Cristy Fermin

   Enero 1 - 15, 2012

 

 
 
Annabelle Rama
Nadia Montenegro
 
 
KC Concepcion & Piolo Pascual
 
 
Dingdong Dantes
 
 
Manny Pacquiao
 
 
Vic Sotto
 
 
Rhian Ramos
 
 
Lala Aunor with daughters Marian & Ashley
 
 
Maricel Soriano
 
 
Ai Ai delas Alas
 
 
Danita Paner
 
 
JC de Vera
Annabelle at Nadia – Markadong away ng 2011

Tapos na ang Pasko. Narito na ang Bagong Taon na pinaghandaang salubungin ng sambayanang Pilipinas. Bagong Taon na inaasahan nating lahat na mas magiging mapayapa, mas sumisipa at punumpuno ng pag-asa, Isang panibagong taon na may bitbit na inspirasyon.

Kapag binabalikan namin ang mga pangyayari sa showbiz sa taong 2011 ay nagmamarka para sa amin ang awayang Annabelle Rama at Nadia Montenegro. Dating magkaibigan na ngayon ay mahigpit na magkaaway, dating sanggang-dikit na ngayon ay pinaghiwalay na ng panahon.

Matitindi ang kanilang mga salita. Kung nakamamatay lang ang tulis ng dila ay siguradong pareho na silang pinaglalamayan ngayon, hindi man matagal nang nakalibing sa ilalim ng lupa.

Ang pinakamahigpit na magkaaway sa kasaysayan ay ang mga taong dating malapit na malapit sa bawat isa, mga taong nagsasabihan ng kani-kanilang mga lihim, mga taong sobra pa sa magkapatid ang pagtuturingan.

Ganoon mismo ang nangyayari ngayon kina Tita Annabelle at Nadia. Dati’y parang wala nang makapagpapahiwalay sa kanila, pero ngayon ay para silang mga aso’t pusa sa pagkakahulan at pagkakalmutan.

Lahat ng masasakit na salita na maaaring ibato sa isang kalaban ay naihagis na ni Tita Annabelle kay Nadia, pero ang pinakakinaaaliwan ng mga usisero at usisera ay kapag tinatawag niya ng Piggy ang dating aktres na totoo naman kasinglapad na ngayon ng isang antigong aparador, kundi man Piggy ay Lilet (read: lilitsunin) ang itinatawag niya kay Nadia.

Nakatagpo ng katapat si Nadia kay Tita Annabelle. Ganoon naman talaga ang buhay; hindi mo aakalain na ang pinakamalapit pa palang tao sa iyo ang magiging pinakamahigpit mong kaaway, ang makakabatuhan mo ng putik sa harapan ng mga camera o sa husgado man.

KC at Piolo – Markadong hiwalayan ng 2011

Sa larangan naman ng pag-ibig ay napakaraming naging magkarelasyon at nagkahiwalay sa taong 2011. Kung minsan nga ay rigodon pa ang nangyayari dahil ang karelasyon ngayon ni kuwan ay karelasyon na bukas ni ganoon.

Pero ang pinakamarkado na bibitbitin natin hanggang sa susunod na taon ay ang hiwalayang Piolo Pascual at KC Concepcion. Hindi naman kasi iyon basta hiwalayan lang, may kakambal na rebelasyon ang kanilang paglalayo. Nagbitiw ng mga patagilid na salita ang dalaga ni Sharon Cuneta na ikinawindang ng publiko.

Ayon kay KC ay hindi niya naibigay ang klase ng pagmamahal na hinahanap ni Piolo, sinabi rin ng dalaga na kahit mga simpleng detalye lang tungkol sa pagmamahalan ng isang lalaki at ng isang babae ay wala siyang naramdaman. Biglang hinubaran noon ang pambansang haka-haka na kuwestiyonable nga ang kasarian ng sikat na hunk actor.

Makakikibo pa ba si Piolo? Maidedepensa pa ba nito ang kaniyang sarili sa kahihiyang naamoy na ng publiko? Mas matindi talaga ang bagsak ng mga salitang patagilid lang at hindi ibinubuhos nang lahatan. Nandoon sa patagilid lang na insinwasyong iyon ang misteryo, ang katotohanan.

Maraming nagsabi na ginamit lang ni Piolo si KC para sa kaniyang pagpapanggap.

Pero ayon naman sa ibang pilosopo at nakikisawsaw sa kuwento ay may dapat ipagpasalamat si Piolo kay KC. Ang dalaga na raw kasi ang nagbukas ng pintuan para sa kaniyang paglaladlad. May punto rin naman ang mga usisero.

Isang umaga ay nagising kaming nasa inbox na ng aming telepono ang isang mensaheng galing mismo sa isang taong naging malapit noon sa buhay ni Piolo. Totoo, pati ang mga taong dapat ay nagtatanggol sa kaniya ngayon ay nakikipaglaro na rin. Pinaglalaruan nila ang seksuwalidad ng dating boyfriend ni KC.

Ang sabi ng mensahe, “Reporter: Sir, ano po ang maa-advise n’yo kay Piolo at KC?

“Erap: Piolo and KC, you have to move on. Both of you will soon find the right man!”

Dingdong Dantes – Ikinampanya ni Kris upang maging MMFF Best Actor

Natupad ang pangarap ni Kris Aquino na tanghaling Best Actor si Dingdong Dantes sa gabi ng parangal ng MMFF 2011 para sa pinagtambalan nilang pelikula.

May mga kumokontra. Mayroon din namang mga sumasang-ayon. Pero kailangan nating magpakatotoo sa pagsasabi na kung hindi nagpasakalye si Kris na dapat maging pinakamahusay na aktor si Dingdong ay mas matamis sana para sa kaniya ang parangal na ito.

Nakakalungkot lang dahil pagkatapos ng gabi ng parangal ay marami nang nag-text sa amin na hindi sila aprubado sa pananalo ni Dingdong. Kumbaga sa hilera ay marami pang mas nauuna kaysa sa kaniya, pero dahil sa malakas na impluwensiya ni Kris ay napunta sa kaniya ang tropeo.

Nakakaawa naman si Dingdong. Mayroon man siyang karapatang magwagi ay nawalan iyon ng saysay dahil malayo pa ang gabi ng parangal ay parang ikinakampanya na siya ni Kris. Iyon tuloy ang naiisip ngayon ng mas nakararami kaysa sa angat niyang pagganap sa pelikula nila ni Tetay.

Si Dingdong na lang ang isinulong ni Kris, siyempre pa, dahil alam nitong malayo sa katotohanan ang kaniyang pananalo bilang Best Actress.

Kapag naganap iyon ay siguradong mata lang ni Kris ang walang latay sa dami ng mga kokontra. Lalo na ang mga nagsasabing iisa lang naman ang kaniyang reaksiyon sa lahat ng eksena, constipated acting ang tawag ng mga kababayan natin sa klase ng pagganap na alam ni Kris.

Manny Pacquiao – Mahirap daw katrabaho ang pambansang kamao

Maraming impormasyong nakarating sa amin tungkol sa unprofessionalism ng Pambansang Kamao. Ang akala nami’y sa kaniyang sariling programa lang sa GMA-7 nagkakaroon ng problema ang kaniyang staff, pero sa mga ahensiya rin pala ay kalat na kalat na ang kaniyang “sakit.” Hindi kagandahan ang mga kuwentong nakaabot sa amin.

“Imagine, alas otso ng umaga ang call time niya, pero dumarating siya, alas dos na ng hapon. At pagdating niya, eh, ang dami-dami pa muna niyang ritwal.

“Doon na siya tumatanggap ng mga bisita niya, ng mga katransaksiyon niya, samantalang time na iyon para sa shoot ng TVC niya. Bakit kailangang doon pa, eh, ang dami-dami niya namang oras para sa mga personal niyang transactions?” kuwento ng aming source.

Sa taping naman ni Congressman Manny Pacquiao para sa kaniyang TV show ay nahihirapan din ang staff sa kaniya. Nakapag-ensayo na ang kanilang mga kalahok at sasalang na lang, pero wala pa ang main host ng show.

“Paano nga, ang dami-daming nagpapasukan sa dressing room niya. Marami siyang kausap. Kapag tinatawag na siya para sa taping, puro mamaya na lang ang isinasagot ng mga tauhan niya.

“Siya ang palaging cause of delay, mahirap siyang katrabaho, unprofessional si Pacman,” napapailing pang kuwento ng aming kausap.

Sana’y maisip ni Pacman na may nakalaan lang na budget ang mga ahensiya para sa kanilang TVC shoot. Kapag nagkakaroon ng aberya ay dagdag na gastos iyon para sa kumpanya. Kapag may idinadagdag na oras para sa kanilang shoot ay may dagdag na bayad din iyon para sa renta ng lugar at talent fee ng mga tao, kaya lumalaki ang gastos ng ahensiya.

Hindi ngayon at sikat na personalidad siya sa buong mundo ay may pasaporte na siyang magpahintay sa kaniyang mga katrabaho. Wala sa usapan iyon, walang kumpanya o network na papayag na maglagay ng clause sa kontrata na nagsasabing dumating man siya nang late nang lima hanggang walong oras sa trabaho ay ayos lang sa kanila ang ganoon.

Pahabol pa ng aming source, “Siya lang ang personality na nakatrabaho namin na sumasagot ng ‘Mamaya na,’ kapag tinatawag na siya para sumalang sa trabaho. Siya lang iyon, kaya siya na talaga!”

Rhian Ramos – Walang sawang sinisiraan pa rin ng dating boy friend

Galit na galit ang kampo ni Rhian Ramos kay DJ Mo Twister dahil sa pinakabagong video na pinagpipistahan ngayon ng buong bayan. Ang mismong video iyon ng kanilang paglalambingan, ang kanilang paghaharutan sa kama, minsan pang inilagay sa kahihiyan ng deejay-TV host ang kaniyang dating karelasyon.

Natatakot din ang kampo ni Rhian dahil baka ang paglabas ng video ng kanilang paglalaro sa kama ay umpisa pa lang ng mga susunod pang video ng kanilang mga paglalampungan. Paano nga naman kung kinunan din pala ni Mo Twister ang mismong akto ng paggawa nila ng bata.

May reaksiyon ang mahal naming kaibigan-anak-anakang si Obet Sapin tungkol sa pinakahuling video. Ang kaniyang malayang opinyon, “Kasuklam-suklam na ang mga ginagawa ni Mo Twister. Mabuti na ring umalis na siya sa showbiz na hindi rin naman siya kawalan, kundi kahihiyan pa nga ng showbiz kung tutuusin.

“At least po si Hayden Kho, nag-sorry siya at eventually, eh, nagbago. Pero itong si Mo, never siyang naging totoong remorseful.

“Kung anuman ang mangyari sa kaniya, iyon na ang karma niya. Nakakaawa lang si Rhian na nabiktima niya. God bless her. Paminsan-minsan talaga, eh, may ipinanganganak na MOnster ang local showbiz. Si Mo Twister iyon!” nanggigigil si Obet Sapin sa kaniyang mensahe.

Maribel Aunor – Patuloy ang tagumpay sa pagnenegosyo

Binuksan na ang bagong sangay ng Pagkain Club ni Maribel Aunor sa Starmall sa Mandaluyong.

Saludo kami kay Lala Aunor sa pagnenegosyo. Napakaaga niyang natutong pahalagahan ang kaniyang mga pinagpapaguran. Mayroon na siyang building sa Parañaque ay tutok din siya sa kaniyang negosyong restaurant.

“Mahirap ang buhay ngayon, hindi tayo puwedeng magpabaya. Hindi sapat ang isang business lang ngayon dahil hindi kagandahan ang takbo ng economy natin,” sabi ni Lala.

Maayos na ang kaniyang kabuhayan ay maganda rin ang takbo ng kaniyang personal na buhay. Matatalino ang kaniyang mga anak na sina Marion at Ashley, at ang pinakamaganda ay kapiling niya pa rin ang kaniyang inang si Mamay Belen.

Puring-puri si Lala Aunor ng mga taong nakakasalamuha niya sa larangan ng pagnenegosyo. Ganoong napakatagumpay na raw niya ay nananatili siyang mapagkumbaba, iyon ang tatak ni Maribel Aunor na lutang na lutang.

Maligayang bati sa aming anak-anakan na ipinanganak na wala sa diksiyunaryo ang kayabangan at pangmamaliit sa kaniyang kapwa tao. Mapagpahalaga siya sa nakaraan, kung paanong inaalagaan niya ang ngayon at bukas.

Maricel Soriano – MMFF Best Actress

Si Maricel Soriano ang tinanghal na best actress ng MMFF 2011. Napapanahon ang parangal na ito para sa aktres. Higit kailanman sa kaniyang buhay at karera ay ngayon niya kailangan ang isang pagkilala sa kaniyang kapasidad sa pagganap.

Sana’y magsilbing inspirasyon kay Maricel ang tiwalang ibinigay sa kaniya ng mga hurado ng MMFF. Ngayon mas kailangan ni Marya ng pagpapahalagang kailangan niya.

Ayon sa mga nakapanood na ng pelikulang Yesterday, Today, Tomorrow ay nakulangan sila sa ipinakitang pagganap ni Maricel. Hindi raw ganoon ang kanilang inaasahan mula sa aktres, pero mayroon din namang mga nagsasabing hindi kinalawang ang talento sa pag-arte ni Marya sa mahaba-haba ring panahon ng kaniyang pamamahinga.

Pero sabi nga namin, ang tropeo ay hawak na niya ngayon, hindi naman niya iyon hiningi at ipinakiusap na mapasakaniya. Kaya wala nang magagawa pa ang mga taong kumokontra sa kaniyang pananalo bilang best actress ng festival.

Ai Ai delas Alas – Buwenas sa pelikula at buwenas din sa mga anak

Napakasuwerte ni Ai Ai dela Alas. Palibhasa’y wala naman siyang tinatapakang kahit sino, kaya patuloy ang buhos ng suwerte sa kaniyang buhay at career.

Maligaya ang Comedy Concert Queen dahil nangunguna sa takilya ngayon ang pelikula nila ni Vic Sotto. Nagpuputputan sila sa laban ng pelikula ni Senador Bong Revilla. Ang kanilang mga pelikula ang pinanonood ngayon ng ating mga kababayan.

Pero sa kabila ng kaniyang tagumpay ay wala kang mararamdamang angas sa aktres-TV host, simple lang siya.

Dalawang anak niyang lalaki ang umalis bago mag-Pasko papuntang London. Ang isa ay nagbakasyon lang talaga, pero ang isang anak niya ay nagpunta doon para dumalaw sa girlfriend nito.

“Pinayagan ko na, ayoko kasing nakikitang malungkot ang anak ko. Nag-aaral kasi doon ang girlfriend niya, dumalaw lang siya. Ako mismo ang nagsabi sa anak ko na dalawin niya ang girl ngayong Pasko,” kuwento ni Ai Ai.

JC de Vera at Danita Paner – Nag-break na ang dalawang bagets

Totoo palang hiwalay na sina JC de Vera at Danita Paner. Makahulugan pala ang linyang binitiwan ng dalaga sa Twitter na “Thank God, I made the right decision.”

Maraming nanghihinayang sa kanilang relasyon dahil tumagal din iyon nang mahigit na isang taon.

Ayon sa aming source, “May kuwento kasi na hindi na raw masaya si Danita dahil mahirap pakibagayan ang ugali ni JC. May kasupladuhan daw ang bagets.”

Wala pang anumang kumpirmasyong binibitiwan sina JC at Danita. Tahimik pa ang magkabilang kampo.

Dagdag pa ng aming source, “Mayroon din namang kuwentong lumalabas na hindi raw kasi masuheto ni JC si Danita sa pakikipagbarkada. Mahilig daw lumabas ang girl, isang bagay na ayaw na ayaw ni JC.

“Marami silang differences, talagang hindi sila para sa bawat isa, hindi talaga sila magkakasundo,” komento pa ng aming source.

Kung totoo nga ang balita ay isa kami sa nanghihinayang sa pagtatapos ng kanilang relasyon. Nasaksihan kasi namin ang kanilang pagmamahalan. Marespeto si JC at Danita sa isa’t isa.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback