Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 1-15, 2021

      Ellen Adarna & Derek Ramsay
Ellen Adarna & Derek Ramsay
  Andrea Torres
 
Andrea Torres
  Willie Revillame & John Llyoyd Cruz
 
Willie Revillame & John Llyoyd Cruz
  Liza Soberano
 
Liza Soberano
  Angelica Panganiban
 
Angelica Panganiban
  Gabby Concepcion & Sanya Lopez
 
Gabby Concepcion & Sanya Lopez
  Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Marjorie Barretto
 
Marjorie Barretto
  Diego Loyzaga
 
Diego Loyzaga
  Piolo Pascual
 
Piolo Pascual
  Julia Barretto
 
Julia Barretto
  Coco Martin
 
Coco Martin
  Robin Padilla
 
Robin Padilla

Derek Ramsay – Magpapaalam na sa showbiz?

Wala pang kasiguruhan kung tuluyan nang magpapaalam sa pag-aartista si Derek Ramsay, pero kung ang kasalukuyang panahon ang kunsiderasyon, ayaw na niyang humarap sa mga camera.

Hindi iyon dahil sa kayang-kaya niya namang mabuhay nang hindi na siya nagtatrabaho dahil mayaman ang kaniyang angkan, may mas mahalagang tinututukan ngayon ang hunk actor, ang kaligtasan ng kaniyang pamilya.

May tinanggihan nang proyekto si Derek sa GMA-7, kung ano ang tunay na dahilan ay siya lang ang nakakaalam, nakasentro ngayon ang kaniyang panahon sa kaniyang mga magulang at sa kaniyang pakakasalang si Ellen Adarna.

Sa kabila ng mga negatibong balita tungkol sa kanilang relasyon ay matindi ang disposisyon ni Derek, si Ellen Adarna ang gusto niyang iharap sa altar, wala nang sinumang makahahadlang doon.

Dapat sana’y sa Agosto na ang kanilang kasal, pero iuurong nila iyon nang ilan pang buwan, tatapusin muna ni Ellen ang kaniyang mga kompromiso dahil sa ibang bansa ang tuloy nila pagkatapos ng kasalan.

Binulabog na naman ng mga bira at pagpuna si Ellen sa inilabas nitong video habang kinukunan ang kaniyang sarili na bra lang at underwear ang suot.

Kasunod naman noon ang inilabas na larawan ni Derek na nagpapakita ng kaniyang puwet. Isa lang ang komento ng buong bayan, sila na nga talaga, pati ang takbo ng kanilang utak ay swak na swak.

Tuloy ang kanilang kasal, tuloy rin ang pamamaalam muna ni Derek Ramsay sa pag-aartista, tuloy ang kanilang pagmamahalan.

John Lloyd Cruz at Andrea Torres – Magtatambal sa isang sitcom

May sobrang pinagkakaabalahan ngayon si Willie Revillame. Tapos na siya sa pagkahilig sa pagpapalipad ng chopper, magaling na siya, wala na siyang kailangan pang patunayan.

Bukod sa kaniyang programang Wowowin-Tutok To Win na araw-araw na nagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan ay aktibo ngayon ang kaniyang WBR (Wilfredo Buendia Revillame) Productions.

Sayang nga naman ang pagkakataon, maraming personalidad na nangangailangan ng trabaho ngayong pandemya, kaya bakit hindi niya paganahin ang kaniyang produksiyon para siya makatulong?

Ang una niyang talent ay si John Lloyd Cruz, pumirma na ng kontrata sa WBR si Lloydie, huwag na tayong magugulat kung isang araw ay plantsado na ang gagawin nitong sitcom katambal si Andrea Torres.

Magsasanib-puwersa ang WBR Productions at ang GMA-7 sa proyekto, isang popular na aktor pa ang nakatakdang mapasama sa mga talents ng WBR, si Direk Johnny Manahan ang katuwang niyang umaayos sa kontrata.

Sa mga nakaplanong proyekto ni Willie para sa maraming personalidad ay ang kaniyang WBR Productions ang gagamitin niya, uupuan na nila ng GMA-7 ang mga gagawin nilang pelikula at programa, masayang-masaya ang aktor-TV host sa bago niyang pinagkakaabalahan.

“Maraming nangangailangan ng trabaho ngayon, pero wala silang idea kung paano nila maipagpatuloy ang trabaho nila, kaya kung puwede naman tayong makatulong, bakit ang hindi?

“Galing din ako sa ibabang-ibaba, sidekick lang ako noon ng mga bida, pero maraming taong nakatulong sa akin para matupad ang mga pangarap ko. Kumbaga, nakikita ko lang sa kanila ang sarili ko, kaya bakit naman tayo magdadamot?” pahayag ni Willie.

Nag-break lang si Willie noong Sabado mula sa matinding practice sa pagda-drums noong makausap namin, iyon ang isa sa magiging highlights ng Mega Fiesta show na gaganapin sa Araneta Coliseum sa June 6, darating si John Lloyd Cruz sa espesyal na pagtatanghal ng ineendorso niyang kumpanya.

“Nakakatuwa nga, si Direk Cathy Garcia-Molina ang pumayag na magdirek ng TVC ko. Pero hanggang doon lang ang puwede niyang gawin, may kontrata pa siya sa Star Cinema.

“Gagawa lang siya ng project sa labas kung co-prod ng Star Cinema. Pero sa akin ang linyang ‘Sino ka man, nasaan ka man,’ naisip ko lang,” tumatawang kuwento ni Willie Revillame.

Liza Soberano – Walang balak sumali sa beauty pageant

Nakakaawa naman si Liza Soberano, nauupakan nang wala naman siyang kaalam-alam, kasalanan iyon ng kaniyang mga posers sa Facebook.

Mabuti na lang at maagap si Liza at ang kaniyang manager na si Ogie Diaz, agad nilang nilinaw na walang FB account ang magandang young actress, mga posers lang niya ang naglalabas ng mga pekeng posts.

Nag-ugat iyon sa hindi pagpasok ni Rabiya Mateo sa Top 5, nagalit ang pekeng Liza Soberano, huwag daw mag-alala ang ating mga kababayan sa naging kapalaran ni Rabiya dahil sa susunod na taon ay siya na ang aakyat sa entablado ng Miss Universe.

Siya na raw ang bahala, sabi pa ng poser ni Liza, kumbaga ay siya ang maghihiganti sa kaapihan ng ating kinatawang natalo sa labanan.

May pitik ang mga salita, kumakagat, lumalabas na kayabang-yabang naman ng Liza Soberanong ito sa kaniyang mga sinabi. Kinagat naman iyon ng mga bashers ng young actress na naghihintay lang ng butas na masisilip laban sa kaniya.

Nakakaawang Liza, wala siyang FB account, pero bina-bash siya ngayon nang walang kalaban-laban. At mismong si Liza na ang nagsasabing wala siyang planong sumali sa mga beauty pageant.

Noon pa ay marami nang kumakausap sa kaniyang manager para isali si Liza sa Bb. Pilipinas. Ang ganoon nga namang kagandahan at katalinuhan ay siguradong makalulusot at makapag-uuwi ng korona.

Pero ayaw ni Liza, ayaw rin ni Ogie, kaya walang agent na nagtagumpay sa pagkuha sa dalaga. Iyon ba ang klase ng taong magyayabang at magbabanta pa para ipaghiganti si Rabiya?

Ni wala ngang interes si Liza sa pagsali, kahit pa mayroon naman siyang karapatan, pero dahil lang sa isang poser na naglabas ng komento ay ganito na ang kaniyang mapapala?

Napakaraming posers ng mga artista, maraming nagpapanggap na sila, kailangan talagang tiyakin muna ng kahit sino kung totoo bang kanila ang account.

Mga peke sila!

Angelica Panganiban – Ipinahamak ang sarili

Nakakaawang Angelica Panganiban. Idinidighay niya ngayon ang napakapaklang ampalaya at apdo na ipinakakain sa kaniya ngayon sa social media dahil sa pagmamaldita niya sa pagpapa-swab ng kaniyang boyfriend na si Gregg Homan sa Red Cross-Subic.

Dati nang maanghang ang dila ng aktres na ito, pero nakakita siya ng katapat ngayon sa kaniyang mga kuda, ang nakalaban niya ay ang mga frontliners na itinuturing na bayani ngayon ng ating bayan.

Mayroon siyang talak na hindi raw namamansin ang mga frontliners sa Subic, mayroon siyang ipinost na inuna pa ang ibang magpapa-swab test kesa sa kanila, isang oras na raw silang naghihintay sa parking.

Si Angelica mismo ang nagpahamak sa kaniyang sarili. Sumagot ang mga nakatalagang frontliners ng Red Cross-Subic na hindi naman pala kasali sa listahan ng mga magpapa-swab test ang kaniyang karelasyon, sa madaling salita ay sumingit lang ito, hindi prayoridad na askikasuhin agad-agad.

At naglabas ng ebidensiya ang isang frontliner na hindi sa tent naghihintay si Angelica, nasa van lang siya na may aircon, kaya hindi siya nakaranas na mainitan.

Naging sobrang personal ang mga bira kay Angelica, pati ang hubog ng kaniyang katawan ay ibinato laban sa kaniya, ikinumpara siya sa sasakyang laspag na.

Pati ang kaniyang pangalan ay ginamit na armas laban sa kaniya, may angel pa naman daw sa pangalan niya, pero hindi naman bagay sa kaniyang ugali.

Reaksiyon ng anak-anakan naming si SOS, “Tama po, may angel nga sa name niya. Pero Panganiban ang apelyido niya, mapanganib si Angel!”

First Yaya – Nag-last lock-in taping na

Maraming malulungkot dahil nag-last lock-in taping na ang seryeng First Yaya na pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion. Hanggang one season na lang talaga ngayon ang mga serye ng GMA-7.

Pang-thirteen weeks na lang lahat ang mga serye dahil umaaray sa laki ng gastos ang produksiyon. Sa pagpapatupad pa lang sa mga health protocols ay napakalaki na ng kinakaing budget, kapag sinabing lock-in ay wala na talagang mga artista at miyembro ng produksiyon na pinalalabas ang network, kaya napakasakit noon para sa istasyon.

Kung kailan naman lulong na lulong na ang ating mga kababayan sa ikot ng kuwento ng First Yaya ay saka naman tatapusin na pala. Mabibitin ang manonood na nakatikim ng bagong putahe, sa isang panahon nga namang nakauumay na ang mga seryeng ilang taon nang umeere pero nand’yan pa rin, ay kakaiba ang First Yaya.

Pero mag-iiwan ng marka ang seryeng ito, niyakap ng publiko ang kaniyang kuwento, magtatapos ang palabas na maliligaya ang lahat ng bahagi ng istoryang ito.

At panahon ngayon ni Sanya Lopez, napamahal siya sa ating mga kababayan, pero hindi sila dapat malungkot dahil mayroon pang serye ang kanilang paboritong aktres kasama si Senador Bong Revilla – ang Agimat Ng Agila.

Sharon Cuneta – Nagsalita na tungkol sa US trip niya

Sa wakas ay nagsalita na si Sharon Cuneta mula sa Amerika sa pamamagitan ng kaniyang IG para linawin ang mga pekeng isyung ibinabato laban sa kaniya maging sa kaniyang pamilya nang umalis siya.

At kasama pa niya sa pagla-live si Senador Kiko Pangilinan na bidang-bida sa istoryang nambugbog daw sa Megastar nang malaman nitong may mas batang boyfriend ang kaniyang misis.

Totoong parang namatayan sa kahahagulgol si Sharon noong makausap namin dahil sa palpak na resulta ng kaniyang swab test ilang araw bago siya magpunta sa Amerika para gawin ang pelikulang pinagbibidahan ng sikat na komedyanteng si Jo Koy sa produksiyon ng Hollywood iconic director-producer na si Steven Spielberg.

Paulit-ulit siyang nagpa-swab test sa mga klinikang ibinigay mismo ng produksiyon ni Spielberg, puro negatibo ang resulta, pero may hinahabol na schedule ang grupo sa Canada.

Bagsak na bagsak noon si Sharon, pakiramdam niya ay hindi lang siya namatayan, kundi ninakawan pa ng oportunidad na makapagtrabaho sa Hollywood na pangsorpresa sana niya sa kaniyang mga Sharonians.

Nasa kaniya na ang script, nagbabatuhan na sila ng mga linya via Zoom, handang-handa na siya sa proyekto pero dahil sa kapalpakan ng iba ay nakawala sa kaniya ang isang hindi malilimutang marka sa kaniyang karera bilang aktres.

Paulit-ulit kaming tine-text ni SOS, hinayang na hinayang ang aming anak-anakan sa nangyari, “Sobrang nakapanghihinayang po talaga ang project ni Sharon kasama ang Hollywood icon of icons na si Spielberg.

“Pero ganoon po talaga ang buhay, ang maganda, ang acceptance niya sa nangyari. Malay po natin, baka naman may dumating na offer sa kaniya na ang magdidirek sa kaniya, e, sina Martin Scorsese, Quentin Tarantino at James Camayroon,” positibong komento ni SOS.

Malapit na naman ang eleksiyon, gumagana na ang makinarya ng ibang kampo para wasakin ang imahe ng kanilang makakalaban sa posisyon, kaya hindi na nagugulat ang mag-asawang Senator Kiko at Sharon sa mga lumulutang na pekeng kuwento tungkol sa kanilang relasyon.

Paulit-ulit na pahayag ng Megastar kapag panahon ng halalan at tinitirador ang pangalan ng kaniyang mister, “Naku, napakatagal nang bumenta ng mga kuwentong ‘yan, tuwing eleksiyon na lang!

“Magkakaiba lang ang taon, pero pareho-pareho lang ang mga paninira! Hindi na bago ‘yan!” natatawa na lang na reaksiyon ni Sharon Cuneta.

Willie Revillame –Milyones ang naitulong sa PGH

Sa loob lang nang sampung minuto ay milyones agad ang nakalap na halaga ni Willie Revillame para maipangtulong sa pagkasunog ng Philippine General Hospital.

Apat na milyon ang nailambing niya sa kaniyang mga sponsors sa Wowowin-Tutok To Win, nakulangan siya sa halagang apat na milyon, kaya siya ang nagpuno para maging walong milyon ang tulong-donasyon nila sa PGH.

Kuwento ni Willie nang magkausap kami, “Nakita ko kasi ang mga batang natutulog na lang sa corridor, awang-awa ako sa kanila, maysakit na nga, nasunog pa ang ospital.

“Mabuti na lang at nailipat sila agad sa chapel, mabilis magdesisyon ang mga doktor ng PGH, kaya medyo umayos ang sitwasyon nila,” seryosong sabi ng aktor-TV host.

Agad-agad siyang gumawa ng sarili niyang telethon, una niyang tinawagan si Sam Versoza at si RS Francisco, ang mga may-ari ng Luxxe White, hindi pa siya natatapos sa kaniyang paliwanag ay agad nang sumagot ang magkaibigan.

Sumunod pa ang dalawang sponsors niya na agaran ding sumagot sa tig-isang milyong ayuda sa ospital.

Nagbigay rin ang WR Productions niya nang isang milyon, sa sarili niyang bulsa ay nagdagdag pa siya nang apat na milyon, kaya nang sumunod na araw ay personal niyang ibinigay sa dalawang doktor ng PGH ang nalikom niyang tulong.

Sabi ng kaibigan naming tumawag, “May nakalaan nang isang upuan para kay Willie sa Senado sa susunod na eleksiyon. Napakaganda talaga ng puso niya.”

Nang sabihin namin iyon kay Willie ay parang hindi niya naman kami pinansin, parang wala siyang narinig, deadma lang ang aktor-TV host.

Marjorie Barretto – Tahimik ang buhay

Positibo ang mga pinakawalang komento ni Marjorie Barretto tungkol sa kaniyang mga kapatid na sina Gretchen at Claudine. Hindi niya diretsong sinabing gusto na niyang magkabati-bati na sana sila pero ang kaniyang damdamin ang nagsabing hindi siya nagtatago ng galit sa kaniyang puso.

Napakagandang postura ng sinabi ni Marjorie. Nasaktan siya, sobrang nasaktan sa ginawa sa kaniya nina Gretchen at Claudine, pero hindi niya iyon itinatago sa damdamin niya.

Iyon nga siguro ang patotoo sa kuwento ng isang kaibigan namin na madalas nilang makita si Marjorie sa Adoration chapel. Taimtim na nagdarasal si Marj, matagal siyang nandoon, siguradong isa sa mga ipinagdarasal niya ay ang maging maayos na sana ang relasyon nilang magkakapatid.

Napakaliit nga naman ng ating puso para kargahan pa ng galit at sama ng loob. At kapag nagagalit tayo ay ang may katawan ang nagdadala ng stress at depresyon.

Sana nga, isang araw, ay matagpuan nilang magkakapatid ang pagpapatawad sa isa’t isa. Iisang sinapupunan lang naman ang kanilang pinagmulan, buung-buo ang pagiging magkakapatid nila, kaya nakapanghihinayang kung magtatagal pa ang kanilang hidwaan.

Tama ang ginagawa ni Marjorie, hindi siya nagpapakulong sa galit at sama ng loob, tuloy ang buhay para sa kaniya nang wala siyang sinasaktan at tinatapakan.

At sa kanilang magkakapatid ay pinakatahimik ang buhay ni Marjorie.

Diego Loyzaga – Walang paki sa amang si Cesar Montano?

Maraming nagtataka-nagtatanong—bakit daw wala ang pangalan ni Cesar Montano sa mga pinasalamatan ni Diego Loyzaga sa kaniyang ika-26 na kaarawan?

Pinasalamatan ng guwapong aktor ang kaniyang mga tiyahin, pinsan at iba pa, pero wala talaga ang pangalan ni Cesar Montano na naging dahilan kung bakit siya isinipot sa mundo.

Siguradong may mga mamba-bash kay Diego bilang isang walang utang na loob na anak. Hindi siya makaliligtas sa pagpuna kung bakit hindi niya isinama ang pangalan ng ama niya sa pasasalamat.

Puwede rin bang baligtarin natin ang tanong? Si Cesar Montano dapat ang nakakaalam kung bakit wala ang pangalan nito sa mga pinasalamatan ni Diego?

Ano ba kasi ang naging buhay sa poder nito ni Diego? Naging maayos ba ang kanilang samahan? Nang magdesisyon bang lumipat na sa pangangalaga ni Bing Loyzaga si Diego (nasa Australia pa noon si Teresa na nagtatrabaho bilang flight attendant) ay naging maayos ba ang paghihiwalay nilang mag-ama?

Pinsalamatan ni Diego ang kaniyang Tita Sunshine at mga kapatid sa ama, pero bakit wala ang pasasalamat niya kay Cesar, iyon ang napakalinaw na ebidensiyang hindi naging maayos ang pagtrato sa kaniya ni Cesar noong magsama sila sa isang bubong.

Ang sarap-sarap sulatin at buklatin ang isang pangyayari sa pagitan ng mag-ama, ang nakakaalam lang noon ay ang magkapatid na Teresa at Bing, saka si Sunshine.

Iyong senaryong iyon, tumanda man nang hukluban si Diego Loyzaga, ay nakapagkit pa rin sa kaniyang utak. Hinding-hindi niya makakalimutan ang karanasang iyon na kulang na lang na bumaba ang Diyos para patunayang walang-wala siyang kasalanan.

Magtatanong-maghahanap pa ba ngayon si Cesar Montano kung bakit wala ang kaniyang pangalan sa dami ng mga pinasalamatan ni Diego Loyzaga para malampasan ang mga naengkuwentro niyang pagsubok sa buhay?

Piolo Pascual –Masaya sa buhay niya ngayon

Para sa isang pamosong artistang tulad ni Piolo Pascual na tatlong dekada nang humaharap sa mga camera nang halos araw-araw ay napakaideyal ng kaniyang pribagong buhay ngayon.

Nakapagpundar siya ng bahay na malayo sa ingay ng lunsod, malapit sa dagat at mga kabundukan, iyon ang pinapangarap ng mga personalidad na sagad na sagad ang katawan sa pagtatrabaho.

Paggising niya ay wala siyang hinahabol na oras para sa shooting at taping, kaniyang-kaniya ang maghapon at magdamag, kaya ang panahon ng guwapo pa ring aktor sa kabila ng kaniyang pagkakaedad ay naibabaling niya sa maraming produktibong bagay.

Nag-aalaga siya ng mga manok, naghahalaman, umaakyat siya ng bundok na dati’y pinapangarap lang niya, nakapaglalayag siya sa dagat anumang oras na gustuhin niya, ganoon ang ikot ng kaniyang buhay ngayon.

Minsan ay tinanong namin ang isang sikat na male personality kung ano ang plano nitong gawin kapag ang pamamahinga ay malapit na. Napakasimple ng kaniyang sagot. “Gusto kong magpatayo ng bahay na dagat ang una kong makikita sa paggising ko. Iyong wala akong iniintinding oras na hahabulin para sa trabaho. Ganoon ang gusto kong retirement kasama ang pamilya ko,” sabi ng pamosong aktor.

At iyon ang klase ng buhay na mayroon ngayon si Piolo Pascual, nayayakap niya ang kalikasan, wala siyang stress dahil hindi na siya aktibo sa pagtatrabaho.

Pero sana nga, sana’y huwag makalimutan ni Piolo ang personal niyang buhay, mayroon siyang pamilya pero iba pa rin ang buhay na magkasabay nilang inaalagaan ng kaniyang maybahay.

Madalas niyang sabihin na gustung-gusto na niyang mag-asawa, pero ang tanong ng bayan, may nililigawan ba naman siya?

Julia Barretto –Super sinungaling!

Lahat na yata ng terminong puwedeng gamitin bilang pakahulugan sa pagiging sinungaling ay inilalapat na kay Julia Barretto. Ang dahilan, ang nananahimik na isaw, ang pagkaing-kalye na pinagpipistahan ng ating mga kababayan.

Hindi kasi nag-iingat si Julia. Noong pinakakain siya ng kaniyang boyfriend na si Gerald Anderson sa vlog nito ay mayroon pa siyang pagkamut-kamot ng ulo at linyang, “Sige, I’ll do it for you,” sabay kain ng isaw, na para siyang ilag na ilag sa nakadurong bituka ng baboy.

Tinatawag siya ngayong pathological liar, chronic liar, super-sinungaling at kung anu-ano pang pangtukoy sa pagiging sinungaling.

May nakahalughog kasi sa kaniyang video ilang taon na ang nakararaan na sarap na sarap pa siyang kumakain ng isaw kasama si Ronnie Alonte. Naku, minarkahan siya ng mga netizens, lalo na ng kaniyang mga bashers, pasosyal pa raw si Julia na kiyeme-kiyemeng hindi kumakain ng isaw pero sarap na sarap naman pala siya sa pagkaing-kalye na iyon?

Bina-bash siya nang todo ngayon sa social media, ano pa raw ang hindi aaminin ni Julia, mayroon pa ba? Sabi ng isang basher, “Isaw nga lang, e, hindi pa niya maamin na kumakain siya, aaminin pa ba niyang inekokan niya sa ulo si Joshua Garcia?”

At may isa pa, “Ano pa ba ang isinubo niya sa bibig niya na aaminin niya? Natural, hindi rin niya aaminin iyon na tulad ng isaw!”

Ang makasaysayang isaw… bow!

Coco Martin – Maraming nagalit noong nagpabakuna

Isang buhay na buhay na isyu talaga ngayon ang pagpapabakuna. Sa mundo ng pulitika ay pinagdedebatehan ang bakuna, hindi rin pakakabog ang mundo ng showbiz, maraming personalidad ang bina-bash dahil sa pagpapaturok ng vaccine.

Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay isang source na hindi nanununog at nangunguryente ang nagpadala sa amin ng impormasyon tungkol kay Coco Martin.

“FYI, nagpabakuna na nuomg Huwebes si Coco Martin sa Barangay Greater Lagro. Maraming nagagalit at naghihimutok!

“Napakatagal na raw nilang nagpalista at naghihintay na mabakunahan pero inunahan pa sila ni Coco. Hindi raw nila alam kung paano napasama si Coco sa A3 o iyong may comorbidity o may karamdaman.

“Ang tanong ng mga taga-Barangay Greater Lagro, e, sumingit lang daw ba si Coco o may nagpasingit para mas mauna pa siyang mabakunahan?

“Paano na raw ang mga senior citizens at ang mga PWD na ang tagal-tagal nang naghihintay kung ganyan naman ang labanan?” kumpletong mensahe ng aming source.

Iyon ang kuwento tungkol sa pagpapabakuna ng action star. Wala kaming ideya kung anong sakit mayroon si Coco para mapasama siya sa listahan ng mga sakop ng A3.

Ang alam lang naming depektong mayroon si Coco Martin, kung depekto mang maituturing iyon, ay ang pagkakaroon niya ng maigsing dila kaya mayroon siyang lisping.

Robin Padilla – Di dapat tularan, nag-self-swab test

DOH na ang nagbigay ng anunsiyo, hindi dapat tularan ng ating mga kababayan si Robin Padilla na naglakas-loob na mag-self-swab test, delikado iyon.

Ang may karapatan lang na magsagawa ng swab test ay ang mga lisensiyadong health workers, hindi binibigyan ng DOH ng kalayaan na gawin iyon ng walang alam, tulad ni Robin Padilla.

Dahil may sinabi pa si Robin na kapag nakikiliti na raw ang ating utak ay ayos na ang swab test, ang dami-daming gumamit noon laban sa kaniyang pag-eeksperimento, matindi ang pamba-bash sa kaniya.

Sabi ng isang nagkomento, “Okey lang ang kuda ni Robin, wala naman siyang nasundot na utak na makapagpapadelikado ng buhay niya, dahil wala naman siya noon!”

Ahahay! – CSF