
Opinions
![]() |
Marso 1 - 15, 2012 |
![]() |
||
Ruffa Gutirrez |
||
![]() |
||
Dina Bonnevie |
||
![]() |
||
Regine Velasquez, Ogie Alcasid & Baby Nate |
||
![]() |
||
Manny Pacquiao |
||
![]() |
||
Hayden Kho and Vicki Belo |
||
![]() |
||
Baby James, James Yap, Kris Aquino & Josh |
||
![]() |
||
Vice Ganda |
||
![]() |
||
Ai Ai Delas Alas |
Dalaga na uli si Ruffa Gutierrez! Noong nakaraang Biyernes ay dumating na ang resulta ng isinumite niyang pagpapawalang-bisa sa kasal nila sa Turkey at dito sa Pilipinas ng ama ng kaniyang mga anak na si Ylmaz Bektas.
Mahabang panahon din ang ipinaghintay ni Ruffa. Tumakbo rin ng ilang taon ang pagbusisi ng korte kung karapat-dapat bang mapawalang-bisa ang kanilang kasal o walang katwiran ang idinulog niyang kaso ng annulment. Pinanigan siya ng hukuman.
Sa Paparazzi Showbiz Exposed, sa unang pagkakataon, ay naglabas ng saloobin ang aktres-TV host tungkol sa kaniyang damdamin dahil sa wakas ay nakamit din niya ang kalayaan mula kay Ylmaz.
Masayang-malungkot ang kaniyang situwasyon. Ayon kay Ruffa, nakuha niya ang matagal na niyang gustong kalayaan mula sa Turkish businessman, pero hindi niya maiaalis na ang kanilang relasyon ni Ylmaz ay nagbunga ng dalawang magagandang anghel, sina Lorin at Venice.
Naging masalimuot ang kanilang relasyon. Dumaan siya sa mga pagpapahirap na pisikal. Iyon ang naging matibay na panlaban niya para mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Sa isang pakikipag-usap nang malaliman kay Ruffa ay nabanggit niya, “I really don’t know how I would feel kapag na-grant ng court ang petition for annulment na ipinayl ko.
“Siguro, mixed emotions ako. I want to be free, para makapagsimula na uli ako ng panibagong buhay, although not that soon pa naman, pero may mga anak ako.
“Siyempre, maaapektuhan din ang mga kids. Marami rin silang itatanong sa akin. Sana, when that time comes, kayang-kaya ko nang ipaliwanag sa kanila ang mga reasons kung bakit ko ginawa ang ganoon,” paliwanag ni Ruffa.
Dalaga na uli siya ngayon. Libre na siyang makipagrelasyon nang lantaran. Pero alam ni Ruffa Gutierrez na mas mahirap ang ganitong sitwasyon dahil galing siya sa isang bigong pakikipagrelasyon.
Harinawang natagpuan na nga ni Dina Bonnevie ang lalaking makakasama niya nang habambuhay kay Ilocos Sur Vice Governor Deogracias Victor “DV” Savellano. Ayon kay Dina ay hiniling niya sa Diyos na tutal naman ay tapos na siya sa kaniyang mga obligasyon sa mga anak nila ni Vic Sotto ay premyuhan naman sana siya ng isang lalaking magmamahal sa kaniya at mamahalin din niya pabalik.
Sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay nagkrus nga ang landas nila ni Vice Governor DV. Naging magkaibigan muna sila, hanggang sa isang araw nga ay naging sila na.
Napakatiyaga. Sa ganoong katangian inilalarawan ng magaling na aktres ang politikong nagpapaligaya sa kaniya ngayon. Kahit daw nasaan siya ay humahanap ito ng pagkakataon para madalaw siya.
At hindi maramot ang politiko, “Kapag dumarating siya sa location namin, lahat ng nandoon, siguradong may pasalubong mula sa kaniya. Madalas siyang magdala ng empanada, bagnet at cornick, dahil taga-Ilocos Sur nga siya.
“People person siya, politiko kasi, kaya alam niyang makisama sa kahit sino. Doon ako saludo sa kaniya, napakatiyaga niya. Kesehodang nasa kabilang bundok pa kami, e, nagugulat na lang ako, dumarating siya,” kuwento ng maganda pa ring aktres.
Nakilala na nang personal nina Danica at Oyo ang kaniyang bagong pag-ibig. Kaya ayon kay Dina ay tapos na siya sa pagiging kontrabida ni Oyo, pati sa mga pangangantiyaw ni Danica.
“Alam n’yo naman si Oyo, super-kontrabida iyon pagdating sa mga suitors ko. Sasabihin niya, ‘Hindi pa rin siya ang para sa iyo, wala ‘yan!’ Palagi siyang ganoon. Pero noong personalin sila ni DV, nagbago na ang tingin niya,” natatawa pang kuwento ni Dina.
Napakarami na niyang pinagdaanan sa ngalan ng pakikipagrelasyon. At sa mga karanasang iyon ay sangkatutak na aral na rin ang kaniyang natutuhan. Harinawang ito na nga ang kakaiba sa lahat at magkakaroon na siya ng makakasama nang panghabambuhay.
Mabuti naman at habang maaga ay mukhang nauntog na sa katotohanan ang tsismoso pero ayaw natsitsismis na si DJ Mo Twister. Noong isang araw lang ay kung anu-anong masasakit na patutsada ang itinweet ng magulo ang utak na deejay-TV host tungkol kay Ogie Alcasid.
Nag-ugat iyon sa ginawang pang-i-spoof ng magaling na singer-actor sa video ni Mo Twister na umiiyak-iyak siya, nagdadrama, dahil sa diumano’y ginawang pagpapaalis ni Rhian Ramos sa produkto ng kanilang pagmamahalan.
Dahil doon ay nagmarakulyo na naman si Mo. Ginamit ang kapangyarihan ng Twitter. Kung ano-anong masasakit na salita ang ipinakain niya kay Ogie na damay pa nga ang kanilang anak ni Regine Velasquez.
Pagkatapos nang isang araw, dahil pinutakti rin siya ng mas masasakit na patutsada, ay binawi ni Mo Twister ang lahat. Nag-sorry siya kay Ogie, naging emosyonal lang daw kasi siya, kaya ganoon.
Dapat lang naman siyang manghingi ng dispensa kay Ogie dahil wala naman itong intensiyong saktan siya. Lalong walang plano ang singer-actor na wasakin ang kaniyang pangalan. Bahagi lang iyon ng kaniyang trabaho.
Personal nang nagkita sina Congressman Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa Las Vegas kailan lang. Kung matatandaan ay isa sa mga naging undercards si Timothy noong pinakahuling laban ni Pacman kontra kay Marquez.
Dehado sa biglang tingin si Bradley. Pero sabi nga ay walang boksingerong puwedeng umako ng pananalo sa isang laban, dahil mayroong tinatawag na lucky punch sa kanilang mundo.
Paghahandaan na ni Pacman ang nalalapit nilang laban. Pero may isang matinding pahayag ang Pambansang Kamao na umagaw sa aming pansin. Iyon ay nang sabihin niya na pagkatapos ng laban na ito ay mamamahinga na siya sa pagboboksing.
Ang kaniyang dahilan, dahil daw sa pagkalulong niya sa pagbabasa ng Bibliya ngayon ay nalaman niya na mali ang pananakit nang pisikal sa ating kapwa. Maling-mali raw pala iyon kaya nagdesisyon siya na pagkatapos ng upakan nila ni Timothy Bradley ay ipapahinga na ni Pacman ang mababangis niyang kamao.
Tanong naman ng marami nating kababayang pinagtawanan lang ang ibinigay na katwiran ni Pacman, bakit ngayon lang daw niya iyon napagtanto, samantalang relihiyoso naman siya at ilang dekada na siyang pumapagitna sa lona para sa pakikipagpalitan ng mga suntok?
Dapat daw ay noon pa iyon naisip ni Manny. Noong nagsisimula pa lang siyang nananalo sa kaniyang mga pakikipag-engkuwentro. Hindi ngayon lang kung kailan milyonaryo na siya at tumatanda na.
“Naku, gracious exit ang dapat itawag doon. Medyo nararamdaman na rin kasi ni Pacman na humihina na siya. Tingnan n’yo ang nangyari sa last niyang laban against Marquez? Malapit na siyang madale doon, di ba?
Mukhang seryoso na nga si Dra. Vicki Belo sa kaniyang desisyon na hindi na makipagbalikan uli sa nakahiwalay niyang boyfriend na si Hayden Kho. Isa lang kasi ang palagi niyang sinasabi sa mga nakakausap niya, “Enough is enough!”
Totoo iyon. Gaano man kahaba ang pisi ng pasensiya ng isang tao ay napapatid din iyon. Parang lastiko lang iyon na sa kahihila ay napuputol din.
Umaasa ang mga nagmamahal at nagmamalasakit na kaibigan ng pamosong doktora na sana nga ay totoo na ang kaniyang mga sinasabi. Harinawang panindigan na niya ang kaniyang desisyon, para magkaroon na siya ng katahimikan ng kalooban.
Kuwento ng isang source na malapit kay Dra. Belo, “Lahat ng paraan ngayon, ginagawa na ni Hayden para magkabalikan lang sila, pero mukhang manhid na sa kaniya si Dra. Vicki.
“Ang last niyang sinabi, eh, mas mabuti pa raw na mawala na lang siya sa mundo kundi rin lang sila magkakabalikan. Ganoon na naman ang drama niya? Remember, ganyan na rin ang ginawa niya noon, di ba?
“Naalala n’yo pa ba iyong incident na nakita siyang nakahandusay sa isang pataniman ng pinya? Emotional blackmail! Magbago naman sana siya ng script!” inis na pahayag ng aming kausap.
Isasarado na raw ni Hayden Kho ang kaniyang Twitter account. Puputulin na rin daw niya ang kaniyang koneksiyon sa showbiz na “that world” kung tawagin niya.
Iyon na nga siguro ang pinakamagandang maaaring gawin ngayon ng doktor na tinanggalan ng titulo. Isarado niya na lang ang kaniyang Twitter account, tutal naman ay walang positibong naging resulta ang pagpapaawa niya kay Dra. Vicki noong hiwalayan siya.
Pero bago nagdesisyon si Hayden na isarado na ang kaniyang Twitter account ay sinaktan pa muna niya ang doktora. Pinalilitaw niya na si Dra. Vicki ang nangaliwa at hindi siya. Ang itinuturong lalaki ni Hayden ay ang yoga instructor ng doktora na ipinakita pa niya ang retrato sa Twitter.
Mayroon daw siyang ebidensiya na nagkakamabutihan ng loob si Dra. Vicki at ang yoga instructor. Siya raw ang nakahuli sa kaniyang girlfriend at hindi siya ang nahuli nitong nakikipagmabutihan kay Nancy Castiglione, ayon pa kay Hayden Kho.
Sa pampublikong persepsiyon. Totoo man ang mga sinasabi ngayon ni Hayden laban kay Dra. Vicki, ay talo pa rin siya sa laban. Walang maniniwala sa kaniyang mga idinadahilan, dahil ilang beses na niyang niloloko ang doktora na martyr lang, kaya nagpapaloko naman.
Kahit totoo pang tatlong lalaki ang pinagsabay-sabay ni Dra. Vicki habang magkarelasyon pa sila ni Hayden ay butata pa rin ang binate. Kahit uhuging bata ay mayroon pa ring masasabi ngayon tungkol sa kaniyang makasaysayang sex video kasama sina Katrina Halili at Maricar Reyes, alam kaya iyon ni Hayden Kho?
SA aming opinyon ay hindi naman parehas na kuwestiyunin at pagtakahan ng ibang tao kung malaking halaga man ang nakuha ni James Yap sa kanilang hiwalayan ni Kris Aquino.
Ke ilampung milyong piso man ang inabot noon ay karapat-dapat lang. Dahil noong magkakilala naman sila ni Kris hanggang noong magpakasal sila ay hindi naman napulot lang ng aktres-TV host si James sa tabing kalsada lang, sikat nang basketbolista noon si James Yap.
Milyon na rin ang sinusuweldo niya noon sa pakikipagbalyahan at pagiging magaling sa pagbubuslo ng bola. Nagkataon lang talagang mas malaki ang kinikita sa kaniya ni Kris. Pero hindi pa rin katwiran iyon para kuwestiyunin ang halagang napunta kay James nang mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Kuwestiyunable siguro iyon kung walang trabaho si James. Kung umasa lang siya noong habampanahong magkasama sila sa kinikita ng babae, pero halos mabalian na ng mga buto iyong tao sa pagbabasketbol.
Isang pako na ang nakabaon ngayon sa ataul na pagbuburulan ng career ni Vice Ganda dahil sa nagkakaisang pahayag ng mga kasamahan namin sa panulat na pang-iisnab niya sa mga ito nang dumalaw sa kanilang noontime show.
Kung isa o dalawa lang ang nagsasabi noon ay puwede pang kaduda-duda. Pero halos lahat sila’y nagpapatunay na pagkatigas-tigas ng leeg ng maangas na TV host mula noong dumating sila. Habang umaandar ang show at lumapit lang siya sa grupo noong tapos na ang programa.
Tuwing commercial break ay umaasa ang mga reporters na baka naman lumapit sa kanila si Vice tulad ng ginawa ng ibang artistang kasama sa show. Pero wala pa rin, talagang pinanindigan niyang hindi man lang batiin ang mga reporters na inimbitahan ng kanilang network para bumisita sa noontime show.
Sabi ng isang reporter na nakausap namin, “Noon ko napatunayan na napakayabang nga pala ng Vice na iyon, noon ko lang nakita ang kaangasan niya, talaga palang feeling na siya!”
Susog naman ng isa pang reporter na hindi nagkagusto sa ginawa ni Vice Ganda, “Hindi bagay sa kaniya ang pangalan niya. Hindi kagandahan ang ugali niya, Vice na lang dapat ang itawag sa kaniya, alisin na ang Ganda!”
Hindi tuloy namin maiwasan ang pagkukumpara kina Vice at Ai-Ai delas Alas. Si Ai-Ai ay nandoon na. Nagpapahinog na lang sa kaniyang trono dahil hindi lang tiyempo o suwerte ang kapalarang dumating sa kaniya kundi may napatunayan na talaga siya, pero ni minsan ay hindi mo siya maaakusahan ng pang-iisnab sa mga manunulat.
Bumbunan pa lang ng reporter ang nakikita niya ay nakangiti na agad si Ai-Ai. Bumabati na, nagbibigay-pugay na. Pinahahalagahan kasi ni Ai-Ai ang magkatuwang na trabaho ng manunulat at ng artista. Alam ni Ai-Ai na hindi siya magiging Comedy Concert Queen at Box-office Queen kundi siya tinulungan ng mga manunulat sa pag-abot sa kaniyang puwesto ngayon. Malinaw sa utak ni Ai-Ai iyon.