Cristy Fermin

   Disyembre 1 - 15, 2011

 

 
 
KC Concepcion
 
 
KC Concepcion & Piolo Pascual
 
 
L-r: Sandra Chavez; TV5 President & CEO, Ray Espinosa;TV5 COO, Robert Barreiro and Viva's big boss, Vic Del Rosario
 
 
Nora Aunor
 
 
Janelle Manahan
KC at PioloPinagpipistahan ang isyu ng dahilan ng break-up

Sa palengke, sa eskuwelahan, sa talipapa, sa pondahan, sa parlor, sa bangko, sa opisina, sa golf course, sa restaurant, sa bingguhan, sa kahit saan ay isa lang ang isyung pinagpipistahan ngayon. Ang kabadingan ni Piolo Pascual!

Ang sikat na aktor na tinitilad ngayon na parang karneng pangbopis at pangmenudo ay nasa Japan. Kasama niya doon si KC Concepcion, pero siguradong may kani-kaniyang mundo sila doon.

Reaksiyon ng ating mga kababayan, wala talagang lihim na hindi lulutang sa takdang panahon, walang baho na maitatago habampanahon. Lalo na ngayon. Magkasunod na patagilid na kumpirmasyon ang naganap noong 27 ng Nobyembre tungkol sa matagal nang kuwestiyonableng kasarian ni Piolo, una ay si Sharon Cuneta sa Paparazzi Showbiz Exposed at si KC naman sa The Buzz.

Sabi nga ng mga nakakausap namin, ang dapat daw gawin ngayon ni Piolo kung hindi pa siya handang harapin ang situwasyon ay mamahinga na lang muna siya sa ibang bansa, bumalik na lang uli si Piolo kapag kalmado na ang dagat.

Pero may isa kaming nakakuwentuhan na nagsabing, “E ano ngayon kung bakla nga si Piolo, ano raw ang kaniyang pakialam? Ke anuman si Papa Piolo, e, type ko pa rin siya. Titilian ko pa rin siya, walang magiging pagbabago ang pagtingin ko sa kaniya!”

Noon pa sinasabi ng marami na parang si Piolo lang ang binibigyan ng pasaporteng maging bading pero mamahalin pa rin ng publiko.

Pero anuman ang sabihin ng iba ay makahihina sa kaniyang career ang mga ganitong ispekulasyon, lalo na’t parang napuno na si KC, kaya ito nakapagsalita na hindi ito ang hinahanap ni Piolo bilang karelasyon.

Umiiyak na sinabi ng dalaga na hindi nito naibigay kay Piolo ang kaniyang hinahanap. Kaya ang tanong ng mas nakararami, ano ba talaga ang hinahanap ni Piolo? Pareho lang ba ang hanap nila ni KC?

Kahit saan ka masuot ay isa lang ang masarap na pinagpipistahan ngayon sa bayan ni Juan. Iisa lang ang tanong na ibinabato nila sa langit: bading ba talaga si Piolo Pascual?

Totoo raw ba ang kuwentong kumakalat na nahuli siya ni KC sa isang situwasyong hindi na talaga kinaya pa ng dalaga, at kung totoo nga iyon, ay sino naman ang mahiwagang lalaking tinutukoy sa kuwento?

Nakakalungkot ito. Kahit siguro sa kaniyang panaginip lang ay hindi naisip ni Piolo na sa ganitong paraan pala magwawakas ang pagmamahalan nila ni KCang patagilid na pagsasabi ng batang aktres na hindi ito ang hanap niya at makapagpapaligaya sa kaniya, kundi iba.

Hindi ito tulad nang dati na puro kuwento-kuwento lang at basta haka-haka. Hindi mo na kailangan pang maging Cum Laude para lang mabasa mo ang katotohanan sa pagitan ng mga salita ni KC. Ibang-iba talaga ito.

Sharon CunetaKumpirmado! TV5 Kapatid na ang Megastar!

Kumpirmado! Opisyal nang Kapatid ang Megastar na si Sharon Cuneta! Pagkatapos ng mga patagilid na sagot sa mga tanong noon kung totoo bang hindi na siya nag-renew ng kontrata sa ABS-CBN dahil lilipat na siya sa TV5 ay heto, pumirma na ng limang-taong kontrata sa Kapatid Network ang Megastar.

Napakalaki na talaga ng ibinagsak ng timbang ni Sharon Cuneta. Harap-harapan naming nakita iyon sa panayam namin sa kaniya sa Paparazzi Showbiz Exposed.

“Hindi pa ito iyon! Mas liliit pa ako in a few months, ayoko naman kasing biglain ang pagpayat dahil may mga considerations ka ring dapat tingnan,” komento ng Megastar.

Aminado ang actress-singer-TV host na natagalan ang pagbabalanse niya sa mga bagay-bagay lalo na sa kaniyang emosyon bago siya tuluyang pumirma ng kontrata sa TV5.

“Hindi ganoon kadaling tumalikod sa isang bakuran na pinaglingkuran mo nang halos kalahati na ng buong buhay mo. Pero maayos ang naging paghihiwalay namin ng mga executives ng ABS-CBN, the night before akong pumirma sa TV5, nag-dinner pa kami,” paglilinaw ng Megastar.

Pinagtawanan lang ni Sharon ang komentong ipinagpalit niya sa isang bilyong pisong halaga ng limang-taong kontrata niya sa TV5 ang loyalty niya sa Dos.

“Saka limang taon ko pa makikita ang amount na iyon!” tawa nang tawang komento ni Sharon, kulang na lang na sabihin niyang sampung doble pa noon ang mayroon na siya ngayon, na mula sa kaniyang pinagpaguran nang maraming taon.

Ramdam na ramdam din namin ang matinding malasakit at pagmamahal ng Megastar sa kaniyang panganay na siKristina. Aminado ang Megastar na mula nang magkahiwalay sina KC at Piolo Pascual ay mas naging malapit sila ni KC.

“Napakabait ng anak ko, sobrang bait niya. Hindi siya palasumbong, hindi siya nagsasalita sa akin, ayaw na niya akong abalahin pagdating sa personal problems niya.

“Ayaw na raw niyang magsalita at magsumbong sa akin, dahil baka makapatay lang daw ako!” nagbibiro niyang pahayag. Makahulugan ang birong iyon, punumpuno ng laman, pero hanggang doon lang ang sinabi ni Sharon at pumreno na siya sa pagsasalita.

Inamin din ni Sharon na hindi sila ganoon ka-close ni Piolo. Alangan daw naman kasing siya pang nanay ni KC ang kikilos at gagawa ng paraan para maging close lang sila, sa argumentong iyon ay maraming kakampi ang Megastar.

Noong maghiwalay kami pagkatapos nang ilang oras ay isa lang ang naisip namin. Napakasuwerte ni Piolo Pascual dahil kahit mahal na mahal ni Sharon ang kaniyang anak na nasasaktan ngayon ay marunong na siyang humawak ng kaniyang emosyon.

Ayaw niyang humusga agad dahil artista rin siyang nahuhusgahan nang walang kalaban-laban. Marami siyang gustong sabihin. Gusto niyang idepensa nang husto ang kaniyang panganay, pero dahil may taong mawawasak ang imahe ay sasarilinin na lang muna niya ang lahat-lahat.

Pero isang bagay ang malinaw. May alam si Sharon Cuneta. Inuulit namin, alam ni Sharon Cuneta ang katotohanan.

Nora Aunor – Dedma ang inabot mula kay Ma’m Charo

Isang malaking gabi ng rebelasyon ang katatapos lang na Star Awards for Television dahil nang bigyan ng standing ovation ang Superstar na si Nora Aunor para sa kaniyang espesyal na award ay kitang-kitang hindi tumayo ang dalawang ehekutibo ng ABS-CBN na sina Charo Santos at Cory Vidanes.

Hindi naman umiirap ang magkumare, basta dedma lang sila. Habang nakatayo ang mga nandoon sa bulwagan ay prenteng-prente lang silang nakaupo. Iyon ang kanilang saloobin at mauunawaan naman kung bakit ganoon ang kanilang ipinakita.

Kung matatandaan, nang maging Kapatid si Nora Aunor ay binanggit nito sa isang panayam na yumabang na si Ma’m Charo, malaki na raw ang ipinagbago ng ehekutibo ng Dos, samantalang dati ay artista lang nila sa NV Productions ang presidente ng ABS-CBN ngayon.

Natural, nasaktan si Ma’m Charo. Gusto niyang sabihin na paano masasabi ni Nora Aunor na nagbago na siya, samantalang binigyan naman nila noon ng tele-serye ang Superstar, kaya lang ay mismong staff na ng produksiyon ang nagrereklamo?

Sabi ng aming source na taga-Dos, “Hindi siya darating sa taping hanggang hindi naidedeposito ang talent fee niya. Kapag pumasok na sa ATM niya ang amount, saka lang siya pupunta.

“Natural, napakalaking abala noon sa production, hindi sila nakatatapos ng mga eksena on time kaya noong mapuno na ang staff, nagsalita na sila sa management,” kuwento ng aming impormante.

Sa isang pagkakataong napakaraming mga matang nakatutok sa kanila ay nagpakita ng disgusto ang magkumareng ehekutibo ng Dos. Wala talaga silang pakialam, nakaupo lang sila habang binibigyan ng standing ovation ang Superstar.

Hindi puwedeng hindi makita iyon dahil nakaupo sila sa mismong harapan ng entablado. Kitang-kita na silang dalawa lang ang nakaupo karamay ang iba pa nilang kasamahan mula sa network, kaya siguradong nakita rin iyon ng Superstar.

Janelle Manahan – Nabuhay para mabigyan ng katarungan si Ramgen

Hanggang ngayon, kahit isang linggo na ang nakaraan mula nang ipinalabas ang kaniyang pagsasalita sa unang pagkakataon sa Paparazzi Showbiz Exposed, ay napakarami pa rin naming tinatanggap na mensahe ng pakikisimpatya kay Rosario Quintano.

Si Ayong ang dakilang ina ni Janelle Manahan, ang girlfriend ng pinaslang na si Ramgen Revilla, na nabaril din nang walang kalaban-laban sa naganap na krimen.

Walang inang hindi makikiluha sa pinagdadaanan ngayon ni Ayong, may sundot sa puso ang kaniyang sinabi na kung puwede lang sana niyang ipahiram ang kaniyang mga ugat kay Janelle ay gagawin niya, para siya na lang ang masaktan sa kung ano-anong suwero at gamot na isinasaksak sa kaniyang anak.

“Hindi pa siya puwedeng magsalita ngayon, makasasama iyon sa jaw niya, malilihis kasi. Nag-undergo na siya ng second operation, hindi na siya nilagyan ng titanium plates, kumuha na lang ng laman ang mga doctors sa tagiliran niya.

“Iyon ang significance noong isinulat na ‘Ramgen Revilla Forever’ ni Ramgen sa left hips niya bago siya namatay, parang itinuro niya kay Janelle kung ano ang dapat gawin sa nangyari sa kaniya,” lumuluhang kuwento ni Ayong.

Matinding sakit ng loob ang dinadala ngayon ni Ayong dahil ang kaisa-isa niyang anak na ni ayaw niyang padapuan sa lamok noong sanggol pa ay heto, nakikita niyang iyak nang iyak, dahil sa tama ng balang pumasok sa ilalim ng kaliwang mata ni Janelle na lumabas naman sa ilalim ng kaliwang bahagi ng tenga ng dalaga.

“Nakaupo raw siya sa office chair noong may kumatok, nu’ng buksan niya ang door, si Ramona ang nandoon, kasunod niya na ang dalawang nakamaskarang lalaki.

“Naka-text pa siya sa akin after na mabaril siya, nagpapadala siya sa akin ng ambulance. Hindi ko na alam ang gagawin ko noon, iyak na lang ako nang iyak at nanginginig ang buong katawan ko,” dagdag na kuwento pa ni Ayong Quintano.

Napakahalaga ni Janelle Manahan sa ginagawang imbestigasyon tungkol sa pagkapaslang kay Ramgen Revilla, kailangang-kailangan ang dalaga at ang kaniyang mga ibibigay na pahayag, bilang kaisa-isang saksi sa naganap na patayan.

Mommy Dionisia – Nagpapalakas lang ang ina ni Pacman

Walang katotohanan ang mga kuwentong lumalabas na malubha ang sakit ni Mommy Dionisia Pacquiao kaya hindi siya nanood ng laban ni Pacman kay Marquez sa Las Vegas at hindi siya napagkikita ngayon.

Marami kasing naninibago sa pananahimik ni Mommy Dionisia, lalo na sa mga panahong ito na nangangailangan ng dedepensa sa kaniyang boksingerong anak na napapaaway. Nasaan nga ba ang dakilang ina ni Pacman at ano ang kundisyon ng kaniyang pangangatawan ngayon?

Pagdidiin ng aming source, “Kung totoong malubha ang sakit ni Mommy D, siguradong hindi maitatago iyon, malalaman natin iyon, dahil nanay siya ni Pacman.

“Hindi totoo iyon, humina lang ang katawan niya lately, dala na rin iyon ng pagkakaedad niya, kaya hindi siya active ngayon. Nothing serious, kayang-kaya ni Mommy Dionisia ang sakit niya. Tulad ng anak niya, tao lang si Mommy D, bumabagsak din paminsan-minsan,” paliwanag ng makasaysayang si Bernard Cloma.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback