Cristy Fermin

   Abril 1 - 15, 2012

 

 
 
Charice
 
 
Rayver Cruz at Cristine Reyes
 
 
Zoren Legaspi
 
 
Mariel Rodriguez & Robin Padilla
 
 
BB. Gandanghari
 
 
Sharon Cuneta
 
 
Helen Gamboa
 
 
KC Concepcion
 
 
Manny Pacquiao

Mula sa patnugot: Mula sa aming lahat sa Pilipino Express, malugod naming binabati ang aming entertainment writer na si Nay Cristy Fermin na ginawaran ng 2012 Gawad TANGLAW bilang Best Newspaper Columnist in the Entertainment category – congratulations at mabuhay!

Charice – Nagpakita na ba ng manipestasyon sa kaniyang tunay na kasarian?

Pinagpipistahan ngayon sa kahit saang umpukan ang kuwentong lumabas tungkol sa pagho-holding hands ni Charice Pempengco at ng kaniyang Amerikanang road manager o production assistant, ano ba ang papel sa karera ng international singer ng blonde niyang kasama-sama kahit saan?

Nagkaroon ng insinwasyon ang kanilang paghahawak-kamay. May nagsasabing magkarelasyon daw sila. Ibig sabihi’y tibo ang ating kababayang si Charice.

Matagal nang kumakalat ang kuwentong kyombs (read: tomboy) nga raw si Charice. Pinag-usapan na raw nila nang masinsinan ng kaniyang manager na si David Foster ang tungkol doon. May nagpapakalat na rin noon pa ng istorya na maging ang Tita Oprah Winfrey ni Charice ay may alam na tungkol sa tunay niyang kasarian.

Pero ngayon pa lang nagpapakita ng manipestasyon ang international singer tungkol sa usaping iyon. Umuwi siyang maigsing-maigsi na ang kinulayang buhok at mayroon pa siyang tattoo ngayon sa braso na tumutukoy sa walang hanggang pakikipagmahalan.

Sige, ipagpalagay na nating tibo nga si Charice, makababawas ba iyon sa ibinato nating paghanga sa kaniya bilang isang magaling na singer? Makakaapekto ba sa maganda niyang boses ang pagkakaroon ng karelasyong kabaro rin niya?

Hindi na ba makapagbibigay ng karangalan si Charice sa ating bayan kapag nakumpirmang tomboy nga siya? Mali na kung mali para sa iba, pero para sa amin ay walang kuneksiyon ang tunay niyang kasarian sa linyang pinagtatagumpayan niya bilang isang Pilipino, mas hahangaan pa nga namin si Charice dahil sa kaniyang pagpapakatotoo.

Dahil lahat tayo’y anak ng Diyos.

Rayver at Cristine – Break na nga ba ang magkatipan?

Ayon kay Alex Gonzaga ay hindi raw naman nag-break sina Rayver Cruz at Cristine Reyes na tulad ng napapabalita. Nakasama ni Alex ilang gabi na ang nakararaan sina Rayver, Rodjun at Dianne Medina, kaya nagkaroon ng pagkakataon angJuicy host na tanungin ang young actor tungkol sa situwasyon nila ni Cristine.

Hindin raw totoo iyon. Abala lang daw si Cristine sa trabaho kaya hindi sila gaanong nagkakasama ngayon. Pero hindi raw totoong nag-break sila ng kapatid ni Ara Mina. Maayos pa rin daw ang kanilang relasyon, hindi nga raw nila alam kung sino ang nagpromotor sa kuwentong hiwalay na sila.

Marami kasing naninibago sa situwasyon. Dati kasi’y super sweet sila sa Twitter, na ngayo’y hindi na nila ginagawa. Iyon ang naging palatandaan ng kanilang mga tagasubaybay tungkol sa kanilang break-up.

Zoren Legaspi – Hindi pa handang makiharap kay Bb. Gandanghari

Bago pa dumating si BB Gandanghari sa Paparazzi Showbiz Exposed noong Sabado (March 17) nang hapon ay katakutakot na tukso na ang inaabot ni Zoren Legaspi mula sa lahat ng nandoon.

Nagkataon pa namang nagpakulay siya ng buhok. Guwapong-guwapo ang mister ni Carmina Villaroel noon, kaya ang tudyo ng marami ay mukhang pinaghandaan niya ang pagdating ng ex ng kaniyang misis na si BB Gandanghari?

Tawa lang nang tawa si Zoren. Ibang tao lang daw naman ang may gustong siya ang mag-interbyu kay BB, pero kung siya ang tatanungin ay ayaw niyang gawin iyon. Hindi man niya sinabi ang dahilan ay siguradong delicadeza ang gusto niyang ikatwiran.

Kasamang dumating ni Zoren sa studio ang kanilang kambal ni Carmina Villaroel, sina Cassandra at Maverick, pero ipinapasyal niya muna ang kambal sa kanilang mga yaya. Ayaw niya sigurong maguluhan ang utak ng kanilang mga anak kapag dumating na si BB, pero may maigsing kuwento si Zoren tungkol doon.

“One day, ipagtatapat din namin sa kanila ang totoong kuwento. Pero si Casey, mukhang may alam na, eh. Noong minsan kasing nakita nila iyong isa sa TV, ang sabi niya, ‘Ex siya ni nanay.’

“Hindi kami kumibo ni Carmina. Pero nagkatinginan kami noong sabihin iyon ni Casey sa kapatid niya. Siyempre, pumapasok na sila, hindi naman namin alam kung ano na ang pinagkukuwentuhan ng ibang tao doon,” kuwento ni Zoren.

Mariel Rodriguez – Nakakuha ng scoop at unang interview kay BB dahil kay Robin

Noong pumasok na sa studio ng Paparazzi si BB Gandanghari para sa kanilang one-on-one ni Mariel Rodriguez ay pumako na ang tingin ng marami kay Zoren, nasa satellite stage noon ang aktor, habang papunta naman sa main set si BB.

Tumatawang sabi ni Zoren, “Magsi-CR muna ako.” Doon pa lang ay makapagbubuo ka na ng opinyon na hindi pa ito handang makaharap ang dating karelasyon ni Carmina. Hindi pa siguro ngayon.

Sa malapitan ay makikitang payat na payat si BB Gandanghari. Maliliit na ang kaniyang mga buto sa braso at kamay. Babaeng-babae na ang kaniyang bulto. Ang napag-iwanan na lang ay ang kaniyang mapintog na Adam’s apple na hindi pa siguro nadidiskubre ng teknolohiyang medikal kung paano mapaliliit.

Pabitin ang kaniyang sagot nang tanungin siya ni Mariel kung ganap na ba siyang babae? “Why, do you think I have not changed?” Kung anuman daw ang nasa pagitan ngayon ng kaniyang mga hita ay kaniya na lang.

Pero may nabuo nang konklusyon ang mga nakarinig-nakapanood sa kaniyang sagot. Totoong nagpa-sex change na siya, pero ayaw lang niyang aminin iyon nang lantaran, bilang respeto sa kaniya ina at mga kapatid.

Sa maigsing panahon na nagpainterbyu siya sa mga reporters na nandoon ay tinanong siya kung handa na ba siyang makaharap si Carmina? Ayon kay BB ay oong-oo naman pero nasanay na raw sila ni Carmina na pinag-uusapan nila sa kapribaduhan ang kanilang mga plano.

Gustung-gusto na raw niyang umarte uli. Hinahanap-hanap daw niya iyon habang nasa New York siya. Kaya sa tanong kung sino ang gusto niyang makapareha kung sakaling gagawa nga siya ng serye o pelikula bago siya umalis ay may pagkasutil pero malaman ang kaniyang pabirong sagot.

“Ahhhh, sino nga ba? Si Zoren? Biro lang!” sabi niya.

Sina Robin Padilla at Mariel ang dahilan kung bakit eksklusibong nakuha ng Paparazzi Showbiz Exposed ang unang paglantad ni BB Gandanghari mula nang dumating siya.

Kuwento ni Mariel sa amin, “Definitely, maraming magkakagustong ma-interview siya, di ba? But Robin said, bago sa iba, sa akin muna siya dapat makipag-one-on-one. And he said yes naman, that’s why we are here.”

Sa kaniyang Ate Rema nakatira ngayon si BB Gandanghari. Ito ang namamahala sa kaniyang career at tinutulungan naman siya nina Robin at Mariel. Maligaya si BB dahil paunti-unti nang natatanggap ng kaniyang pamilya ang pinili niyang buhay.

“Kay mama, wala na akong problema, naiintindihan na niya ako ngayon. She knows I’m happy now, and ganoon naman ang mga nanay, di ba? Kung saan maligaya ang anak, maligaya na rin sila,” sabi ni BB.

Kumusta naman ang pagtanggap ni Robin sa kaniyang situwasyon ngayon? May katagalan bago siya nakasagot, “Going there. But I know Robin loves me. He understands me. Hindi naman natin mabibigla ang mga bagay-bagay,” matapat niyang tugon.

Maraming humahanga sa ginawang pagpapakatotoo ni Rustom Padilla. Kesa sa lokohin niya ang kaniyang sarili pati na ang publiko ay kumawala na siya sa pagpapanggap. Nagtanggal na siya ng maskara ng tunay niyang kasarian.

Pero hindi niya maaaring makuha ang kalooban ng lahat. Mayroon din siyempreng hindi sang-ayon sa kaniyang paglaladlad. Nirerespeto iyon nang isandaang porsiyento ni BB Gandanghari dahil hindi nga naman niya hawak ang utak at isip ng kaniyang kapwa.

Sharon Cuneta – Nasira ang relasyon sa kaniyang Tita Helen dahil sa politika

Napakarami nang relasyon ang sinira ng politika. Magkakapamilya, magkakaibigan – walang sinisino ang mundo ng politika. Lahat, magkakalaban, lahat, magkakaengkuwentro, walang sinasanto.

Ang pinakahuling biniktima ng politika ay ang magtiyahing Helen Gamboa at Sharon Cuneta. May namamagitang digmaan ng salitaan ngayon sa pagitan nila. Nagkakasakitan na ang magtiyahin na mula’t mula pa’y nakilala na nating sobrang nagsusuportahan sa bawat isa.

Ang kanilang pagiging magtiyahin ay nagkaroon pa ng ekstensiyon sa kanilang mga anak. Magkakaibigan ang magpipinsan at magtitita, pero nakaya pa ring wasakin iyon ng mga pangarap na politikal.

Magtiyahing buo sila dahil nakatatandang kapatid ni Ate Helen si Mommy Elaine na mommy ni Sharon. Mula nang iluwa sa lokal na aliwan ang pangalang Sharon Cuneta ay palagi nang nakaantabay sa tabi niya ang pangalan ni Helen Gamboa, ganoon kabuo ang kanilang relasyon.

Ang pinag-ugatan ng kanilang hidwaan ngayon ay ang pagtakbo ni Senador Kiko Pangilinan sa Senate Presidency. Nalaman ni Sharon na hindi pala ito sinuportahan ng kaniyang amaing si Senador Tito Sotto, mula noon ay lumabnaw na ang kanilang samahan.

Mula sa kung saan ay nagsalita si Ate Helen na nalulungkot ito dahil mahirap na raw abutin ngayon ang kaniyang pamangkin. Kasunod ang patutsada na bakit ganoon kapag nagkakapera na ang tao, nakalilimot na sa kaniyang ugat?

Mga salitang dinamdam nang husto ni Sharon. Bakit kailangang sa publiko pa magsalita ng ganoon ang kaniyang tiyahin samantalang ayon mismo dito ay hindi nila dapat isasapubliko ang anumang mga personal na problema at sila-sila lang ang mag-aayos noon.

KC Concepcion – Sinisiraan kasama ni Mega ng mga Twitter bashers

Sino ba ang nag-akala na isang araw pala ay huhulagpos ang pisi ng pasensiya ni KC Concepcion para magpakatotoo sa kaniyang sarili at sa publiko?

Bago pa mahuli ang lahat ay tigilan na sana ng mga walang magawang ito ang panlalait sa mag-ina. Tuldukan na sana nila ang pagtawag ng aborsiyonista kina Sharon at KC.

Reaksiyon ng isang kaibigan naming propesor na tumututok sa isyu, “It’s so easy to know where all the comments are coming from. Iisa lang ang atake nila, pati ang lengguwahe nila, pare-pareho lang, nag-iiba-iba lang sila ng pangalan. Iyon na ang way of life nila, to make people unhappy and uncomfortable.

“If I were Sharon Cuneta, I will just ignore them. Let them do what they want, let them say anything under the sun, pabayaan mo silang mapagod at magsawa.

“If you don’t give them time and situation, they will eventually die. If you ignore them, hahanap na naman sila ng bubuwisitin nila.

“These people are sick. Just ignore them!” litanya ng kaibigan naming propesor.

Pero nauunawaan nito ang sentimyento ngayon ni Sharon Cuneta. Kung bakit umalsa na ang galit ng Megastar sa mga bashers niya ay madaling intindihin. Ayon sa aming kaibigan ay kayang magtimpi ng isang tao kung sa kaniya lang nakasentro ang panlalait pero ibang usapan na kapag idinadamay ang kaniyang mga mahal sa buhay.

“Imagine, branding you and your daughter as abortionists. Matindi iyon. Sharon can’t just keep quiet about it.

“Minsan, kailangan nating sumagot, mag-ingay at pumatol para hindi makapambulag ang mga ganoong akusasyon. If she keeps quiet about it, sasabihin ng iba, ‘Bakit hindi siya pumalag doon, it must be true!’

“See? Any which way she goes now, talo siya. Pumatol siya, pinababa raw niya ang estado niya. Hindi siya pumatol, sasabihin naman na naduwag siya, dahil totoo iyong accusation sa kanilang mag-ina.

“But one thing is sure. Ang mga bashers ni Sharon ngayon are people who have personal motives. Mga tao ito na may personal na galit sa kaniya at kay KC. She cannot expect these people to stop from disturbing them dahil mayroon ngang sobrang galit sa kanila.

“They will continue bashing her, walang kasawaan ang mga taong ito, they are really cut to ruin Sharon and KC because of their personal motives. Kung ano ang dahilan, iyon ang dapat busisiin ngayon ni Sharon. Kailangang malaman niya kung sino ang utak sa gitna ng lahat ng ito,” pagtatapos ng aming mahal na kaibigang propesor.

Manny Pacquiao – Walang bukambibig ngayon kundi ang kaniyang relihiyon

Matindi talaga ang pakikipag-honeymoon ngayon ng Pambansang Kamao sa bago niyang pananampalataya. Nakakapanibago siya. Lalo na kung kilalang-kilala mo ang Pacman na pamatay ang mga suntok sa lona, tulad na lang ng isang kaibigan namin na nakasama ni Congressman Manny Pacquiao kailan lang.

“Parang hindi na siya ang dating Manny na nakakasama natin, parang ibang tao na siya, parang hindi ko na siya kilala,” unang reaksiyon ng kaibigan namin ni Pacman.

Marami raw silang magkakasama noon. Sa daloy ng kanilang kuwentuhan tungkol sa boksing ay iginiya ni Pacman ang paksa sa pangalan ng Diyos, at doon na siya nagsimulang maglitanya.

Kuwento raw ni Pacman. Noong minsang managinip siya ay pinayuhan siya ng Panginoon na tumigil na sa pagboboksing, kahit daw kasi propesyon niyang matatawag iyon ay masama pa rin dahil nananakit siya ng kaniyang kapwa.

“Anumang form daw ng physical hurt, malaki o maliit, eh, pananakit pa rin, kaya ang decision niya, hindi na siya magtatagal sa boxing dahil masama nga raw ang ginagawa niya,” kuwento ng aming kausap.

Natural lang ang naging reaksiyon namin. Kung ganoon pala at pinayuhan siya ng Diyos sa kaniyang panaginip na masama ang pananakit ng kapwa, bakit may susunod pa siyang laban? Napanaginipan din kaya ni Pacman na sinabi ng Diyos sa kaniya na pagkatapos nang tatlo pang laban ay saka lang siya magreretiro?

Nagtataka kasi kami. Bakit hindi siya huminto ngayon din, bilang patunay ng kaniyang pananampalataya? Sino ba ang mas matimbang sa kaniya, ang pinagsanib na puwersa nina Bob Arum at Coach Freddie Roach o ang Panginoon? Hindi kasi nagkakasundo ang kaniyang mga sinasabi at ang kaniyang mga ginagawa.

Isang napakalaking karangalan para sa ating bayan si Manny Pacquiao. Nakilala ang Pilipinas sa positibong paraan nang dahil sa kaniyang pagiging kampeon sa boksing. Ipinagmamalaki ng buong sambayanan si Pacman.

Pero sana, sa kaniyang pagsasabi na pinayuhan siya ng Diyos sa kaniyang panaginip na masama ang ginagawa niyang pananakit sa kaniyang kapwa ay sinasabayan din niya iyon ng aksiyon. Tumigil na siya ngayon din sa pagboboksing para maniwala tayo sa kaniyang mga ipinapangaral.

Cristy Fermin – Best Newspaper Columnist in the Entertainment category sa 2012 Gawad Tanglaw

Huwebes (March 15) nang hapon ay nasa bakuran kami ng Perpetual Help University salas Piñas. Dumalo kami sa ikasampung taong pagbibigay ng parangal at testimonyal ng Gawad TANGLAW, ang prestihiyosong grupo na binubuo ng mga akademisyan.

Maraming ginawaran ng parangal ang Gawad TANGLAW. Dumating kami doon bilang isang manunulat. Bilang isang alagad ng sining sa larangan ng malayang pamamahayag. Ang pahayagang BULGAR ang bitbit namin sa pag-akyat sa entablado sa parangal na ihinandog sa amin ng Gawad TANGLAW.

Emosyonal kami sa pagtanggap ng parangal dahil una, pagsusulat ang una naming pag-ibig. Ito ang linyang hindi namin pinabayaan-binitiwan kahit pa dinaluyong kami noon nang matinding paghamong personal.

Kung ang calltime namin sa telebisyon ay alas siyete nang umaga, alas tres pa lang nang madaling-araw ay gising na kami para tumipa ng aming mga kolum. Hindi kumpleto ang aming araw kapag hindi kami nakatutupad sa aming tungkulin at responsibilidad sa aming mga mambabasa.

Ikalawa, ang mga opisyales at miyembro ng Gawad TANGLAW ay mga guro at propesor, mga akademisyan na mismong propesyong ipinambuhay sa amin nina tatay at nanay. Ang mga namayapa naming magulang ay prinsipal at guro sa isang pampublikong paaralan sa aming nayon sa Nueva Ecija, kaya ang mga guro ay tinitingala namin, isang dangkal lang ang layo nila sa aming puso.

Gusto naming muling pasalamatan ang bumubuo ng Gawad TANGLAW. Maraming salamat sa pagtataas sa estado ng aming propesyon bilang manunulat sa pahayagan na tumututok sa buhay at karera ng mga artista na kadalasa’y minamaliit ng iba, dahil ito raw ay puro pagtsitsismis lang. Maraming salamat, Gawad TANGLAW.

Maraming salamat sa Gawad TANGLAW dahil may puwang para sa kanila ang tabloid, ang mga kuwentong-artista, sa ngalan ng lahat ng mga kapwa namin manunulat ay tanggapin nila ang aming pasasalamat at pagrespeto.

***

Personal na panawagan: Gusto lang po naming ipaabot sa publiko na wala kaming Facebook at Twitter account. Apat ang sinasabing FB account namin, pero ni isa po doon ay hindi totoo, nagpapanggap lang ang nagpapakilalang kami sa Facebook.

Lalong wala po kaming Twitter account, nagpapanggap lang din ang gumagamit ng aming pangalan at nakikipag-tweet sa mga artista. Kaya kung mayroon mang artistang nasasaktan o natutuwa sa aming mga komento ay hindi po sa amin nanggagaling iyon.

Marami nang nag-alok sa amin para magbukas ng Facebook at Twitter account, pero hindi kami pumayag, walang kasingsarap ang buhay namin ngayon na wala kaming Twitter at Facebook kaya mayroon kaming kapayapaan ng kalooban at nakakatulog kami nang mahimbing.

Have a comment on this article? Send us your feedback