Cristy Fermin

   Disyembre 16 - 31, 2011

 

 
 
KC Concepcion & Piolo Pascual
 
 
Rhian Ramos
 
 
Mo Twister
 
 
Pauleen Luna
 
 
Vic Sotto
 
 
Konsehal Shalani Soledad
 
 
Congressman Roman Romulo

Gusto kong ipaabot sa inyong lahat sa Winnipeg, lalo na sa mga mambabasa ng pahayagang Pilipino Express, ang isang taos-pusong pagbati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon. Sana ay maging masaya at mapayapa ang inyong pagdiriwang ng kapaskuhan. At sana kung kayo ay magbabalik-bayan, dalawin ninyo ako at ang aking mga kasama dito sa TV5 at nang magkitakita naman tayo muli.

Piolo at KC, Mo at Rhianmga kontrobersyal na isyu sa pagtatapos ng 2011

Kung kailan patapos na ang taon ay saka pa lumutang ang mga kontrobersiyang kinapapalooban ng mga sikat na personalidad. At may punto ang mga tagapagmasid. Parehong laglagan daw ang isyung nakahain sa publiko ngayon. Inilaglag daw ni KC Concepcion si Piolo Pascual at inilaglag naman ni DJ Mo Twister si Rhian Ramos dahil “inilaglag” nito ang kanilang anak.

Pinagpipistahan pa rin ngayon ang seksuwalidad ni Piolo, pinaglalaruan siya ng mga kababayan natin. Mayroon pang gumamit ng segment na Pinoy Henyo ng Eat…Bulaga para sa paglalaro sa kasarian ni Piolo Pascual. Tanong, “Artista siya, kontrobersiyal?” Puwede! “Lalaki siya?” Puwede! “Babae ba siya?” Puwede! “Bakla ba siya?” Puwede! “Piolo Pascual?” Yeeeessss!

Makahulugan ang sagot ni Sharon Cuneta nang tanungin ang Megastar tungkol sa ginawang rebelasyon ng kaniyang anak sa kasarian ni Piolo. Ang sabi ng aktres, “Mabait pa rin talaga ang anak ko dahil nagawa niya iyon nang wala siyang diretsong sinasaktan.”

“Napakadali namang magsabi ng totoo, di ba? Napakadaling manira ng ibang tao, pero hindi niya iyon ginawa. Nandoon pa rin ang respeto niya,” komento ni Sharon.

At napakasuwerte pa rin talaga ni Piolo dahil ang mga sangkot sa kontrobersiyang ito ay tulad din niyang Kristiyano na hindi basta-basta mapanghusga.

Masuwerte siya dahil edukado si Sharon, si KC, at ang iba pang mga tao sa kampo ng batang aktres. Alin, kung napaiba-iba lang ang mga nakasagupa niya, baka mamili na siya ng planetang pagtataguan niya dahil sa sobrang kahihiyan.

Hanggang maaari ay hindi nagsasalita si Sharon. Kahit si Gabby Concepcion, nang tanungin, ay paiwas din ang mga sagot. Basta ang sinabi lang ng aktor ay kailangang magpakatatag ng dalaga ngayon.

Nakahinga na kaya nang maluwag si Piolo Pascual pagkatapos ng pagsasalita ni KC? Nakakikilos na kaya siya nang maayos ngayon?

KCPumirma na sa Viva, susunod na sa TV5

Noong nakaraang linggo ay pumirma na ng kontrata sa Viva Management Agency si KC Concepcion. Tulad ng kaniyang inang Megastar ay si Boss Vic del Rosario na ang mamamahala sa kaniyang career.

At para sa mas nakararami ay kasing simple lang iyon ng one plus one. Saang network pa nga ba pipirma ng kontrata si KC, kundi sa pinakamalapit na kanegosyo ngayon ng Viva Entertainment, ang TV5.

Sa opinyon ng mas nakararami nating kababayan ay nilaro lang at pinaasa ni Piolo Pascual si KC Concepcion sa wala. May mga sumisisi sa dalaga kung bakit pa nito pinatulan si Piolo, sa “kabila ng lahat,” pero ang guwapong aktor pa rin ang siguradong mapapaaray sa bandang huli ng argumento.

Janelle ManahanNais makausap muna si Ramona

Matindi ang inabot ni Janelle Manahan noong mabaril siya nang paslangin ang kaniyang boyfriend na si Ramgen Revilla. Hanggang ngayon ay kitang-kita pa rin sa kaniyang itsura ang paghihirap. Namamaga pa rin ang buo niyang mukha, hirap na hirap siyang magsalita dahil sa mga pinagdaanan niyang operasyon.

Iyon ang ikinatatakot ngayon ng mga tunay na salarin sa likod ng naganap na krimen, nabuhay si Janelle at handang isiwalat ang kaniyang nasaksihan nang patayin ang kaniyang karelasyon. Iyon ang nagbibigay nang matinding bangungot ngayon sa mga totoong may pananagutan sa krimen.

Ayon kay Janelle Manahan ay hindi pa siya handang makipagkita ngayon kay Genelyn Magsaysay. Ang gusto niyang makaharap muna ay si Ramona Revilla. Gusto raw niyang tanungin kung bakit ibang-iba ang nilalaman ng sinumpaang salaysay nito sa kaniyang affidavit.

Makahulugan iyon, parang sinasabi na rin nang patagilid ni Janelle na bakit ganoon, pareho naman nilang alam ang katotohanan pero bakit iba ang mga inilalabas na kuwento ni Ramona?

Malinaw naman ang kaniyang pahayag. Noong kumatok si Ramona sa kuwarto ni Ramgen ay siya ang nagbukas ng pinto. Nakita niya ang dalawang nakamaskarang lalaki sa likuran ni Ramona na biglang pumasok sa kuwarto at saka sila pinagbabaril ni Ramgen.

Unang tanong ng kaniyang abogado, “Bakit hindi rin siya sinaktan noong mga nakamaskarang lalaki, samantalang witness din siya kung tutuusin? Bakit hindi man lang niya tinulungan ang nakahandusay niyang kapatid, samantalang iisang dugo lang naman sila?

“Bakit hindi siya tumawag ng ambulansiya sa kabila ng pagsusumamo ni Janelle? Ang dami-daming tanong na dapat sagutin ni Ramona, marami siyang dapat ipaliwanag, kaya dapat lang siyang umuwi para harapin ang problema,” litanya ng pinagkakatiwalaang abogado ni Janelle Manahan.

Pagkatapos magsalita ng abogado ni Janelle ay maiiwan kang nakatingin lang sa malayo, nag-iisip nang malalim, kasabay ang reaksiyon na oo nga!

Bong Revilla – Malungkot ang Pasko ng pamilya Revilla

Kahit anong pilipit ang gawin ng mga manunulat ay talagang iwas na iwas si Senador Bong Revilla sa pagkokomento tungkol sa matinding problemang dumaluyong sa kanilang pamilya sa taong ito.

Ramdam sa kaniya ang matinding lungkot. Parang may gusto siyang ibulalas, pero marami siyang isinasaalang-alang at ayaw niyang makapanakit ng damdamin ng mga taong hindi na iba sa kaniya.

“Totoong hindi kasingsaya noong dati ang magiging Christmas ng family namin, pero talagang ganoon, all we have to think about now is to move on, kailangang maging positive kami,” hanggang doon lang ang kinakaya niyang sabihin.

At sa kabila ng kalungkutan ng kaniyang pamilya ay hindi pa rin niya kinalimutan ang pagpapasaya naman sa kaniyang mga tagasuporta, ang Panday 2 na sa trailer pa lang ay iniimbitahan ka nang panoorin ang pelikula.

“Yearly naman, mayroon akong magandang regalo sa mga kababayan natin. And this time, alam kong hindi ako mapapahiya sa kanila, alam kong maa-appreciate nila ang mga pagsisikap na ginawa namin for Panday 2.

DJ Mo Twister – Ayaw tantanan si Rhian pero duwag naman

Kahit yata Diyos ay hindi na pinakikinggan ni DJ Mo Twister ngayon. Ano ba ang gusto niyang mangyari para magtikom na siya ng bibig. Ano ba ang kailangang gawin ni Rhian Ramos para maisip niyang nakapaghiganti na siya sa paghiwalay sa kaniya ng aktres, ang magpatiwakal ito?

Ayon sa malalapit na kaibigan ni Mo Twister ay nakapag-move on na raw siya sa naganap sa relasyon nila ni Rhian Ramos. Maayos na raw ang kaniyang situwasyon sa New York ngayon pagkatapos niyang ipagbuyangyangan ang mga baho ng kaniyang dating girlfriend sa publiko.

Kung totoo nga ang kuwentong iyon, di sana’y tinatantanan na niya si Rhian. Hindi na sana siya tweet nang tweet ng kung anu-ano para lang patuloy na saktan ang kaniyang dating karelasyon.

Pero hindi naman ganoon ang nangyayari, patuloy pa rin ang pagsulat niya sa kung saan-saang networking site. Bukod sa pinagpipistahang video na itinuturing kunong diary ni Mo Twister ay marami pa siyang tweets ngayon na mas yumuyurak sa pagkatao ni Rhian Ramos.

Iyon ba ang taong nakapag-move on na raw, maligalig pa rin, banat pa rin nang banat sa kaniyang ex-girlfriend na halos ninakawan na nga niya ng buhay at kinabukasan dahil sa kumalat na video niya tungkol sa diumano’y “pagpatay” ni Rhian sa kanilang anak?

Pero may isang anggulong lumulutang ngayon kung bakit biglang nag-alsa-balutan si DJ Mo Twister papuntang New York. Sangkot sa usapin ang anak ng isang kilalang pulitiko, lumalabas na karelasyon ito ni Rhian Ramos na hindi niya matanggap-tanggap. Nagkagirian na pala sila nito sa telepono at nagkaroon na sila ng mga pagbabanta sa bawat isa.

Noong pakiusapan siya ng lalaki na tigilan na si Rhian ay buong-ningning pa raw na sinabi ni Mo, “You are not the senator, you’re just his son! If you want to kill me, come here! Alone, without bodyguards!”

Sabi ng aming source, “Hindi si Rhian ang dahilan ng pag-alis niya, kundi ang mismong anak ng isang pamosong mambabatas, hindi siya sasantuhin noon, hinding-hindi siya uurungan!”

Kilala namin ang lalaking kabanggaan ni Mo. Kung gaano katapang ang kaniyang ama ay ganoon din ito katapang. Maling puno ang kinahulan ni Mo. Siguradong magtatago si Mo Twister sa saya ng kaniyang nanay kung nabigyan sila ng pagkakataong magkasagupaan.

Bossing Vic Sotto – Napupusuan naman ngayon si Pauleen Luna

Napakaraming nang-uusisa sa amin ngayon kung gaano katotoo ang kuwentong kumakalat na magkarelasyon na sina Bossing Vic Sotto at Pauleen Luna. Dati na kaming tumututok sa Eat…Bulaga pero dahil sa kuwentong iyon ay mas nagiging mapagmasid tuloy kami ngayon kina Vic at Pauleen.

Sa biglang tingin ay wala namang masama kung magkagustuhan man sila, dalaga si Pauleen at si Vic Sotto naman, sa kabila ng mga babaeng dumaan sa kaniyang buhay at pagkakaroon ng mga anak ay malaya nang magmahal dahil wala naman itong sabit at pananagutan kaninuman.

Kung ang idadahilan naman ay ang malayong agwat ng kanilang edad ay hindi na kami lalayo. Nagsasalita tungkol doon ang matibay na pundasyon ng pagmamahalan nina Tito Dolphy at Zsa Zsa Padilla. Hindi kuwestiyon ang edad sa usapin ng pag-ibig.

Sa personal naming pananaw ay hindi pa sila magkarelasyon, pero totoong may pagtatangi si Vic Sotto kay Pauleen. Bakit naman magiging imposible iyon samantalang maganda na ay matalino pa ang dalaga at galing sa isang maayos na pamilya?

Kung nanliligaw nga si Vic kay Pauleen ay wala ring masama. Hindi krimen kahit kailan ang humanga at magmahal. Ang inaalala lang namin ay doon na magsisimula ang sakit ng ulo ng dalaga dahil sa kung anu-anong kuwentong lalabas tungkol sa kanila ni Bossing Vic.

Uunahan si Pauleen ng mga kontrobersiya, ihahalintulad siya sa mga nagdaang babae sa buhay ni Vic. Kung anu-anong istorya rin ang siguradong ilalabas ng mga taong may lihim na inggit sa kaniya.

Kung matibay ang bituka ni Pauleen ay puwede siyang pumasok sa ganoong relasyon. Pero kilala namin si Pauleen at ang kaniyang pamilya, balat-sibuyas ang kaniyang angkan na hindi magkakagusto sa mga ganoong balita.

Wala raw nakalulusot sa matinding karisma ni Vic Sotto. Marespeto kasi ang komedyante-TV host. Parang suplado lang pero maganda ang kaniyang puso. Pero baka sa unang pagkakataon ay may isang babaeng kakayaning umiwas sa mapanghalinang karisma ni Bossing Vic.

Si Pauleen Luna.

Shalani Soledad at Roman Romulo – Ikakasal sa Jan. 22

Abalang-abala na ngayon sina Congressman Roman Romulo at Konsehal Shalani Soledad para sa paghahanda sa kanilang nalalapit na pagpapakasal sa January 22, 2012.

Ayaw pang magbigay ng mga detalye ng co-host ni Willie Revillame sa Wil Time, Bigtime. Hanggang petsa lang daw muna ng kanilang kasal ang puwede niyang sabihin, dahil hindi pa kumpleto ang listahan ng kanilang wedding entourage.

Aminado naman ang konsehala-TV host na araw-araw ay kailangan nilang maglaan ng panahon ng kongresista ng Pasig City para makausap nila nang personal ang mga kinukuha nilang ninong at ninang sa kasal.

Ang tanong ng bayan ngayon ay kung ano ang magiging partisipasyon ni Willie Revillame sa pagpapakasal ni Shalani. Ayon sa dalaga ay may mahalagang bahagi sa kanilang kasal si Willie.

“Hindi namin siya malilimutan sa okasyon, siyempre,” makahulugang komento ni Shalani.

Pasadong-pasado sa pamilya ng dalaga ang kongresista, sabi nga ni Mommy Evelyn Soledad, “Marespeto siya, very low key, tanggap na tanggap namin siya sa aming pamilya.”

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback