Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHulyo 1-15, 2021

      Nadine Lustre
Nadine Lustre
  korina.pepe.pilar
 
Korina Sanchez, Pepe & Pilar
  Alwyn Uytingco & Jennica Garcia
 
Alwyn Uytingco & Jennica Garcia
  Bugoy Drilon
 
Bugoy Drilon
  Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Darren Espanto
 
Darren Espanto
  Pokwang
 
Pokwang
  Julia Barretto
 
Julia Barretto
  Jodi Sta. Maria
 
Jodi Sta. Maria
  Marjorie Barretto & kaniyang mga anak
 
Marjorie Barretto & kaniyang mga anak
  Jomari Yllana & Priscilla Almeda
 
Jomari Yllana & Priscilla Almeda
  Willie Revillame & John Lloyd Cruz
 
Willie Revillame & John Lloyd Cruz
  Benigno “Noynoy” Aquino III & Kris Aquino
 
Benigno “Noynoy” Aquino III & Kris Aquino
  James Yap
 
James Yap

Nadine Lustre – Mahirap and sitwasyon ngayon

Hanggang taong 2029 pa pala ang kontrata ni Nadine Lustre sa Viva Artists Agency (VAA). Napakaraming tulog at gising pa noon, napakahabang paghihintay, kaya ginusto na niyang makaalpas sa pangangalaga ng kaniyang management agency.

Dininig ang kasong isinampa niya laban sa VAA. Hindi pa tinalakay kung hanggang 2029 ay epektibo pa rin ang kaniyang kontrata pero ayon sa husgado ay hindi maaaring tumanggap ng anumang trabaho si Nadine nang hindi dumadaan sa kumpanya.

Tuloy pa rin ang mga tinanguan niyang trabaho, pero kukuha nang kuwarenta porsiyentong kaltas ang VAA, na nakasaad sa kaniyang kontrata.

Pero hindi kinatigan ng korte ang kagustuhan ng VAA na kunin ang kaniyang mga ari-arian at naipong halaga mula sa kaniyang kinita sa kumpanya. Naipanalo ‘yon ni Nadine na sa pananaw ng marami ay nararapat lang naman.

Mahirap ang sitwasyon ngayon ni Nadine. Kalayaan mula sa Viva Artists Agency ang kaniyang hangad pero mahabang usapin pa ang kailangang takbuhan noon.

Titilarin siyempre ng husgado ang nakasaad sa pinirmahan niyang kontrata, hihimayin ang mga detalye, at saka pa lang magdedeklara ang husgado kung maaari na siyang makaalis o kailangan pa rin niyang mamalagi sa pamamahala ng VAA.

Iba ang kaso ni James Reid. Binili nito ang kaniyang kontrata sa VAA. May kasamang abogado si James at ang kaniyang ama nang makipagtuos sila sa VAA.

Pamilyar na kami sa ganitong klase ng problema ng mga artista. Ang karaniwang nangyayari ay binibili na lang ng personalidad ang kaniyang kontrata para makaiwas sa demandahan.

Mahirap nga namang makipagbanggaan sa malalaking kumpanya, pader silang naturingan, kaya ang nabubukulan ay ang artista sa paghahain ng kaso.

Maraming nanghihinayang sa dapat sana’y itinakbo na ng career ni Nadine kung hindi lang siya nagdemanda sa VAA. Pero siguradong pinag-isipan niya namang mabuti ang kaniyang legal na aksiyon bago siya nagdesisyon.

Negosyo ang pagpapasikat sa artista. Namumuhunan ang kumpanya kaya hindi sila makapapayag na basta-basta na lang masayang ang kanilang ipinuhunan.

Korina Sanchez – Lalong bumabata and itsura

Parang tinakaw lang ng kapalaran si Korina Sanchez nang mag-season break ang kaniyang programang Rated Korina. Kung saan-saan din siya nagpunta. Puro trabaho pa rin ang ginawa niya dahil balik na naman siya sa himpapawid.

Kapag nagtatrabaho siya ay kailangan niyang mag-quarantine para sa kaligtasan ng kaniyang mag-aama. Hindi muna siya umuuwi. Si Kuyang Mar ang tumitingin sa kanilang mga anak na sina Pepe at Pilar, ganoon ang ikot ng kanilang buhay.

“Sobrang magkaiba ang mga anak ko, ‘yong lalaki, malambing, pero ang babae, may katarayan. Mukhang may pinagmanahan!” tumatawang kuwento ng magaling na news personality.

Hindi nila kinakausap sa Ingles ang kambal. Napakatatas magsalita ng mga ito ng Ilonggo dahil sa kanilang ama. Kapag umuuwi nga raw siya at nag-uusap ang kambal ay hindi na niya maintindihan ang mga sinasabi nina Pepe at Pilar.

Wala na siyang mahihiling pa sa takbo ng kaniyang buhay ngayon. Mayroon siyang karerang hindi niya maaaring talikuran dahil mahal na mahal niya.

Pinupuri ng mga kababayan natin ang kaniyang itsura ngayon dahil sa halip na magmukha siyang tumatanda dahil sa pagdaraan ng panahon ay parang mas bumabata pa nga siya.

At nandiyan sina Kuyang Mar, sina Pepe at Pilar na inilalarawan niya bilang suwero sa mga panahong sobra ang pagod niya sa pagtatrabaho.

“Simple lang. Kung saan-saan ako nagpupunta para sa mga materials ko sa Rated Korina nakikita ko ang takbo ng buhay ng mga kababayan natin. Sobrang hirap ang dinadanas nila.

“Sino ako para magreklamo pa sa buhay? Nakararaos tayo kahit paano, pero milyun-milyon ang nagdarahop sa buhay. Kapag naiisip ko ang buhay nila, e, isa lang ang nasasabi ko – we’re so blessed,” pahayag ng matapang, magaling at may paninindigang news personality.

Alwyn Uytingco – Handang maghintay, bumalik lang ang asawang si Jennica

Mula sa mahabang panahon ng pananahimik ay unti-unti nang naglalabas ng emosyon si Alwyn Uytingco tungkol sa paghihiwalay nila ni Jennica Garcia.

Nag-post ng mensahe ang aktor para sa ina ng kaniyang mga anak. Hindi lang mahusay na artista si Alwyn, magaling din siyang magsulat. Tumatawid sa publiko ang mensahe niya para kay Jennica.

Ang ganda-ganda ng kaniyang mensahe. Alam mong mula ‘yon sa puso. Umaasa siyang isang araw ay magiging kakampi rin nila ang panahon para sa kanilang pagbabalikan.

Ayon kay Alwyn ay hindi siya nagmamadali. Handa siyang maghintay dahil marami pa silang pagdadaanan ni Jennica bago matupad ang kaniyang hiling.

Hindi raw siya mangingiming tawirin ang tulay kahit ikamatay pa niya dahil alam niya na sa dulo noon ay si Jennica at ang dalawa nilang anak ang sasalubong sa kaniya.

Kung mahina-hina lang ang loob ni Jennica ay madadala ito sa masuyong mensahe ni Alwyn. Hindi magiging imposible ang kanilang pagbabalikan.

Pero nang mabasa ni Jean Garcia ang mensahe ni Alwyn ay ito ang sumagot. Sabi ni Jean sa kaniyang post, “It’s time to say goodbye. You can love someone with all your heart, but if they (sic) are not going to be a (sic) good person for you in your life… then it’s time to say goodbye.”

Ano raw? Madaling intindihin ang saloobin ni Jean bilang ina ni Jennica na nagmamahal at nagmamalasakit lang sa kaniyang anak at apo. Pero maraming hindi nagkagusto sa panghihimasok ni Jean sa relasyon nina Alwyn at Jennica.

Sabi ng isang nagbigay ng opinyon, “Para namang hindi dumaan sa kabataan si Jean! Mas matindi pa nga diyan ang mga naging issue niya noon! Pabayaan niyang magdesisyon ang anak niya. Bakit, puso ba niya ‘yon?”

Kahit naman harangan ng sibat ni Jean ang kaniyang anak ay walang magagawa ang aktres kapag puso na ang pinairal ni Jennica. Hanggang sa paggabay lang naman ang magagawa ng magulang, hanggang sa pagmamalasakit lang, pero ang puso pa rin ng anak ang nasusunod.

Bugoy Drilon – Break na sa karelasyong taga-Germany

Paboritong imbitahan ni Willie Revillame para sa Wowowin-Tutok To Win sina Bugoy Drilon, Michael Pangilinan at Kris Lawrence. Magagaling naman kasi sila at ayon kay Willie ay wala silang karate-arte sa katawan.

Sabi ng staff ng show, “Si Kuya Wil pa naman, magaan ang loob niya sa mga personalities na madaling kausapin. E, ‘yong tatlo, isang tawag lang niya, okey na agad.”

Isang hapon ay natiyempuhan naming umiiyak si Bugoy Drilon. Napakasakit ng iyak ng magaling na singer. Pagdating pa lang daw niya sa studio ay napansin na agad ng mga staff na napakalungkot ni Bugoy.

Nalaman ni Willie ang dahilan. Nag-break pala si Bugoy at ang kaniyang karelasyon na nasa Germany. Long distance relationship ang namagitan sa kanila. Noong araw na ‘yon ay napagdesisyunan na nilang maghiwalay, kaya iyak nang iyak si Bugoy.

Ang dami-daming nagtawagan at nag-text sa amin, bakit daw ganoon na lang ang iyak ni Bugoy. Straight English pa raw kung sumagot ang singer sa mga tanong ni Willie.

Tanong ng isang kaibigan, “Parang ngayon lang naman natin nalaman na mayroon palang karelasyon si Bugoy? Naguguluhan lang ako. Babae o lalaki ba ang naka-break niya?”

Pang-uusisa naman ng isa pang nakausap namin, “Naguguluhan lang ako sa mga sinasabi ni Bugoy na ibinigay na raw niya ang lahat, “I have given everything, but my love was not reciprocated,” sabi pa ni Bugoy.

“Pakitanong nga kay Willie kung babae o lalaki ang sinasabi niyang German na nakahiwalay niya?” matindi ang reaksiyon ng aming kausap.

Nakakaloka. Halos umiyak na ng palakol si Bugoy Drilon. Napakasakit na ng kaniyang emosyon dahil sa hiwalayan pero ang nagmarka sa manonood ay kung ano ba ang gender ng nakahiwalay niyang Aleman.

Sharon Cuneta – Sinagad na ang pagbabakasyon sa Amerika

Isinasagad na ni Sharon Cuneta ang kaniyang pagbabakasyon sa Amerika. Matatagalan na naman kasi bago siya makaalis uli, by appointment na naman daw ‘yon ayon sa Megastar, kaya ninanamnam na niya ang pagkakataon.

Marami siyang inaasikaso sa Amerika. May property siyang hinahanap para sa pag-aaral doon nina Kakie at Miel. Binibisita ni Sharon ang kaniyang mga kaibigang dekada na niyang hindi nakikita.

Dito naman ay isinasagad din ng kaniyang mga bashers ang pagkokomento nang negatibo. Umalis lang daw ang Megastar dahil laos na siya. Hindi raw niya matanggap ang kaniyang sitwasyon.

‘Yon ang nagpapatunay na kahit wala dito si Sharon ay nakapang-aagaw pa rin siya ng atensiyon ng mga trolls at bashers na nangangahulugan lang na nasa gitna pa rin siya ng aksiyon. Sikat na sikat pa rin siya. Malayo pa ang panahon ng paglamlam ng kaniyang bituin. Kung laos na ang Megastar ay hindi na dapat siya pinag-uusapan.

Pero napakaabala pa rin ng mga makinarya ng fake news tungkol sa kaniyang personal na buhay. Nandoong binugbog siya ng kaniyang mister kaya nangibang-bansa siya. Mga istoryang puro imbento lang at kasinungalingan.

Habang hinuhusgahan ng kaniyang mga bashers si Sharon Cuneta bilang laos nang artista ay lalo lang nilang pinaiinit ang karera ng Megastar.

Pinagtatawanan na lang niya ang mga salitang ibinabato laban sa kaniya. Alam na alam niya kasi na ang poot at galit ay isang kulungan na nagpapahirap sa atin dahil sa kagagawan ng ibang tao, kaya deadma na lang siya.

Darren Espanto – May bagong show sa TV5

Sa Calgary, Alberta, Canada, ipinanganak at lumaki ang magaling na singer na si Darren Espanto. Sinuportahan ng kaniyang mga magulang ang hilig niyang kumanta kaya umuwi sila dito para makapag-audition si Darren sa The Voice.

Nakarating siya sa grand finals at hindi man siya ang tinanghal na champion ay pinalad siyang makilala at mahalin ng ating mga kababayan dahil sa kaniyang husay sa pagkanta.

Naging guest namin sina Darren at Adrianna So sa Cristy Ferminute. Ibang klase ang suporta sa kaniya ng grupong Darrenatics. Nakasunod sa kaniya ang mga kabataang tagasuporta niya na handa siyang ipaglaban kahit kanino at kahit saan.

Magkasama naman sila ni Adrianna sa bagong show ng TV5, ang TNT Pop Show. Nasa pangangalaga na ngayon ng The IdeaFirst Company ang maganda at magaling mag-host na si Adrianna.

Saludo kami sa disiplina ng magaling na singer. Hindi siya ipinaglihi sa patola. Hindi siya mapagpatol sa panggugulo sa kaniya noon ng isang singer din na itinuring pa naman niyang kaibigan.

Basta nakatutok lang si Darren sa kaniyang singing career. Sa paminsan-minsan niyang pag-arte, hindi niya sinasayang ang kaniyang panahon sa pagpatol sa mga isyung wala namang positibong maidadagdag sa kaniyang mga pangarap.

Hindi na namin kailangan pang makilala nang personal sina Lyndon at Marinel. Sa ugali pa lang at disiplinang pinaiiral ni Darren na walang kayabang-yabang at mapagkumbaba ay parang nakilala na rin namin sila bilang mga magulang.

Pokwang – Isa nang Kapuso

Sa isang panahon na problemado ang maraming artista sa katumalan ng trabaho ay saka naman pinagbuksan ng langit ng mga biyaya si Pokwang.

Natural lang na sa pagiging Kapuso na niya ngayon ay nakakatikim siya ng mga pambabato, ng paghusgang wala siyang utang na loob. Pikit-mata niya na lang na tinatanggap ang mga ganoong pananakit.

Ang hindi lang maganda ay kapos sa pagsasaliksik ang mga bashers ni Pokwang. Maling-mali ang kanilang iniisip na ngayon lang naganap ang transaksiyon ng paglipat niya sa GMA-7.

Wala pang pandemya ay nagbigay-respeto na siya sa mga ehekutibo ng Star Magic at ng ABS-CBN kung puwede siyang gumawa ng proyekto sa ibang istasyon.

Nagpaalam siya. Bumusina siya. At binigyan naman siya ng kalayaang makapaghanapbuhay sa labas ng network kung saan siya nagsimula.

Siya mismo ang nag-alok ng kaniyang sarili sa GMA-7. Dalawang taon pa ang kaniyang ipinaghintay bago naging kumpleto ang pagiging Kapuso niya.

Ang salitang utang na loob ay buhay na buhay sa puso ng komedyana. Alam na alam niya ang spelling ng salitang pagtanaw ng utang na loob kahit pagbali-baligtarin pa ang mga letra noon.

Lahat ng taong nakatulong sa pagkatupad ng kaniyang mga pangarap ay ipinagdarasal niya. Hindi siya nagsusunog ng tulay. Punumpuno ang kaniyang puso sa pagtanaw ng utang na loob kahit pa pinagtrabahuhan niya naman ‘yon at namuhunan siya ng talento.

At napakaganda ng kaniyang sinabi nang makapirma na siya ng kontrata sa GMA-7. Wala siyang sinaktan, wala siyang iniangat at ibinagsak, basta pinasalamatan niya lang ang GMA-7 sa malaking tiwalang ipinagkaloob sa kaniya.

Tama ‘yon. Hindi natin binabasag ang pinggan na minsan nating kinainan. Hindi natin kinakagat ang mga kamay na nagpala at nagpapala pa sa atin.

Hindi natin sinusuwag ang mga taong nag-abot ng kamay para sa ating mga pangarap. Kaya naman patuloy na pinagpapala si Pokwang.

Julia Barretto – Parang ibong nakakulong sa hawla

Parang ibon na nakakulong sa hawla si Julia Barretto. Wala siyang kalayaang gawin ang kaniyang gusto. Sinusukat ng publiko ang bawat hakbang niya. Sinisipat ang kaniyang mga aksiyon.

Lahat na yata ng kanegahan ay naipon kay Julia nitong mga nakaraang panahon. Ang bintang ng pang-aahas niya kay Bea Alonzo, ang idinedenay na pakikipagrelasyon kay Gerald Anderson, at ang maselang relasyon nilang mag-ama.

May pabrika man ng pangontra sa mga isyung nabanggit si Julia ay mahihirapan siyang makaparehas. Nauna na kasi ang mga batong ipinukol laban sa kaniya na nang lumaon ay napatunayang totoo na nagsinugaling siya.

Walang kamatayan ang isyu sa pagitan nila ng kaniyang amang si Dennis Padilla. Minsan siyang nagtangkang mabuo ang kanilang tulay nang mag-vlog siya kasama si Dennis pero negatibo pa rin ang reaksiyong napala niya.

Ano nga ba ang dapat gawin ni Julia para makawala siya sa hawla ng paghusga? Napakabata pa niya para maranasan ang lahat ng ito. Hindi man siya nagpapakita ng kahinaan sa publiko ay siguradong matindi ang kaniyang pag-aray kapag nag-iisa na lang siya.

Noong Father’s Day ay binantayan siya. Hindi raw niya binati si Dennis. Sa halip ay ang Lolo Mike niya ang naalala ng dalaga. Prusisyon na naman ng kanegahang salita ang ipinukol laban sa kaniya.

Pero paano kung sa halip na mag-post ay tinawagan niya pala si Dennis para batiin? Paano kung naging makabuluhan pala ang kanilang pag-uusap?

Maganda man kasi ang kaniyang hangaring batiin si Dennis sa pamamagitan ng social media ay puputaktihin pa rin siya ng kanegahan. Siguradong may mga mananakit pa rin sa kaniya.

Mabuti na lang at nandiyan si Gerald Anderson na pumapawi sa kaniyang kalungkutan. Buti na lang at may boyfriend siyang nag-eeport para mag-motor mula sa Maynila hanggang sa Pampanga para lang siya makapalitan ng “I love you” sa veranda.

Mabuti na lang ay may isang Gerald Anderson na nagpakilala sa kaniya ng isaw na hindi niya pa raw natitikman pero lumabas ang katotohanan na dalawang taon na pala niyang nilalantakan?

Paano kung walang nagpapaligaya sa kaniya ngayon?

Jodi Sta. Maria – May diploma na sa kolehiyo

Saludo kami sa determinasyon ni Jodi Sta. Maria. Alam na alam niya ang kasabihan na kapag gusto ay may paraan pero kapag ayaw ay maraming dahilan.

May diploma na sa kolehiyo ang magaling na aktres ay dean’s lister pa. Hindi niya pinabayaan ang eduksyon na bata pa lang siya ay pangarap na niya.

Noong nasa high school pa si Jodi ay nakikita namin siyang subsob ang pag-aaral kapag break nila sa taping o shooting. Bitbit niya ang kaniyang mga libro sa liniya ng pagtatrabaho.

Ganoon katindi ang kaniyang determinasyong makapagtapos ng pag-aaral. At pagkatapos ng matindi niyang disiplina at pagpursigi ay heto, titulado na siya. Nagtapos pa siyang kasama sa listahan ng mga matatalinong estudyante ng kanilang paaralan.

Dumaan sa maraming pagsubok si Jodi. Naging magulo ang takbo ng pakikipagrelasyon niya noon kay Pampi Lacson, hanggang sa maging sila na nga ng pamilyado na ngayong si Vice-Governor Jolo Revilla.

Pero tapos na ang mga kuwentong ‘yon ng kaniyang buhay. Maligaya na siya ngayon sa kanilang relasyon ni Raymart Santiago. Matibay ang kanilang relasyon at pagmamahalan.

Kahanga-hanga ang mga artistang kahit humahagok na sa puyat at pagod ay hindi pa rin nagpapabaya sa kanilang mga pangarap.

Ibang-iba ang edukasyon. Lumamlam man ang kinang ng kanilang bituin ay mayroon pa rin silang maaasahan.

Marjorie Barretto – Damay sa mga ginagawa ng mga anak

Sinasapul din ng mga bashers si Marjorie Barretto dahil sa mga ginagawa ng kaniyang mga anak. Hindi lang pala sina JuliaClaudia at Leon lang ang hindi bumati sa kanilang ama noong Father’s Day kundi pati si Dani na anak nila ni Kier Legaspi.

Nag-one-plus-one ang mga usisero. Kung pare-pareho palang hindi man lang nagbigay-pugay sa kanilang mga ama ang magkakapatid ay may kinalaman na doon ang kanilang ina, ‘yon daw ba ang turo sa kanila ni Marjorie?

Sinang-ayunan ‘yon ng marami. Kung pinalaki ni Marjorie sa tamang disiplina ang kaniyang mga anak ay wala sanang ganitong isyu laban sa kanila. Kung ipinaunawa niya sa mga anak niya ang kahalagahan ng pagbibigay-respeto ay hindi sana sila binabato ng paghusga ngayon.

Gusto lang naming ibigay na magandang ehemplo ang ginagawang pagpapalaki nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna sa kanilang anak na si Elias Modesto. Ipinahiram ni Ellen noong Linggo ang bata sa kaniyang ama.

May ipinakitang pagbati si Elias kay JLC. Sulat-kamay ‘yon. “Happy Father’s Day” ang nakasulat. Natural, hindi si Elias ang gumawa noon. Ibang kamay pero nakakatuwang isipin na kahit sino pa ang nagsulat ng pagbati ay karugtong noon si Ellen.

Bata pa lang si Elias ay tinuturuan na ito ni Ellen ng pagbibigay-pugay kay Lloydie. Hindi binabaklas ni Ellen ang presensiya ng aktor sa buhay ng kanilang anak. Ang gandang halimbawa noon.

Kaya binabalikan si Marjorie sa social media ay wala ni isa mang anak nila ni Dennis ang nakaalala sa kanilang tatay noong Father’s Day. Siya ang binati ng happy Father’s Day ng kaniyang mga anak.

Malalim ang ugat ng problemang ito. Naaalala pa namin na noong lumabas na ang kuwento ng relasyon ni Marjorie at ng dating mayor ng Caloocan ay parang pinagsukluban ng langit at lupa si Dennis.

Lasing na lasing noon ang komedyante nang magsadya sa kampa niya ng partido ng mayor at ni Marjorie. Sigaw nang sigaw. ‘Yon ang pinakamagulong yugto ng buhay ni Dennis.

Gusto naming maniwala na hindi tinuturuan ni Marjorie na lumayo ang loob ng kaniyang mga anak kay Dennis. Pero kapag ‘yon ang ating paniniwalaan ay lalabas namang walang respeto at utang na lob ang magkakapatid.

Nagkokomedya pero seryosong komento ng kaibigan naming propesor, “Buti na lang at picture ng loo niya ang ipinost ni Julia noong Father’s Day.

“Paano kung picture ni mayor ang ginamit niya? E, di parang sinilihan na, e, inasnan pa ang nagnanaknak na sugat ni Dennis Padilla?”

Oo nga naman.

Jomari Yllana at Priscilla Almeda – Solid as a rock

“Una siyang naging akin.” Makahulugan ang binitiwang liniya ng sumikat na sexy actress na si Priscilla Almeda na ang tinutumbok ay ang relasyon nila ngayon ni Jomari Yllana.

Kinse anyos siya nang maging sila. Tumagal nang mahigit na isang taon ang bubot nilang pagmamahalan hanggang sa nagkahiwalay sila dala ng kabataan.

Matagal na nanirahan sa Edmonton, Canada, si Priscilla. Nagkaroon siya ng tatlong anak at nang magbalik-bansa siya ay muling nagtagpo ang kanilang landas ni Jomari.

Nadagdagan lang siya ng timbang pero ang kagandahang ipinagbanduhan noon ng Seiko Filmas sa pinilahan niyang mga pelikula ay kipkip niya pa rin hanggang ngayon.

Ayaw niyang magsalita laban kay Joy Reyes, ang nagrereklamong ex ni Jomari, dahil may mga batang sangkot sa usapin.

Pero ipinagdidiinan ni Priscilla na responsabelng ama si Jom. Hindi kinakapos sa pagsusustento sa mga anak nito kay Joy. Maging sa pagpapadala ng mga kailangan ng kanilang mga anak.

Alam niya ang mga nagaganap. Nakikita niya ang mga resibo. Awang-awa siya kay Jomari dahil nababaligtad ang imahe nito dahil sa mga kuwento ni Joy.

May makasaysayang kuwento ang gatas na sinasabi ni Joy. Ang totoo pala ay apat na malalaking kahon ng gatas ang ipinadadala ni Jom na lima ang laman ng bawat kahon. Sobra-sobra ‘yon sa kailangan ng mga bata kung tutuusin.

Isang source namin ang nagsabi, “Hindi kaya ibinebenra ni Joy ang mga gatas na para sa mga anak nila ni Jomari? E, napakarami pala ng ipinadadala pero bakit kulang daw, sabi ni Joy?”

Anumang oras ay maaaring magpakasal sina Jomari at Priscilla. Pareho silang malaya. May mga priyoridad lang muna silang inaasikaso.

Ayaw magsalita nang todo ng aktres dahil mayroon palang hakbang na ginagawa ngayon ang kampo ni Jomari. Paulit-ulit na lang kasi ang pagrereklamo ni Joy Reyes na direktang puro panirang-puri sa aktor kaya legal na aksiyon na ang kailangang gawin ng aktor-pulitiko.

“And there are minors in this issue. Gusto kong respetuhin ang mga bata. Wala silang kasalanan sa ginagawa ng mother nila,” deklarasyon pa ni Priscilla Almeda.

Willie Revillame – Bumitiw na nga ba kay John Lloyd Cruz?

Tawa nang tawa si Willie Revillame habang kausap namin sa kabilang linya. Putok na putok kasi ngayon ang isyu na bumibitiw na raw siya sa pagsuporta kay John Lloyd Cruz dahil nagtatampo siya sa magaling na aktor.

Mayroon daw siyang natuklasan kay Lloydie na hindi niya nagustuhan. Idagdag pa ang kuwentong nakipag-meeting daw ito sa mga ehekutibo ng GMA-7 nang hindi man lang siya inaabisuhan. ‘Yon daw ang mga dahilan ng kaniyang tampo kay JLC.

Matunog ang tawa ni Willie, “Ano ba? Nananahimik ako dito. Bakit ba nila ako idinadamay sa mga issue kay John Lloyd? Nagtampo raw ako? Walang ganoon!”

Ang totoo lang daw sa lumabas na kuwento ay ang hindi na niya pagsali sa sitcom na gagawin ni Lloydie sa GMA-7. Makabuluhan ang kaniyang dahilan.

Masyado na siyang abala sa kaniyang sariling show, ang Wowowin-Tutok To Win. Halos lahat ng kaniyang panahon ay okupado na ng kaniyang game show.

May mga meeting pa siya sa kaniyang mga sponsors. Ang production meeting ng programa ay kumakain din ng mahaba niyang oras. Hindi raw niya nakikita ang kaniyang sarili na nagte-taping pa para sa sitcom na pagbibidahan ni JLC.

“Naku, para na nga akong binugbog pagkatapos kong makipag-meeting, after ng production meeting, tapos, may mga inaasikaso pa ako sa pang-ayuda sa mga kababayan natin.

“Lumilipad pa kami sa malalayong probinsiya, inaasiakso ko pa ang hotel na ipinagagawa ko sa Mindoro, pati ang hotel ko sa Tagaytay. Saan ko pa ilalagay ang sarili ko? Dyusko po!” tawa nang tawang pahayag ng mapusong aktor-TV host.

Ang araw ng Linggo ay hindi niya pinababayaang maagaw ng kaniyang trabaho. Para kasi sa kaniyang mga anak at apo ang araw na ‘yon, ang tanging araw ng kanilang bonding.

Malinaw ang kuwento. Walang tampuhan sa pagitan nila ni Lloydie. Tuluy-tuloy pa rin ang suportang ibinibigay niya sa nagbabalik na actor. Lahat ng tulong na maaari niyang ibigay kay John Lloyd ay hindi niya ipagdadamot.

Dating Pangulong P-Noy – Pumanaw na

Para sa amin, anumang ikinilos, sinabi, isinuot at ginawa ni Kris sa pagkamatay, lamay at paglilibing sa kaniyang kuya ay walang mali.

‘Yon ang pagkakataon na kung nagbibigay tayo ng pinakahuling pagrespeto sa pumanaw ay magbabahagi rin tayo ng paggalang sa iniwang pamilya.

Napakahirap mamatayan ng kapamilya. Wasak ang ating puso. Kalahati ng ating buhay ay parang kasamang ililibing, kaya hindi na dapat pang lahukan ng kung anu-anong negatibong pagpansin ang isang panahon ng pagdadalamhati.

Ulilang-lubos na ang magkakapatid na Aquino. Nawala pa ang kaisa-isang lalaki sa kanilang pamilya. Doon man lang sana ay kilabutan na ang mga taong walang magawa sa buhay.


Sa isang panahong may pumanaw at may pamilyang nagdadalamhati ay maraming nakaraan ang nabubura. Humuhupa ang galit. Ang kulay ng pulitika ay pumupusyaw. Puro positibo ang ating naaalala bilang huling pagrespeto sa nawala.

Ganoon mismo ang nagaganap ngayon sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Maging ang mga nakaengkuwentro niya noon sa mundo ng pulitika ay nagpaabot ng pakikidalamhati at pag-alala sa kaniyang mga nagawa bilang pangulo ng ating bayan.

Nabigla ang buong bayan sa kaniyang pagpanaw. Maging ang kaniyang mga kapatid ay nagulat. Ang kaniyang mga kaalyado at kaibigan ay nasorpresa sa naganap. Naging maaga para sa kanila ang pamamaalam ni P-Noy.

Taong 2019, sa death anniversary ni dating Senador Ninoy Aquino ay may sinabi si Kris na nagbigay ng pahimakas na may pinagdadaanang sakit ang dating pangulo. Siya lang ang wala sa Manila Memorial Park. Ayon kay Kris ay hindi maayos ang kalusugan ng kaniyang kapatid, kaya humihingi ng panalangin ang TV host sa ating mga kababayan.

“Please include Noy in your prayers because he needs strength,” pakiusap ni Kris. Noon pa lang ay kumalat nang parang apoy ang kalagayan ng dating pangulo.

Wala namang perpekto sa mundo. Maging sa hanay ng mga pulitiko ay walang maituturing na tapat sa kaniyang pagseserbisyo. Palaging may labis at kulang.

Pero kasaysayan ang makapagpapatunay na ginawa ni P-Noy ang kaniyang trabaho. Marami siyang iniwanang magagandang alaala sa ating bansa. Pinanatili niya ang kaniyang sigaw na tuwid na daan hanggang sa bumaba na siya sa posisyon.

Ang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy ay isang napakatinding kalabit sa katotohanan na sa usapin ng kamatayan ay walang mahirap at mayaman. Dito lang nagkakapantay-pantay ang mayroon at ang wala.

Kahit isang truck na kidney ay kayang-kayang bilhin ng namayapang pangulo. Pero totoong-totoo na kapag kumalampag na ang kampana ng pagbabalik ng hiram nating buhay sa Panginoon ay walang nagagawa ang salapi.

Walang ekstensiyon ang buhay kapag talagang oras na para tayo magpaalam. At walang nabibiling bagong buhay kahit saan kapag dumating na ang takdang panahon ng ating katapusan.

Napakaigsi ng buhay. Hindi natin alam kung kailan tayo tatawagin lalo na ngayong panahon ng pandemya. Huwag nating aksayahin ang pagkakataong hawak pa natin ngayon.

Kahit isang segundo lang.


Sa mismong puntod kung saan nakalibing sina dating Senador Ninoy at dating Pangulong Cory nakisukob ng paghihimlayan si dating Pangulong Noynoy.

Ewan, pero basta natututukan ng mga camera si Joshua ay bumabagsak ang aming luha. Alam kasi namin na baling-bali ang mga pakpak ngayon ng panganay ni Kris Aquino sa pagkawala ng itinuring niyang ama-amahan.

Tiyuhin, kaibigan, kapareha sa pagko-computer, silang dalawa talaga ang sanggang-dikit sa lahat ng bagay. Pero parang hindi abot ng kamalayan ni Josh ang mga nagaganap.

Sa huling pagbebendisyon sa dating pangulo ng buong pamilya ay sumaludo pa muna si Bimby, pero noong si Josh na ang magwiwisik ng holy water ay parang ayaw niyang lumapit. Ikot nang ikot si Josh sa lugar at kung sinu-sino ang kinakausap.

Pinakaemosyonal sa magkapatid si Kris. Siya mismo ang nagsabi na sa huling sandali ay pinatawad na siya ng dating pangulo. Malalim ang ugat ng kanilang hidwaan na nauwi sa matagal nilang hindi pag-uusap at hindi pagpunta ng kaniyang mga anak sa Times Street.

Alam naming nagmamahalan ang magkakapatid. Sinumang kumalaban sa kahit sino sa kanila ay iisa lang ang kanilang damdamin, pero may sari-sarili nang buhay ang mga kapatid ng dating pangulo.

Nagkikita-kita nang regular ang buong pamilya. Nandoon ang saya habang magkakasama pa sila, pero paano na kaya kapag nag-iisa na lang si dating Pangulong Noynoy?

Mabuti na lang at mayroong musika siyang pinagkaabalahan. Record siya nang record ng mga luma at bagong piyesa na ipinangreregalo niya sa mga kaibigan. Inaliw ng mundo ng musika ang kaniyang pag-iisa.

Tama bang sabihing naging malungkot ang buhay ng dating pangulo?

Pero bayan naman ang nagsasabi, “Hindi ka nag-iisa.”

Kris Aquino at P-Noy – Ano nga ba ang dahilan ng naging tampuhan?

Ayaw kaming tantanan ng mga kaibigan namin. Ayaw ring tumigil sa katatanong ang mga tagasubaybay ng CFM at TIPMMG. Ano raw ba talaga ang pinag-ugatan nang matinding sama ng loob kay Kris Aquino ng namayapa niyang Kuya Noynoy.

Nagbigay na ng dahilan si Salve Asis sa kaniyang kolum kamakailan. Kuwento ‘yon ng kaniyang source na isa lang sa maraming istoryang naging dahilan ng away nila ng pumanaw na dating pangulo.

Iba naman ang isang bersiyon na matagal na naming alam na hindi rin naging lihim para kay Tita Dolor Guevarra. Nasulat na namin ‘yon nang pahapyaw. Sangkot sa kuwento ang isang kongresista ng NCR na kaibigan ng namayapang dating pangulo. ‘Yon ang nangwasak sa tulay nilang magkapatid nang mahabang panahon.

Kasagsagan ‘yon ng isang matinding kontrobersiyang lumigalig sa buhay na personal at karera ni Kris. Tinawagan niya ang kongresista. Mayroon siyang ipinahahanap na tao.

Hindi nakatiis ang pulitiko. Tinawagan nito ang nananahimik nang si P-Noy. Sinabi nito ang dahilan ng pagtawag ni Kris sa kaniya. Ikinagulantang ‘yon ng kaniyang kuya.

Mula noon ay hindi na siya pinapansin at kinakausap ng dating pangulo. Hindi na rin pinapupunta ni Kris sina Josh at Bimby sa Times Street. Mahabang panahon muna ang lumipas bago siya napatawad ni P-Noy sa tulong na kanilang mga kapatid.

Alam ni Kris ang senaryong ito. Alam na alam din ng kongresistang kaibigan ni P-Noy ang buong pangyayari. Hindi na dapat pang makaagaw ng pansin ng publiko ang dahilan ng kanilang away kung hindi si Kris mismo ang nagsalita sa kaniyang emosyonal na pahayag.

Walang kinalaman sa isyung ito sina Phillip SalvadorJoey MarquezJames Yap at iba pang taong naugnay sa buhay ni Kris.

Nagpasalamat ang TV host dahil bago raw pumanaw ang kaniyang kuya ay nagkaayos din sila. Napatawad siya ng pumanaw na pangulo at itinuring na uli siyang bunsong kapatid.

Salamat dahil muling nabuo ang tulay sa kanilang pagitan. Wala nang bitbit na kargo de kunsensiya ngayon si Kris.

James Yap – Hinangaan ng mga kababayan

Isandaang porsiyentong nakuha ni James Yap ang paghanga ng ating mga kababayan sa ginawa niyang pagbibigay ng respeto sa pumanaw na dating Pangulong Noynoy Aquino.

Alam ng publiko ang naganap sa relasyon nila ni Kris Aquino. Hindi maayos ang kanilang hiwalayan na nauwi pa nga sa husgado, pero kinalimutan ‘yon ni James dahil ang nangibabaw sa kaniya ay ang pakikidalamhati sa pamilya at paghahandog ng pinakahuling pagrespeto sa dating pangulo.

Nagpunta sa huling misa at libing si James pero hindi na siya lumapit sa naulilang magkakapatid. Maganda na sanang tiyempo ‘yon para makita niya ang kaniyang anak na si Bimby na sabik na sabik na siyang makita-mayakap, pero para kay James ay hindi ‘yon ang tamang panahon.

Habang nagmimisa sa Ateneo church ay nasa bandang likuran lang siya. Maraming news reporters na lumapit para siya mahingan ng pahayag pero marespeto siyang nakiusap na huwag na lang. Tahimik lang siyang nakiramay.

Pinatunayan ng isang kaibigan ni James na naging mabuti sa basketbolista ang pumanaw na dating pangulo. Naging magulo man ang kanilang pagsasama ni Kris ay hindi nagbago ng pakikitungo sa kaniya si P-Noy.

“Lalaki silang nag-usap. Naintindihan ni P-Noy ang saloobin niya. Walang nagbago sa kanilang samahan kahit pa hindi sila nagkikita.

“May mga times noon na niyayaya siya ni P-Noy sa firing range. Pero ayaw ni Kris. Basketball daw ang expertise niya, hindi naman pagbabaril.

“Naging mabuti talaga sa kaniya si P-Noy, kaya bilang pagbabalik ng respeto at pasasalamat, nakiramay siya at nakipaglibing,” sabi ng basketbolistang kaibigan ni James.

Umaapaw ang paghanga ng mga kababayan natin ngayon kay James Yap. Ang ganoong pagpapakumbaba ay hindi makikita sa lahat ng tao.

Alam ni James Yap na ang nakaraan ay karugtong ng ngayon. Maging ng kinabukasan. – CSF