Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 16-31, 2021

      Rhian Ramos
Rhian Ramos
  Willie Revvillame
 
Willie Revvillame
  Kim Chiu
 
Kim Chiu
  Dominic Roque & Bea Alonzo
 
Dominic Roque & Bea Alonzo
  Fanny Serrano
 
Fanny Serrano
  Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Julia Barretto
 
Julia Barretto
  Pokwang
 
Pokwang
  Robin Padilla
 
Robin Padilla
  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao

Rhian Ramos – Type ni Willie Revillame?

Maraming nakakapansin na mula nang maging co-host ni Willie Revillame sa Tutok To Win si Rhian Ramos ay iba ang kaniyang dating. Palaging masaya ang aktor-TV host.

Parang mayroon siyang pinaghuhugutan ng inspirasyon, para siyang sinasaksakan palagi ng suwero, masiglang-masigla si Willie Boy!

Ilang kaibigan ang tumawag sa amin na nangungulit, “Type ba ni Willie si Rhian Ramos? Ibang-iba kasi ang energy ni Willie kapag nasa show niya si Rhian!”

Sa totoo lang, kung kami ang uusisain ay ganoon din ang aming nararamdaman, kakaiba ang kaniyang energy ngayon, hindi na rin umiinit ang kaniyang ulo sa ere, ang nagagawa nga naman ng inspirasyon.

Kung wala namang karelasyon ngayon si Rhian ay bakit naman hindi? Nakapagtataka bang umibig si Willie sa isang katulad ni Rhian na maganda na ay matalino pa at magaling umarte?

At huwag sabihin ng iba na may edad na si Willie para kay Rhian, dati nang nakikipagrelasyon ang dalaga sa mas may edad kesa sa kaniya, kasi-senior citizen lang naman ni Willie.

Makagaganda para kay Willie ang pagkakaroon ng karelasyon, hindi na siya bumabata, kailangan na rin siyang maging maligaya dahil buwis-buhay ang ginagawa niya sa araw-araw na pagtatrabaho.

Lagi niyang sinasabi sa Tutok To Win, “Life is too short. Kausap mo lang ang kaibigan mo ngayon, bukas, wala na pala. Pumanaw na.”

Kailangan daw maging happy naman si Papi.

Kim Chiu – Isang dakilang anak

Sa listahan ng mga dakilang anak sa showbiz ay kasama sa aming listahan si Kim Chiu. Nasubaybayan namin ang kuwento ng kaniyang buhay nang pumasok siya sa PBB Teens.

Hindi namin puwedeng kalimutan ang napakapayak niyang buhay sa Cebu na habang namamasyal sa isang mall ay itinulak ng kaniyang mga kaibigan at kaklase na mag-audition sa PBB.

Pumasa siya sa audition, tumira sa Bahay Ni Kuya, at nagningning agad ang kaniyang presensiya dahil bukod sa gaanin na ang itsura niya ay kitang-kita ang pagiging totoo niya.

Sila ni Gerald Anderson ang tinanghal na panalo, mula noon ay hindi na napanatili ni Kim ang kapribaduhan ng kaniyang buhay, marami nang kuwentong naglabasan.

Palaging emosyonal si Kim, iyakin siya, pero malalim ang dahilan noon. Habang lumalaki siya ay pinagdamutan siyang makasama ang kaniyang ina. Ang kaniyang ama lang ang nakakapiling nilang magkakapatid.

Sumalangit nawa ang kaluluwa ng ina ni Kim, pero nasangkot ito sa isang malaking problema, kinailangang umalis ng kanilang ina dahil sa sobrang takot.

Nagtago ang kaniyang ina, iyon ang pinakatamang terminong dapat gamitin, siguradong alam nila kung nasaan ang kanilang nanay pero hindi nila sinasabi kung ano at saan ang eksaktong lugar.

Dakilang anak si Kim Chiu dahil unti-unti niyang inayos ang mga kompromiso ng kaniyang ina. Nilinis niya ang pangalan ng kaniyang nanay. Wala siyang hindi binayaran.

Binigyan din niya ng puhunan ang kaniyang ama para magnegosyo sa Mindoro, inayos niya ang buhay nilang magkakapatid, ganoon kadakila ang puso ni Kim Chiu.

Noong Mother’s Day ay nag-post si Kim ng retrato nilang mag-ina. Niretoke niya lang ang larawan. Hindi totoong magkatabi sila sa inilabas niyang retrato.

May suntok sa puso ang larawang iyon na inilabas ni Kim noong Mother’s Day na may kakambal na napakasinserong mensahe. Mahiyain daw kasi ang nanay niya.

Binigyan ni Kim ng marespetong pamamaalam ang kaniyang ina nang pumanaw. Inuna niyang asikasuhin ang problema ng kaniyang ina bago ang mga personal niyang kailangan.

Maraming artistang mabait sa kanilang mga magulang pero sa aming libro ay pinakadakila si Kim Chiu. Hindi siya maramot.

Marunong siyang tumanaw ng utang na loob at magpasalamat sa kaniyang mga magulang na nagbigay sa kaniya ng pagkakataong makita ang kagandahan ng mundo.

Bea Alonzo – Nagpasaya sa kaniyang mga kasambahay

Sa ginawang pagpapasaya ni Bea Alonzo sa kaniyang mga kasambahay ay naalala namin si Sharon Cuneta. Pareho silang magmahal ng mga taong nagseserbisyo sa kanila sa paraang sinserong-sinsero.

Nakatutuwang malaman dahil ang mga taong pinasasaya nila ang kapareha nila sa pagtatrabaho. Kapag nasa labas sila ng kanilang tahanan ay ang mga kasambahay nila ang gumagawa ng mga bagay-bagay na wala na silang panahon.

Noong nakaraang Pasko ay ganoon din ang ibinigay na sorpresa ng Megastar sa kaniyang mga kasambahay. Siya ang nagluto ng mga pagkain, ilang araw pa bago ang Pasko ay matiyaga na niyang ibinalot ang mga regalo para sa kaniyang household, reynang-reyna ang pakiramdam ng mga ito noong Pasko dahil silang mag-iina ang naglingkod sa kanilang mga kasambahay at driver.

Masarap magmahal at rumespeto sa kaniyang mga kasambahay si Sharon, nagtatagal sa kanilang pamilya ang mga ito, tulad na lang ni Yaya Luring na ilampung taong naglingkod sa kaniya bilang tagapag-alaga.

Hanggang sa huling sandali ng buhay ni Yaya Luring ay kinupkop ito ng Megastar, ipinagagamot nang regular, siya ang nagbigay ng marespetong libing para sa kaniyang yaya.

May isang kasambahay ang mga Cuneta na kinailangan nang umuwi dahil sa katandaan. Huwag na huwag itong makakarinig ng pintas tungkol kay Mega dahil makikipag-away ito. Ganoon kung ipagtanggol si Sharon ng mga taong nagseserbisyo sa kaniyang pamilya.

Dapat kumuha ng seminar kay Sharon ang mga personalidad na nakakadalawang linggo pa lang sa kanila ang kasambahay ay gusto nang magpapalit sa pinagmulan nitong ahensiya.

Dominic Roque – Idinenay ni Bea Alonzo

Hindi na pala masyadong nagkakasama ngayon sina Bea Alonzo at Dominic Roque. Ayon sa kuwento ng isang kaibigan namin ay naiinis daw kay Bea ang mga katropa ng aktor.

May mga kabarkada kasing artista si Dominic, marami silang aktibidad, paminsan-minsan ay sumasama raw sa kaniya si Bea. Pero kapag may nagtatanong sa aktres kung sila na ba ni Dominic ay parang napakalaking isyu iyon para sa kaniya.

Sabi ng aming source, “Imagine, magkakaharap sila ng mga katropa ni Dominic, grabe siyang mag-react, para siyang nakakita ng multo na takot na takot sa pagdedenay!

“Natural, parang naawa kay Dom ang mga katropa niya. Okey lang namang linawin niya iyon nang maayos, pero OA ang pagdedenay niya!” sabi ng aming kausap.

Pinayuhan din daw ng kaniyang mga kapamilya si Dominic Roque na tigilan na ang pagbuntut-buntot kay Bea, tutal naman ay napakatagal na nilang nagde-date, pero wala pa rin namang resulta iyon dahil idinidinay siya ni Bea.

Ang tanong. Ano naman ang aaminin ni Bea Alonzo kung totoo namang wala silang relasyon ni Dominic Roque? Alangan namang magsinungaling pa ang aktres para lang matuwa ang mga kaibigan ni Dom?

Fanny Serrano – Nakalabas na ng ospital

Masayang-masaya si Sharon Cuneta dahil nakalabas na sa ospital ang mahal niyang make-up artist na si Fanny Serrano. Totoo ang komento ng Megastar, palaging may milagro, Marso nang atakihin sa puso si TF.

Kung anu-ano nang kuwento ang lumabas noon, nand’yang patay na ang kilalang salon owner, nand’yang lumabas ang istoryang makina na lang ang bumubuhay sa kaniya.

Maraming tumulong kay TF para mairaos ang bayarin sa ospital, may mga pulitiko ring tumulong sa kaniya, pero hindi natin maitatangging si Sharon Cuneta ang may pinakamalaking partisipasyon sa pagkakasakit ng mahal niyang make-up artist.

Minsan ay may lumabas na blind item na iyong female personality raw na inaasahang tutulong nang malaki kay TF ay nagpadala lang ng hindi naman kalakihang halaga. Natural, si Sharon agad ang pumasok sa isip noon ng mas nakararami, pero kabaligtaran ang kuwentong lumabas.

Sabi ng aming soure, “Pang-ilang pagpapaospital na ba ito ni TF? Si Sharon ang sumagot sa mga nakaraan niyang hospital bill. Saka talagang napakalaki na ng tulong na naibigay niya kay TF.

“Iyong lote niya sa Scout Rallos na puwede niyang ibenta na dahil maraming interesado, e, hindi niya ginawa. Ipinagamit ni Sharon ang lote para pagtayuan ng parlor ni TF.

“Sa totoo lang, hindi na masusukat ang tulong na ibinibigay ni Sharon kay Tita Fanny, ganoon siyang magmahal at tumanaw ng utang na loob,” sabi ng aming impormante.

Tumutulong si Sharon Cuneta nang walang ingay. Walang mga camera. Tahimik lang niyang ginagawa ang pagtulong na dikta ng kaniyang puso.

Sharon Cuneta – Umalis papuntang Amerika

Umalis si Sharon Cuneta noong Martes papuntang Amerika. Malungkot ang Megastar dahil pansamantala siyang mahihiwalay sa kaniyang mag-aama.

Agad na lumutang ang kuwentong may matinding away raw sila ni Senador Kiko Pangilinan, gusto raw makahinga ni Sharon, kaya nangibang-bansa siya.

Walang-walang katotohanan ang kuwento. Kabaligtaran ang dahilan kung bakit kinailangang umalis ni Sharon nang madalian, kapag inilabas na niya ang dahilan ay siguradong magbubunyi ang kaniyang mga tagahanga at ipagmamalaki natin si Sharon bilang isang Pilipino, hanggang dito lang muna ang aming masasabi.

Sasamantalahin na rin ni Sharon ang pagkakataon para madalaw ang kaniyang anak-anakan, ang anak ng kaniyang Kuya Chet na isang piloto, maraming taon na kasi silang hindi nagkikita.

Tinapos muna ni Sharon ang lahat ng kaniyang mga kompromiso bago siya umalis dahil hindi niya sigurado kung hanggang kailan siya mananatili sa Amerika.

Alam ni Senador Kiko ang dahilan, siyempre’y alam din ng kanilang mga anak ang mahalagang dahilan ng kaniyang pag-alis, pero hindi muna sila magsasalita hanggang hindi si Sharon mismo ang nagbukas ng kaniyang bibig tungkol sa kaniyang sadya sa Amerika.

Napakalaking balita noon kapag nagkataon, wala na siyang kailangan pang patunayan, puwede na siyang magretiro sa pag-aartista.

Sa pananatili niya sa Amerika ay isasabay na rin siguro ng Megastar ang paghahanap ng mabibiling bahay sa New York. Kailangan, dahil doon na mag-aaral si Kakie, ang pinakagusto niyang lugar ay sa Manhattan.

Huwag nating haluan ng negatibong kuwento ang pag-alis nang mabilisan ni Sharon Cuneta. Napakalayo noon sa katotohanan.

Wala na ngang mahihiling pa ngayon ang Megastar. Maayos ang kanilang relasyon ng senador, maganda ang samahan nilang mag-iina, lalo na si KC na panay-panay ang pagpaparamdam ngayon ng pagmamahal at pasasalamat sa kaniyang mommy.

Julia Barretto – Bina-bash na naman!

Bina-bash na naman si Julia Barretto. Parang noong ipanganak ni Marjorie si Julia ay kakambal na ng kaniyang inunan ang inis ng bayan.

Maraming magagandang bagay na nagagawa si Julia, pero sa isang iglap lang, burado nang lahat iyon at bashing na ang palaging lumulutang.

Matatagalan pa bago makalimot ang ating mga kababayan sa ginawa nila ni Gerald Anderson kay Bea Alonzo. Maaaring nakikita natin silang maligaya ngayon sa piling ng isa’t isa pero sa likod noon ay ang kalungkutan din dahil mas maraming kontra sa kanilan relasyon.

Habambuhay na maaalala ang salitang “ghosting” dahil may isang Bea na naninindigan na niloko ito nina Gerald at Julia. Hindi panaginip iyon kundi isang bangungot.

Heto ang pinakabago. Naging guest ni Julia sa kaniyang vlog si Dennis Padilla, ang kaniyang ama, sinariwa nila ang mga nakaraang kaganapan sa kanilang buhay.

Nagkaroon ng pagkakataon si Dennis para maglabas ng kaniyang saloobin, maraming nakisimpatya sa komedyante, lalo na nang aminin nito na pinawalang-bisa ng korte ang kasal nila ni Marjorie dahil sa una nitong pagpapakasal bago sila.

Pinuruhan ng mga bashers ang puntong ipinatatanggal na nina Marjorie at Julia ang apelyidong Baldivia sa kaniyang pangalan. Emosyonal na pahayag ni Dennis, Barretto na nga ang ginagamit nitong screen name, pati ba naman ang apelyido ng kaniyang ama ay ipinatatanggal pa rin nila ni Marjorie?

Maraming beses silang tinawagan ni Dennis para makausap, pero walang sinumang sumasagot sa kanilang mag-ina, noon daw naramdaman ni Dennis ang matinding pangungulila.

Sabi ng isang nakausap namin, “Pinagkakitaan pa ni Julia ang confrontation nila ng father niya. Hindi na lang nila pinag-usapan in private. Pero instead na kampihan siya, bashing pa ang inabot niya ngayon, bait-baitan lang daw talaga si Julia.”

Nakakaawa naman ang batang ito, parang wala nang nakikitang positibo sa kaniya ang mga tumututok sa kaniyang buhay, palagi na lang siyang sentro ng bashing.

Sabi ng isang direktor na kaututang-dila namin, “Parang pagsasayaw ang pakikipagrelasyon. Kapag mali ang unang hakbang, saliwa na agad iyon sa tugtog.”

Pokwang – Malakas ang online business

Hindi na nakapagtataka kung bakit sa kabila ng pandemya ay hindi binabalot ng takot si Pokwang. Maraming personalidad na inaatake ng depresyon, lalo na ang mga walang naiipon at nawalan pa ng trabaho, kabaligtaran ng kabuhayan ng magaling na komedyana-TV host.

Palibhasa’y galing sa hirap, mula nang mag-artista si Pokwang at suwertihing sumikat ay alkansiya palagi ang nasa kaniyang utak, maaga siyang nakapagtabi mula sa kaniyang mga kinikita.

Nang makapagtayo na siya ng bahay ay nagnegosyo naman siya, ang PokLee Food Products, na ngayon ay dalawang-kamay nang tinatangkilik ng ating mga kababayan.

Ang bawat produkto nila ay may kakambal na kuwento. Mapagpahalaga ang komedyana sa mga manggagawang Pinoy na pinaghahanguan nila ng kanilang mga paninda.

Ang suka nila na napakasarap ng timpla, kuwento ni Pokwang, “Sa probinsiya ng Quezon pa namin ipinagagawa ang sukang-sasa namin. Hindi na kami tumatawad sa ibinibigay nilang presyo, kasi, manu-mano pa nilang dinadala sa kabayanan mula sa bundok ang ginagawa nilang suka.

“Iyong mga jam namin, mga taga-Benguet naman ang pinagkukunan namin. Napakasarap na, nakatutulong pa kami ni Lee sa mga natives na gumagawa,” kuwento ng magaling na komedyante.

Malakas ang kanilang online business, hindi makaaguwanta si Pokwang sa mga order, lalo na sa pinakahuli niyang produktong chicken inasal na siya ang nagtitimpla.

Sobrang sarap ng spicy chicken ni Pokwang. Try n’yong tikman at pansamantala n’yong makakalimutan ang inyong pangalan sa sobrang linamnam.

Promise!

Robin Padilla – nagdudunung-dunungan daw?

Wala kayang produksiyon na nag-aalok ng proyekto kay Robin Padilla? Kahit mga pelikulang indie, wala kayang planong pelikula ang mga namumuhunan para kay Binoe, para naman may pinagkakaabalahan siya?

Sayang naman ang talento niya bilang action star? Kilalang-kilalang artista naman si Robin Padilla, may panghatak sa manonood, bakit kaya wala man lang kumukuha sa kaniyang serbisyo sa pelikula?

Naisip lang namin ito dahil kapag nababasa namin ang mga bira sa kaniya sa social media ng mga kababayan natin ay kami ang nangliliit.

Inilayo na ba talaga ni Robin ang kaniyang sarili sa industriyang nagpasikat sa kaniya? May mga alok bang dumarating sa kaniya pero tinatanggihan lang niya?

Kapag may trabaho kasi si Robin ay may magandang magagawa iyon para sa kaniya. May iba siyang pagkakaabalahan, mayroon siyang ibang larangang matututukan, mababawasan ang partisipasyon niya sa pagpansin sa mga pulitiko at mga taong kumakalaban kay PRRD.

Hanggang sa susunod na taon na lang ang ating pangulo, hindi na ito tatakbo uli, tatapusin kaya ni Robin ang termino ni PRRD bago niya harapin ang kaniyang tunay na propesyon?

Napakasakit mabasa ang mga komentong para siyang pulgas na nakadikit sa balat ng pangulo. Kahit tama ang kaniyang opinyon ay kinakalaban pa rin siya, nagdudunung-dunungan daw si Robin, isa raw siyang huwad na bayani.

Tutal naman, siya na ang nagsasabing pati ang ipon nila ni Mariel Rodriguez para sa kanilang mga anak ay nagagalaw na nila, panahon na siguro para mag-artista na siya uli dahil marami pa rin namang naghahanap sa kaniya.

Sayang ang panahon. Pagbali-baligtarin man natin ang mga sampay nating damit ay Robin Padilla na siya. Mayroon na siyang puhunan. Kilalang-kilala na siya.

Kesa naman sa pinapasok niya ang mundong hindi naman dinise n’yo para sa kaniya. Minsan na siyang nakilahok sa pulituka sa Nueva Ecija pero nabigo siya. Hindi siya para sa pulitika. Sa pag-arte siya gusto ng mga kababayan natin at hindi sa entablado de kampanya.

“At lalong hindi sa pag-oopinyon na bulag ang isa niyang mata,” habol na komento ng kaibigan naming propesor.

Senator Manny Pacquiao – “Kape ng bayan”

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng kampo ni Senador Manny Pacquiao ang darating na eleksiyon. Akala natin ay malayo pa ang halalan, sa susunod na taon pa iyon, pero hindi ganoon ang pananaw ng mga pulitiko.

Sa Oktubre ay magsusumite na sila ng COC (certificate of candidacy), malalaman na natin kung anong posisyon ang kanilang tatakbuhan, at sa Mayo ay gaganapin na ang unang halalan sa ilalim ng pandemya.

Tumawag sa amin si prop, ang kaibigan naming parang si SOS na palaging nakabantay sa mga nagaganap hindi lang sa mundo ng showbiz kundi pati ng pulitika, mayroon itong kuwento.

Sabi ni prop, “Alam mo naman na coffee drinker ako. I can survive the whole day without eating basta mayroon akong kape. Coffee is life for me.

“Yesterday, may friend akong nagpadala sa akin ng post, isang coffee sachet iyon. Ang nakalagay, ‘kape ng bayan.’ Ang nakaretrato, si Senator Manny, ‘Pacquiao’ ang pangalan ng kape.

“Naghahanda na talaga siya, inaagapan na ng kampo niya ang mga pang-giveaway sa kampanya. May panghagis na siya kapag umaakyat sa entablado.

“Napakalakas ng kutob ko na tatakbo si Senator Manny sa panguluhan. Ito ang pinakamatinding laban na haharapin niya. Hindi na sa lona lang ito, pangbuong Pilipinas na, tingnan natin kung pahahalikin niya sa lona ang mga makakalaban niya,” komento ng kaibigan naming propesor.

Kami rin. Matindi ang paniniwala namin na susuong sa laban para sa pinakamataas na posisyon ang Pambansang Kamao. Naramdaman namin iyon nang punahin niya si PRRD na nakukulangan siya sa pakikipaglaban ng pangulo sa isyu ng West Philippine Sea.

Nagbitiw pa raw noon ang pangulo sa kampa niya nito na sasakay ito sa jetski, tutumbukin nito ang WPS, saka magtatanim doon ng watawat ng Pilipinas dahil sa atin naman talaga ang pinag-aagawang katubigan at hindi sa China.

Pero ayon sa pangulo ay biro langiyon, hindi seryoso, na ikinawindang ng ating mga kababayang nagtatanong kung ano na ba ang totoo at hindi sa mga pinakakawalang salita ni PRRD?

Basta marunong bumasa at sumulat, basta kayang gastusan ng kandidato ang kabuuang kampa niya ay may karapatang lumahok sa laban ang kahit sino.

Limang buwan pa mula ngayon ay malalaman na natin kung ano ang tatakbuhang posisyon ni Senador Manny Pacquiao. Mananatili ba siya sa kasalukuyan niyang upuan sa Senado o may inaasinta pa siyang mas mataas na katungkulan sa ating pamahalaan?

“Kape ng bayan.” – CSF