Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminOktubre 1-15, 2021

    Dennis Trillo & Jennylyn Mercado
 
Dennis Trillo & Jennylyn Mercado
  Gretchen Barretto
 
Gretchen Barretto
  KC Concepcion
 
KC Concepcion
  Cesar Montano
 
Cesar Montano
  Jinkee Pacquiao
 
Jinkee Pacquiao
  Claudine Barretto
 
Claudine Barretto
  Alden Richards
 
Alden Richards
   LJ Reyes, Paolo Contis, & Yen Santos
 
LJ Reyes, Paolo Contis, & Yen Santos
  Vice Ganda
 
Vice Ganda
  Ate Gay
 
Ate Gay
  Phillipp Salvador
 
Phillip Salvador

Jennylyn Mercado – Kumpirmadong buntis!

Si Jennylyn Mercado ang itinuturong popular at magaling na aktres na nagdadalantao sa kasalukuyan. Nag-ugat ang kuwento sa set ng seryeng pinagtatambalan nila ni Xian Lim.

Nagkaroon ng komosyon sa set nang dumating ang isang ambulansiya. Akala ng mga production staff ay may nagpositibo sa COVID-19 pero wala pala.

Si Jennylyn ang kinuha ng ambulansiya dahil kailangan siyang isugod sa ospital, nagkaroon siya ng spotting, na kumumpirma sa kaniyang pagdadalantao.

Pinalitan na siya bilang leading lady ni Xian Lim, pinayuhan si Jennylyn ng kaniyang OB-Gyne na sumailalim sa bed rest, bawal siyang magtrabaho nang mabaha-habang panahon.

Magandang balita ito para sa mga tagahanga ni Jennylyn. Anim na taon na silang magkarelasyon ni Dennis Trillo, pagpapakasal na lang ang kulang sa kanilang relasyon, pero mukhang nagpaplano na rin silang humarap sa altar.

Malaki na ang anak nila ni Patrick Garcia na itinuturing na ring sariling anak ni Dennis, panahon na para magbuo sila ng pamilya, kaya ang pagdadalantao ni Jennylyn ay isang poisitibong balita para sa kaniyang mga tagasuporta.

Laging malaking biyaya ang sanggol para sa mga nagmamahalan, responsableng karelasyon si Dennis, kaya siguradong magiging mabuti at responsible rin itong ama.

Gretchen Barretto – Beautiful inside and out

Ang ganda-ganda ng imahe ngayon ni Gretchen Barretto. Ang mga taong tinutulungan niya ngayong pandemya kahit hindi naman siya pulitiko ang nagpapabango sa kaniyang pangalan.

Maraming bukod na pinagpala, maraming sumusuka sa kayamanan ang kanilang bulsa, pero iilan lang ang nagkakaroon ng pusong magbahagi ng kanilang mga biyaya.

Walang piniling padalhan ng tulong si Gretchen, lahat halos ng mga taga-showbiz ay pinadalhan niya ng bigas at groceries, kahit mga artistang mayroon namang naipon ay naalala rin niyang tulungan nang mula sa puso.

Panalo ang mga loyalista ng Take It, Per Minute… Me Gano’n dahil nagpa-raffle pa siya ng bigas. Nagpadala siya nang limampung kaban na dalawampu’t limang kilo ang laman ng sako, tuwing Martes ‘yon ipara-raffle ng TIPMMG, si Manay Lolit Solis ang namamahala dahil sa kaniya ipinagkatiwala ni Gretchen ang limampung sakong bigas.

Nagsimula na kami noong Martes, hanggang sa Pasko na ang pa-raffle, Team Ngangers ang mga tagasuporta ng Cristy Ferminute na sumali.

Nagtatanungan nga kami nina Manay Lolit at Mr. Fu. Mayroon kayang tumaya sa online sabong na natalo at bigas ang ipinambayad kina Gretchen at Atong Ang?

Saanman galing ang bigas na ipinamamahagi ni Gretchen ay hindi na mahalaga, ang importante ay ang maganda niyang puso sa pag-alalang makatulong ngayong pandemya, napapanahon ang kaniyang ayuda sa mga nangangailangan ngayong napakahirap ng buhay.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Siya ang classic example ng taong beautiful inside and out.”

KC Concepcion – Napaka-respectful, hindi suplada

Nakakatuwa ang kuwentong nakarating sa amin mula sa mga kaibigan naming matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika. Si KC Concepcion ang bumibida sa kanilang kuwento.

Isang gabi ay nakita nila ang magandang aktres sa isang 24-hour grocery store (Ralph’s), walang make-up si KC, naka-cap lang at simpleng t-shirt.

Medyo lumapit-lapit ang pamilya sa wet section ng malaking grocery store, gusto nilang patunayan kung ang panganay nga ni Sharon Cuneta ang kanilang nakikita nang malayuan o kahawig lang.

Kuwento ng aming kausap, “So, lumapit-lapit kami sa kaniya, si KC nga! Ang apo ko ang unang bumati sa kaniya, tiningnan niya ang apo ko, hinawakan niya sa ulo nang nakangiti.

“Binati niya kami, matagal na raw ba kaming nakatira sa States? Napaka-respectful niya, hindi siya suplada, mahilig nga pala siyang magluto dahil ang laman ng cart niya, e, puro ingredients sa mga lulutuin niyang food!” sabi pa ng aming kaibigan.

Tuwang-tuwa ang mag-anak, kasi raw ay anak nga si KC ng mother niya, magkaugali raw sina Sharon at KC na napaka-humble at nagbibigay-halaga sa kanilang mga fans at kababayan.

Nagkaroon na kasi ng karanasan ang pamilya ng aming kaibigan na hindi kagandahan tungkol sa isang female singer na binati nila pero hindi man lang sila pinansin nito.

“Tiningnan lang niya kami, ganoon lang, then she walked away. Parang wala siyang pakialam, porke ba sumikat siya worldwide, e, ganoon na lang ang gagawin niya sa mga kapwa Pilipinong nakakakita at bumabati sa kaniya?” kuwento pa ng aming kaibigan.

Ahahay!

Cesar Montano – Tinamaan ng COVID-19

Napakatindi pala ng pinagdaanang laban ni Cesar Montano nang tamaan siya ng COVID-19. Barado na ang kaniyang lalamunan, hirap na siyang huminga, akala ng aktor ay ‘yon na ang kaniyang katapusan.

Maingat sa kaniyang kalusugan si Cesar, hindi siya makarne, gulay ang paborito niya at wala rin siyang bisyong makasisira sa kaniyang katawan.

Araw-araw halos siyang nagba-bike, malalayo ang kaniyang biyahe, kaya hindi niya sukat-maisip na tatamaan pala siya ng virus.

Sabi ni Cesar nang maging panauhin namin siya ni Romel Chika sa Cristy Ferminute, “Kahit sa bahay, maingat ako, pero naalala ko, kapag nagba-bike ako, e, umiinom ako ng fresh buko. Tumatabi muna ako, tatapusin ko ang pag-inom, takbo na uli ako.

“Siguro, sa isa sa mga panahong ginawa ko ‘yon, e, doon ako nakakuha ng virus. Kumpleto naman ako sa health protocols, bihira lang akong lumabas, kapag nagba-bike lang ako,” pag-alala ng magaling na aktor.

May matinding bilin si Cesar sa ating mga kababayan. Napatunayan niya nang magkasakit siya na maganda pala ang pagtulog nang nakadapa. Naka-relax daw ang ating lungs kapag ganoon.

“Ganoon akong matulog, nakadapa ako, sinabi ng doktor ko na nakatulong daw sa akin ang ganoong position sa pagtulog. Salamat dahil hindi ako na-intubate, pero matindi ang pagbabantay na ginawa sa akin ng doktor ko.

“Second life ko na ito. Akala ko talaga, katapusan ko na. At ngayon ko mas napatunayan na may Diyos na kasama natin sa laban.

“Hindi pa tapos ang misyon ko, marami pa akong dapat gawin, kaya niregaluhan pa ako ng panibagong buhay,” seryoso at sinsayroong pahayag ni Cesar Montano.

Jinkee Pacquiao – Wala sa tiyempo, saliwa ang sayaw

Ayon sa aming source ay may nagpadala ng text message kay Jinkee na ganito ang sinasabi, “Public officials and their families shall lead modest lives. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.”

Iyon ang nakasaad sa R.A. No. 6713. Napakalinaw ng sinasabi, ang mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat magpalutang ng kanilang kayamanan sa anumang hugis at paraan, maging ang kanilang pamilya.

Komento ng aming source, “Maganda ang paalala ng nag-text kay Jinkee, taliwas kasi sa imaheng ipino-project ni Senator Manny ang ginagawa niya.

“Nagpapakumbaba ang tatakbong pangulo, inilalapit niya ang sarili niya sa masa, pero iba naman ang ginagawa ng misis niya. Malinaw na magiging malaking hadlang sa inaasinta niyang posisyon si Jinkee,” madiing sabi ng aming source.

Totoong obserbasyon. Hindi makatutulong sa kandidatura ng Pambansang Kamao ang pinalulutang na imahe ni Jinkee. Ang pagsusuot ng mga kagamitang kapag sinuma ang kabuuang halaga ay sobra pa sa sapat na pang-ayuda sa ilang barangay.

Oo nga’t kayamanan ‘yon na pinaghirapang makamit ng senador ay hindi pa rin sasapat ang ganoong katwiran dahil wala nga sa timing ang ginagawa ng kaniyang misis.

Pandemya ngayon, isasaing lang ng mga kababayan nating nagdarahop sa hapunan ay hindi pa nila alam kung saan kukunin, kung wala ay itutulog na lang nila ang kagutuman.

Wala sa tiyempo, saliwa ang sayaw ni Jinkee sa tugtog, kaya totoong magiging malaking kabawasan sa boto ng kampeong boksingero ang imaheng ipinagduduldulan ni Jinkee sa publiko.

Sana nga ay magkaroon ng pagbabago sa panig ni Jinkee, hindi naman siya inaasahang maghubad ng mga pumupuna, basa ilagay lang niya sa tamang tiyempo ang kaniyang mga galaw.

Claudine Barretto – Tatakbong konsehal

Huwag na nating tanungin kung totoo bang matagal na panahong nanirahan sa Subic si Claudine Barretto. Huwag na rin tayong magulantang kung bakit bigla niyang naisip na tumakbong konsehal sa Olongapo City.

Mas magandang tutukan kung seryoso ba si Claudine sa pagpasok niya sa pulitika? Tatapusin kaya niya ang una at huling yugto ng kampanya?

Pabagu-bago kasi ang desisyon ni Claudine, kilala siya sa pagiging fickle-minded, baka hindi pa ngangalahati ang kampanya ay malaman na lang natin na kumalas na pala siya sa partido.

Sana nga ay panindigan ni Claudine ang pinasok niyang bagong mundo. Nangangampanya lang siya noon sa mga kaibigan niyang tumatakbo, pero ngayon ay siya na mismo ang aamot ng boto ng kaniyang mga nasasakupan, harinawang huwag nang magbago pa ang kaniyang isip.

Ang talent manager na si Arnold Vigafria ang kanilang ulo, nakagugulat din ang desisyon nitong kumandidatong mayor, siguradong kinausap namang mabuti ng manager ang kaniyang alaga sa kanilang pagkandidato.

Disiplina lang naman ang kulang kay Claudine Barretto, kung kapasidad ang pag-uusapan ay kaya niya namang paniwalain sa husay niyang magsalita ang mga botente, depende na lang talaga sa kaseryosohan niyang maglingkod ang magiging kapalaran niya sa pulitika.

Alden Richards – Best Actor sa 36th Star Awards

Maligayang bati sa Pambansang Bae na tinanghal na pinakamahusay na aktor sa katatapos lang na 36th Star Awards For Movies para sa pelikulang Hello, Love, Goodbye.

Panalo si Alden Richards, pero ang katambal niyang si Kathryn Bernardo ay kinabog sa pagganap ni Sylvia Sanchez, kaya nag-iingay na naman ang mga tagahanga nila ni Daniel Padilla.

Tanggapin na lang dapat nila na napakalaki ng nagawa sa karera ni Kathryn ng pinagtambalan nilang pelikula ni Alden, bilyon ang halagang pinaruya noon sa mga sinehan, napakagandang record na ‘yon para sa kanilang idolo.

Huwag nilang menosin ang kapasidad ni Alden Richards na madalas nilang sabihing “extra” lang sa Hello, Love, Goodbye, ayan tuloy, ang minamaliit nilang extra lang ang nakakuha ng parangal bilang best actor.

Si Kathryn na mismo nag nagsabing napakabigat para sa kaniya ang tanggapin ang HLG. Natatakot itong lampasan sa takilya ang huling pelikula nila ni Daniel, maraming agam-agam ang dalaga, pero sinuportahan daw naman ito ng kaniyang boyfriend.

Kinabog nga ng pelikula nila ni Alden ang hawak nilang record ni Daniel, bilyon ang marka nito sa takilya, kaya nagwarla na naman ang mga tagasuporta nila ni DJ.

Ganoon lang talaga, pana-panahon ang tagumpay ng mga artista, napakasuwerte ni Alden Richards dahil ilang taon na niyang hawak ang titulo bilang pinakasikat na aktor ng kaniyang panahon.

At sikat na sikat na ay magaling pa siyang umarte at kumanta, isinilid na yata ng kapalaran sa kaniyang buslo ang lahat ng talento, na kailangang tanggapin ng iba nakapikit man o nakadilat sila.

Paolo Contis, LJ Reyes at Yen Santos – May humabol pang kontrobersiya

Pahupa na sana ang pagpipista ng buong bayan sa isyu ng hiwalayan nina Paolo Contis at LJ Reyes na si Yen Santos ang itinuturong third party ay may humabol pang kontrobersiya.

Nagkaroon pa ng buntot ang umalis na sanang bagyo, parang daga sa kaniyang lungga ngayon ang kontrobersiyal na aktor na walang masilungan sa kaniyang lungga, paano kaya niya malulusutan uli ito?

Sa kaniyang mensahe kay anak-anakang Ogie Diaz ay sinabi ni Paolo na nagpabakuna raw siya sa Caloocan noong August 28, nag-taping din siya ng Bubble Gang at Dear Uge, kaya paano magiging posible ang pagsasama nila ni Yen Santos sa Baguio nang isang linggo?

Papayag ba naman ang mga Maritess sa basta ganoon lang na pahayag ni Paolo? Ayun, nabisto tuloy siya na August 9 siya nagpabakuna sa Caloocan, mismong sa FB page niya ‘yon lumabas.

Hindi rin puwedeng second dose ang kaniyang tinutukoy dahil hindi puwedeng halos magkasunod lang ang petsa ng una at pangalawang pagbabakuna.

Ayaw talaga silang tantanan ni Yen ng mga kababayan nating mas mahabang panahon ang ginugugol sa tsismis kesa sa ikauunlad ng kanilang buhay ngayong pandemya.

Sabi pa ng isang basher, “O, di ba? Sa bibig nahuhuli ang isda, hindi sa buntot! Sa kaniya mismo nanggaling ang date na August 28, pero August 9 pala siya nagpabakuna!”

Tahimik pa rin si Yen hanggang ngayon, hinahayaan na lang siguro nitong mapagod ang mga Maritess na sobra ang pagtutok sa isyung kinasasangkutan nila ni Paolo, palilipasin na lang nito ang natural na pagkamatay ng kontrobersiya.

Pandemya ngayon, walang gaanong magawa ang ating mga kababayan, kaya sa ganitong paraan na lang sila naglilibang.

Vice Ganda – Sumama ang loob kay Ate Gay

Totoong-totoo ang kasabihan na mas mahalaga ang pisong tulong na tinatanggap natin sa panahon ng pangangailangan kesa sa mas malaking halaga sa oras ng ating kaginhawahan.

Ang biyayang dumating sa atin sa panahon nang kagipitan ay hindi natin maaaring palitan ng kahit ano at lalong hindi natin mabibili nang kahit magkano.

Ngayong pandemya ay milyong kababayan natin ang namimilipit sa kawalan. Laganap ang kahirapan. Milyon-milyon ang nawalan ng trabaho kaya suntok sa buwan kung saan sila kukuha ng kabuhayan.

Ganoon ang buod ng sama ng loob ngayon ni Vice Ganda. Nang magkasakit ang kasamahan niyang komedyanteng si Ate Gay ay nagpadala siya ng tulong. Hindi niya ‘yon ipinagmakaingay. Puso lang niya ang nakakaalam.

Inilabas ni Ate Gay ang halagang ipinadala sa kaniya ni Vice Ganda, beinte mil, maraming nakisawsaw sa isyu at nanunumbat kay Vice kung bakit dalawampung libong piso lang ang ipinang-ayuda niya kay Ate Gay samantalang napakayaman niya?

Sumama ang loob ni Vice. Siya na nga naman ang tumulong ay pinalabas pa siyang masama. Ang beinte mil na ipinangtulong niya kay Ate Gay ay napakalaking halaga na kung tutuusin dahil magpagulung-gulong man tayo ngayon mula sa Caloocan hanggang Baclaran ay wala tayong mapupulot na beinte mil sa kahabaan ng EDSA.

Wala sa yaman ang pagtulong. Maraming nagkakamal nang milyones na hindi naman nagbabahagi ng kanilang yaman sa mga nagdarahop. Puso ang nagdidikta ng pagtulong.

Bilyonaryo ka man, kung wala ka namang hangarin makatulong, ay wala rin. Pero mayroong mga taong sapat-sapat lang ang hawak pero may puso pa ring dumadamay sa kanilang kapuwa.

Humingi na ng dispensa si Ate Gay sa paglalabas nito ng halagang ipinadala sa kaniya ni Vice pero ang pangungutya at paghusga kay Vice ay laganap pa rin.

Mahirap nga naman ang kaniyang sitwasyon. Tumulong na nga siya ay lumabas pa siyang masama at maramot. Paano kung hindi siya tumulong kay Ate Gay nang magkasakit ito?

Di lalo na? Siguradong mas masasakit na salita pa ang kakainin niya sa agahan, tanghalian at hapunan. Baka nga may midnight snack pa.

Phillip Salvador – Kaibigang putik?

Para lang maiangat ang kartada at imahe ng kaibigan niyang pulitiko ay kung anu-anong salita ang binitiwan ni Phillip Salvador sa isang pagtitipon.

Okey lang namang ipakadiin niya ang papuri kay Senador Bong Go, pero sana’y hindi na siya nagkumpara, sana’y hindi na siya pumitik pa ng mga diumano’y ikinampanya niya rin pero puro pangakong napako lang naman ang napala niya.

Natural, ang unang maiisip ng mga kababayan natin ay ang mga kaibigan niyang karnal na sina Senador Bong Revilla at dating Senador Jinggoy Estrada, mayroon pa bang iba?

Hindi maganda ang insinwasyon ng kaniyang mga pahayag, para siyang nanunumbat-naniningil, mayroon pala siyang inaasahang kapalit ang pagkampanya niya.

Sabihin na nating hindi nga sina Senador Bong at Jinggoy ang kaniyang tinutukoy ay hindi pa rin maganda sa panlasa ang tabas ng kaniyang dila. Hindi naman pala bukal sa puso ang pagtulong niya.

Sa huling episode ng Take It, Per Minute… Me Gano’n ay tinawag na kaibigang putik ni Kabsat Lolit Solis si Phillip. Ihinambing naman namin siya sa langgam. Kung nasaan ang asukal ay nandoon si Phillip Salvador. Na kayang-kaya naming panindigan at kambalan ng resibo.

Noong nakatagpo na siya ng bagong kampong maaasahan niyang mapagkukunan ng kaniyang kabuhayan ay naalala man lang ba niyang kumustahin ang mga taong nakatulong sa kaniya noong walang-wala siya?

Naaalala pa ba niya ang pangalan nina Mayor Enrico Roque, Tita Flory Estrada at maging ni Zaldy Aquino?

Hindi pa man siya nakapagmumumog noong mga panahong hilahod ang kaniyang buhay ay nakatawag na agad siya sa mga nabanggit naming tao. Nanghihingi na ng ayudang pampinansiyal.

Aba, nang maging anino na siya ni Senador Bong Go ay ni hindi man lang niya naaalala ang mga taong milagro ang ginawa sa kaniyang kabuhayan, ni tawag ay wala.

Tapos na kasi ang kaniyang pangangailangan, may natagpuan na siyang pukyutan na punumpuno ng asukal, kaya isa siyang literal na langgam.

May naniniwala ba namang bumubuntot siya ngayon kay Senador Bong Go nang wala siyang pakinabang? Iniaangat ba niya ang pangalan ng pulitiko nang nagsasayang lang siya ng laway?

Kahit noong nakapiit sa PNP Custodial Center sina Senador Bong at dating Senador Jinggoy ay hindi naman namin siya nakikita doon nang madalas. Paminsan-minsan lang, kapag may okasyon, ganoon ba ang tunay na kaibigan?

Ganoon ba ang tunay na kaibigan sa makapal at sa manipis, sa pagbagsak at sa pagbangon, sa tag-ulan at sa tag-araw? – CSF