJ Raval – Lutang ang ganda

Tama ang sinabi ng mommy ni AJ Raval na taong pumasok sa kanilang tahanan si Aljur Abrenica kaya makatao rin nilang tinanggap ang aktor.

Ayaw mang magbigay ng pahayag ng kaniyang amang si Jeric Raval dahil kahit ang action star ay nakatakatanggap na rin ng mga pamba-bash na hindi lang nito pinapansin ay nagbitiw ito ng salita na nagkaharap na sila ni Aljur.

Marespetong humarap sa kaniya si Aljur, tinanong nito ang aktor, “Nililigawan mo ba ang anak ko?” Opo ang isinagot ni Aljur, “Hiwalay ka ba?” Opo uli ang isinagot ng aktor.

Maaaring mayroon silang pinag-usapan, pero kanila na lang siguro ‘yon, ang mahalaga ay nagpaalam si Aljur sa mga magulang ni AJ na nanliligaw ito sa dalaga.

Nanliligaw pa lang, hindi pa sila magkarelasyon ni AJ, kailangang maging malinaw ‘yon. Kahit pa nagpahayag na si Kylie Padilla na puwede na silang makipagrelasyon sa iba dahil matagal na silang hiwalay ay mahirap na.

Mahirap pagkatiwalaan ang ganoong salita, paano kung isang araw ay maisipan ni Kylie na kasuhan ng bigamya si Aljur, malaking problema ‘yon.

Isang direktor naman ang nagkuwento sa amin na hindi na ito nagtataka kung bakit nakuha ni AJ ang atensiyon ni Aljur.

“Mabait ang bata. Walang attitude, Marespeto siya sa buong production, walang kaarte-arte, mahal siya ng mga katrabaho niya.

“Hindi siya namba-bad mouth ng kahit sino, tahimik lang siya. At napakaganda ng bata, simple lang siya, pero lutang ang ganda niya!” madiing paglalarawan ni direk kay AJ Raval.

Dennis Padilla – User daw?

Muling nabuhay ang hindi pagkakasundo ng mag-amang Dennis Padilla at Julia Barretto nang dahil lang sa simpleng reaksiyon ng komedyante sa vlog ni Ivana Alawi.

Pagmamahal at pagtanaw ng utang na loob sa mga magulang ang naging paksa ni Ivana, natutukan ‘yon ni Dennis at ang kaniyang reaksiyon, “Great advice.”

Komento ni Dennis ay dapat daw iparamdam ng anak sa magulang ang pagmamahal habang nabubuhay pa. Ganoon lang kasimple pero binigyan ‘yon ng ibang kulay ng mga tagasuporta ni Julia.

User daw si Dennis, pinariringgan daw niya ang mga anak nila ni Marjorie Barretto para lang siya mapag-usapan, lalo na si Julia.

Sa isang panahon na ang akala ng mas nakararami ay sarado na ang libro ng hindi pagkakaunawaan ng mag-ama ay mayroon pa rin pala. Sa pagkakatanda namin, nang mag-agaw-buhay ang komedyante sa pagkakaroon ng COVID ay humingi na siya ng tawad sa kaniyang mga anak, aminado naman si Dennis na nagkaroon siya ng pagkukulang sa mga anak niya.

Maraming humanga kay Ivana sa magandang aral na ibinigay ng kaniyang vlog, pero si Dennis lang ang napuruhan, hindi pa pala tapos ang kuwento ng hindi nila pagkakaintindihan ng mga anak nila ni Marjorie.

Nakakalungkot.

Lolit Solis – Sumamâ ang loob sa asawa ni Alex Gonzaga

Pinanindigan ni Manay Lolit Solis ang kaniyang sinabi na hinding-hindi na niya susulatin ang sinuman sa pamilya Gonzaga. Anumang may kinalaman kina Toni at Alex ay hindi na niya bibigyan ng espasyo sa kaniyang IG at mga kolum.

Sumamâ ang loob ng kolumnista-host-manager sa sarkastikong pahayag ng asawa ni Alex na si Konsehal Mikee Morada na huwag siyang gumagawa-gawa ng mga kuwento lalo na kung hindi niya naman alam ang tunay na pangyayari.

Pero napakatamis na bendikasyon ang natanggap ni Manay Lolit nang ipahayag na ni Alex ang naganap sa kaniyang miscarriage. Saktung-sakto ‘yon sa kaniyang ipinost at sinulat, walang pagkakaiba, kaya ayaw na niyang magsalita pa.

Noong nakaraang Martes, sa Take It, Per Minute… Me Gano’n ay hinihintay ng publiko kung ano ang opisyal na pahayag ni Manay Lolit, pero deadma lang ang kolumnista. Wala siyang sinabing anuman, kami lang ni Mr. Fu ang nagsalita tungkol sa isyu, nakikinig lang siya.

Nakakalungkot ang ganitong senaryo. Pabawas nang pabawas ang mga kolumnistang hindi na nagsusulat tungkol sa magkapatid na Gonzaga. Balat-sibuyas kasi ang pamilya, konting kibot lang ay mayroon na agad silang negatibong reaksiyon, tulad ng ginawa ng konsehal na asawa ni Alex.

Magkatuwang ang trabaho ng mga artista at manunulat, kailangan nila ang isa’t isa, pero mukhang nakakalimutan ng mga Gonzaga ang mundong pinasok ng magkapatid.

Pampublikong pigura sila. Natural lang na may mga pumupuri, pumapansin at kumukuwestiyon sa mga isyung kinapapalooban nila.

Kailangang tanggapin ng magkapatid na ito ang presyong kailangan nilang pagbayaran sa pagiging kilalang personalidad.

Willie Revillame – Nakakatulog na rin nang mahimbing

Maluwag na ang oras ngayon ni Willie Revillame. Nakakatulog na rin siya nang mahimbing. Madalas na uli niyang nakakasama ngayon ang kaniyang mga anak at apo.

Ilang buwan niyang hindi nasarili ang panahon. ‘yon ang mga pagkakataong nakapikit ang mga mata niya pero gising naman ang diwa niya.

Hindi rin siya makakain nang maayos, napakarami niyang iniisip at binabalanse, itutuloy ba niya ang pagpasok sa pulitika o tutulong na lang siya sa mga kababayan natin sa pamamagitan ng Wowowin?

Lakas-loob siyang nagpaalam kina PRRD at Senador Bong Go. Ibinagsak niyang lahat ang mga baraha sa mesa. “Hindi ko po kaya.”

Sa halip na mangatwiran ng kung anu-ano ay nagpakatotoo siya sa kaniyang mga kaharap. “Ayoko pong mapahiya lang kayo dahil sa akin, gusto ko pong magserbisyo sa mga kababayan natin, pero sa paraang kaya ko lang.”

At ang iba pang pahayag niya ay narinig-napanood natin sa kaniyang programa nang umatras na siya sa laban.

Ngayon ay kaniyang-kaniya na ang oras niya. Nakakasama na uli ni Willie ang kaniyang mga anak at apo sa beach house niya sa Mindoro.

“Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan. Ganoon pala ‘yon? Para akong nasusuka na hindi ko maintindihan,” rebelasyon pa ng TV host.

Maraming kaibigan niya ang nagbunyi sa kaniyang desisyon, nagsisigawan ang mga tagasuporta niya sa Wowowin dahil hindi na siya tatakbong senador, masayang-masaya rin ang kaniyang mga anak dahil wala na silang makakaagaw sa oras ng kanilang ama.

Naaasikaso na uli ni Willie ang mga ipinagagawa niya. Ang kaniyang mga villa sa Iruhin, Tagaytay, ang seven-star hotel na sinimulan na sa Puerto Galera, pabalik-balik siyang lumilipad sa mga lugar na ‘yon para personal na pamahalaan ang pagpapagawa.

At siyempre’y patuloy pa rin ang pamimigay niya ng tulong sa ating mga kababayan sa Wowowin-Tutok-To-Win, daang libo araw-araw ang ipinamamahagi niya sa mga pamilyang nagdarahop ngayong pandemya, may milyones ring ipinamimigay ang kaniyang programa na totoo namang nakapagpapabago sa antas ng buhay ng ating mga kababayang nawalan ng trabaho.

Siya na mismo ang nagsabi, “Mas simple ang buhay, mas masaya. Marinig ko lang ang sigawan sa kabilang li niya kapag may nananalo nang one million, masayang-masaya na ako. Kumpleto na ang araw ko!

“‘yon ang parang dextrose ko kapag nalulungkot ako. Daig ng saya ng mga kababayan nating walang-wala ang kahit anong gamot,” positibong kuwento ni Willie.

Mayor Isko Moreno – Kinukuwestiyon ang kredibilidad

Hindi lang kumikibo si Mayor Isko Moreno pero siguradong nasasaktan siya dahil ang mga kasamahan niyang artista ay hindi pumapabor sa pagtakbo niya sa panguluhan.

Wala na tayong nararamdamang personalidad na isinisigaw ang kaniyang pangalan, wala pang lumalantad sa pagkampa niya sa kaniya, sa halip ay ibang kandidato pa nga ang kanilang kinakampihan.

Masakit ‘yon para kay Mayor Isko. Sarili niyang mundong pinagmulan pero walang sumasang-ayon sa kaniyang mataas na ambisyon.

Ang pinakahuling nagparamdam ng pagkuwestiyon sa kaniyang kredibilidad para kumandidatong pangulo ay ang nirerespetong veteran actor na si Jaime Fabregas.

Matitindi ang mga salitang binitiwan ng beteranong aktor laban kay Mayor Isko, nag-ugat ang kaniyang reaksiyon sa sinabi ni Yorme na mula noong 1998 hanggang ngayon ay hindi pa nasangkot ang kaniyang pangalan sa corruption, doon pumapalag si Jaime Fabregas.

Teka lang muna, sabi ni Mr. Fabregas, puwede bang pakipaliwanag ng mayor ng Maynila ang isyu ng nawawalang mahigit na pitumpung milyong piso noong 2014 na sangkot ang pangalan ng aktor-pulitiko?

At naglitaniya na ng kaniyang maaanghang na salita ang beteranong aktor, “Sa umpisa pa lang, e, sinabi ko nang mahirap pagkatiwalaan si Isko! Parehong-pareho sila ni Duterte, utak-mayor, hindi pangpresidente!

“Mag-isip-isip sana ang mga botante. Mag-aral sila, mag research, presidente ng Pilipinas ang iboboto natin. Isko, nakikiusap ako, umatras ka na sa laban!

“Ang trabaho ng isang pangulo ay higit pa sa pagpipintura ng Lagusnilad at mag-ilaw ng park!” madiing-madiing panawagan ni Mr. Jaime Fabregas.

Manny Pacquiao – Sunud-sunod na reklamo ang naglalabasan

Nakakatakot ang pakikipagsuntukan sa buwan ni Senador Manny Pacquiao sa darating na halalan. Pinakamatayog na pangarap ang kaniyang inaasinta, pagiging pangulo ng ating bayan, sa mga nagaganap ngayon ay mukhang magiging mailap sa kaniya ang tagumpay.

Sunud-sunod na reklamo ang naglalabasan tungkol sa Pambansang Kamao. Mukhang nakaligtaan niyang linisin muna ang kaniyang mga obligasyon bago siya naglatag ng ambisyong maging pangulo.

Bago nagpahayag ng kaniyang saloobin ang kaniyang bestfriend na si Jayke Joson na mula noong 2005 ay kasama na niya sa lahat ng kaniyang laban ay may mga mas naunang nagreklamo muna laban kay Pacman.

Tungkol sa pananalapi ang reklamo ng mga ito, lumalabas na iresponsable ang senador-boksingero dahil hindi sila nababayaran sa kanilang mga serbisyo.

Naging mas markado lang ang mga rebelasyon ni Jayke Joson na pinalalabas na walang utang na loob ng kampo ni Pacman, milyun-milyong dolyares kasi ang sangkot sa isyu, ang kasong isinampa sa Amerika laban sa boksingero ng Paradigm Sports ang magpapatotoo.

Sanggang-dikit silang dalawa, kung nasaan si Pacman ay siguradong nasa likuran niya si Jayke, binansagan nga itong Pambansang Anino ng boksingero dahil sa kanilang pagkakaibigan.

Pero naging maasim na ang kanilang samahan, tulad din ng pagkakaibigan ni Pacman at ni Governor Chavit Singson, maraming kailangang ayusin si Senador Manny para maging makinis ang kaniyang kartada sa darating na kampanya.

Sabi nga ni prop, ang kaibigan naming nakasunod sa takbo ng isyu, “Paano siya mananalong pangulo kung ganiyan na maraming naghahabol sa kaniya? Kung ang iilang tao nga lang na nasasakupan niya, e, hindi niya naiayos, ang buong bansa pa kaya?”

May katwiran ang katwiran.

Bobit Vidanes – Buking ang pagiging power tripper

Buking na buking na ang pambabaligtad ngayon ng maangas na direktor na si Bobet Vidanes sa mga hosts ng It’s Showtime na ayon sa kaniya ay naging dahilan ng pag-alis niya sa noontime show.

Marami raw kasing naglilider-lideran sa programa, hindi raw pera ang dahilan ng kaniyang paglundag sa Brightlight Productions, hindi na raw healthy ang kanilang samahan.

Dahil sa kaniyang pag-iyak na wala namang sinseridad at pagtuturo sa mga hosts ng It’s Showtime na may kasalanan ay hindi na nakapagpigil pa ang mga dati niyang katrabaho sa ABS-CBN.

Buking na buking ang pagiging power tripper ng direktor, nalantad ang mga sinasabi niya noong magkakasama pa sila, sinungaling daw ang ambisyosong direktor.

Text sa amin ng isang source mula sa nilayasan niyang programa, “Sinungaling si Bobet! Lagi niyang sinasabi na bobo raw si Vhong Navarro! Kay Vice Ganda naman, lagi niyang sinasabi na iba raw talaga ang ugali ng bakla!

“Paano niya ‘yon maidedenay ngayon, sige nga! Hindi siya makapagsisinungaling, naririnig ‘yon ng floor director at ng mga cameramen sa headset nila!

“Akala niya siguro, e, siya lang ang nakakarinig ng mga sinasabi niya! Maraming tao sa booth, naka-headset ang mga cameramen, dinig na dinig ang mga pinagsasasabi niya!

“Pati ang mga dancers, bobo rin ang tawag niya, walang magaling para sa kaniya, siya lang!” galit na sabi ng aming source mula sa ABS-CBN.

Alam din ng lahat sa nilundagan niyang show ang katotohanan tungkol sa kaniyang paglipat, kapitan siyang naturingan ng noontime show, pero siya pa ang unang lumundag sa “sinking ship.”

Isa pang source ang nag-text sa amin, “Ipinagmamalaki niya ang deal nila ng nilipatan niyang production, dalawang co-hosts ng show ang pinagkuwentuhan niya. Pinatapatan daw niya sa mga executives ng network ang offer sa kaniya, pero hindi kinaya.

“Ano ngayon ang sinasabi niya na it’s not about money? E, nandoon pa nga siya sa Showtime, nakikipag-deal na siya sa lilipatan niya? Di ba naman katrayduran ang ginawa niya?

“Nasaan ang loyalty niya sa network na nagbigay ng lahat ng opportunities sa kaniya? Group hug? Walang iwanan hanggang sa huli? Neknek niya!” walang patumanggang komento pa ng dating katrabaho ni Bobet Vidanes sa ABS-CBN. – CSF