Cristy Fermin

   Oktubre 16 - 31, 2011

 

 
 
Bea Binene
 
 
KC Concepcion & Piolo Pacual
 
 
Derek Ramsay
 
 
Atty. Mike Templo
 
 
Gelli de Belen
 
 
 
Alex and Toni Gonzaga
 
 
Gabby Concepcion
Bea BineneMaganda na’y magaling pang artista

Pagkatapos naming mag-live sa Juicy Express at manood ng Balitaang Tapat ng TV5 ay lumilipat na kami sa Eat…Bulaga! ng Tito, Vic and Joey. Paborito rin namin sina Jose at Wally. Aliw na aliw kami sa kanila, masarap silang gawing ulam sa pananghalian.

Tinutuhog namin ang panonood sa Pahiram Ng Isang Ina, tinatapos namin iyon bago kami bumalik sa TV5 para sa aming programa sa radyo nang alas kuwatro.

Maganda ang daloy ng kuwento, mabilis ang mga eksena. Gusto rin namin ang mga personalidad na gumaganap sa panghapong serye. Doon namin nakilala si Bea Binene na ang ganda-ganda na ay magaling pang umarte. Sana’y magtuluy-tuloy ang mga proyekto ng batang ito.

Noong una ay hindi kami pasable sa ipinakikitang pagganap ng young actor na si Jake Vargas, sabi nami’y guwapo lang siya, pero mukhang wala namang ilalabas.

Pero habang tinututukan namin ang palabas ay napapansin namin, nakikipagsabayan na ang bagets. Mapagkakatiwalaan na siya sa mga seryosong eksena kasama si Carmina Villaroel.

Ngayon ay hinahanap-hanap na namin si Jake sa mga eksena, nakukulangan na kami kapag wala siya sa kuwadro, tanda na hindi na kami naiilang na panoorin siya.

KC Concepcion – Wala na ba sila ni Piolo?

Habang naghihintay ng kaniyang boarding time si KC Concepcion ay palihim na nakatingin sa kaniya ang ating mga kababayan. Kahit ang mga empleyado ng NAIA ay gandang-ganda sa dalaga, wala raw mali sa kaniyang mukha, pero ramdam nila ang kalungkutang bitbit ni KC sa kaniyang pag-alis.

Mas nabuo sa kanilang isip na totoo raw sigurong tapos na ang relasyon nila ni Piolo Pascual. Iyon din ang damdamin ngayon ng mga taga-showbiz, hiwalay na sila, kaya umalis ang dalaga para makapag-isip-isip at hanapin ang kaniyang sarili sa ibang lupain.

Tanong ng isang nakausap namin, “Baka naman kasi pati sa girlfriend niya, eh, pinaiiral din ni Piolo ang pagiging carefree niya? Baka totoo iyong kumalat na kuwento noon na bago magpunta si KC sa work place ni Piolo, eh, kailangan pa muna niyang magpaabiso na darating siya?

“Kung totoo iyon, ano naman kaya ang dahilan? Meron bang itinatago sa kaniya si Piolo? Ibig sabihin, hindi pala uso sa kanila ang surprise visit na mas nagpapa-healthy sa relasyon?

“Bakit kailangan pa niyang magpaalam, bakit meron pang ganoon, eh, magkarelasyon naman sila? Bakit may mga bawal-bawal, anong klaseng relasyon ba mayroon sila?” pang-uusisa ng aming kausap.

Isang makahulugang tanong iyon na ang tanging makasasagot lang ay ang mga taong sangkot sa relasyon, sina Piolo at KC lang, wala nang iba pa.

Derek Ramsay – Napakalakas ng hatak sa box office

Maraming nagsasabi na hindi na solo ngayon ni John Lloyd Cruz ang takilya dahil sa ipinakitang lakas ni Derek Ramsay sa huli niyang pelikula. May mga kaibigan kaming laging umuuwing luhaan dahil sarado na sa mga sinehang gusto nilang panooran ng No Other Woman ni Derek, soldout na ang tickets. Lalo tuloy silang nananabik sa guwapong aktor.

Wala namang humpay ang pagkukuwento sa amin ng mga nakapanood na, dinadambana ngayon ng mga kababaihan at kabadingan ang boyfriend ni Angelica Panganiban, si Derek Ramsay raw ang yummiest actor ngayon sa ating bayan.

Kung ilarawan naman ng mga nakaiintindi sa pagpapatakbo ng negosyo ng pagpepelikula ang proyekto ni Derek Ramsay na kasama sina Anne Curtis at Cristine Reyes ay certified box office wonder, sobra-sobra raw kasi sa inaasahan ang kinita ng pelikula, si Derek Ramsay ang sinasabing naging susi sa sobrang lakas nito sa mga sinehan.

Lalaking-lalaki kasi ang bulto ni Derek, amoy-lalaki rin siya, lahat-lahat sa kaniya ay lalaking-lalaki kaya ganoon na lang ang pagkahumaling sa kaniya ng mga kababaihan at kabadingan.

Atty. Mike Templo – “Cutest newsman” ayon sa survey

Biglang dumami ang tagahanga ng tinaguriang heartthrob ng departamento ng News And Current Affairs ng TV5 na si Attorney Mike Templo ng Sapul Sa Singko at Aksyon.

Naka-one-on-one namin ang guwapong newsman sa Paparazzi Showbiz Exposed noong nakaraang Linggo nang hapon, pinagpapawisan siya nang maupo para sa aming panayam, pero kilig na kilig pa rin ang studio audience dahil hindi iyon nakabawas sa kaniyang kakisigan.

Sa mga hindi pa nakakaalam, si Attorney Mike ay bunsong anak ng dating aktres na si Mildred Ortega sa mister nitong militar na si General Mitch Templo, nagtapos ng B.S. Philosophy sa UP-Diliman ang guwapong newscaster at kumuha ng Law sa ibang bansa, isa na siyang Immigration Lawyer ngayon.

Si Attorney Mike Templo rin ang hinirang na Cutest Newsman sa isang survey, ibig sabihi’y aktibo talaga ang kaniyang mga piping tagasuporta sa hanay ng mga kababaihan at kabadingan, dahil para sa kanila ay pinakaguwapo naman talagang newsman ngayon ang batambatang abogado.

Gelli de Belen – Kapatid na ngayon ang dating Kapuso

Kumpirmado na ang paglipat ni Gelli de Belen sa TV5 at nagsimula na siyang mag-taping para sa isang cooking show.

Noon pa napapabalita ang paglundag ni Gelli mula sa Siyete papunta sa Dos, pero hindi iyon nangyari, nasa TV5 na siya ngayon at bukod sa kaniyang cooking show ay makakasama rin si Gelli sa iba pang programa ng TV5.

Saludo kami kina Ariel Rivera at Gelli de Belen pagdating sa pagpapamilya, sila mismo ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa kanilang mga anak, hands on ang mag-asawa mula nang magkaanak na sila.

Kung kailan susunod kay Gelli ang sister niyang si Janice ang hinihintay ngayon ng marami, sanggang-dikit kasi ang magkapatid, kaya hindi malayong isang araw ay nasa TV5 na rin ang kaniyang ate.

Vice Ganda – Hindi raw iiwan si Ogie

Kumalat ang balita na iiwan na ni Vice Ganda bilang manager si Ogie Diaz. Ang kuwento pa nga ay lilipat na raw sa Backroom si Vice Ganda, ang talent management agency na iniwan ng tagapamuno nito, pero ayon naman sa komedyante ay walang ganoong senaryo.

Wala man silang kontratahan ng kaniyang manager na si Ogie ay hindi raw niya ito tatalikuran. Maraming salamat naman kung ganoon, dahil sa tanggapin at sa hindi ni Vice Ganda ay nagbago ang mukha ng kaniyang karera mula nang hawakan siya ni Ogie Diaz.

Dati’y napapanood lang siya sa mga comedy bars, marami na siyang tagapanood-tagasuporta doon, pero mas lumawak ang kaniyang mundo nang pasukin na niya ang mundo ng telebisyon at pelikula.

Alex Gonzaga – Natural na komediyante

Nagkasukatan ng kapasidad ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga noong nakaraang concert ng singer-actress sa Smart Araneta Coliseum. Guest lang si Alex bilang suporta sa kaniyang ate, pero umagaw siya ng atensiyon ng manonood.

Hindi raw pilit ang lahat, basta bato lang nang bato ng kaniyang dayalog si Alex, pero pakiramdam ng mga ito ay wala na sa script ang kaniyang mga pinagsasasabi.

Tulad na lang noon may sinasabi si Toni kay Alex, agad na nagbigay ng reaksiyon ang magaling na young actress-TV host, “Sandali, ang laki ng panga mo!”

Noong sabihin naman ni Toni na bigyan ito ng kahihiyan dahil nanonood ang kaniyang mga boss sa ABS-CBN ay napakabilis gumiling ng utak ni Bunso at ang kaniyang sabi, “Saan ka ba nagko-concert ngayon?”

“Sa Araneta!” agad namang tugon ng kaniyang ate. Ang biglang lumabas sa bibig ni Alex, “Hindi mo ba alam na nabili na ng boss ko (MVP) ang lugar na ito…kapatid?”

Parang de-susi kasi si Alex sa pagkokomedya, oras na nagsimula na siyang magpatawa ay tuloy-tuloy na iyon, maloloka ka na lang sa mga susunod pa niyang gagawin.

Gabby Concepcion – Kasundo na muli si Mommy Rose

Nakakuwentuhan namin si Mommy Rose Flaminiano noong isang gabi. Nagkaayos na talaga sila ni Gabby Concepcion, siya na uli ang tumatayong manager ng aktor ngayon, pumirma na ng kontrata sa TV5 si Gabby.

Ayon kay Mommy Rose ay tatlong taong guaranteed contract ang pinirmahan nila ni Gabby sa Happy Network, ang unang proyekto ni Gabby ay ang P.S. I love You na pinagbibidahan nina Alex Gonzaga at Kean Cipriano, iyon ang matagumpay na pelikulang pinagtambalan nila noon ni Sharon Cuneta.

Ayaw nang magdetalye pa ni Mommy Rose tungkol sa naging dahilan ng pag-aayos nila ni Gabby, pero dumaan sila sa mediation ng korte, sana nga’y maging matagumpay na ang kanilang relasyon ngayon bilang manager-talent.

Ingatan na sana ni Gabby Concepcion ang muli nilang pagkakasundo ng kaniyang manager, pahalagahan na sana nito ang malalaking bagay na nagawa para sa kaniya ni Mommy Rose Flaminiano, makipagkilala na sana si Gabby sa salitang utang na loob.

Nadia Montenegro – Idinemanda si Annabelle Rama

Dati’y sanggang-dikit sila. Palaging magkasama. Pero ang samahan nga sa showbiz ay walang katiyakan. Ganoon mismo ang nangyayari ngayon sa dating magandang pagkakaibigan nina Tita Annabelle Rama at Nadia Montenegro, hindi lang umasim ang kanilang samahan, humantong pa iyon sa demandahan.

Masamang-masama ang loob ni Ruffa Gutierrez noong Linggo nang hapon sa Paparazzi Showbiz Exposed. Lutang na lutang ang galit niya kay Nadia Montenegro, ayon kay Ruffa ay ipinagpilitan lang naman ni Nadia na alagaan ng kaniyang mommy ang mga anak nito.

“Kumontra na kami ni Raymond doon, we told her na huwag na lang, kasi nga, ang dami-dami na niyang inaalagaang artista. Pero tinalo na naman si Mommy ng kagustuhan niyang makatulong, tinanggap niya pa rin ang pakiusap ni Nadia na alagaan ang mga anak niya,” pasakalye ni Ruffa tungkol sa namamagitang away ngayon sa kaniyang ina at kay Nadia.

Galit ang mga anak ni Tita Annabelle kay Nadia dahil sa kabila ng ginawang pagtrato ng kanilang ina bilang parang mga tunay na anak sa mga anak ni Nadia ay heto, ang kanilang ina pa ang inaasunto ngayon ni Nadia sa kasong child abuse, senaryong hindi nila matanggap.

Ganoon din ang naging pahayag ni Raymond, maaari raw tawagin ang kaniyang ina sa iba’t ibang pangalan, pero never itong mahuhusgahang child abuser.

Naging alaga ni Tita Annabelle sa kaniyang Royal Era Productions ang mga anak ni Nadia na sina Annika at Alyanna. Nagkaroon ng mga shows sa TV5 ang magkapatid dahil sa pakikiusap ni Tita Annabelle, pero doon pa pala mag-uugat ang kanilang hidwaan.

Ang bintang ni Nadia ay pinagtatrabaho diumano ni Tita Annabelle ang kaniyang mga anak nang napakahabang oras na ipinagbabawal ng batas, napabayaan daw tuloy ng magkapatid ang kanilang pag-aaral, paghusgang kinontra agad ni Tita Annabelle.

Sa kaniyang panayam sa Showbiz Central noong Linggo nang hapon ay mayroon agad pasubali ang giyererang ina ng magkakapatid na Gutierrez, “Alam mo Sweet, ayoko na sanang sagutin ang isyung ito dahil ang kalaban ko, no name! Wala na siyang pangalan, wala na siyang career!

“Pero dahil pinagbibintangan niya ako ng kung anu-ano, sasagutin ko ang mga pinagsasasabi niya. Ang sabi ni Nadia, pinagtatrabaho ko raw nang sobra-sobrang oras ang mga anak niya. Bakit, bida ba ang mga anak niya sa mga shows kung saan ko sila inilagay?

“Hindi naman sila bida, ni hindi nga sila matatawag na support, nandoon lang sila! Best friend sila ni ganito at ganiyan, kung anu-ano lang, kaya bakit kailangan silang magbabad sa taping?” pahayag ni Tita Annabelle.

Bilang patotoo kung gaano kalaki ang naitulong niya kay Nadia Montenegro sa usaping pinansiyal ay ipinakita pa ni Tita Annebelle ang isang pares ng hikaw na isinangla sa kaniya ni Nadia.

“Heto ang isang pares ng hikaw na isinangla niya sa akin noon, walang tubo iyan, three years na ngayon noong isangla niya ito. Noong mag-birthday si Boy (Asistio), wala silang pera, nangutang din siya sa akin noon, wala ring tubo iyon!

“Masama pa ba ako sa mga ginawa ko para sa kaniya? Ngayon, kailangan niyang tubusin ang hikaw na ito, bayaran niya ang lahat ng mga utang niya sa akin, may tubo na, may interes na, tatlong taon!” pagsasara ni Tita Annebelle.

Wala pa sa katanghalian ang istoryang ito, nagsisimula pa lang, dahil matapang na haharapin ni Tita Annebelle ang kasong child abuse na isinampa ni Nadia laban sa kaniya.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback