Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 16-31, 2021

    Alden Richards & Jasmine Curtis Smith
 
Jasmine Curtis Smith & Alden Richards
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Vilma Santos Recto
 
Vilma Santos Recto
  Angel Locsin & Neil Arce
 
Angel Locsin & Neil Arce
  Coco Martin & Julia Montes
 
Coco Martin & Julia Montes
  Derek Ramsay & Jon Estrada
 
Derek Ramsay & John Estrada
  Gabby Concepcion & Sharon Cuneta
 
Gabby Concepcion & Sharon Cuneta
  Kylie Padilla & Aljur Abrenica
 
Kylie Padilla & Aljur Abrenica
  Elijah Canlas
 
Elijah Canlas
  kokoy
 
Kokoy de Santos
  Raymond Gutierrez
 
Raymond Gutierrez

Alden Richards at Jasmine Curtis Smith – Halatang daya ang kissing scene

Tinututukan namin gabi-gabi ang seryeng pinagtatambalan nina Alden Richards at Jasmine Curtis Smith. Maganda ang daloy ng kuwento, kakaiba, interesante.

Dalang-dala ng Pambansang Bae ang papel na ginagampanan niya, napakaguwapo niya sa halos lahat ng anggulo, humihingi rin ng simpatya ang role niya bilang kinakawawa ng kontrabidang si Tom Rodriguez sa istorya.

Pero noong Huwebes nang gabi ay naunsiyami kami sa kissing scene nina Alden at Jasmine. Sana ay hindi na lang ‘yon kinunan. Halatang-halatang daya ang eksena.

Ibinabad pa ang mga camera nang napakatagal, lalo tuloy nakitang dayang-daya lang ang eksena, kinunan na lang sana ‘yon nang malayuan para mapaniwala ang manonood na naghahalikan nga sila.

‘Yon lang naman. Pero sa kabuuan ay wala nang kapansin-pansin na makakaabala ng ating isip, maayos na ang mga eksena, partikular na ang marespetong pagpapaalam ni Alden kay Dina Bonnevie.

Ang inaabangan ngayon ng mga tagahanga ni Alden ay ang gagawin niyang paghihiganti sa mayabang at pasaway na si Tom. Unti-unti nang lumalabas ang mga pangil ng mabait pero kinakawawang si Louie sa kuwento.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Wala ka nang hahanapin pa kay Alden. Napakaguwapo na, magaling pa siyang umarte. At lalo pa siyang gumuguwapo sa paningin ng televiewers dahil alam nating may mabuting puso siya.

“Sana, maraming tumulad kay Alden na nasa kaniya na ang lahat-lahat, pero napaka-humble pa rin,” papuri ng kaibigan naming si Prop.

May isang kaibigang nakapagkuwento sa amin na kahit naka-lock-in taping si Alden ay hindi ‘yon nagiging hadlang sa pagbibigay niya ng ayuda sa mga kababayan nating dinadalaw ng kalamidad.

Laganap ang pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan, may bulkang pumuputok, maraming kababayan natin ang nangangailangan ng tulong.

Kumpleto ang komunikasyon ni Alden at ng kaniyang team, mapuso rin ang mga taong nag-aalaga sa kaniya na sina Carlites at Tenten, abala man sa trabaho ang sikat na aktor ay may mga kumikilos para sa kaniya.

Napakagandang puso.

Kris Aquino – Blooming at may bagong pag-ibig?

Ang ganda-ganda ng aura ni Kris Aquino. Maganda ang kaniyang make-up. Hindi namin nakita sa kaniya ang ikinababahala niyang pagiging sobrang payat.

‘Yon ang timbang na inaasinta ng mga artista, payat man ay meron pa ring laman, ‘yon ang eksaktong weight na tamang-tama lang sa harap ng mga camera.

Hindi siya si Kris Aquino kung hindi siya magpapakawala ng kataklesang kaniyang-kaniya lang. Si Willie Revillame ang napuruhan sa kaniyang mga adlib.

Hindi pa man nagdedeklara si Willie kung papasukin na nga ba nito ang pulitika ay nauna na si Kris, iboboto niya si Willie, nakasuporta siya sa TV host sa anumang larangang pasukin nito.

Magaling pa ring mag-host si Kris, inabala lang siya ng sipon sa una niyang pagsalang, pero hindi nabalagoong ang kaniyang husay sa pagho-host na hindi niya nagamit nang limang taon.

Nakakaaliw pa rin siyang panoorin, lalo na kapag iniinis niya si Willie, bakit daw siya inirereto ng TV host sa iba samantalang botong-boto ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby kay Willie?

Noong magkasama pa sila sa ABS-CBN at may taping si Kris sa kaniyang game show ay iniiwan niya muna sina Josh at Bimby kay Willie. Nandoon lang ang magkapatid sa dressing room ni Willie, naglalaro, ipinasusundo na lang ni Kris ang kaniyang mga anak kapag tapos na siyang magtrabaho.

Sobra-sobra ang pasasalamat ni Kris kay Willie dahil limang taon na siyang inilalakad ng TV host sa GMA-7 pero hindi lang ‘yon nangyayari. Mailap pa sa kaniya ang panahon.

Kung matutuloy sa pagkandidato si Willie bilang senador ay alam na natin ngayon kung kanino nito iiwanan ang Wowowin-Tutok-To-Win.

Kitang-kita na ang ebidensiya.


Kay Kris Aquino nagsimula ang apoy. Binati niya ng happy birthday ang isang espesyal na lalaking dumating daw sa kaniyang buhay. Pa-blind item lang ang atake ni Kris.

Matagal na panahon daw ang kaniyang pinalipas bago siya nagtawid ng mensahe sa lalaking ‘yon na nakasama niya sa kalungkutan. Noong mga panahon daw na napakalalim ng kaniyang pagdadalamhati ay ang naturang lalaki ang nagbigay sa kaniya ng suporta.

Pinawi raw ang kaniyang luha at isinalin sa ngiti, pakiramdam daw ni Kris ay napakaligtas niya sa anuman dahil sa ipinakikitang malasakit sa kaniya, bukod pa sa gusto raw ng kaniyang bunsong si Bimby ang mahiwagang lalaki.

Gustung-gusto ng mga kababayan natin ang blind item. Kahit sa mga tabloids, talk shows at iba pang atake ay paborito ng mga Pinoy ang pitik-bulag.

Natumbok ng mga netizens kung sino ang special man na pinatutungkulan ni Kris. Ito ang pulitikong nagtrabaho sa DILG na mula sa Liberal Party at kaibigan ng kaniyang namayapang kapatid na dating pangulo.

Si Mr. Mel Senen Sarmiento ang binati ng happy birthday ni Kris, 59 years old na, na kung ilarawan ng mga bashers ay ang bagong lalaking guguluhin ni Kris ang tahimik na buhay.

Kung bakit naman umamin ang dating sekretaryo ng DILG nang i-bash ito at sinabihang napakamalas naman dahil kay Kris.

Buong-ningning nitong sinabi na hindi malas si Kris, napakasuwerte nga raw nito dahil pinasasaya ito ng TV host, bakit daw malas ang sinabi ng basher?

Umpisa na ito. Ghost month pa naman. Kung anu-ano nang pamimintas ang tinatanggap ngayon ng espesyal na lalaki sa buhay ni Kris.

Haaaayyyy!

Congresswoman Vilma Santos Recto – pinanday na ng politika

Naging panauhin namin ang Star For All Seasons sa Cristy Ferminute noong Lunes nang hapon. Ganoon pala ang mga Vilmanians, kapag guest ang kanilang idolo sa kahit anong programa ay sila mismo ang nagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga kasamahan, kaya napakataas ng live views ng CFM.

Pati ang mga Vilmanians sa iba-ibang bansa ay tumututok, hindi pa nagsisimula ang aming interbyu kay Congresswoman Vilma Santos Recto ay nagte-text na sila, nagbigay sila ng panahon para muling mapanood ang kanilang nag-iisang idolo.

Sisenta’y siyete anyos na ngayon ang aktres-pulitiko, pero parang hindi siya nagkakaedad, napakalayo ng kaniyang itsura sa kaniyang mga kasabayang artista.

Pinanday na ng pulitika si Congresswoman Vilma Santos, kahit anong tanong ang ibato mo sa kaniya, lalo na tungkol sa balitang pagtakbo niyang senador ay parang nagkukukot na lang siya ng butong-pakwan kapag sumagot.

Kabisado na niya ang lahat, wala na siyang hindi alam, ibinibigay niya ang kredito sa pagtutok niya sa mga nagaganap sa ating bayan at sa kaniyang mentor-asawang si Senador Ralph Recto.

Napakahusay niyang magsalita, kapag nagbuka siya ang bibig ay parang nasa entablado na siya ng kampanya, malinaw niyang naitatawid kung bakit hindi pa siya handang sumabak sa mas mataas na posisyon.

Sa ganda ng kartada ng kaniyang pangalan sa mundo ng pulitika na pinatunayan niya bilang mayor, gobernador at ngayo’y kongresista ay markado ang kaniyang sinabi, “I’m not a saint, but definitely, I’m not an evil.”

Ibang-iba ang magiging takbo ng eleksiyon sa susunod na taon dahil pandemya. Bawal ang personal na pangangampanya, puro sa social media lang nakabangko ang labanan, bawal kumamay, bawal yumakap, bawal humalik ang mga botante.

“Mahirap! Paano ko maipararating sa pamamagitan ng social media lang ang aking plataporma kung sakaling tumakbo ako? At 67 na ako ngayon, kakayanin ko pa bang tumakbo sa mas mataas na posisyon?

“Mahirap ang sitwasyon ngayon, kahit ang mananalong pangulo, mahihirapang ibangon ang ating ekonomiya, nasa pandemya tayo na nagpapahirap sa ating bayan at sa buond mundo,” tuluy-tuloy niyang pahayag.

Hindi pinalalakas ng kaniyang loob ang katotohanang sikat siya kaya nakakahon na ang kaniyang tagumpay. Kontra siya sa ganoong ideya.

Para kay Congresswoman Vilma Santos Recto ay mas pinakamahalaga pa rin ang kapasidad sa paglilingkod sa ating mga kababayan.

Resibo pa rin ang kailangan.

Neil Arce at Angel Locsin – Tahimik na nairaos ang kasal

Tahimik na nairaos nina Neil Arce at Angel Locsin ang kanilang kasal. Tamang desisyon ang kanilang ginawa. Kung hihintayin pa nilang bumuti ang sitwasyon ng ating bansa dahil sa pandemya ay magiging paurong nang paurong ang kanilang plano.

Hindi na mahalaga kung simple lang o pinaghandaan ang kasal, ang importante ay meron nang basbas ang kanilang relasyon, mapaplano na nila ang kinabukasan ng kanilang pamilya.

Tamang panahon na rin para harapin ni Angel ang personal niyang kaligayahan, wala na siyang kailangan pang patunayan sa mapuso niyang pagtulong sa mga kababayan nating hinahagupit ng kalamidad, ginagawa niya ‘yon nang walang mga camerang sumusunod sa kaniyang pagbibigay ng ayuda.

At hindi na rin siya bumabata, patuloy na tumatakbo ang panahon, prayoridad nila ni Neil Arce ang pagbubuo ng pamilya.

Maraming maligaya para kay Angel Locsin, ang isang personalidad na tulad niya na hindi nagdadamot ng biyaya sa mga kababayan nating nangangailangan ay kinakasihan ng panahon, hangad ng lahat ang kaniyang kaligayahan.

Napakaraming panahon para sa pagpapakasal nila sa simbahan para makasama ang mga taong mahalaga sa kanilang relasyon. Kayang-kayang bigyan ng bonggang kasal ni Neil Arce si Angel, may tamang oras para doon, pero ang pinakamahalaga muna ngayon para sa kanila ay ang maging legal na ang kanilang pagsasama bilang mister at misis.

Coco Martin at Julia Montes – Isinuko na ang kanilang privacy

Kapag para sa kanilang pangsariling interes ay kayang magpakatotoo ng mga personalidad. Magdedenay sila nang mahabang panahon tungkol sa kanilang pakikipagrelasyon pero kapag kailangan na nilang pagkakitaan ‘yon ay puwede na silang umamin.

Ang pinakamagandang halimbawa noon ay sina Coco Martin ay Julia Montes. Ginawa nilang pahulaan ang kanilang relasyon, napipikon pa si Coco kapag may mga nagtatanong kung ano ang totoo sa kanila ni Julia, pero ngayong magtatrabaho na sila nang magkasama ay lumalantad na sila.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Nakakatawa ang paninindigan nilang gawing private ang relasyon nila. Ni ayaw nga nilang ipakita ang mga mukha nila kapag magkasama sila sa labas, para silang mga holdaper na tagung-tago ang identity nila, di ba?

“Pero sa tawag ng pangangailangan sa career nila, heto, nakikita na sila sa kahit saan, pati bubong, e, inaakyat nila nang magkasama.

“Isinuko na nila ang privacy na sinasabi nila para sa career nila. Itinago nang pagkahaba-habang panahon para lang ilantad kapag kailangan na nila,” pabuntong-hiningang komento ni prop.

Papasok na kasi si Julia sa walang kamatayang istorya ng FPJ’s Ang Probinsyano. Ito na kuno ang pinakahuling makakatambal ni Coco, sila na ni Julia ang magsasarado sa kurtina ng seryeng barilan nang barilan pero parang wala namang nagkakamatayan, ‘yon ang sabeeee….

Derek Ramsay at John Estrada – Nagkasundo na

Ngayon lang namin nakitang dumedepensa si Derek Ramsay sa kaniyang karelasyon. Nasanay na kaming pinadadaan niya lang ang isyung kinasasangkutan ng kaniyang girlfriend, itinatawa lang niya ‘yon, hindi siya nagpapaapekto.

Pero ngayon kay Ellen Adarna ay parang balat-sibuyas si Derek, nakadepensa siya agad, sobra siyang naaapektuhan. Siya pa ang mas nasasaktan kaysa kay Ellen.

Sobra-sobra ang pagmamahal ni Derek kay Ellen. Ayaw niyang nasasaktan ang kaniyang girlfriend, kahit kaibigan na niya nang matagal na panahon ay handa siyang mawala, maipagtanggol lang niya ang aktres.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Ibang-iba na si Derek ngayon. Wala na ang very cool Derek na nakilala ko, it must be love talaga, napakasuwerte ni Ellen, hindi siya pababayaan ni Derek na saktan ng kahit sino,”

Mabuti naman at nagkausap na sila nang masinsinan ni John Estrada, si Derek mismo ang tumawag sa kaniyang kaibigan, katabi niya ang kaniyang mga magulang nang magkalabasan sila ng emosyon ni John.

Nakapagsalita kasi si Derek na parang nakikipagsaulian na siya ng kandila kay John, tinatapos na niya ang kaniyang asosasyon sa aktor, pero marunong siyang gumamot.

Siya mismo ang nagpaliwanag kay John kung saan siya nanggagaling, kung bakit siya nakapagsalita nang masakit, tinanggap naman ni John ang kaniyang paliwanag.

Sayang na sayang naman kasi ang kanilang samahan, si John pa nga ang naging tulay kung paano niya nakilala si Ellen, pinahahalagahan ‘yon ni Derek.

Ngayon lang talaga namin nakikitang ganito kaemosyonal si Derek. Dahil ‘yon kay Ellen na sobra-sobra niyang mahal. Pero paminsan-minsan ay puwede rin sigurong magtimpi si Derek.

Huwag na niyang pinapatulan ang mga bashers ng kaniyang girlfriend. Artista si Ellen, natural lang na may hindi nagkakagusto sa mga ginagawa ng kaniyang girlfriend, huwag na sana niyang sinasagot ang patutsada ng mga taong hindi naman nakakakilala sa kanila at para may masabi lang.

Hindi masama ang ginagawa niyang pagtatanggol kay Ellen, natural lang ang ganoon sa mga nagmamahalan, pero paminsan-minsan ay dapat ding mapag-aralan ni Derek Ramsay ang papasukin niyang laban.

Sayang lang ang panahon, sayang ang kaniyang laway, lalong-lalo na kapag wala namang kabuluhan ang isyu.

Sharon Cuneta – Movie with Gabby, tuloy na?

Kararating pa lang ni Sharon Cuneta mula sa ilang buwan niyang pagbabakasyon sa Amerika ay sinalubong na siya agad ng mga pamba-bash na may kuneksiyon sa balitang tuloy na tuloy na ang reunion movie nila ni Gabby Concepcion.

Kaswal lang niyang nasabi ‘yon, ibinahagi lang niya sa publiko ang inpormasyong ipinarating sa kaniya ng produksiyong magpo-produce ng pelikula, pero siya agad ang napuruhan ng mga bashers.

Binusog siya ng mga pasaring, ng mga komentong siya lang daw naman ang atat na atat na makasama sa pelikula ang ama ng kaniyang anak, samantalang tahimik lang si Gabby tungkol sa kuwento.

Si Sharon pa ngayon na aktibo naman ang career ang pinagbibintangang magpapasaklolo ng popularidad kay Gabby. Pinalagan ‘yon ng mga Sharonians siyempre.

Ngayon pa nga ba naman pagbibintangang sabik na sabik si Sharon para sa tambalan nila ni Gabby, ngayong pinagpipistahan ang pinakahuli niyang pelikulang Revirginized, ang Megastar pa ba ang mangangailangan ng saklay sa kaniyang career?’

Maraming nakapilang trabaho si Sharon, walang Gabby Concepcion sa mga proyektong ‘yon, kaya galit ang mga tagasuporta ng Megastar sa gustong palabasin ng mga namba-bash sa kanilang idolo.

Sabi ng isang loyalista ni Sharon, “Hindi niya na kailangan ang reunion movie nila ni Gabby, napatunayan na nang matagal ni Shawie na hindi niya kailangan si Gabby, uminom naman sana ng kape ang mga umuupak kay Mega para kabahan naman sila kahit paminsan-minsan!”

Sharon Cuneta – Nagpabawas ng dibdib

Malaking problema ng mga artista ang maliit nilang dibdib. Nagpapadagdag sila. Pero matinding problema rin para sa kanila ang malulusog na dibdib. Nagpapabawas sila.

Matagal nang problemado si Sharon Cuneta sa malalaki niyang boobs. Mabigat. Nakakangalay. Nakakapagod kargahin. ‘Yon ang dahilan kung bakit habang nasa Amerika siya ay isiningit na niya ang pagpapatapyas ng magkabila niyang bundok. Napakamoderno ng paraan sa Amerika, parang paggamot lang ng sugat ang breast enhancement doon, hindi nakakakaba ang resulta.

Naiintindihan ng isang kausap namin ang pagpapabawas ng boobs ni Sharon, dumaan din ito sa ganoong proseso sa Amerika, napakalaking ginhawa raw ang naging resulta para sa kaniya.

“Ang hirap-hirap kaya ng ganoon, para kang may pinapasang krus sa bigat, matagal kong naramdaman ‘yun. Para ka ring ngalay na ngalay madalas, kasi nga, mabigat ang dinadala mo,” natatawang sabi ng aming kaibigan.

Markado ang araw na ito para sa Megastar, ngayon na ang pagpapalabas ng pinagbidahan niyang pelikulang Revirginized, ibang-ibang Sharon Cuneta ang matutunghayan ng publiko sa proyekto niyang ito.

Pero malungkot ang ibang kababayan natin, nahuli sila sa pagbili ng ticket para sa palabas, hindi sila mauuna sa pagsilip dahil ubos na ang tickets sa loob nang ilang araw.

Napakasuwerte ni Direk Darryl Yap na nagkaroon ng oportunidad na makumbinse ang Megastar sa isang mapaghamong papel. Winasak ng pelikulang ito ang imahe ng isang Megastar mula nang pasukin niya ang pagganap. Pero sa positibong paraan.

Ang trailer pa lang ng Revirginized ay kumakaway na, nang-iimbita na, para saksihan ang isang kakaibang Sharon Cuneta.

Sigaw ng kaibigan naming propesor na nahuli rin sa pagbili ng ticket, “Siguradong mapapahiya ang mga bashers ni Mega ngayon! Sino ngayon ang laos na? Nand’yan pa rin ang magic niya!

“Hindi pa ipinanganganak ang magbabagsak kay Sharon Cuneta!” napakadiing komento ni Prop.

Hiwalayang Kylie Padilla at Aljur Abrenica – May third party?

May mga kakaining salita ngayon si Kylie Padilla. Sa dami ng pinakawalan niyang salita laban kay Aljur Abrenica noon ay wala siyang pamimilian ngayon kundi ang bawiin ang mga inilabas niyang kuwento tungkol sa kanilang paghihiwalay.

‘Yong isyu ng third party. Hindi ‘yon maikakaila ni Kylie dahil mismong tatay niyang si Robin Padilla ang nagsabing mayroon daw.

Kung sinu-sinong babae ang pinagbintangang third wheel sa kanilang relasyon, ‘yon daw ang ipinalit sa kaniya ni Aljur, pero wala naman silang napatunayan.

Ngayon ay nagpaparamdam si Kylie na puwede raw niyang bigyan ng second chance si Aljur, nakikita raw naman kasi niyang nagbabago ang aktor, paano na ang salitang nakapanakit noon kay Aljur?

Basta-basta ganoon na lang ba ‘yon? Ang maganda kay Aljur ay hindi ito sumagot sa mga bintang ni Kylie, walang kakaining salita ang aktor, nanatili itong tahimik lang noong mga panahong walang nakikitang maganda sa kaniya si Kylie.

Nagkakaisa ang marami sa pag-oopinyon na dapat nag-iisip muna ang aktres bago siya nagbibitiw ng mga salitang siguradong makapananakit sa damdamin ng kaniyang mister.

Tulad ngayon, may ikalawang pagkakataon siyang sinasabi na puwede niyang ibigay kay Aljur, sino ang kahiya-hiya ngayon? Si Aljur ba na walang anumang binitiwang salita laban kay Kylie?

Huwag kasing nagpapatalo sa emosyon. Mag-isip muna nang libong beses bago magpakawala ng mga salita. Parang pusa ngayon si Kylie Padilla na kakainin ang sarili niyang suka.

Elijah Canlas at Kokoy de Santos – Mga bida sa Gameboys 2

Mulat kami na BL movie ang Gameboys 2. Panahon ngayon ng mga palabas na ganoon ang tema. Pagmamahalan ng lalaki sa lalaki.

Tinutukan namin ang pelikula noong isang gabi, ang mga bida, sina Elijah Canlas at Kokoy de Santos. Paminsan-minsan ay dinadagsa tayo ng mga baguhang may lalim sa pagganap.

Dagdag sa bilang sina Elijah at Kokoy na hindi lang basta umaarte, nagkukuwento sila habang nakaharap sa mga camera, may gustong ipaunawa ang mga papel na ginagampanan nila.

Lahat ng mga sangkap para bigyan ng init at kilig ang manonood ay nasa Gameboys 2. Halikan ng magkaibigang nauwi sa pagmamahalan ang relasyon. Nandoon ‘yon.

Nagpatong sila at pinadaloy ang naglalagablab nilang emosyon, hindi na mahalaga kung sino ang top o bottom, pero walang kadaya-daya nilang pinakawalan ang pagmamahal na para lang sa isa’t isa.

Habang nagtititigan sina Elijah at Kokoy at nagtatawid kung gaano nila kamahal ang bawat isa ay hindi dalawang lalaki ang nakikita mo kundi dalawang taong nagpapasalamat dahil inilaan sila para magmahalan nang walang pretensiyon.

Maayos ang daloy ng kuwento na nagpapaunawa sa manonood na ang tunay na pagmamahal ay hindi nanunukat kung lalaki o babae ba ang iniibig mo.

Ang malinaw na mensahe ay puwedeng magmahal ng kahit sino ang bawat isa sa atin basta wala tayong sinasaktan at inaagawan para tayo makumpleto.

Ramdam na ramdam ang kahenyuhan ni Direk Jun Lana sa pagtitilad at pagbabalangkas ng mga linyang naitawid nang makabuluhan nina Elijah at Kokoy.

Iningatan ni Direk Ivan Payawal ang eksekusyon ng mga eksena, kinambalan ‘yon ng magandang pag-iilaw ni Carlo Mendoza, ramdam sa kabuuan ng pelikula ang mabusising pag-aalaga nina Direk Perci Intalan at Elmer Gatchalian ng The IdeaFirst Company.

Seselyuhan ng ending ang isang dakilang pagmamahalan, bubuhos ang luha nang hindi mo nararamdaman, ang mahalaga nga sa buhay na ito na napakigsi lang ay kung kanino ka maligaya at kung sino ang nagpapaligaya sa iyo.

Tapos na ang palabas ay may isang tanong na maiiwanan sa isip mo. BL movie ba ang katatapos mo lang panoorin?

Kunsensiya mo ang kokontra. Hindi. Ang tinutukan mo ay isang kuwento ng pang-unawa at pagbibigay-respeto sa isa sa pinakadakilang regalong ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Pagmamahal.

Kina Elijah Canlas at Kokoy de Santos, ang aming pagsaludo, ibang-iba kayo sa iba!

Raymond Gutierrez – Proud member ng LGBTQ

Sa paglantad sa katotohanan ni Raymond Gutierrez tungkol sa kaniyang tunay na kasarian ay maraming artistang lalaking pinagdududahan din ang gender ang hinahamon ngayon ng mga bashers na magpakatotoo na rin.

Sana raw ay tularan nila si Raymond na hindi lang sa salamin umamin kundi sa publiko. Marespetong tinanggap ng marami ang paglantad ni Raymond.

Ilang beses naming nakasama sa pagho-host ng talk show sa TV5 si Raymond. Totoo ang kaniyang sinabi na pormalidad na lang ang ginawa niyang pag-amin dahil open-secret naman sa buong showbiz ang tunay niyang estado. Pero walang nagtatanong sa kaniya, respeto ang namamagitan, parang hangin lang ‘yon na dumadaan.

Ang mahalaga ay hindi siya nagkukunwaring brusko, wala siyang pretensiyon, nagpapakatotoo siya sa lahat ng oras.

Mahalaga ang kaniyang sinabi na suportado siya ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Wala nga namang matatakot humarap sa katotohanan kapag alam mong ang unang-unang sasaludo sa iyong pagpapakatotoo ay ang iyong pamilya.

Isandaang porsiyentong suportado ng kaniyang mga kapatid si Raymond, maging ang kaniyang kakambal na si Richard, ang komento na lang ngayon ng kaniyang mga magulang ang hinihintay na marinig ng ating mga kababayan.

Ang importante ay nailabas ni Raymond ang kaniyang saloobin, napakagandang senyal din para sa mga tinatawag na kloseta ang sinabi niyang walang dapat ikatakot ang mga may gustong mag-out, ibang-iba ang kaligayahang dulot ng pagpapakatotoo sa mundo.

Tumawag ang isang kaibigan namin, “Kailan naman kaya magpapakatotoo sina ____ at ____? Pandemya na, magpakatotoo na rin sana sila, para hindi na binubusisi pa ang gender nila!”

Open-secret din ang kasarian ng mga lalaking personalidad na tinutukoy ng aming kaibigan, palagi silang pinagpipistahan, pero walang diretsong nagtaanong sa kanila kung miyembro ba sila ng komunidad ng LGBTQ.

Darating din ang eksaktong panahon. Puwede ring makasama na nila sa hukay ang totoo nilang kasarian. Pabayaan na lang nating maging masaya sila sa kanilang konbiksiyon.

Napakaigsi ng buhay. Kung saan tayo masaya at kung kanino tayo maligaya ay doon tayo. – CSF