Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 16-30, 2021

      Maine Mendoza
Maine Mendoza
  Maine Mendoza & Alden Richards
 
Maine Mendoza & Alden Richards
  Piolo Pascual
 
Piolo Pascual
  Edgar Mortiz, John Lloyd Cruz, Willie Revillame & Sam Verzosa
 
Edgar Mortiz, John Lloyd Cruz, Willie Revillame & Sam Verzosa
  Pokwang
 
Pokwang
  Sylvia Sanchez
 
Sylvia Sanchez
  Alma Moreno
 
Alma Moreno
  Winwyn Marquez
 
Winwyn Marquez
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  2017 JOLLIBEE WINNIPEG PMO PHOTO
 
Prime Minister Justin Trudeau, MP Kevin Lamoureux and MLA Cindy Lamoureux during the grand opening of the 1st Jollibee in Winnipeg, 2016
  take it per minuute
 
Nay Cristy Fermin, Rey-Ar Reyes, Pilita Corrales, Eva Eugenio, Mr. Fu and Manay Lolit Solis

Alden Richards & Maine Mendoza – Nagkaniya-kaniya na ng linya

Umaariba na naman ang ibang miyembro ng AlDub na hindi mo malaman kung anong klima ba ang kanilang gusto – malamig ba o mainit – dahil mahirap silang intindihin.

Sila ang mga tagahangang nanghihimasok sa personal na buhay ng kanilang idolo. Sila ang mga faney na kung ano ang kanilang gusto ay kailangang sundin ng hinahangaan nilang artista.

Matagal nang nagkani-kaniya ng linya ng trabaho sina Alden at Maine Mendoza, pero ang kanilang pakiramdam ay ang dalawa pa rin ang kailangang magkatuluyan. Naniniwala pa nga sila na nagkaanak sina Alden at Maine. Susmaryosep!

Ang bago nilang pagbabanta ngayon ay hindi nila susuportahan ang serye nina Alden at Jasmine Curtis Smith. Banned daw sa kanila ang proyekto at sasabotahihin daw nila.

Anong taon na ba ngayon? At pandemya pa. Bakit kaya sila naniniwala na kapag hindi nila pinanood ang mga palabas ni Alden na hindi si Maine ang kapareha ay babagsak ang rating?

Ilang programa na bang pinagbidahan ni Alden na hindi kasama si Maine ang nangwasak ng rating ng mga katapat niyang shows?

Dapat tanggapin ng mga mapagbantang faney na ito na wala nang kapangyarihan ang kanilang mga salita. Hanggang pamba-bash na lang ang kanilang magagawa, ang pagkontra sa kung sinumang nagpapasaya kina Alden at Maine, wala nang iba.

E, ano naman ngayon kung hindi nila tangkilikin ang serye nina Alden at Jasmine? Makukumbinse na ba nila ang publiko na huwag ding panoorin ang programa?

At ano ang kapangyarihan nila para magbanta? Kapag hindi ba nila sinuportahan ang serye nina Alden at Jasmine ay bababa na ang presyo ng gasolina?

Mababakunahan na ba ang buong Pilipinas kapag ginawa nila ‘yon? Nakakamangha ang ilusyon ng mga taong ito.

Piolo Pascual – Lilipat na nga ba sa GMA 7?

Inuusisa kami ng marami kung totoo raw bang lulundag na rin sa GMA-7 si Piolo Pascual. Si Piolo, na tulad ni John Lloyd Cruz, ay homegrown talent din ng ABS-CBN.

‘yon kasi ang pinagpipistahang kuwento ngayon, sina Willie Revillame at Direk Johnny Manahan daw ang makikipag-usap kay Piolo, kahit pa wala namang kumpirmasyong nanggagaling kina Willie at Mr. M.

Wala namang imposible basta dadaan sa tamang proseso ang lahat ng mga hakbang. Kung si Direk Edgar Mortiz nga, bayaw ni Ma’m Charo Santos, nasa produksiyon na rin ni Willie ngayon pati ang anak nitong si Frasco na nagdidirek na ng Wowowin-Tutok To Win.

Nasa maganda at maayos namang usapan ang lahat, respeto lang ang kailangan, tulad ng ginawa ni Willie kay JLC na ibinusina at pinagpaalam muna niya sa mga ehekutibo ng Dos.

May komentong sinabi sa amin ang kaibigan naming propesor, “Sa panahon ng pandemya, napakahalaga ng pagtutulungan. Kung sino ang may kapasidad na makatulong, makagaganda ‘yon.

“Nawalan ng franchise ang ABS-CBN, sobrang apektado ang mga artista nila. Pumapayag naman ang network na magtrabaho sila sa ibang network, di ba?

“So, bakit kailangang sumbatan ang mga artistang lumilipat sa GMA-7? Ang iba, nasa TV5 na nga. Alangan namang kapag naibalik na ang prangkisa ng ABS-CBN, e, saka pa lang kakain pati ang mga pamilya nila.

“Masisisi ba natin ang mga artistang naghahanap ng greener pasture sa ibang network? Kailangan nilang mabuhay, karamihan sa kanila, e, mga breadwinner din!

“Hindi sila dapat sumbatang walang utang na loob, walang loyalty at kung anu-ano pang panghahamak. Nagpapaalam naman sila, nagbibigay ng respeto, nagkataon lang na walang maibibigay na trabaho sa kanila ang mother network nila, kaya lumilipat sila,” mahabang komento ni prop.

May mga personalidad na hindi lang nagsasalita, pero tinatamaan ng anxiety, stress, at depression. Gusto na nilang mabilis na dumaan ang maghapon sa pag-asang kinabukasan ay may bagong pag-asa na silang maaasahan at makakapitan.

Suwerte ng mga artistang nagkakaroon pa rin ng trabaho, mas masuwerte ang mga personalidad na may nadudukot ngayong panahon ng pandemya, pero mas marami ang nangangailangan.

May mga lalaking personalidad na ngang nagbebenta ng katawan online, may mga babaeng artista ring nagbebenta na ng bibingka kahit malayo pa ang simbang-gabi para makaterno ng puto-bumbong, may mga ganyang senaryo na dahil sa kahirapan ngayong pandemya.


Mukhang tinatrabahong mabuti ng mga nagtutulay ang paglipat ni Piolo Pasccual sa GMA-7. Kung talagang mauupo na bilang mga consultant ng network ang tambalan nina Direk Johnny Manahan at Ms. Mariole Alberto ay hindi lang si Piolo ang maaasahang kumabilang-bakod sa Siyete.

Ang palengke ng mga sikat na artista ng ABS-CBN ay magiging talipapa na lang. Isa-isa nang maglilipatan sa GMA-7 dahil nandoon ang mga biyaya ngayon para sa kanilang career.

Hinid imposibleng maraming artista ng GMA-7 ang kabahan ngayong marami nang lumilipat sa kanilang istasyon mula sa kabilang network. Kabawasan ng trabaho ang interpretasyon noon para sa kanila.

Pero ang ganoong senaryo naman ay maaasahang mangyari sa bandang ibaba ng labanan. Ang mga posteng matibay ng network ay hindi magagalaw.

Kaya sa mga nagba-bash kay Alden Richards na kailangan na niyang humanda sa paglipat ni John Lloyd Cruz sa GMA-7 ay walang basehan.

Poste ng GMA-7 si Alden. Mataas ang rating ng mga programang pinagbibidahan niya. Pinapasok ng mga commercials at talagang inaalagaan siya nang husto ng kaniyang network, kaya wala siyang dapat ipag-alala.

Ngayon pa lang ay pinagsasabong na sila ni JLC. Wala na namang basehan ‘yon dahil aminado naman si Alden na idolo niya si Lloydie. Karagdagan pa nga para sa Pambansang Bae ang magkasama sila sa proyekto ng hinahangaan niyang aktor.

Parang basketball lang ‘yan. ‘yong mga players na marami nang kaagawan sa posisyon, lalo na kung hindi na masyadong pakikinabangan ng koponan, ang itine-trade sa ibang team.

Wala sa itaas ang labanan, nasa ibaba, kaya walang dapat ikabahala si Alden Richards na homegrown talent ng Kapuso Network.

John Lloyd Cruz – Masayang masaya sa kaniyang pagbabalik

Pigil na pigil ang emosyon ni John Lloyd Cruz nang sumalang siya sa pinakamalaking promosyon ng Shopee. Kundi nakapagpigil ang magaling na aktor ay magmimistulang madramang serye ang okasyon.

Sa backstage pa lang ng Araneta Coliseum ay panay-panay na ang pasasalamat niya kay Willie, ang naging susi sa kaniyang pagbabalik sa pagharap sa publiko at mga camera, ninenerbiyos si Lloydie.

Hindi nga naman kasi biro ang halos apat na taong pagkawala, mag-uumpisa na naman siya sa zero, pero dalawang-kamay na tinanggap ng publiko si John Lloyd Cruz.

Tuluy-tuloy na sana ang kaniyang pagbabalik, kailangan siya ng industriyang kinabibilangan niya, ang tulad ni Lloydie na matagal mang mawala ay palaging may espasyo pa ring babalikan.

Kuwento ni Willie, “Sabi ko sa kaniya, wala siyang dapat ikanerbiyos, mahal na mahal siya ng mga kababayan natin. Nandoon kasi sa mukha niya ang excitement, pero hindi rin niya maitatago ang kaba. Natural lang naman ‘yon, four long years siyang nawala sa circulation, kasali ‘yon.

“Pero maganda talaga ang puso ni John Lloyd, nagkaroon ako ng chance na makilala siya, saludo ako sa taong ‘yon. Sikat na sikat, pero wala kang mararamdamang kayabangan sa kaniya, napaka-down to earth niya,” papuri ng TV host sa aktor.

Malaki ang posibilidad ng kanilang pagsasama sa isang sitcom sa GMA-7 na niluluto na ang magiging konsepto ngayon.

“Ang dami-daming may gustong makasama siya, iba talaga ang John Lloyd Cruz!” sabi uli ni Willie Revillame.

Willie Revillame – Damay sa bashers ni John Lloyd Cruz

Pati si Willie Revillame ay idinadamay ngayon ng mga bashers ni John Lloyd Cruz. Wala raw utang na loob sa ABS-CBN si JLC, walang loyalty, samantalang kung wala ang network ay wala rin namang nangyari sa career ng magaling na aktor.

Hinuhusgahan naman si Willie na may matinding galit diumano sa ABS-CBN dahil pinatalsik siya isang dekada na ang nakararaan. Benggansa raw ang ginawang pagtulong ng TV host kay Lloydie.

Nakakalungkot lang na hindi naman alam ng mga bashers na ‘yon ang kumpletong detalye ng pagtulong ni Willie kay JLC pero meron na silang nabuong senaryo na malayo naman sa katotohanan.

Una, nagkaroon ng respeto si Willie sa tagapamuno ng ABS-CBN na si Mr. Carlo Katigbak. Maayos ang kanilang pag-uusap. Sinabi pa nga sa kaniya nito na sila na muna ang bahala kay Lloydie.

Ikalawa, walang-wala sa bokabularyo ni Willie ang paghihiganti, nang matanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN ay napakaraming nagtangkang mag-interbyu sa kaniya tungkol doon pero wala siyang pinagbigyan.

Noong mismong makulimlim na araw nang opisyal nang ipahayag ng Kongreso ang pagbawi sa prangkisa ng network ay nagbigay ng pahayag si Willie dahil sa dami ng nakaabang sa kaniyang emosyon.

Ang malinaw niyang sabi, “Nalulungkot ako. Matagal na panahon akong nagtrabaho sa ABS-CBN. Doon nagsimula ang Wowowee. Nakakalungkot ang nangyari”

Walang anumang negatibong salita siyang ipinahayag sa ere, sinsero ang kaniyang mensahe, walang panunumbat at galit sa kaniyang puso.

Noong mga oras na ‘yon ay umaandar sa himpapawid ang kaniyang Wowowin. Sa tapat ng kaniyang gusaling Wil Tower ay nandoon naman ang mga personalidad, empleyado at mga manggagawa ng ABS-CBN, nagra-rally dahil sa pagkawala ng kanilang prangkisa.

Sabi ng isang source namin na malapit kay Willie, “Dumungaw si kuya pagkatapos ng show, nakita niya ang mga taga-ABS-CBN na may mga placards, sumisigaw, nakikipaglaban.

“Wala siyang sinabi, napailing na lang siya, napansin namin na nangingilid ang luha niya,” sabi ng aming kausap.

Marami kaming pinupuring artista sa pagkakaroon ng magandang pusong mapagpatawad. Isa na sa kanila si Willie Revillame.

Itinatangi namin siya dahil hindi niya ugaling magtago ng galit, walang-wala sa kaniyang bokadura ang paghihiganti, kaya lalo siyang pinagpala.


Inaasahan na namin ang ganitong senaryo noong simula pa lang. Kung maraming kababayan natin ang masayang-masaya sa pagbabalik ni John Lloyd Cruz pagkatapos “magtago” nang apat na taon ay meron din siyempreng kumokontra sa muli niyang pagharap sa mga camera.

Nang lumutang ang balitang sa GMA-7 siya gagawa ng sitcom ay lalong nag-aangatan ang mga laban sa ideya, biglang umalma ang mga tagasuporta ni Alden Richards, silang dalawa raw kasi ang pagsasabungin ng network.

Si Alden ang isa sa iilang posting talent ngayon ng GMA-7, maraming maligaya sa kaniyang popularidad, dahil bukod sa kaniyang itsura at talento ay mapagkumbaba ang Pambansang Bae.

Pero hindi sila dapat paglabanin ni JLC. May kani-kaniya silang maipagmamalaking talento, bukod pa sa aminado naman si Alden na idolo nito ang nagbabalik na aktor.

Kung biyahe sa pagiging artista ang pag-uusapan ay may kahabaan na ang paglalakbay ni Lloydie, si Alden naman ay nasa kasarapang panahon pa lang, kaya may kalakihan na ang agwat ng kanilang karera.

Mas magandang isipin na pagsamahin sana sila ng GMA-7 sa isang proyekto bilang magkapatid. Magandang ideya ‘yon, pareho silang mahusay umarte, wala ring itulak-kabigan sa kanilang itsura.

Maganda ang labanan kung walang personalan, kung walang nagpapasabong sa kanila, marespetong pareho sa kanilang kapwa sina JLC at Alden kaya malayong magtagumpay ang mga gumagawa ng isyu.

Mas kilala namin ang pagkatao ni Alden kesa kay John Lloyd. Tatanggapin ni Alden ang pagpasok ni Lloydie sa pinagharian nitong bakuran. Hindi maramot si Alden, masayang-masaya ang aktor kapag lahat ay nabibiyayaan ng oportunidad, kaya wala kaming nakikitang problema.

Ang daming lumilipat na personalidad sa GMA-7, ang Siyete naman ay nagbabawas ng mga artista, at marami rin namang personalidad na nananatili sa ABS-CBN na hindi nagpapatinag sa hamon ng pandemya.

Punumpuno rin ng mga programa ang TV5, hindi man masasabing homegrown talent ang mga bumibida ay sa network pa rin sila napapanood, kaya buhay na buhay ngayon ang mundo ng telebisyon.

At kapag ganiyang aktibo ang lahat ng istasyon ay sino ba ang nabibiyayaan? Hindi lang ang mga artista at production staff kundi pati ang ating mga kababayang tumututok na naaaliw ngayong panahon ng pandemya.


Hindi talaga maiiwasan ngayon ang paglundag ng mga taga-ABS-CBN sa GMA-7. Ibang-iba ang sitwasyon ngayon, pandemya, sa kabila ng paghihirap ng buong mundo ay gagawa at gagawa talaga ng paraan ang marami para hindi magutom.

Kapag walang trabaho ay wala nang makakasunod ‘yon kundi gutom. At para maiwasan ang kagutuman, natural lang na hahanap ng lugar ang kahit sino para makapanginain, kung nasaan ang greener pasture.

Nag-text sa amin si Tita Dolor Guevarra. Kumpirmado, lumipat na sa GMA Artist Center ang dating tagapamuno ang Star Magic na si Ms. Mariole Alberto. At alam naman ng buong showbiz na kung nasaan ang babaeng ehekutibo ay siguradong nadnoon din ang magaling na direktor na si Mr. Johnny Manahan.

Marami ring artistang nakalundag na at lulundag pa lang sa bakuran ng Siyete. Nauna na sa listahan si John Lloyd Cruz, at maingay ang kuwentong kasunod na si Piolo Pascual.

Siyempre, ang mga sundalo ng Dos ay galit na galit. Binabato nila ng bintang na walang loyalty ang mga artistang lumilipat sa GMA-7 na sa bakuran ng Dos nagkapangalan.

Wala raw utang na loob ang mga personalidad na hindi na lang nakapaghintay hanggang sa maibalik na uli ang prangkisa ng ABS-CBN.

Sa biglaang paghusga ay may punto ang paghusga, pero kung mas palalawakin nila ang takbo ng kanilang isip ay ‘yon talaga ang mangyayari, hindi gugustuhin ng kahit sino ang mamatay nang dilat ang mga mata sa sobrang gutom.

Hindi naman literal na gutom ang mga lumilipat sa GMA-7 pero kailangan nilang paghandaan ang kanilang kinabukasan, kung meron naman silang magagawang paraan at nagbigay-respeto naman sila sa

Guesting ni Pokwang sa GMA7 – Naging isyu na agad
 

Isang guesting pa lang ‘yon ni Pokwang sa isang show ng GMA-7 at naging isyu na agad ang nakatakda niyang pagpirma ng kontrata sa network.

Parang apoy na mabilis kumalat ang kuwento. Lilipat na raw sa GMA-7 ang magaling na komedyana, abangan na lang daw natin ang mga susunod na pangyayari.

Kung totoo nga na magtatrabaho na sa GMA-7 si Pokwang ay napakagandang balita noon. Sa panahon ngayon ng pandemya na halos lahat ng mga personalidad ay nagdarasal na magkaroon sila ng trabaho ay malaking biyaya para kay Pokwang ang maging GMA artist na siya.

Sobrang laking oportunidad ang pagkakaroon ng mother network, ang maalagaan ng isang istasyon sa magagandang proyekto, ipinagpapasalamat talaga ang mga ganoong biyaya.

Propesyonal si Pokwang, kahit kailan ay hindi siya nasangkot sa anumang kuwento ng hindi pagmamahal sa kaniyang trabaho, hindi siya magiging problema ng GMA-7 kung sakali.

Alam ng kapalaran kung sinu-sino ang mga nagtatrabahong mapagpahalaga sa kanilang talento. Ang mga pabaya ay nawawalan ng oportunidad at ang mga masikap naman at propesyonal ay lalong nagkakaroon ng pagkakataong maipakita sa publiko ang kanilang kapasidad.

Aba, kung pipirma na nga ng kontrata sa GMA-7 si Pokwang ay muli silang magkakasama ng mahal niyang kuyang si Willie Revillame sa isang bubong, paikut-ikot lang talaga ang kapalaran.

Sylvia Sanchez – May rebelasyon tungkol kay Maine Mendoza

Diretsong sinabi ni Sylvia Sanchez sa Cristy Ferminute na maligayang-maligaya ang kaniyang panganay na si Arjo sa kanilang relasyon ni Maine Mendoza.

Ayaw na sanang magkomento pa ng magaling na aktres tungkol sa dalawa, pero masigasig kaming makibalita, kaya wala na siyang magawa kundi ang sagutin na lang ang aming mga tanong.

“Noong ipakilala siya sa amin ni Arjo, pumasok siya sa saming bahay hindi bilang si Maine Mendoza na sikat. Si Nicomaine ang nakilala namin,” paliwanag ni Sylvia.

Mula nang maging magkarelasyon na ang dalawa ay araw-araw nang nabuhay sa pamba-bash hindi lang si Arjo kundi ang kanilang buong pamilya. Itinatawa na lang ni Sylvia ang mga bintang ng bashers, pero masakit ang mga paratang laban sa kanila. Nakikiangkas lang daw sila sa kasikatan ni Yaya Dub at ang pinupuntirya lang daw ni Arjo ay ang milyones ng dalaga.

Para sa isang pamilyang tulad ng mga Atayde na matagal nang milyonaryo ay mahirap tanggapin ang mga akusasyon. Hiyang-hiya na nga raw si Maine sa kanilang pamilya.

Isa pang rebelasyon ni Ibyang ay mahiyain daw si Maine. Hindi raw ito suplada; mahiyain lang talaga na noong unang sabihin sa kaniya ni Arjo ay pinagtakahan din niya.

Napakaraming nagbigay ng negatibong reaksiyon sa kaniyang sinabi. Kaliwa’t kanang karanasan ng kamalditahan ni Maine ang lumutang. Best foot forward lang daw ang ipinakikita nito sa kanilang pamilya.

“Mahiyain daw si Maine? E, bakit siya pumila sa audition noong PBB? Ang mahiyain talaga, e, hindi papasok sa showbiz!” agarang komento ng isang nakatutok sa CFM.

“Nilulukot-lukot nga niya ang buong mukha niya, pangiwi-ngiwi siya, ganoon ba ang mahiyain?” komento naman ng isa pang manghang-mangha sa sinabi ni Sylvia na mahiyain daw ang girlfriend ng kaniyang anak.

Markado sa pagiging maldita si Maine, kahit sa hanay naming mga manunulat ay wala itong ka-close, dahil parang utang na loob pa sa kaniya ng mga reporters ang mga pulisidad para sa kaniya.

Pero ‘yon ang imaheng ipinakikita ni Maine sa pamilya ni Arjo, ‘yon ang nasasaksihan ng pamilya Atayde sa kaniya, kaya hindi natin puwedeng batikusin ang paniniwala ni Sylvia tungkol sa kaniyang manugang na hilaw.

Kami mismo ay nakatikim nang napakatalas na dila ng Yaya Dub na ito dahil malapit sa amin si Alden Richards. Mahal namin ang aktor dahil sa pagiging mapagkumbaba nito at makatao.

Nag-post si Maine Mendoza ng duwakang na parinig. Walang pangalan pero alam naming kami ‘yon. Sabi nito, “We are not born to please everybody.”

Na totoo naman. Totoong-totoo ‘yon dahil hindi rin naman kami ipinanganak to please her.

It’s a tie!

Alma Moreno – Ipina-Tulfo ng isang babaeng taga-Dubai

Isang kababayan nating matagal nang nagtatrabaho-naninirahan sa Dubai ang nagsumbong kay Raffy Tulfo sa kaniyang programa. Ang inirereklamo ng babae ay si Alma Moreno.

Ginawa ng staff ng matapang na news anchor ang lahat ng paraan para makapagbigay ng kaniyang panig si Ness, pero ayaw niyang magsalita sa ere. Si Kuya Raffy lang daw ang gusto niyang makausap off-the-air.

Sabi ng staff, “Sir, alam daw ng Diyos na wala siyang kasalanan, wala raw siyang kailangang ipaliwanag sa programa, kayo lang daw ang gusto niyang makausap at off-the-air daw po.”

Mabilis ang sagot ng host ng show, “Kung ganoon ang gustong mangyari ni Ms. Alma Morneo, hindi ko gagawin ‘yon! Para namang tinraydor ko ang nagrereklamo kapag ginawa ko siyang kausapin!

“Kaya nga gusto nating kunin ang side niya, e, para maging balanse ang issue, pero kung ayaw niyang magsalita sa ere, hindi natin siya pipilitin!” madiing katwiran ni Kuya Raffy.

Tungkol sa condo unit na nirentahan ni Alma nang ilang buwan ang sumbong ng ating kababayan. Putol ang tubig at kuryente ng unit nang iwanan ‘yon ni Ness.

Napakarami ring basura nang puntahan ng may-ari ang unit, napakarumi, iniipis. Hindi na nito hinahabol ang balanse ni Ness sa upa ng unit, ang gusto na lang ng nagsusumbong kay Kuya Raffy ay ang bayaran ni Alma ang kinonsumo niyang kuryente habang nakatira pa siya doon, ‘yon na lang.

Pero ayaw talagang magbigay ng panig niya si Alma, pabayaan na lang daw magsalita nang magsalita sa ere ang babae, pero si Kuya Raffy lang ang gusto niyang makausap.

“I will not talk to her. I will only do that in the presence of the complainant, para balance ang issue,” sabi uli ng matapang na news anchor.

Natural, kilalang-kilalang artista si Alma Moreno, kaya napakaraming nam-bash sa kaniya. Nakakahiya raw ang ginawa niya, basta na lang daw niya nilayasan ang unit nang putol na ang ilaw at tubig, napakarumi pa.

“Artista pa naman ang anak niyang si Winwyn Marquez, siguradong mapapahiya rin siya sa ginawa ng mother niya!” sabi pa ng isang nagkomento.

Reklamo pa ng complainant sa Wanted Sa Radyo, “Napakatagal ko nang tinatawagan si Alma, pero hindi niya ako sinasagot. Kahit text, wala. Ang kapatid lang niya ang nakakausap ko dahil busy raw si Alma.”

Sa ganitong sitwasyon ay napakahalaga ng komunikasyon. Inayos na lang sana agad ni Ness ang problema para hindi na siya inireklamo pa kay Raffy Tulfo na milyun-milyon ang nakatutok.

Maaaring may katwiran si Alma sa pangyayari, pero hindi ganoon ang naging dating sa pagtanggi niyang magsalita sa himpapawid, siya ang nadiin nang todo-todo.

Angel Locsin – Di na nga ba makakabalik sa GMA 7?

Sentro ng pagtatalo ngayon si Angel Locsin dahil sa sunud-sunod na paglilipatan ng mga artista ng ABS-CBN sa GMA-7. Dating contract star ng Siyete si Angel na lumipat sa Dos.

Natatandaan pa namin ang kuwento. Umalis si Angel para diumano’y mag-aral ng fashion design sa London. ‘yon ang ibinigay nilang dahilan ng kaniyang manager na si Becky Aguila.

Ilang buwan lang pagkatapos ay lumutang ang kuwentong nakikipagtransaksiyon na ang manager sa mga ehekutibo ng ABS-CBN. Sa pagbalik ni Angel ay sa kalabang istasyon na ng GMA-7 siya magtatrabaho.

Matagal na naging kontrobersiyal ang paglipat ni Angel sa ABS-CBN, pinaratangan siyang walang utang na loob, napakalaki ng naitulong ng GMA-7 sa kaniyang career pero nasikmura niyang talikuran.

Maraming nang-uusisa kung bukas pa rin daw kaya ang pintuan ng Siyete kung sakaling bumalik siya? Tatanggapin pa rin daw kaya siya ng mga ehekutibo ng pinanggalingan niyang network?

Isa sa pinakamalakas na boses na narinig ng publiko ang kay Angel nang tapyasin ang prangkisa ng ABS-CBN. Matindi ang kaniyang paninindigan at pakikipaglaban.

Sa ipinuhunang pagkontra ni Angel nang tanggalan ng franchise ang ABS-CBN ay hindi namin naiisip na babalik pa siya sa GMA-7. Masyado nang malalim ang kuneksiyon niya sa ABS-CBN.

At sa paninindigang pinanghahawakan ni Angel, ni sa panaginip lang siguro ay hindi niya naiisip ang pagbabalik sa GMA-7, malayo ‘yon sa takbo ng kaniyang utak.

Hindi siya magtatangkang lumipat. Wala sa isip niya ang paglundag ng bakod. Mananatili siya sa ABS-CBN.

Kung ang tatanungin naman ay kung nakabukas pa ba ang pintuan ng GMA-7 para kay Angel ay negatibo ang naiisip naming senaryo.

Magpakatotoo tayo. Natural lang na hindi na, dahil ang pintuang dating bukas na bukas para kay Angel sa GMA-7 ay siya mismo ang nagsarado.

Ang naglalaro sa isip namin ngayon ay hindi na uli siya tatanggapin kung sakali man dahil kawalan ng loyalty sa GMA-7 ang ginawa niya noon.

Isa pa, maaaring maisip din ng mga ehekutibo ng GMA-7 na hindi na nila pakikinabangan nang husto ngayon si Angel dahil mag-aasawa na, bukod pa sa mahihirapan na silang ihanap ng proyekto sa kanilang istasyon si Angel dahil nagbago na ang kaniyang timbang.

Sabi nga ni prop, “Kailangang nag-iingat sa kanilang mga salita ang mga artista, huwag silang nagsusunog ng tulay, tulad ni Regine Velasquez na matagal na nagserbisyo sa GMA-7 pero noong lumipat na sa ABS-CBN, e, nagsabi pang number one station ang nilipatan niya!

“Ang sakit-sakit noon para sa GMA-7 na naniniwalang sila ang number one network!” sabi ng kaibigan naming propesor.

Piolo Pascual – Na-bash matapos magpabakuna

Ito naman kasing si Piolo Pascual, ang ganda-ganda na sana ng kaniyang kartada bilang isang mamamayang nagpabakuna pero kung bakit kinambalan pa niya ‘yon ng biro na hindi napapanahon.

“First jab done… then I died (joke)!” ang kaniyang post pagkatapos niyang magpabakuna. Natural, sa panahong ito na maraming kababayan nga natin ang ayaw magpasaksak ng bakuna dahil natatakot ay hindi nagustuhan ng marami ang kaniyang komento, bina-bash siya ngayon sa social media.

Walang ipinagkaiba ‘yon sa nangyari kay John Estrada noong kasagsagan ng paghihigpit sa mga pasahero ng eroplano dahil sa kinatatakutang maaaring gawin ng mga terorista.

Habang dumadaan sa mahigpit na pambubusisi ng laman ng kaniyang malaking bag ang checker ay nagbiro si John, “Ingat ka, may bomba d’yan!”

Pinapunta si John sa opisina ng namamahala, matagal din itong kinausap, na-hold si John dahil sa kaniyang biro na bawal na bawal noong mga panahong ‘yon.

Komento ng ating mga kababayan sa post ni Piolo, sa halip daw na magbigay siya ng magandang payo sa pagpapabakuna ay nanakot pa siya, lalo lang niyang pinakaba ang mga Pinoy na takot na takot na nga sa bakuna dahil sa mga kuwentong may namamatay pagkatapos magpaturok.

May nagsabi pang tatahi-tahimik lang si Piolo pero nasa loob naman pala ang kulo ng aktor. Hindi raw dapat ginagawang biro ang isang isyung pinagtatalunan ng mamamayan at ng mga taga-DOH tungkol sa pagpapabakuna.

Maling biro. Joke nga lang pero ang ganoong klase ng biro ay hindi napapanahon. Tuloy ay nakatikim si Piolo ng mga lumalatay na salita mula sa mga netizens at bashers.

Tanong pa ng isang basher na ewan kung nagpapanggap lang na walang alam o may gustong ipahiwatig sa post ni Piolo, “Tama ba ang spelling ni Piolo sa job? Bakit jab ang spelling niya?

“Di ba dapat, e, job, parang sa nose job, tummy job at blowjob? Hindi ba niya alam ‘yan?” tanong-opinyon ng basher.

Ubos!

Jollibee – Nasangkot sa kontrobersiya

Hindi ka batang Pilipino kapag hindi mo kilala ang Jollibee. Kapag hindi mo kilala si chicken joy. Bawat batang Pinoy na lumalaki ay siguradong lumalambing ng Jollibee sa kanilang mga magulang.

Natutukan namin ang reklamo ng isang kababayan nating umorder ng fried chicken sa food chain, pero ang dumating sa kanilang bahay ay hindi chicken joy, kundi tuwalyang kinulapulan ng breading at saka isinalang sa kalan.

Napakatindi noon, ang mga taong mabilis humusga ay siguradong maaapektuhan, magpapalit na sila ng oordering fried chicken.

Nakiramdam kami. Sa mismong bahay namin. Alam ng mga anak at apo namin ang kuwento ng makasaysayang tuwalyang pinagmukhang manok pero wala lang silang pakialam.

Nagpadeliber pa rin sila ng chicken joy, spaghetti, burger steak at french fries. Pagdating ng order ay sarap na sarap nilang kinain ang mga produkto ng Jollibee na parang walang isyung pinagpipistahan ngayon.

Hindi kayang tibagin ng isang tuwalya lang ang kredibilidad na mahabang panahong binuo ng Jollibee. Ang nag-iisip na Pinoy ay hindi maniniwalang ganoon kairesponsable ang natutuhan na nilang mahaling kumpanya.

Nangyari man ang kuwento ng tuwalyang ginawang fried chicken ay wala pa ring pakialam ang ating mga kababayan, lalo na ang mga bata, na makita pa lang ang estatuwa ni Jollibee ay nagpapalakpakan na.

Bago kami sumalang sa Cristy Ferminute noong nagpoprograma pa kami sa TV5 at hindi pa nagwo-work from home ay halos araw-araw naming kakambal si Jollibee.

Chicken joy, burger steak, hamburger at french fries. Paikut-ikot lang kami sa mga ganoong produkto ng Jollibee. Ibang-iba kasi ang kanilang lasa, Pinoy na Pinoy, at Pilipino rin ang may-ari ng food chain.

Nagkuwentuhan kami ng kaibigan naming propesor tungkol sa mahiwagang tuwalyang iniimbestigahan na ngayon ng kumpanya. Tawa kami nang tawa kay prop.

Ang kaniyang komento, “Kahit underwear pa ang ipinangsabotahe sa Jollibee para magmukhang chicken joy, e, tatangkilikin ko pa rin ang mga produkto nila.

“Kapag nasa ibang bansa ako, nami-miss ko ang chicken joy, naglalaway ako, kaya kapag pauwi na ako, mahigpit ang bilin ko sa pamangkin ko.

“Pagdating ko sa bahay, kailangang nasa table na ang chicken joy na kakainin ko. Basta!” seryosong kuwento ni prop.

Kredibilidad ang tawag doon.

Take It, Per Minute... Me Gano’n! – Naka-100 episodes na!

Parang kailan lang ‘yon nang tumawag ang aming patnugot na si Salve Asis, “Nay, okey ba sa iyong mag-digital show tayo? Kayo ni Nay Lolit (Solis) ang magkasama. First time!”

Bakit nga naman hindi? Inagaw na ng teknolohiya ang mga talk shows, nagba-vlog na ang mga artista, nasa digital na ang labanan.

Nang sumagot kami ng positibo kay Salve para sa pagsasama namin ni Kabsat Lolit ay may isa pa itong lambing. “Puwede bang sa gallery mo natin gawin ang show? Doon tayo every Tuesday nang tanghali sa Mga Obra Ni Nanay.”

Check uli. At doon na po ipinanganak ang Take It, Per Minute muna. Kami lang ni Kabsat Lolit. Matagumapy ang aming pagsasama, naaliw ang mga kababayan natin na ang akala ay personal kaming magkaaway dahil sa paglalaban ng aming mga talk shows nang mahabang panahon, pero hindi naman pala.

“E, isang Martes nang tanghali, dumalaw sa gallery si Mr. Fu, ang super-nakakaaliw na FM radio deejay na nagpasikat ng linyang “Me gano’n!”

Palibhasa’y pareho kami ni Manay Lolit na hindi maramot sa mga ilaw at camera, halos sabay pa kaming nagyaya kay Mr. Fu, “Halika, maupo ka, makigulo ka sa amin!”

At doon na po nakumpleto ang Take It, Per Minute… Me Gano’n. Walang aksidente, palaging nakadise n’yo ang bawat pangyayari, palagi naming kinasasabikan ang bawat Martes ng aming buhay para sa pagsasama-sama namin sa nangungunang digital show ngayon.

At noong nakaraang Martes ay naka-isandaang episodes na pala kami. Sobra pa nga kung tutuusin kung hindi nang-agaw ng panahon ang pandemya. Parang anibersaryo na mismo ang nangyari noong Martes dahil may catering kami mula kay Tita Lily Chua at tatlong lechon mula kina Mayor Enrico Roque, Col. Jude Estrada at Tita Susan Sy ng Regent Foods Corporation.

Maniniwala po ba kayo na anim na tao lang ang nagpapatakbo ng Take It, Per Minute… Me Gano’n tuwing sumasahimpapawid? Kaming tatlong hosts, si Salve Asis na tagapamuno namin, saka ang technical team nina Randolf at Gillord.

Pero ang namamahala sa mga background naming paintings ay si Japs Gersin, tumutulong naman sa pag-aasikaso sa buong grupo sina Tina Roa, Paul John at Richie Villarta, kami-kami lang talaga ang bumubuo ng TIPMMG.

Mula sa pusong salamat sa lahat ng mga tumututok sa amin tuwing Martes nang tanghali mula dito sa atin maging sa iba-ibang bansa na ang tawag sa aming digital show ay happy pill.

Pang-alis ng lungkot, gamot sa stress, pildoras sa depresyon na hindi mabibili sa anumang botika. Maraming salamat po dahil kayo ang naging susi sa tagumpay ng Take It, Per Minute… Me Gano’n!

Hanggang sa muli. – CSF