Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHulyo 16-31, 2021

      Alden Richards
Alden Richards
  Jasmine Curtis Smith
 
Jasmine Curtis-Smith
  Marco Gumabao & Sharon Cuneta
 
Marco Gumabao & Sharon Cuneta
  JOMARI ANJO
 
Anjo & Jomari Yllana
  Bea Alonzo
 
Bea Alonzo
  Dominic Roque & Bea Alonzo
 
Dominic Roque & Bea Alonzo
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  Kylie Padilla, Robin Padilla & Aljur Abrenica
 
Kylie Padilla, Robin Padilla & Aljur Abrenica
  Jinkee Pacquiao
 
Jinkee Pacquiao
  Nora Aunor
 
Nora Aunor
  Raffy Tulfo & wife, Congresswoman Jocelyn
 
Raffy Tulfo & wife, Congresswoman Jocelyn
  BB Gandanghari
 
BB Gandanghari
  Bong Revilla
 
Sen. Bong Revilla

Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith – Boboykotin ng AlDub Nation

Malayo pa ang eleksiyon pero may sarili nang kampa niya ang partido ng Aldub Nation. Nagpa-trending sila sa pagboboykot sa bagong serye ni Alden Richards na ang katambal ay si Jasmine Curtis-Smith.

Hindi raw nila tatangkilikin ang palabas, serye raw ng kabilang istasyon ang kanilang tututukan, nagmamalaki sila na kapag hindi nila susuportahan ang bagong serye ng Pambansang Bae ay malalaglag iyon sa rating.

Hindi kami naiinis sa ibang miyembro ng Aldub Nation na sarado pa rin ang utak hanggang ngayon, awang-awa kami sa kanila, dahil 2021 na ngayon pero ang isip nila ay nakapako pa rin sa 2015 nang mabuo ang tambalan nina Alden at Maine Mendoza.

Hindi pa rin sila sumusuko na ang AlDub ang magkakatuluyan, hindi pa rin sila bumibitiw sa paniniwala na nagkaroon ng anak ang kanilang mga idolo, samantalang kahit sanggol na manyika naman ay wala silang mailabas na ebidensiya.

Kunsabagay, nagmimistulang komedyante na lang ngayon ang mga bulag na miyembro ng Aldub Nation, katatawanan na lang sila para sa publiko dahil wala namang positibong nangyayari sa kanilang pagboboykot.

Bilyon pa nga ang kinita ng pelikula ni Alden na hindi si Maine ang kaniyang katambal, napakataas ng rating ng mga palabas niya sa GMA-7, kaya may dating pa ba naman ang mga pananakot na pinalulutang nila ngayon?

Maghanda na ang Aldub Nation sa hindi panonood ng seryeng The World Between Us.

Habang nakatutok ang buong bayan sa magandang seryeng ito ay sabayan na iyon ng paglalaba at pamamalantsa ng Aldub Nation, para maging masaya sila, para magkaroon ng saysay ang kanilang kampanya.

Handang-handa na ang ating mga kababayan para tumutok sa isang kakaibang serye nina Alden at Jasmine. Sa teaser pa lang ay kumakaway na ang kanilang mga eksena para matikman ng publiko ang ganda ng kanilang tambalan.

Sharon Cuneta – Binulabog ang publiko

Nambulabog si Sharon Cuneta nang ilabas ang trailer ng kaniyang pelikulang Revirginized katambal si Marco Gumabao. Lihis na lihis kasi ang ginampanan niyang role sa pelikula.

Ang dating Megastar na napapanood nating simple lang at palagi pa ngang kinakawawa at gumaganti na lang sa bandang huli ay hindi makikita sa bago niyang pelikula.

Sa poster pa nga lang ng Revirginized ay nabulabog na ang publiko, trending iyon, dahil ipinakita ang Megastar na litaw ang mga dibdib.

Isang kilalang direktor ang nag-text sa amin, “Grabe ang dating ng movie, ibang-ibang Sharon Cuneta ang bubulaga sa screen! Nagmumura siya at mayroon pa siyang binitiwang li niya na never niyang ginawa sa buong career niya!

“At ibang klase ang director, magaling si Daryl Yap, bagong utak, bagong atake, marami siyang pagpapahingahing direktor!” reaksiyon ng aming kausap.

Tama ang sinabi noon ni Sharon na kakaiba ang Revirginized matinding hamon ang tinanggap niya, hinubad niya ang dating imaheng mayroon siya dahil sa proyektong ito.

Siguradong maba-bash siya nang husto, mayroon na namang mga kuwentong lalabas na malayo naman sa katotohanan, pero nambulabog na ang pelikula sa trailer pa lang nito.

Nasa Amerika pa si Sharon, marami pa siyang inaasikaso doon bago siya umuwi, pero siguradong nakarating na sa kaniya ang pagkawindang ng ating mga kababayan sa bago niyang pelikula.

Isang kaibigan namin ang nagkumpara kay Sharon sa sikat na banyagang aktres na si Meryl Streep sa pelikulang It’s Complicated.

“Hindi namin palalampasin ang movie na ito, sobrang daring ng mga eksena at dialogues niya, isang bagong Sharon Cuneta ito!” komento pa ng aming kaibigan.

Magkakapatid na Yllana – Nasa kangkungan ang imahe ngayon

Inaalat ngayon ang magkakapatid na Yllana. Nasa kangkungan ang kanilang imahe ngayon dahil sa pag-aalburoto ng mga dati nilang karelasyon.

Si Jackie Manzano na kung anu-anong paghusga ang ibinabato laban kay Anjo Yllana. Si Joy Reyes na sangdamakmak na reklamo naman ang ipino-post laban kay Jomari.

Sa gitna ng kaguluhang ito ay may hinanahap ang publiko. Ang pagsasalita rin laban kay Jomari ni Aiko Melendez dahil sa kanilang anak na si Andrei.

Pero wala tayong nauulinigan, hindi nagpo-post ng anumang paninira ang magandang aktres laban sa ama ng kaniyang anak, marami siyang gustong sabihin pero guwardiyado ni Aiko ang kaniyang dila.

Napakaganda ng kaniyang prinsipyo sa buhay. Bali-baligtarin man natin ang mundo, magputukan man ang lahat ng bulkan, ay mananatiling ama ng kaniyang anak si Jomari.

Tama ang kaniyang katwiran na kapag naglabas siya ng mga bagay-bagay na makasisira kay Jomari ay damay ang kaniyang anak. Apelyido ni Jom ang dinadala ni Andrei, anumang kapintasan ng ama ay natural lang na damay rin ang anak, kaya hindi siya nakikisali sa mga ginagawa ng ibang babae laban kay Jom.

Napakagandang prinsipyo. Iba talaga ang pusong nasasaktan din at umaaray pero inilalagay sa tamang lugar ang emosyon. At puwede rin nating sabihin na iba ang disiplina at ugali ng taong edukado.

Mahirap magpalaki ng anak nang mag-isa lang, dumaan si Aiko Melendez sa ganoong sitwasyon, pero sa pagtatapos sa kolehiyo ni Andrei ay hindi niya inaangkin nang mag-isa ang kredito.

Nag-iimbita ng pagrespeto ang ugali ni Aiko Melendez. Sabi nga ng mga kababayan natin, maganda na ang aktres ay maganda pa ang kaniyang puso, na totoong-totoo naman.

Bea Alonzo – Pumirma na ng kontrata sa Kapuso

Pinagtatawanan na lang siguro ngayon ni Bea Alonzo ang panunumbat sa kaniya ng mga dati niyang kasamahan sa ABS-CBN. Ang mga komento ng mga bashers at trolls ay hindi maiiwasan.

Humingal man si Bea sa kapapaliwanag na hindi naman siya basta-basta kumabilang-bakod ay hindi pa rin naman iyon pakikinggan ng mga taong ayaw talaga sa kaniya.

Sarado na ang isip ng mga ganoon, parang kabayong may tapa ojo, kaya magsisigaw man siya sa maghapon at magdamag sa pagsagot ay wala ring mangyayari.

Hindi man inaamin ng aktres ay may bigat para sa kaniya ang ipino-post na emosyon ng kaniyang mga dating kasamahan sa ABS-CBN. Ganoon naman talaga, saktan na tayo ng ibang hindi natin kilala, huwag lang ng mga taong nakasama natin nang mahabang panahon sa trabaho.

Bakit kaya hindi naman mag-isyu ng paliwanag ang network tungkol sa paglipat ni Bea sa GMA-7, iyon ang makapagbibigay ng linaw sa kontrobersiya, dahil kapag sila na ang nagsalita ay wala nang kuwento ng kawalan ng utang na loob at pagiging ingrata ng dalaga.

Sabi ng aming source, “Malinaw ang ginawa ni Bea at ng manger niyang si Shirley Kwan, nakipag-usap sila sa mga executives ng ABS-CBN. Naintindihan ng mga kausap nila ang sitwason.

“Nasaan ngayon ang problema? Mayroon bang kabastusang ginawa si Bea at ang manager niya? Nasaan ang kaingratahan doon, e, nagpaalam nga sila?” madiing kuwento ng aming source.

Noong pumirma ng kontrata si Bea sa GMA-7 ay wala rin siyang sinaktan-sinagasaan. Hindi siya nagbitiw ng salitang makasasakit sa damdamin ng mga taga-ABS-CBN.

Hindi niya sinabing kabilang na siya ngayon sa number one network, walang ganoon, ang sinabi lang niya ay excited na siyang makatrabaho ang mga Kapuso stars.

Ganoon ang taong nasa ulo ang utak at wala sa talampakan. Kontrolado niya ang kaniyang dila, siya ang reyna ng kaniyang emosyon, iniiwasan niyang may sugat na dumugo dahil sa kaniyang mga salita.

Sa dulo ng kuwento ng paglipat ni Bea Alonzo sa GMA-7 ay siya lang ang responsable sa anumang magaganap sa kaniyang karera sa nilundagan niyang istasyon.

Para tayong mga pintor. Tayo ang gumuguhit ng ating kapalaran. Tayo ang may hawak ng paintbrush. Anuman ang mangyari ay huwag tayong magtuturo ng ibang tao kung sakali mang hindi maging maganda ang resulta ng ating pangarap.

Mga artistang lumipat sa GMA 7 – Ingrata?

Lalahatin na namin. Basta kumabilang-bakod sa GMA-7 ang artista ng ABS-CBN ay siguradong pakakainin siya ng ampalaya ng mga bashers at maging ng mga dati niyang katrabaho sa inalisan niyang istasyon.

Tatawagin siyang walang utang na loob, ingrata at manggagamit. Kahit pa maliwanag namang humingi ng basbas sa mga ehekutibo ng ABS-CBN ang nagdesisyong lumipat ay negang-nega pa rin ang kaniyang dating.

Katwiran ng mga bumibira ay ingrata ang lumipat pagkatapos siyang pasikatin at payamanin ng network na tinanggalan ng prangkisa. Palaging ganoon. Iisa lang ang script. Walang kalaban-laban ang inuupakang personalidad.

Isa lang ang puwedeng dapat gawin para maiwasan ang mga pagbibintang na walang utang na loob, ingrata at manggagamit ang artistang lumilipat sa ibang bakuran.

Dapat bigyan ng clearance ng network ang mga artista nilang lumilipat sa ibang istasyon. Kumbaga sa mga estudyante ay kailangan nilang magbigay ng honorable dismissal para makalipat ang mag-aaral sa ibang eskuwelahan.

Sina Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, Pokwang at iba pang mga artistang nasa bakuran na ng GMA-7 ngayon. Lahat sila ay inuupakan sa social media, pati mga dati nilang katrabaho sa Dos ay nag-post din ng hindi kagandahan, pinakain sila ng mga salitang mahirap lunukin.

Kasi nga ay hindi naman nila alam ang prosesong pinagdaanan ng mga artista bago sila pumirma ng kontrata sa kabilang network. Kung may clearance sila mula sa ABS-CBN ay wala nang bibira sa kanila dahil malinaw na nakasulat doon na nagkaroon ng respeto ang mga artista sa pagpapaalam sa mga ehekutibo.

At pinayagan naman nila. Tapos!

Bea Alonzo at Dominic Roque – Magkasama sa US

Tawa kami nang tawa habang nakikinig sa kuwento ng isang kaibigan naming matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Los Angeles, California.

Nakita raw kasi nilang magkapatid sa isang pamosong grocery store si Bea Alonzo. Naka-black jacket daw ang magandang aktres at ang kasama niya namang guy ay black jacket din ang suot at naka-cap.

Alam na namin kung sino ang kasama ni Bea, pero pinabayaan muna naming magkuwento ang nasa kabilang linya. Aliw na aliw kami sa kuwento.

Sabi ng aiming kaibigan, “Napakaganda talaga ni Bea Alonzo kahit wala siyang make-up! Sobrang ganda niya! Nakatabi namin siya sa grocery, ngumiti pa nga siya. Nice siya!

“May guy siyang kasama, pero hindi masyadong dumidikit sa kaniya. Pero alam mong magkasama sila, dahil kung hindi, ano iyon, stalker ang guy na sumusunod-sunod sa kaniya?” unang kuwento ng aming kausap.

Nang tanugin namin ito kung sino ang kasama ni Bea, pamilyar ba sa kaniya ang itsura ng lalaki, artista ba ito?

Dito na kami malapit tumambling, ang kaniyang sabi, “Guwapo naman ang guy na may angle na parang si Alden Richards. Pero hindi si Alden, e! Dahil kung si Alden iyon, makikipag-selfie kami!

“Maraming kamukha ang guy, pero hindi namin siya kilala, baka pinsan siya ni Bea at nagpasama lang siya!” napakadiing sabi ng aming kaibigan.

Noong sabihin namin sa kaniya na ang lalaking sumusunod-sunod kay Bea ay si Dominic Roque, ang napapabalitang ayaw amining boyfriend ni Bea, ay ito ang kasunod na tanong ng aming kausap, “Sino iyon?”

Angel Locsin – Nanatili ang katapatan sa ABS CBN

Sa lahat ng mga personalidad ng ABS-CBN na nagbigay ng komento tungkol sa pag-alala nila sa anibersaryo ng pinakamadilim na yugto ng network ay itinatangi namin ang naging pahayag ni Angel Locsin.

Kung noong mismong ipasarado ang istasyon ay pinupog siya ng mga bashers dahil sa mga lita niya niyang punumpuno ng galit, sa pagbabalik-tanaw niya sa unang anibersaryo ng kawalan ng prangkisa ng ABS-CBN ay nahimasmasan na si Angel, mababa na ang kaniyang tono.

Ganoon naman talaga, nadadaig lang tayo ng emosyon sa una, pero sa paglipas ng mga panahon ay pumapasok na ang pagtanggap kasunod ang analisasyon sa naganap.

Maging ang pagtanggap niya sa paglipat ng network ng kaniyang mga kasamahan sa ABS-CBN ay tanggap din niya. wala siyang sinabing anumang parinig tungkol sa kawalan ng utang na loob at kawalan ng loyalty sa kanilang istasyon.

Inilagay ni Angel ang kaniyang sarili sa sapatos ng kaniyang mga kapwa artistang nangangailangan ng trabaho para makaraos sa buhay. Wala siyang parinig, inunawa niya ang senaryo, napakasarap pakinggan.

Nanatili ang katapatan ni Angel sa ABS-CBN. Tama siya sa kaniyang opinyon na hindi iniiwan ang sinuman sa panahon ng paghihirap at sa gitna nang matinding pinagdadaanan.

Pero siyempre, gaano man kaganda ang kaniyang hangarin ay mayroon pa ring mga taong nambubulabog sa kaniya sa social media, nagbabait-baitan lang daw si Angel dahil totoo namang wala na siyang babalikan pa sa GMA-7.

“Wala nang pintuang magbubukas para sa kaniya sa GMA-7, tinalikuran niya ang network na napakalaki ng milagrong ginawa sa career niya, pinalalabas pa niyang ABS-CBN ang nagbigay noon sa kaniya.

“Alam pala niya ang meaning ng loyalty? Ngayon lang niya iyon naisip? Ibinigay ba niya iyon sa GMA-7?” komento ng isang basher.

Hindi maiiwasan ang mga ganoong komento, bahagi ng pinasok niyang trabaho ang hindi pagpanig sa kaniya ng iba, ang mahalaga ay nauunawaan ni Angel ang buhay ng kaniyang mga kasamahang artistang kailangang makapagtrabaho para kumita ngayong panahon ng pandemya.

Siya naman ay may ipon, nagkakaroon pa siya ng ibang pinagkakakitaan, kapag may laman daw ang kaban at bulsa ng tao ay hindi mainitin ang kaniyang ulo.

Aljur Abrenica at Kylie Padilla – kumpirmadong hiwalay na

Magiging madali para kay Aljur Abrenica ang pinagdadaanan niyang sitwasyon. Oo nga’t nabigo siya sa pangarap niyang maayos na relasyon nila ni Kylie Padilla ay hindi pa rin noon ninakaw ang lahat-lahat sa kaniya.

Ibang-iba talaga kapag may pamilyang nagmamahal. Napakasolido ng pagmamahalan ng pamilya Abrenica. Sama-sama sila sa lahat ng bagay.

Ang pagmamahal na iyon ang mas nagpapatibay ngayon kay Aljur, mayroon siyang nakakasama sa kalungkutan, may mga kapamilya siyang nagpaparamdam na hindi siya nag-iisa.

Matibay ang pundasyon ng pamilya, maagap sina Daddy Jojo at Mommy Amor sa mga nagaganap sa buhay ng kanilang mga anak, sila ang mga magulang na totoong matatakbuhan kapag problemado ang anak.

Pinagbibintangang nangaliwa si Aljur na ayon kay Robin Padilla ay hindi na kinaya ni Kylie. Wala tayong anumang naririnig mula sa kampo ng aktor kahit pa mayroon din naman silang maaaring sabihin para hindi madiin nang husto si Aljur.

Walang depensang nagmumula sa pamilya, ang mahalaga para sa kanila ay ang maging magaan para kay Aljur ang pagtanggap sa kinahinatnan ng kanilang relasyon ni Kylie, lalo na ang kapakanan ng kanilang mga apo.

Noon pa man ay may nagbulong na sa amin, “Hindi magtatagal ang pagsasama ng dalawang ‘yan. Napakabait ni Aljur para kay Kylie.

At naganap nga.

Jinkee Pacquiao – Tatakbong mayor ng Makati?

Hanggang hindi nanggagaling mismo sa bibig ni Jinkee Pacquiao ang kumpirmasyon ay ipagpapalagay naming walang katotohanan ang kalat na kalat na isyung tatakbo siyang mayor ng Makati City.

Mismong mga taga-Makati ang pinanggalingan ng kuwento, may mga kinakausap na raw na tagapamuno ng barangay ngayon ang misis ng Pambansang Kamao, bilang paghahanda sa kaniyang kandidatura.

Isang kilalang male singer ang tumawag sa amin, magtanung-tanong daw kami kung totoong tatakbong mayor ng Makati ang misis ni Pacman, iyon daw kasi ang pinagpipistahang isyu sa Makati.

Parang malayo sa katotohanan ang balitang ito, kung kakandidato man uli si Jinkee ay mas gugustuhin niyang tumakbo sa kanilang probinsiya, kesa sa Makati na alam naman natin kung ano ang naghihintay na kapalaran sa kaniya.

Sa Makati pa ba naman pipiliing makipag-agawan sa puwesto ni Jinkee? Alam niya naman siguro ang takbo ng pulitika sa lunsod? Sabi nga mismo ng mga tagaroon, habang may Binay pang nakatayo, walang kahit sinong puwedeng maupo sa Makati.

Babanggain ba naman niya si Mayor Abby Binay, ang mayorang walang inuurungan, sakit ng katawan lang ang naghihintay kay Jinkee Pacquiao kapag nagkataon.

Baka naman may dinaluhan lang na pagtitipon si Jinkee sa Makati, ang bulate ay naging ahas na agad, hanggang sa nanganak na nang nanganak ang kuwento na tatakbo siyang mayor ng Makati.

Isang pilosopo naming kaibigan ang nagsabi na hindi raw gugustuhin ng sakit ng ulo ni Jinkee, paano na raw ang kaniyang pagpo-post sa IG na balot na balot ng alahas at puro branded stuff ang suot niya, hindi na raw niya iyon maasikaso.

Naniniwala kaming walang kaplanu-planong lumahok sa pulitika sa Makati ang misis ni Senador Manny Pacquiao. Minsan na siyang sumubok, pero nasaktan siya, kaya hindi na niya gugustuhing pasukin pa uli ang mundong nagpapahirap ngayon sa kaniyang mister.

Matindi ang bitbit na problema ngayon ng senador, para itong punching bag na halinhinang inuupakan ng mga kumakalaban sa kaniya, kaya ang unang-unang pagtutuunan ng panahon ngayon ni Jinkee Pacquiao ay ang suportahan ang kaniyang asawa.

Nora Aunor – Palipat-lipat ng bahay

Kung bibilangin natin ang dami ng nilapatan-tinirhang bahay ni Nora Aunor ay kukulangin ang mga daliri natin sa mga kamay at paa sa dami. Sa loob nang isang taon ay dalawa hanggang tatlong beses siyang lumilipat.

Ewan naman kung gaano katotoo ang minsang lumutang na kuwento, sinusundan daw kasi ang Superstar ng mga nagpaparamdam na ispiritu, sumama raw sa kaniya iyon mula pa sa Bicol.

Pinabulaanan iyon ng isang kaibigan naming naging malapit kay Guy nang mahabang panahon, ang sabi nito, “Naku, hindi totoo iyon! Madali lang talaga siyang magsawa! Hindi siya nagtatagal sa bahay, palagi siyang naghahanap ng bagong kapaligiran.”

Pagkatapos tumira ni Nora nang ilang taon sa isang condo unit ay lumipat na naman siya ngayon. Bahay na ang tinitihan niya. Mayroon nang garden na naiikutan ngayon ang Superstar at nakapaghahalaman pa nga siya.

Tamang desisyon, ayon sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa Superstar, makagaganda iyon sa kaniyang kalusugan ngayon dahil mayroon siyang asthma.

Sabi pa ng kaniyang kaibigan, “Sa condo, limitado ang ginagalawan niya. Paikut-ikot lang ang hangin sa loob, kaya pinakamagandang desisyon ang ginawa niyang paglipat, makagaganda iyon sa hika niya.”

Nakatuwaan lang naming tanungin ang kaibigan ng Superstar kung ninegosyo ba ni Nora ang pagpapalipat-lipat niya ng bahay dahil iyon ang unang napabalita.

Ang sagot nito, “Anong ninegosyo niya iyon, e, ibinebenta nga niya nang palugi ang bahay niya kapag ayaw na niya? May nagnenegosyo bang hindi kumikita?

“Hindi totoo iyon, kapag ayaw na niya, palugi na lang niyang ibinebenta. Oo nga, hano? Napakarami niyang naging bahay, pero ngayon, e, umuupa na lang siya!” parang nahimasmasang komento ng aming kausap.

Pero ang dami-dami naming nakakausap na dating palaging kasama ni Nora Aunor noong kasagsagan ng kaniyang karera. Siya raw ang naturingang Superstar na napakasimple lang ng takbo ng buhay.

“Hindi niya sukatan ang pera at mga luho sa buhay. Napakasimple ni Nora. Paulit-ulit niyang ginagamit ang mga damit niya, puwede siyang kumain nang magana kahit tuyo lang ang ulam niya!

“Hindi siya takot maghirap. Akala ng iba, e, malungkot siya ngayon, di ba? Naku, hindi! Masaya siya sa kasimplehan ng buhay niya!” rebelasyon pa ng aming source na kilalang-kilala ang Superstar nang mula ulo hanggang paa.

Raffy Tulfo –Apat na palapag ang ipinatatayong bahay

Apat na palapag ang ipinatatayong bahay ng matapang pero mapusong news anchor na si Raffy Tulfo. Malaking problema ang nakaengkuwentro nila ng kaniyang misis na si Congresswoman Jocelyn noong kinailangan na nilang maglipat ng kanilang mga kagamitan dahil sisimulan na ang gusali.

Tatlong iba-ibang lugar ang kinuha nila para mapaglagyan nang sangkatutak nilang kagamitan, iyon ang ginawa nilang bodega, mayroon na lang sila itinalagang bantay.

Sobra-sobrang biyaya ang tinatanggap ni Kuya Raffy sa matatagumpay niyang programa sa TV5 at Cignal One PH. Sumabay pa ang milyun-milyon niyang tagasuporta sa kaniyang mga accounts.

Ayaw lang niyang sabihin ang eksaktong buwanan niyang tinatanggap mula sa kaniyang You Tube Channel at sa iba pang accounts na may dalawampung milyon nang followers.

Pero may nakapagbulong sa amin, “Payat na payat ang 25M na tinatanggap niya sa You Tube pa lang! Monthly iyon, ha? E, paano pa ang mga endorsements niya, ang talent fee niya sa mga news programs niya?

“Kahit ilang palapag na building, e, kayang-kaya niyang magpatayo. Panahon ngayon ni Raffy Tulfo, walang makakokontra doon!” sabi ng aming source.

Maraming nang-uusisa sa amin kung papasok ba siya sa mundo ng pulitika dahil sa malaking serbisyong ibinibigay niya sa mga problemado nating kababayan?

Siya kasi ang pinipiling pagsumbungan ng mga Pilipino dito at sa iba-ibang bansa man dahil mabilis ang kaniyang aksiyon.

Natatawang komento ng sikat na news anchor, “Ayokong malimitahan ang mga galaw ko. Kapag pumasok ako sa pulitika, sisilipin ang lahat ng mga ginagawa mo.

“Kapag nag-business class ka, ang sasabihin, pera ng bayan ang ginastos mo, kaya kailangang mag-economy ka na lang. Mag-shopping ka, may magsasabing pera ang bayan ang ginagamit mo.

“Kaya hindi, ayokong paliitin ang kalayaan ko. Ayokong binabantayan ang mga galaw ko,” natatawang komento pa ng mapusong broadcaster.

BB Gandanghari – Maayos na ang relasyon sa pamilya

Napakalaki ng ipinagbago ng relasyon ni BB Gandanghari sa kanilang pamilya mula nang mamayapa ang kanilang kapatid na si Royette Padilla.

Nakakaaliw ang mga kuwento ni Robin sa You Tube Channel ni Ogie Diaz, lalo na tungkol sa namamagitang komunikasyon ni BB kay Mommy Eva, tawa nang tawa ang action star.

Iyak daw nang iyak si BB Gandanghari kapag nag-uusap silang mag-ina, kaya kuwento ni Robin, “Namatay ang alaga niyang asong si Iman, di ba? E, parang anak niya na ang asong iyon, e! Sabi ko nga, e, ibibili ko na lang siya uli ng aso!

“Grabe kasing umiyak si BB, humahagulgol siya na parang aso ang dating, e, awoooooooo!!!! Parang aso na rin ang pag-iyak niya!

“Kapag ganoon ang pag-iyak niya kay Mama, ang sinasabi sa kaniya, ‘Buti ka nga, aso lang ang nawala sa iyo. E, ako, ang Kuya Royette mo.’

“Mas maayos ang relasyon namin ngayon, naiintindihan na namin ang landas na pinili niya. Nagtampo lang siya sa amin noon dahil hindi raw namin siya matanggap.

“E, ibang tao na siya ngayon, e! Hindi na siya iyong dati. Paano naman namin siya matatanggap noon, e, hindi naman kami makapasok sa bagong landas na pinili niya!” tawa nang tawang kuwento ni Binoe.

Sa kanilang magkakapatid daw ay sila nina Rustom at Richie ang hindi masyadong nabigyan ng atensiyon ni Mommy Eva noong lumalaki sila.

Naiintindihan naman nilang magkakapatid iyon dahil si Mommy Eva na ang tumayo nilang ama’t ina, hindi nga naman ganoon kadali ang pinapasang krus ng kanilang ina, marami pa naman silang magkakapatid.

“Kaya ngayong 84 na si Mama, para bang ngayon lang siya bumabawi at naglalambing sa amin,” matanaw ng utang na loob at pagmamahal na pahayag ni Robin Padilla.

Isa lang ang kaniyang komento tungkol sa mga bashers, “Naku, hindi ko sila pinapansin! Puro bayaran naman ang karamihan sa kanila!”

Sen. Bong Revilla – Absuwelto na sa kasong graft and corruption

Taong 2014, tinutukan namin ang pinakahuling privilege speech ni Senador Bong Revilla bago siya sumuko sa mga otoridad dahil sa bintang na plunder at graft and corruption laban sa kaniya, sumaksi sa kaniyang talumpati ang kaniyang ama.

Madiing sinabi ng senador, “Daddy, lalabas din po ang katotohanan. Malilinis ko rin ang nadungisan nating pangalan, pangako ko po ‘yan.”

Pagkatapos nang walong taon ng pakikipaglaban sa Sandiganbayan, ngayon ay malinis na malinis na ang pangalan ng aktor-pulitiko sa mga asuntong plunder at 16 counts ng graft and corruption, naganap ang kaniyang pangako sa yumao niyang ama.

Saan man naroroon ngayon ang dating senador ay siguradong napakaligaya nito sa matagumpay na resulta ng mga kasong hinarap ng kaniyang anak. Limang taon siyang napiit sa PNP Custodial Center kasama ang kaniyang kaibigang si dating Senador Jinggoy Estrada.

Tanong ng aming mga nakausap, paano nga naman iyon, napatunayang walang kasalanan si Senador Bong sa mga kasong hinarap niya at ngayon ay malinis na ang kaniyang pangalan.

Ganoon na lang ba iyon? Ninakawan ka nang maraming progresibong taon pa dapat sa buhay mo pero basta ganoon na lang iyon?

Napakaganda ng puso ni Senador Bong. Wala na sa kaniyang puso ang paghihinganti. Katwiran niya ay sobra pa sa sapat ang tinamo niyang tagumpay sa paglilinis ng Sandiganbayan sa kaniyang pangalan.

At tulad ng madalas sabihin ng mga taong walang lugar ang benggansa sa puso, ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang naganap, dahil mas matindi ang divine justice. – CSF