
Opinions
![]() Sanya Lopez |
|
![]() |
|
Alden Richards & Maine Mendoza |
|
![]() |
|
Gerald Anderson & Julia Barretto |
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
Derek Ramsay & Ellen Adarna |
|
![]() |
|
Bimby & Kris Aquino |
|
![]() |
|
Angel Locsin |
|
![]() |
|
Arnell Ignacio |
|
![]() |
|
Joseph Estrada |
|
![]() |
|
Coco Martin |
Sampung taon na ang nakararaan nang mag-post si Maine Mendoza ng kaliwa’t kanang pamimintas sa maraming artista. Pintas kung pintas talaga ang ginawa niya.
At hindi lang iyon. May post din siya noon tungkol sa kaniyang mga kapatid, napakatabil ng kaniyang dila, parang araw-araw na minamantikaan.
Pero dahil sa kapangyarihan ng teknolohiya, ang mga salitang ipinost noon ng Dubsmash Queen ay muling nahukay sa baul ng alaala, isinasampal iyon pabalik sa kaniya ngayon.
Ang mga na-screen grab na mensahe ni Maine sampung taon na ang nakararaan ay ginagamit ngayon laban sa kaniya. Nagho-host pa naman siya ng Bawal Judgmental pero hinuhusgahan siya nang matindi ngayon na halos isumpa na ang kaniyang pagkatao.
Kahit naman kasi si Maine ay hindi umasang maging artista siya. Nadiskubre lang siya sa social media nang i-post niya ang pagngiwi-ngiwi at paglukut-lukot sa kaniyang mukha habang sinasabayan ang dayalog ng mga personalidad.
Doon siya minahal ng publiko na nadagdagan dahil naging katambal niya ang guwapo at simpatikong si Alden Richards kaya ipinanganak ang tambalang AlDub.
Pero ganoon nga yata talaga. Pinagsisihan na ni Maine Mendoza ang pagiging pintasera niya noon sa mga artista, dala lang daw iyon ng kaniyang kabataan, pero hindi iyon makalimutan ng mga taong sumusumpa sa kaniyang ugali.
Hindi raw sinsero ang panghihingi ng paumanhin ni Maine, kailangan lang daw niyang gawin iyon dahil utos ng mga nag-aalaga sa kaniyang career, pero ang tunay niyang ugali ay lutang na lutang pa rin.
Si Maine Mendoza lang ang nakakaalam kung mula sa puso ang panghihingi niya ng paumanhin, siya lang ang nakakaalam kung kailangan lang niyang gawin iyon para mailsalba ang kaniyang imahe, siya lang talaga.
Kapag may humihingi na ng tawad ay kailangang mayroon ding handang magpatawad. Sabi nga, learn to forgive, just remember names.
Binubulabog ngayon ni Sanya Lopez ang mundo ng telebisyon. Panahon ngayon ng maganda at seksing aktres. Mayroon na siyang First Yaya katambal si Gabby Concepcion ay magsisimula na rin ang Agimat Ng Agila nila ni Senador Bong Revilla.
Lunes hanggang Biyernes ay napapanood siya sa First Yaya, tuwing Sabado naman ang serye nila ni Senador Bong, malapit na ring mag-uumpisa na ang Agimat Ng Agila.
Grabe ang suporta sa First Yaya ng ating mga kababayan, talagang inilaglag na nila ang walang katapusang serye ni Coco Martin, kabog na kabog na ng tambalan nina Gabby at Sanya sa rating ang puro na lang flashback na serye ni Cardo Dalisay.
Katwiran ng mga kababayan natin ay pandemya ngayon, mahirap ang buhay, isa sa mga pangunahing pangangailangan natin sa araw-araw ay kuryente. Natural, hindi tayo magsasayang ng power para sa seryeng hindi naman natin gusto, lalo na kung paulit-ulit na lang ang mga eksena.
Masaya kami para kay Sanya Lopez na napakasimpleng babae. May kilig factor ang kanilang serye ni Gabby, bagong tema kasi ang ikot ng kuwento, presidente ng bansa na umiibig sa yaya ng kaniyang mga anak.
Panalo ang kanilang mga eksena. Good vibes ang dating mula sa maghapong pag-iisip at pag-aalala kung kailan matutuldukan ang salot na bumabagabag sa buong mundo.
Walang makakokontra. Panahon ngayon ni Sanya Lopez.
“Lunukin mo! Lunukin mo! Huwag mong iluwa! Sayang!” Markado ang linyang iyon ni Gerald Anderson sa kaniyang vlog kung saan ang special guest niya ay si Julia Barretto.
Pinakain niya kasi ng street food ang kaniyang girlfriend. May isaw, balun-balunan, kwek-kwek at iba pa. Siyempre, hindi gusto ni Julia ang mga pagkaing-kalye na ipinatikim sa kaniya ni Gerald.
Noong pinakain na ito ng dinuguan ng kaniyang boyfriend ay gustong iluwa ni Julia ang pagkain, kaya ang sabi ni Gerald, “Lunukin mo! Lunukin mo! Huwag mong iluwa, sayang!”
Naghalo rin ng mga prutas si Gerald, pero ang ipinagtataka namin ay kung bakit hindi alam ni Julia kung ano ang papaya, singkamas at mais.
Unang kain daw niya iyon ng papaya at singkamas, sabi ni Julia, paano ba siya pinalaki ni Marjorie Barretto? Lumaki lang ba silang magkapatid na ang kinakaing prutas ay kahel, mansanas at ubas lang?
Puro prutas na pagmayaman lang? Bakit hindi niya kilala ang papaya at singkamas? Napakaraming naartehan kay Julia sa puntong iyon.
Hindi raw naman siya ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, kung si Sharon Cuneta nga raw na super-yaman ay kumakain ng fishballs, anong kaartehan daw ang ipinakita ni Julia?
Lalong binash si Julia nang kantahin niya ang isang li niya sa Bahay-Kubo, ang lyrics niya, “Singkamas at tuyo…” Ha! Ha! Ha! Ha!
Halatang-halata namang sanay sa mga street food si Gerald, alam ng aktor na masarap ang singkamas kapag kinakain nang may bagoong, ang kwek-kwek at isaw ay mas sumasarap kapag isinasawsaw sa sukang may siling maanghang.
Yakap nang yakap si Julia kay Gerald kapag inaayawan niya ang ipinakakain sa kaniya, halatado namang parang umiiwas ang aktor, kaya komento ng mga nakapanood ay halatang-halata raw na mas mahal ni Julia si Gerald kesa sa mahal siya ng kaniyang boyfriend.
Tanong pa ni Gerald kay Julia, “What if dinuguan lang ang kaya kong ipakain sa iyo?” Sagot ng dalaga, “Rice na lang!”
Iba talaga ang mga edukado. Lalong ibang-iba ang mga taong marespeto. Sa aspetong iyon ay isang magandang halimbawa sina John Lloyd Cruz at Derek Ramsay.
Pinagsasabong sila ng mga bashers, palagi silang pinag-aaway, pero kahit kailan ay wala tayong nababasa at naririnig na kuwento ng pagpatol nila sa mga amuyong.
Sariwa pa ang paghihiwalay nina JLC at Ellen Adarna, si Derek agad ang pumalit sa puso ng sexy actress, napakabilis ng mga pangyayari.
Naging malapit agad si Elias Modesto, ang produkto ng pagmamahalan nina John Lloyd at Ellen, kay Derek. Parang tunay na anak na rin kung ituring ng hunk actor ang bata.
Parang mahirap sakyan ang mga nagaganap, parang magiging mahirap tanggapin iyon ni Elias, pero hindi. Sa mga ipino-post na video at retrato nina Derek at Ellen ay masayang-masaya ang bata.
Kamakailan lang ay nagkita na nang personal sina John Loyd at Derek, naganap iyon sa mismong bahay ng hunk actor, sinundo ni JLC ang anak nila ni Ellen.
Maayos na palang pinag-uusapan nina JLC at Ellen ang senaryo. Susunduin ng kaniyang ama ang bata at ihahatid din pagkatapos ng panahong napagkasunduan nila ni Ellen.
Plantsado na ang lahat. Si Ellen ang gumawa ng hakbang. Malinaw kina John Lloyd at Derek ang dapat mangyari. Ang ganda-ganda ng kanilang samahan, ang lahat ay para sa kapakanan ni Elias, hindi lang para sa kanilang tatlo.
Sabi nga, marunong lang tayong mahiya at rumespeto ay wala nang kulang sa atin, tahimik na ang mundo. Marespeto si Derek, ganoon din si Lloydie, at marespeto rin si Ellen bilang ina ni Elias.
Alam ni Derek Ramsay kung ano ang kaniyang posisyon, ipinagpapasalamat naman ni John Lloyd ang pagmamahal ng aktor sa kaniyang anak sa mga panahong hindi sila magkasama, ganoon sana kayos ang relasyon ng mga artistang nagririgodon sa pakikipagrelasyon.
Sa totoo lang!
Masarap interbyuhin si Derek Ramsay. Napakatotoo niya. Pinaninindigan ng hunk actor ang kaniyang mga pinakakawalang pahayag. Wala siyang pero-pero at kasi-kasi.
Maganda ang prinsipyo sa buhay ni Derek Ramsay. Mayroon siyang paninindigan. Sabi ng kontrobersiyal na aktor, “People will curse me for telling the truth, for being straight forward, but it will not make me happy telling lies.
Hindi siya umiiwas sa mga tanong, sinasagot iyon ni Derek ayon sa kaniyang pagkakaalam, maaaring mayroon siyang masaktan sa pagpapakatotoo pero hindi siya magsisinungaling para lang siya magustuhan ng mga nakaabang sa gusto niyang sabihin.
Saganang-sagana sa bashing si Derek at ang pakakasalan na niyang si Ellen Adarna, sabi nga ng kanilang mga tagasuporta, kung kailan daw sila maligaya ay maraming nalulungkot para sa kanila.
Mabuti na lang at matibay ang sikmura nila sa mga bashers, sumasagot pa nga kung minsan si Derek, lalo na kung talagang baligtad na ang sitwasyong pinalalabas ng iba.
Iyon ang gustong ipunto ni Derek nang tanungin namin siya kung may kinalaman ba ang pamilya ni Andrea Torres sa kanilang paghihiwalay? “Opo. Opo,” ang isinagot ng aktor.
Sinabi ni Derek na may kinalaman ang pamilya ni Andrea Torres sa kanilang paghihiwalay. Wala siyang anumang detalyeng ibinigay, basta sinagot lang niya ang tanong, pero umalma si Andrea.
Nag-post si Andrea na kalma lang, “Let karma finish it,” sabi ng dalaga. Aamin ba naman ito na para kay Derek ang kaniyang mensahe sa social media?
Natural, takot ma-bash si Andrea, kaya wala itong direktang pinatungkulan ng kaniyang post. Basta bahala na raw ang karma.
Masarap interbyuhin si Derek dahil kahit pa may magalit sa kaniya ay sinasabi niya ang totoo. Tutal nga naman ay katotohanan lang ang makapagpapalaya sa kaniya at panahon lang ang magsasabi kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.
Marunong siyang mag-sorry, pero kapag nasa panig siya ng katotohanan ay paninindigan niya iyon, iilan lang ang lalaking may balls.
Ganoon ang taong gusto nang iwanan sa nakaraan ang kaniyang saloobin, gusto niyang magsimula nang wala nang kuwentong nakatago lang sa ilalim ng carpet, napakasarap makaengkuwentro ng artistang may bayag.
(Note: Ininterbyu siya sa 24 Oras, tinanong siya kung pinilit lang ba siyang magsalita tungkol sa pamilya ni Andrea. Ang sabi ni Derek, “No, I just said it because it’s true. Opo ang isinagot ko kay Nanay Cristy dahil iyon ang totoo and I trust her so much.”)
Wala kaming pakialam kung bakla si Bimby. Kung ang kaniyang ina nga ay hindi problemado, kayang-kayang tanggapin ni Kris Aquino kung bakla nga ang kaniyang bunso, tayo pa bang nakatanaw lang sa malayuan ang maaapektuhan kung beki nga si Bimby?
Hindi na naman nakapagpigil si Kris, sa kabila ng kaniyang pangako na hindi na niya ilalagay sa mukha ng publiko ang kaniyang mga anak ay ayan, isinalang niya na naman sa kumukulong tubig si Bimby.
Ang mga detalyeng dapat ay pinag-uusapan na lang nila nang pribado ay nahalukay na naman. Ipinaalam na naman ni Kris sa buong mundo ang hindi magandang relasyon ng kaniyang anak at ni James Yap.
Sino ngayon ang nalagay sa alanganin kundi si Bimby na bina-bash na naman nang todo ngayon samantalang ginawa lang naman itong bala sa kanyon ng kaniyang ina?
May punto naman ang binatilyo sa pagsasabiing bakit pa ito makukulangan sa pagmamahal sa kawalan ng presensiya ng kaniyang ama kung hindi naman nag-eeport si James na tumawag sa kaniyang anak?
At para isalba ang kaniyang sarili ay tinanong pa ni Kris nang diretso si Bimby kung ipinagdadamot ba niya ang kanilang anak kay James? Natural, alangan namang sabihin ni Bimby na oo, para itulak sa putikan ang kaniyang ina?
Kung mananalamin lang si Kris ay siya ang nakakaalam ng totoo na matagal nang hinihiram ni James si Bimby dahil iyon naman ang pinagkasunduan nila sa korte, pero kung anu-anong dahilan ang ibinibigay niya, susmaryosep naman!
Kailan niya naman kaya iinterbyuhin si Joshua para si Phillip Salvador naman ang mapuruhan? Tutal din lang ay kinaladkad niya na naman si dating Mayor Herbert Bautista na nananahimik na, pati ang basketball player na si Alvin Patrimonio, di idamay niya na rin si Kuya Ipe para it’s a tie na! Para kumpleto na ang casting!
May nakakuwentuhan kaming source na malapit na malapit kay James Yap. Mahaba ang naging usapan namin, hanggang sa mauwi na nga sa pinakahuling pagkaladkad na naman ni Kris Aquino sa basketball player, si Bimby ang parang naging bala ni Kris sa giyera.
Bilang kaibigan ni James Yap ay nalulungkot siyempre ang aming source, nananahimik na nga raw iyong tao ay kung bakit kinakalampag pa rin ni Kris, ikinalulungkot iyon ng kanilang tropa.
Sabi ng aming source, “Kunsabagay, baka hindi na rin nagulat si Hames (tawag kay James ng malalapit niyang kaibigan), kasi, parang lagnat na lang iyon na paulit-ulit. Gagaling, pero babalik na naman uli.
“Kapag palagi na lang ganoon na nananahimik ka na nga naman, pero ipinapahiya ka pa rin, e, masasanay na rin ang system niya. Parang wala na lang. Ang masakit lang this time, e, ang anak na niyang si Bimby ang nagsasalita.
“Parang iyong anak na niya ang nagagamit para siya siraan. Doon lang siguro magre-react si Hames, pero kay Kris, sanay na sanay na siya!” natatawa na lang na reaksiyon ng aming kausap.
Dahil doon ay nakakatikim na naman ng bashing si Bimby, wala raw itong respeto sa kaniyang ama, dahil pagbali-baligtarin man daw ang mundo ay wala ito ngayon kung wala ang nakasalo sa kaligayahan ng kaniyang ina.
Masyado nang maraming nakikisawsaw sa nakalulungkot na kaganapan sa dapat sana’y masayang selebrasyon ng kaarawan ni Angel Locsin. Mahabang-mahaba na ang itinatakbo ng kuwento.
May mga nagtatanggol sa aktres, mayroon ding sumisisi sa kaniya, iyon daw ang napala ni Angel sa kagustuhan niyang saktan ang gobyerno sa pagpapabibo niya. Napakaganda ng kaniyang misyon, ang makatulong sa mga nangangailangan, pero may nabuwis na buhay sa kaniyang pagmamagandang-loob.
Masakit ang pamba-bash na ito na sobrang personal na, “Ayan, ano ang napala mo? Gusto mo kasing magpalapad ng papel na kasinglapad ng katawan mo!”
At may isa pang personal din ang bira kay Angel, “E, 300 lang naman pala ang mabibigyan mo sa community pantry kuning-kuning mo. Bakit ka pa nanawagan sa FB page mo na open sa lahat ang pamimigay mo?
“Pa-sorry-sorry ka pa ngayon, e, wala ka naman palang coordination sa community na pinagdausan mo ng pagpapabida mo!” sabi ng isang basher ni Angel.
Sa totoo lang ay hindi naman ginusto ni Angel ang nangyaring pagkakagulo, lalo na ang pagkamatay ng balut vendor na si manong, huwag naman sana siyang tawaging kriminal.
Wala siyang kasalanan, pero mayroon siyang mga naging pagkukulang, mga kakapusan na ipinanghingi na niya ng tawad at handa niya namang harapin at pagbayaran sa batas kung kinakailangan.
Hindi makahihinga si Angel sa mga ibinabatong masasakit na salita laban sa kaniya ng mga nagpapakilalang tagasuporta ni PRRD, ang mga DDS, na kung ilarawan ng kaibigan naming propesor ay parang virus na hindi natin nakikita pero nand’yan at handang manakit.
Mahirap ang sitwasyon ni Angel Locsin. Kumaliwa siya at kumanan ay hagip pa rin siya ng mga hindi nakauunawa, kahit pa wala naman siyang tanging hangad kundi ang makatulong, ang makapagbigay ng pansamantalang biyaya sa mga sikmurang kumakalam ngayong pandemya.
Kilalang-kilala namin si Arnell Ignacio. Kapag nasa tama siya ay mayroon siyang paninindigan, hindi siya uurong sa laban, sukdang magkaubusan sila ng bala.
Dahil sa kaniyang mga komento ay pinag-initan si Arnelli ng mga tagasuporta ni Angel Locsin, pinersonal siya, tinawag sa iba-ibang pangalan.
Nang mabasa namin ang mga negatibong komento tungkol sa TV host sa social media ay isa lang ang naisip namin, lalaban nang sabayan si Arnelli, hindi siya basta mauupo lang at mananahimik.
Iyon nga ang nangyari. Naglabas siya ng kaniyang saloobin tungkol sa naganap na indulto sa community pantry na pinamunuan ni Angel. May mga punto ang kaniyang litanya.
Ayaw na ayaw ni Arnelli sa mga palusot na hindi raw naman kasi inasahan ng grupo na ganoon karami ang darating sa ipinang-imbita nilang community pantry.
Open invitation kasi ang ginawa ni Angel sa FB account nito, “free for all,” iyon ang kinukuwestiyon ng TV host. Nakapagmura pa nga siya, paanong hindi dadagsain ang pamimigay ng ayuda, samantalang pangalan pa nga lang ng aktres ay matinding kaway na?
Malaking artista si Angel, pagdidiin ni Arnelli, sikat, kaya kahit tumayo lang ang aktres sa kahit saan ay siguradong dudumugin na ito. At ganoong tatlong daan katao lang naman pala ang kanilang babahaginan ng ayuda ay bakit bukas ang imbitasyon sa social media ng grupo ni Angel?
Ang kawalan ng komunikasyon sa mga LGU, ang kakapusan ng disiplina, ang napakamaling imbitasyon sa publiko—ilan lang iyon sa mga maling-maling ginawa ni Angel Locsin ayon kay Arnelli.
Sinserong pasasalamat ang ipinararating ng pamilya Ejercito-Estrada sa lahat ng mga nagdasal para sa paggaling sa COVID-19 ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Grabe ang tumamang virus sa dating pangulo, matindi ang pagtutok ng kaniyang mga doktor sa pinakasentrong dahilan ng kaniyang sakit, ang pneumonia.
Ngayon pa namang pandemya ay tinibag na ang malaking pader na napakagitan sa mayaman at mahirap, lahat ay maaaring kapitan ng virus, walang naka-iiwas sa COVID-19.
Noong Lunes nang hapon ay sinundo na ng kaniyang mga anak sa ospital si dating Pangulong Erap para maiuwi na sa kanilang bahay sa Polk, Greenhills. Maayos na maayos na ang kaniyang pakiramdam.
Lumutang agad ang mga kuwento na napakalaki ng naging hospital bill ng dating pangulo dahil sa gamot na ibinigay sa kaniya ng mga doktor. Isang milyon daw ang bawat turok ng gamot na Leronlimab.
Sabi ng aming source, “Kapag buhay na ang nakataya, lahat, gagawin natin. Di nga ba ang nalulunod, kahit sa tingting, e, kakapit sa pag-asang makaliligtas siya?
“Buhay ni former president ang nakataya, kahit more than one million pa ang halaga ng gamot, e, talagang ipatuturok niya! Hindi na iyon pinag-iisipan pa, buhay na ang nakataya, e!” sabi nito.
Pero napakalaki ng nagawa ng mga panalanging ibinigay ng ating mga kababayan kay dating Pangulong Erap, tanggap na tanggap iyon ng kaniyang pamilya, dahil gumagawa naman talaga ng himala ang sama-samang panalangin.
Ayon sa aming source na hindi nanununog at nangunguryente ay buung-buo na ang loob ni Coco Martin na lumahok sa eleksiyon 2022. Wala raw nagawa ang malalapit kay Coco na nagpapayo sa kaniya na huwag na dahil lalo lang gugulo ang kaniyang buhay.
Kung sa kaniyang pagiging artista pa nga lang daw ay napipikon na si Coco sa mga isyung ibinabato laban sa kaniya ay paano pa kung papasok siya sa mundo ng pulitika na mas matindi ang upakan?
Pero ang payo ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit kay Coco ay dinadaig ng puwersa ng mga taong nagtutulak sa kaniya para tumakbo sa pagiging senador.
Nakakatakot ang hakbang na gagawin ng aktor kung totoo ngang kumbinsido na siyang tumakbo. Maraming masasakit na tanong ang kailangan niyang saluhin at sagutin para maidepensa ang kaniyang kagustuhang pumasok na sa pulitika.
Mamaliitin siya ng kaniyang mga kalaban, kukuwestiyunin siya ng mga kritikong pampulitika, sapat na bang pasaporte niya sa pagtakbo ang kaniyang matagumpay na karera?
Ano ba ang kaniyang alam? Siguradong uupakan nang husto si Cardo Dalisay sa panahon ng kampanya. Upuan sa Senado ang sinasabing inaasintang posisyon ni Coco. Beinte kuwatrong miyembro lang ng Mataas Na Kapulungan ng Kongreso ang susuwertihing makalusot.
Parang nakikinita na namin ang indultong maeengkuwentro ng aktor kung itutuloy niya ang pagtakbo. Si Senador Lito Lapid pala ang nagpapasimuno sa pagtutulak kay Coco sa halalan.
Sabi siguro sa kaniya ni LL, “Ako nga, wala rin namang sapat na kaalaman, pero palagi akong nananalo. Ikaw pa kaya, e, panahon mo ngayon?”
Totoo rin naman ang sinabi ng aktor-pulitiko, noong nakaraang eleksiyon ay ang pagiging pinuno nito sa Ang Probinsiyano ang kaniyang binangkuhan sa kampanya, di lalo na si Coco Martin bilang si Cardo Dalisay na walang kamatayan sa serye?
Si Cardo Dalisay na isang batalyon na ang kalaban, pero buhay pa rin, si Cardo Dalisay na sobra-sobra ang pagmamahal kay Alyanna, kaya puro flashback ang mapapanood sa seryeng pinagbibidahan niya, ganoon ba iyon? –CSF