Cristy Fermin

   Mayo 16 - 31, 2012

 

 
 
Angelica Panganiban & Derek Ramsay
 
 
John Lloyd Cruz
 
 
Helen Gamboa & Sharon Cuneta
 
 
Cristine Reyes
 
 
Jacklyn Jose & Andi Eigenmann
 
 
Heart Evangelista and Daniel Matsunaga
Derek at Angelica – Tapos na ang limang taong relasyon

Direkta nang umamin si Derek Ramsay na tapos na ang limang taon nilang relasyon ni Angelica Panganiban. Hindi inilantad ng hunk actor ang totoong dahilan ng kanilang paghihiwalay pero idiniin niya na hindi third party ang sumukat sa kanilang pagmamahalan.

Hindi sinisiraan ni Derek ang dalaga. Wala siyang sinasabing anuman na puwedeng ikasira ng imahe ni Angel. Totoong hiwalay na sila ngayon at hanggang doon na lang ang masasabi ni Derek.

Panghihinayang ang una naming naramdaman nang marinig namin ang kumpirmasyon. Hindi biru-biro lang ang limang taon, kasal na nga lang kung tutuusin ang kulang sa ganda ng kanilang pagsasama.

Pero dahil limang taon iyon na mahirap basta na lang itapon ay umaasa pa rin kami, pati na ang kanilang mga tagasuporta, na hindi pababayaan nina Derek Ramsay at Angelica Panganiban na mabalewala na lang ang ipinuhunan nilang emosyon sa loob nang mahabang panahong iyon.

John Lloyd Cruz – Hindi dahilan ng break-up ni Derek at Angel

Hindi namin binibili ang kuwento na si John Lloyd Cruz ang dahilan ng hindi pagkakaunawaan ngayon ng matagal nang magkarelasyon na sina Derek Ramsay at Angelica Panganiban.

Sa pagpapalutang ng ganoong kuwento ay masyado namang minamaliit ang pagkababae ni Angelica. Ganoon na lang ba naman iyon? Hindi lang sila magkasama ni Derek ay makakaya na niyang iputan ito sa ulo?

Hindi pabor kay Angelica ang ganoong kuwento. Dapat lang siyang umalma sa ganoong isyu dahil ang kaniyang pagkababae na ang minamaliit sa pag-uugnay sa kaniya kay John Lloyd Cruz.

Kaliwete na siyang pinalalabas sa iskandalong ito ay mang-aahas pa, dahil nandiyan si Shaina Magdayao na karelasyon ni JLC. Napakapangit noon sa imahe ni Angel.

Sana nga ay sagutin na niya ang kontrobersiyang ito. Sasagot siya hindi dahil sa gusto niyang isalba at ipangtanggol ang kanilang relasyon ni Derek Ramsay, kundi dahil hindi iyon totoo at ang kaniyang pagkababae ang nakasalang sa sangkalan sa usaping ito.

Helen Gamboa – Parang tunay na anak ang turing kay Mega

Napakaganda at napakasinsero ng mensaheng ipinaabot ni Ms. Helen Gamboa kay Sharon Cuneta sa pamamagitan ng Paparazzi Showbiz Exposed bilang bahagi ng selebrasyon ng Mother’s Day.

Ang kaniyang sabi sa itinuturing nilang panganay na anak ni Senator Tito Sotto, “Anak, kung anuman itong nangyaring sigalot na alam ko na for the past two years ay medyo napabayaan mo rin, na parang nakalimutan mo na puntahan ako o kausapin ako.

“Iyong dalawang taon na iyon, masakit na masakit sa akin, dahil di kita nakita, di kita nakausap, pero wala na iyon, kasi, nandiyan ka na ulit. Inaantay ko na lang na magkita tayong dalawa.

“Basta, alam ko, alam mo iyon, maski hindi ako magsalita, alam mo kung gaano kita kamahal from the start, from the day you were born, hanggang ngayon, anak, hindi magbabago ang pagtingin ko sa iyo.

“Lalo na, ina ka na rin, alam mo iyong gusto kong sabihin dahil ikaw rin bilang isang ina, ganoon din kaimportante sa iyo ang mga anak mo.

“Iyong pagmamahal, iyong pag-aaruga, iyong pag-iintindi sa kanila. Huwag mong kakalimutan iyon.

“Hanggang sa mamatay ako, mahal na mahal kita, Sharon. Happy Mother’s Day. I love you,” lumuluha pang pahayag ng pangalawang ina ni Sharon Cuneta.

Totoong-totoo ang naging pahayag ni Ate Helen. Nasasaktan lang tayo kapag nawawala sa atin ang isang taong higit pa sa ating buhay kung ating mahalin at pagmalasakitan, tulad ni Sharon na hindi niya itinuring kailanman na isang pamangkin lang kundi isang sanggol na nanggaling sa kaniyang sinapupunan.

Cristine Reyes – Nagparetoke na naman?

Kuwento ng mga nakakita kay Cristine Reyes sa isang gabi ng parangal, “Ang laki-laki ng ilong niya ngayon, parang namamaga. Dahil kaya iyon sa kaiiyak niya, o, dahil nagpaayos na naman siya ng ilong?”

Sa aminin at sa hindi ni Cristine ay gawa ng siyensiya ang kaniyang ilong. Idagdag pa ang magkabila niyang dibdib. Ipakisakay na rin natin sa biyahe ang kaniyang puwet at pigi na sagana sa saksak ng heringgilya ng isang doktor.

“Talaga! Ibang-iba ang shape ng nose niya ngayon, hindi naman ganoon dati ang ilong niya, eh!” pagdidiin pa ng aming mga kausap.

Biniro namin sila, pero birong-totoo ang binitiwan namin, na baka naman kaya ganoon ang kanilang napansin ay naalala lang nila ang kuwento sa mga librong pambata tungkol kay Pinocchio.

Di ba, sabi ng kuwentong-pambata, kapag nagsisinungaling si Pinocchio ay lumalaki at humahaba ang kaniyang ilong?

Jaclyn Jose – Ipagtatanggol si Andi at Adrianna

Sarkastiko nag naging tugon ng magaling na aktres na si Jaclyn Jose sa muling pagkaladkad ng mag-inang Rina at Albie Casiño sa nananahimik na sana niyang anak na si Andi Eigenmann.

Sabi ni Donya Trining ng paborito naming seryeng Valiente ng TV5, “Wala na ba kayong ibang magagawa? Go to the beach, have fun, you know. Just relax, Albie, you know. Chill! Go to some other bars and drink again!”

Ang punto ng aktres ay simple lang. Nananahimik na ngayon ang kaniyang anak. Maligaya na silang namumuhay kapiling ang kaniyang apo kay Andi na si Adrianna Gabrielle. Kaya sana’y tantanan na sila ng mag-inang Casiño.

Sa isang interbyu kasi ng ina ng young actor ay sinabi nito na hindi sinasaktan ng kaniyang anak si Andi. Si Jaclyn daw ang nananakit nang pisikal sa kaniyang anak. Nagsusumbong daw kasi dati ang young actress sa ina ng kaniyang karelasyon noon.

Ang sagot naman ni Jaclyn, “Hindi ako nananakit ng anak, I don’t beat my children. Hindi ako naniniwala na pamamalo ang dapat gawing disiplina sa anak. Nagbuntis nga si Andi, nalaman ko, pero ni pitik, wala siyang natikman sa akin!” reaksiyon ni Jaclyn.

Muling nakaladkad ang pangalan nilang mag-ina dahil sa naganap na bugbugan kamakailan kung saan sangkot si Albie. Nagkita raw sila ni Andi sa isang bar. Binuhusan nito ng alak ang mukha ng batang aktor, at doon na nagsimula ang komosyon.

Naalala lang ni Jaclyn, pinagbantaan daw kasi noong minsan ni Albie si Andi na sisirain nito ang kaniyang anak. Sa kaniyang isip ay ito na nga iyon dahil may plano nang bumalik uli sa pag-arte ang young actress.

Katwiran ni Jaclyn ay walang kinalaman si Andi sa naganap. Kung anuman ang nangyari kay Albie ay hindi na pananagutan pa ni Andi, dahil wala na silang pakialam sa batang-ama.

“Gusto ko na silang idemanda, pero wala akong time. Iyong nanay, gusto ko nang patulan, pero hindi ko rin ginawa. Pasensiya na, magkaiba kami ng level, e,” isa pang sarkastikong mensaheng ipinarating ng magaling na aktres sa mag-inang Casiño.

Sa lahat-lahat ng kaganapang ito ay madiin ang naging pahayag ni Jaclyn Jose na sa anumang dahilan at paraan ay nandito lang siya para alagaan at protektahan ang kaniyang anak na si Andi.

“Kahit saan pa makarating, poprotektahan ko ang anak ko. I love Andi, I will protect her and will be by her side all the way,” pahabol pa ng dakilang ina ni Andi Eigenmann.

Heart Evangelista – Ang bilis napalitan si Daniel

Kuwento ng aming anak-anakan at kasama sa Juicy na si IC Mendoza ay may nakakita raw kay Heart Evangelista sa isang pamosong sosyal na mall na may kasamang guwapong non-showbiz guy.

Hindi naman sinabi ng kaniyang source kung magkarelasyon na ang dalawa. Pero sa kilos daw ni Heart at ng guwapong lalaki ay parang mayroon nang puwersang papunta doon. Kaya ang sinabi nito ay parang napakabilis daw namang makalimot ng dalaga sa nangyari sa kanila ni Daniel Matsunaga.

Iniiyakan pa ng binata ang kanilang break-up, pero si Heart ay mayroon nang kasama-sama ngayon. Nabubuo tuloy na insinwasyon sa utak ng mga nakakakita sa kaniya ay para lang siyang nagbibihis ng damit kung magpalit ng karelasyon.

Sa aming opinyon ay wala namang makapipigil kay Heart para lumabas na may kasamang iba. Mali lang siguro ang tiyempo, pero may kalayaan siyang gawin ang ganoon, lalo na’t tapos na ang lahat sa kanila ni Daniel.

Ramon Tulfo – Idinemada na si Raymart at Claudine

Noong nakaraang Biyernes (May 11) nang hapon ay muling nagsadya sa piskalya ng Pasay City ang beteranong kolumnistang si Mr. Ramon Tulfo para sampahan ng dalawang panibagong asunto sina Raymart Santiago at Claudine Barretto.

Ayon sa sinumpaang-salaysay ng news anchor ay hindi pa lumabas ang matinding manipestasyon ng ginawang pambubugbog-pangunguyog sa kaniya ng kampo ng mag-asawa nang magsampa siya ng demanda sa mga ito; pero sa pinakahuli niyang pagsailalim sa prosesong medikal ay grabe pala ang naging epekto noon sa kaniya, kaya ang slight physical injury lang noon ay serious physical injury na ngayon.

Bukod sa serious physical injury at grave coercion laban sa mag-asawa ay mayroon pang bagong kasong idinulog sa piskalya ngayon ang beteranong kolumnista. Ito ang grave oral defamation laban kina Raymart at Claudine, dahil sa naganap noong magkita-kita sila sa Airport Police Department pagkatapos maganap ang kaguluhan.

Masyado diumanong nasaktan si Mr. Ramon Tulfo sa mga pinakawalang salita ni Claudine patungkol sa kanilang pamilya. Dinig na dinig diumano ng mga nandoon ang mga sinabi ng aktres na, “Kayong mga Tulfo brothers kayo, ang yayabang ninyo! Akala ninyo kung sino kayo!

“Buti nga sa iyo, matanda ka! At akala mo kung sino ka, eh, marami akong alam sa iyo na pumapatol ka sa mga puta at Japayuki!”

Si Raymart daw naman ay nagsabi ng, “Ayaw mong ibigay ang cellphone para magamit mo at mapagkaperahan mo! Kayong mga media, pera-pera lang naman kayo at alam ng mga tao yan!” sabi diumano ni Raymart nang pasigaw.

Para kaming namamalik-mata habang binabasa ang sinumpaang-salaysay ni Mr. Ramon Tulfo. Parang hindi gumagana ang aming imahinasyon sa nakasaad sa dokumento. Parang hindi kami makapaniwala na makakaya palang sabihin nina Raymart at Claudine ang mga ganoon kasasakit na salita.

Paulit-ulit naming pinanood sa You Tube ang video ng naganap na engkuwentro ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto at ng beteranong kolumnista-radio-TV anchor na si Mr. Ramon Tulfo.

Kaya naming unawain ang pagsusuntukan ng mga kalalakihan, pero nahihiya kami sa aming sarili na titigan ang pakikihalo sa komosyon ng isang babaeng mura pa nang mura habang umuupak, si Claudine Barretto iyon.

Sa diretsong opinyon ay hindi namin pinaniniwalaan ang kaniyang litanya na sinipa siya nang dalawang beses ni Ramon Tulfo. Patawarin kami ni Claudine, pero kredibilidad na ang pinag-uusapan at sinusukat ngayon.

Susundan-sundan si Claudine ng naturang video habambuhay.

Claudine Barretto – Mukhang matrona na ayon sa mga saksi

Sa pisikal na aspeto naman ay nauntog siguro sa katotohanan si Claudine Barretto na kailangan na niyang magbawas ng timbang. Inilarawan kasi siyang mukhang matrona ni Mr. Ramon Tulfo.

Ang mga babaeng artista pa naman, napakasensitibo nila pagdating sa kanilang hitsura. Saktan mo na sila sa ibang paraan pero huwag na huwag mo lang sasabihin na ang taba-taba nila.

Eh, si Claudine, ipinagdiinan pa ni Mr. Tulfo na mukha siyang matron. Walang kaalam-alam ang kolumnista na matagal nang pinoproblema ni Claudine ang kaniyang timbang, sa ulo na pinukpok ni Kuya Ramon ang pako kaya lalong nagalit ang aktres.

Humingi na ng ayuda sa Gabriela si Claudine dahil sinipa raw siya ni Mr. Tulfo. Lumahok na rin sa usapin ang Senior Citizen Party List dahil ang kanilang katwiran, “Bakit palaging sinasabi na bakit pinatulan ang babae? Bakit hindi rin sabihin na bakit pinatulan ang matanda na?”

Cebupac staff – Saksi sa pambubugbog kay Tulfo na walang kalabanlaban

Kung ang mga salaysay ng dalawang ground stewardess ng Cebu Pacific ang ating titilarin ay parang lumalabas na hindi naman iyong gamot na nasa mga bagaheng naiwanan sa Caticlan ang prayoridad nina Raymart Santiago at Claudine Barretto kundi ang maibalik ang ginastos nila sa round trip ticket sa Boracay.

Nagkawing-kawing na ang kuwento. May isa pang guwardiyang nagbigay ng testimonya (Lady Security Guard Eden Avila ang pangalan nito) na ang bersiyon ni Mr. Ramon Tulfo ang totoo. Si Raymart diumano ang unang umunday ng suntok nang iiwas ni Mr. Tulfo ang inaagaw na camera sa kaniya na hindi sinasadyang makapagtulak sa actor. Hindi rin daw totoong sinipa nang dalawang beses ng kolumnista si Claudine dahil malayo kina Raymart at Mr. Tulfo ang aktres noong mga sandaling iyon.

Sa husgado ng bayan ay dehado ang mag-asawa. Kapag pinanood kasi ang video sa You Tube kung saan pinagtutulung-tulungang upakan ng kampo nina Raymart at Claudine ang sisenta’y singko anyos na kolumnista ay nakakagalit talaga ang kanilang ginawa. Abangan na lang natin kung alin sa kanilang mga salaysay-depensa ang mas bibigyan ng bigat ng piskalya ng Pasay City.

Have a comment on this article? Send us your feedback