Published on

Cristy Fermin

   Hunyo 1 - 16, 2012

 

 
 
B.B. Gandanghari & Zoren Legaspi
 
 
Amy Perez
 
 
Sam Pinto
Zoren Legaspi – Gustong linawin ang nakaraan kay BB. Gandanghari

Gusto nang tuldukan ni Zoren Legaspi ang kung anumang isyu sa pagitan nila ni BB. Gandanghari. Wala silang lantarang samaan ng loob. Hindi sila kailanman nagbirahan, pero parang puzzle ang kanilang situwasyon na kapag pinagdugtung-dugtong at binuo ay mayroon silang kailangang resolbahan.

Dating misis ni BB. Gandanghari (ang patay nang si Rustom Padilla) si Carmina Villaroel. Nang magkahiwalay sila ay dumating naman sa buhay ng aktres si Zoren Legaspi. Nagkaanak sila ng kambal.

Ilang taon pagkatapos ay isinigaw na ni Rustom ang tunay nitong kasarian. Pareho lang ang hanap nila ni Carmina. Nakahinga ito nang maluwag at isang araw ay nakita na lang natin ang dating aktor na nakadamit-babae na at may dinadala nang ibang pangalan.

Sa pagitan ng pagho-host namin ng Paparazzi ay nagkukuwentuhan kami ni Zoren na ang dila ay parang nilangisan sa sobrang dulas. Isa siya sa mga personalidad na hinahangaan namin dahil sa pagiging totoong-totoo, at natutukan nga namin si BB. Gandanghari.

Gusto niyang buksan kay BB. Gandanghari ang maraming tanong na alam niyang magtutuldok sa nakaraan. May mga ibabato siyang tanong sa dating karelasyon ng ina ng kaniyang mga anak na alam niyang magbibigay sa kaniya ng masarap at malalim na tulog.

“Alam ko, nakakaramdam na rin kasi ang mga bata. Noong dumating siya from the States at napanood nila sa TV, ang sabi ni Maverick kay Cas, ‘Siya iyong ex ni nanay.’

“Eleven years old na ang kambal ngayon, makakaintindi na sila, gusto na sana naming sabihin sa kanila ang totoo,” seryosong pahayag ng guwapo pa ring aktor.

May proyektong naulinigan naming pinag-uusapan ngayon sa TV5. May pagsasamahan palang serye sina Zoren Legaspi at BB. Gandanghari?

Pinakamabisa talagang gamot ang panahon.

Amy Perez – Nagdadalantao muli

Nagdadalantao pala uli ang tinaguriang kapitana ng mga barangay na si Amy Perez. Iyon pala ang dahilan kung bakit minsan ay wala siya sa Good Morning Clubng TV5, hindi kagandahan ang kaniyang pakiramdam, dahil naglilihi nga siya.

Ilang buwan pa siyang magtatrabaho at pagkatapos ay pansamantala na siyang magpapahinga para matutukan ang kaniyang pagdadalantao. Ikalawang anak na nila ito ng news reporter na si Carlo Castillo, taga-TV5 din.

Hindi pa puwedeng magpakasal sina Carlo at Amy kahit pa may katagalan na ang kanilang relasyon at mayroon na silang anak. Hanggang ngayon kasi ay nakasalang pa rin sa korte ang pagpapawalang-bisa ng aktres sa kaniyang kasal kay Brix Ferraris. Dekada na ang dumadaan, pero wala pa ring sagot ang kaniyang hiling.

“I really don’t know kung ano pa ang kulang sa mga documents na hawak ko, kailangan ko pa kayang mamatay muna bago ma-grant ang annulment na hinihingi ko? Napakatagal na noon, pero hanggang ngayon, wala pa ring resulta!” madiing litanya ng reyna ng Face To Face ng TV5.

Willie Revilame – Nasa San Francisco ang Wil Time, Big Time

Nasa San Francisco na ngayon ang tropa ni Willie Revillame para sa ikalawa nilang show bilang unang sultada ng pagpapalawak ng TV5 Kapatid International. Naging matagumpay ang Wil Time, Bigtimesa LA. Ganoon din ang inaasahan nilang magiging pagtanggap sa kanila ng mga kababayan natin sa Sanfo, dahil matagal na nilang miss na miss ang grupo ni Willie.

Ito pa lang ang una. Sa mga susunod na buwan at taon ay ang mga Pinoy naman sa Dubai, Europe at Canada ang dadalawin ng tropa ng TV5, tuluy-tuloy na ang paglulunsad ng TV5 Kapatid International.

Iba ang panghalina sa amin ng Winnipeg, iyon ang lugar sa Canada na parang kakambal lang ng Pilipinas, kapag nandoon ka ay hindi mo iisiping umalis ka sa sarili mong bayan dahil sa init ng samahan doon ng mga Pilipino.

Sa totoo lang.

Sharon Cuneta – Nagalit na si Mega sa bading na naninira kay KC

Isang tao na naman ang lumapastangan sa kapangyarihan ng Twitter. Hindi nito ginamit ang Twitter sa pakikipagkomunikasyon kundi para manira ng isang personalidad na kung tutuusin ay nasa kanilang bakuran pa.

Galit na galit ngayon ang Megastar na si Sharon Cuneta sa isang tauhan ng ABS-CBN, ang sipsip sa Dos na si Eric John Salut, dahil sa mga pinagsasasabi nito laban kay KC Concepcion.

Naghahamon ang bakla. Gusto raw ba ng mga fans ni KC na ibulgar nito ang mga baho ng kanilang idolo? Baka raw hindi nila kayanin ang mga pasasabugin nito?

Natural, anak na niya ang winawasak, sumaklolo si Sharon. Pinatulan niya ang nagmamagaling na bayarang PRO ng ABS-CBN. Kauna-unawa ang aksiyon ng aktres. Walang inang pababayaan na lang na laitin ng kahit sino ang kaniyang anak, lalo na kung wala namang katotohanan ang mga ipinagkakalat ng taong iyon tungkol sa kaniyang laman at dugo.

Sam Pinto – Hindi raw siya ang dahilan ng Derek-Angelica break-up

Nadadamay ang pangalan ni Sam Pinto sa hiwalayang Derek Ramsay at Angelica Panganiban. Ayon sa kuwento ay nakarating diumano kay Angelica na noong nagkasama sa ibang bansa sina Derek at Sam ay nagkaroon sila doon ng “something-something.”

Natural, walang babaeng makapapayag na mayroon pala siyang kahati sa puso at katawan ng kaniyang boyfriend. Pinag-awayan nila ang nasabing isyu hanggang sa mag-break na nga sila.

Pero nakausap kamakailan ni IC Mendoza si Sam Pinto. Ayon sa dalaga ay never daw itong nagpunta sa Australia, nakatakda raw itong umalis pero hindi naman iyon natuloy.

“Takang-taka nga si Sam kung bakit siya nadadamay sa issue, e, wala naman siyang kaalam-alam tungkol sa sinasabing pagkikita raw nila ni Derek sa ibang bansa,” kuwento ni IC.

Bukod kay Sam Pinto, ayon naman sa ibang impormante ay may iba pang pinag-awayan ang limang taon nang magkarelasyon. Hindi na raw natagalan pa ni Angel ang pagiging playboy ni Derek.

Marami raw tagong pakikipagrelasyon ang hunk actor na nabubuking din naman ni Angelica, ang iba raw ay artista rin, ang iba naman ay mga non-showbiz.

Parang mahirap paniwalaan ang mga ganoong kuwento dahil halos nakatutok na nga ang panahon ng aktor sa kaniyang girlfriend. Ang alam naming tanging kahati ni Angelica sa atensiyon ng hunk actor ay ang kaniyang pinakamamahal na frisbee, na nauunawaan naman ni Angelica.

Ang maganda lang sa kanilang paghihiwalay ay wala silang paninira sa isa’t isa, tahimik ang magkabilang kampo, away ito ng magkarelasyong edukado at may respeto sa isa’t isa.

Claudine – Dedma ang mga kapatid sa kaso laban kay Tulfo

Hanggang ngayon, ni pahimakas ng pagsuporta sa kanilang kapatid na si Claudine ay wala tayong nararamdaman mula kina Gretchen at Marjorie Barretto. May mga nagtangka nang manghingi ng komento ni Gretchen tungkol sa pinagdadaanan ng bunso niyang kapatid pero deadma lang ang aktres.

Noong minsan ay sinamahan si Claudine ng kaniyang mga magulang sa pagdinig ng kaso laban kay Mr. Ramon Tulfo, pero ni isang kapatid ni Claudine ay wala doon, lalo na ang palaban at kontrobersiyal na si Gretchen.

Kuwento ng aming source, “In fairness kay Gretchen, maarte lang iyon at may kasutilan sa lovelife niya, pero hindi siya maldita. Hindi siya nasangkot kahit minsan sa mga kuwento ng pagmumura ng sales lady, ng ground attendant, level-headed si Greta.”

Punto pa ng aming source ay marunong kumilatis ng tama at mali si Gretchen. Alam niya kung saan siya lulugar. At ang pinakamahalaga ay kabisado at kilalang-kilala niya ang kaniyang kapatid.

“Hindi iyon papasok sa eksena, the issue will die a natural death, pero wala kayong maririnig mula sa kaniya. By heart, eh, kamping-kampi siya, pero iyong lalantad siya para sabihing tama si Claudine? Hindi niya gagawin iyon!” huling mensahe pa ng aming kausap.

Manny Pacquiao – Palaging may Bible study kasabay ng training sa gym

Dinalaw ng mga kaibigan namin ang Pambansang Kamao sa Wild Card Gym sa Los Angeles sa kaniyang pag-eensayo. Sa halip na mga tunog ng suntok ang kanilang narinig ay may mga nagkakantahan sa gym. Mayroon palang Bible study na ginaganap noong dumating sila, kaya nakinig na rin sila sa kabuuan ng pagtitipon.

“Nakakapanibago si Pacman, pero alam mo iyon, mas proud kami sa kaniya ngayon dahil sa pagiging religious niya. Kunsabagay, kahit naman noon, ang faith niya ang hinahangaan natin sa kaniya.

“Hindi siya papagitna sa ring nang hindi muna magdadasal. Kapag nananalo naman siya sa laban, una muna niyang ginagawa ang pasasalamat sa Diyos, bago ang pag-akyat niya sa lubid para sa pagpapa-thank you niya,” kuwento ng aming kaibigan.

Bago magsimula ang kaniyang ensayo ay mayroon munang ginaganap na Bible study sa Wild Card Gym, pagkatapos ay nagkakantahan naman ang tropa ni Congressman Manny Pacquiao. Hindi na siya tulad nang dati na puro granatsa ang iniisip at ginagawa.

Manonood ng laban nina Pacman at Timothy Bradley ang pamilya Gonzaga, nauna nang umalis si Direk Paul Soriano at paalis naman sa susunod na linggo sina Toniat Alexat ang kanilang mga magulang, si Pastor Jeric Soriano na ama ni Direk Paul ang nagmulat kay Pacman sa relihiyong niyayakap niya ngayon.

Have a comment on this article? Send us your feedback