Published on

Cristy Fermin

   Hunyo 16 - 30, 2012

 

 
 
Iwa Moto
 
 
Jodi Santamaria
Iwa Moto – Si Jody ang homewrecker!

Matindi ang mga pinakawalang rebelasyon ni Iwa Moto sa Paparazzi Showbiz Exposed noong Sabado (June 9) tungkol kay Jodi Santamaria. Siya ang hinuhusgahang homewrecker, ang naging dahilan ng paghihiwalay nina Jodi at Pampi Lacson, pero mas matindi pala doon ang bitbit niyang rebelasyon.

Dalawang taon na ang nakararaan, ayon kay Iwa, habang magkarelasyon pa sila ni Mickey Ablan ay pumasok sa eksena si Jodi. Marami raw siyang hawak na ebidensiyang magpapatunay na totoo ang kaniyang mga sinasabi.

“Kung gusto ko po siyang wasakin, sana, ginawa ko na iyon two years ago pa. Pero ginulo ko ba siya? Ako pa ang sinasabi niyang homewrecker ngayon, samantalang siya itong nanggulo sa relasyon namin ni Mickey!

“Kami pa ni Mickey noon, nagsasama pa sila ni Pampi, pero nakipagrelasyon siya sa boyfriend ko. Kinausap ko siya noon. Nagmamakaawa ako sa kaniya na huwag niyang guluhin ang relasyon namin, pero nag-deny siya.

“Idinenay niya sa akin ang ginawa niya, pero umamin sa akin si Mickey. Totoong naging magkarelasyon sila noon. Ngayon siya magsalita. Ngayon niya sabihing ako ang naninira ng relasyon ng may relasyon,” madiing pahayag ng sexy actress.

Aminado si Iwa na halos dalawang buwan na silang magkarelasyon ngayon ni Pampi Lacson. Pero dalawang taon na silang magkakilala, hindi nga lang naging maganda ang dahilan noon.

“Kinausap ko po siya para pagsabihan ang wife niya na huwag sirain ang relasyon namin ni Mickey. Kaya huwag niyang sabihin na hindi alam ni Pampi ang ginawa niya. Totoo pong nakipagrelasyon siya kay Mickey habang nagsasama pa sila,” pagdedepensa pa ni Iwa Moto sa kaniyang sarili.

Parang nangungunsensiya pang mensahe ni Iwa para kay Jodi, “Nakakaawa ka naman, gusto mong magsalita pero hindi mo magawa, dahil alam mo na ikaw ang may ginawa. Ikaw ang may utang sa akin, hindi ako ang may utang sa iyo.”

Manny Pacquiao – Natalo pero panalo pa rin sa puso ng madla

Hawak-hawak ngayon ni Congressman Manny Pacquiao ang pinakamatamis na pagkatalo sa isang laban. Si Timothy Bradley ang may suot ng bagong titulo bilang WBO Welterweight champion, pero si Pacman naman ang para sa mga nakasaksi sa buong mundo ang tunay na kampeon. Wala nang mas tatamis at mas sasarap pa sa ganoong estado ng pagkatalo.

Dahil pisikal na laro ang boksing, ang batas sa labanang ganito ay pang-grade one lang. Kung sino ang mas maraming pumapasok na suntok na nangwiwindang sa kalaban basta hindi below the belt ang suntok ang dapat tanghaling kampeon.

Iyon ang ikinapuputok ng butse ngayon ng ating mga kababayan. Bakit natalo si Pacman? Kahit wala naman silang hawak na score card ay napanood ng buong mundo na siya ang tunay na kampeon at hindi ang hambog na si Timothy Bradley.

Pati ang mga sikat na personalidad sa Hollywood ay nalungkot sa sinapit ng Pambansang Kamao. Nagtataka silang lahat kung bakit at paanong si Timothy Bradley ang pinanalo, samantalang mas maraming pamatay na suntok ni Pacman ang lumanding sa mukha at katawan nito?

Kahit ang kababayan nating si Jessica Sanchez ay nagparamdam ng kalungkutan sa nangyari. Matatagalan daw bago nito matanggap ang pagkatalo ni Pacman. Ang dami-daming nagsisintir ang kalooban ngayon dahil lutong-Macau at tinrabaho ng Mafia ang labanang ito.

Kauna-unawa ang galit ng lahat sa naganap na dayaan. Pero ang hindi nakatutuwa ay ang kunwari’y sobrang galit ng promoter na si Bob Arum sa mga hurado. Tantanan na nga tayo ng mokong na promoter na ito na tunay na nagkampeon sa labanang ito sa usapin ng pananalapi.

Sa darating na Nobyembre ay gaganapin ang rematch nina Pacman at Bradley. Ngayon pa lang ay nakikini-kinita na ni Bob Arum kung ilampung bilyong dolyares ang kikitain ng salpukan. Kinukuwenta na nito ngayon pa lang kung ilang porsiyento noon ang magpapahalakhak sa kaban ng kaniyang yaman.

At sa kaniyang pagkabigo, kahit hindi naman dapat kung naging parehas lang ang paghusga, ay nagpakita pa rin ng papakumbaba ang Pambansang Kamao.

Katwiran ni Pacman ay ganoon talaga sa boksing, may isang itinataas ang kamay at may isa namang nakayuko. Kailangan daw nating respetuhin ang paghusga ng mga hurado at ibigay ang kredito sa nanalo.

Napakagandang puso!

Ara Mina – Public apology ang gusto mula sa kapatid

Nasa proseso pa lang ng pagsasagutan ngayon sa pamamagitan ng kanilang mga affidavit ang magkapatid na Ara Mina at Cristine Reyes. Sumagot na si Cristine sa demandang ihinain laban sa kaniya ni Ara. Noong nakaraang Martes naman ay sinagot ng aktres ang reply affidavit ni Cristine. Hindi pa sila nagkakausap hanggang ngayon.

Maganda ang puso ni Ara Mina. Mapatutunayan ng buong showbiz ang pagiging parehas ng aktres sa kahit anong laban. Handa rin niyang patawarin si Cristine pero pinaninindigan niya ang kaniyang unang nasabi na noon.

“Public apology. Kung saan niya ako winasak, doon din niya ako buuin, dahil totoo namang puro mapanira ang mga salitang ginamit niya sa akin. Pero kailangang maramdaman ko iyon. Kailangang ma-feel ko ang pagsisisi niya sa mga ginawa niya,” pahayag ni Ara Mina.

Kung matatandaan, halos dalawang buwan na ngayon ang nakararaan ay nag-text si Cristine kay Ara, humihingi ito ng pasensiya sa mga nangyari. Malapit na sanang matunaw ang puso ni Ara noong mga sandaling iyon, pero tumigas na naman, dahil sa nalaman niyang ginawa ng nakababata niyang kapatid.

“Ayoko nang mangyari iyong ginawa niya noon na todo ang panghihingi niya ng apology sa akin, pero kinagabihan naman pala, eh, sinugod niya ang mommy ko. Doon siya nagwala, takot na takot sa kaniya si mommy that time.

“Kung talagang sincere siya sa mga sinasabi niya, gawin niya iyon publicly, anyway, sa publiko rin naman niya ako sinira. Gawin niya iyon dahil gusto niyang magkasundo na kami at hindi iyong para lang ipakita niya sa mga tao na nagso-sorry na siya,” madiing pahayag ni Ara.

Manny Pangilinan – Hindi totoong binili ang GMA7

Nagawa na ng TV5 ang unang hakbang sa pagpapalawak ng kaniyang naaabot sa ibang bansa. May Dish Network na ngayon sa Amerika, sa Saudi Arabia, at sa susunod ay gagana na rin ang Dish Network sa Canada at Europa.

Ang kasama sa Dish Network ng TV5 Kapatid International sa Amerika ay ang GMA-7, kaya nang magbigay ng pahayag ang may-ari ng TV5 ay sinabi ni Mr. Manny V. Pangilinan (MVP) na sana’y suportahan ng ating mga kababayan ang TV5, pero suportahan din ang GMA-7.

Dahil sa kaniyang pahayag ay nag-one plus one agad ang marami. Sigurado na raw pala ang pagsasanib ng Singko at ng Siyete, isang maling insinwasyon na nilinaw agad ni MVP.

Wala siyang anumang binanggit tungkol sa bilihan-bentahan. Hindi niya sinabi na isang araw ay mapapasakaniya na rin ang GMA-7. Ang ibig lang niyang tukuyin ay pareho sanang suportahan ng mga kababayan natin sa Amerika ang TV5 at GMA-7 dahil ang dalawang istasyong lokal dito sa atin ang magkasamang ibinebenta sa Dish Network sa ibang bansa.

Isang kaso na naman ito ng bulate na naging sawa, ng isang pipit na naging agila, ng isang butiki na naging buwaya.

Pero ang situwasyong ito ay isang patotoo rin na sa larangan ng negosyo at kalakal ay nakatuon ang mga mata ng marami ngayon kay MVP. Anumang sabihin niya ngayon ay binibigyan ng ibang pakahulugan at insinwasyon. Nakabantay sa kaniyang mga sinasabi at ginagawa ang mga negosyante. Ganoon na nga kalaki at kalawak ang kapasidad ni MVP ngayon.

Willie Revillame – Natuwa sa mainit na pagtanggap sa kanila sa US

Sa kabuuan ng kanilang mga shows na ginawa sa Amerika ay masayang-masaya ang main man, Willie Revillame, ng Wil Time, Bigtime. Hindi kasi niya inaasahan ang ganoon kainit na pagtanggap sa kaniya at sa tropa niya ng ating mga kababayan. Pakiramdam niya ay hindi siya nawala sa Dos sa ipinakita sa kaniya ng mga Pinoy sa Los Angeles at sa San Francisco.

“Masayang-masaya ako dahil napasaya namin sila. Hindi biro ang mawalay sa pamilya para sa pangangarap ng magandang buhay, malulungkot sila doon. Salamat, dahil kahit paano, nakapagbigay kami ng saya sa kanila.

“At maraming salamat, dahil napakainit ng pagtanggap na ibinigay nila sa amin. Grabe ang ipinaramdam nilang pagmamahal, salamat talaga sa mga kababayan natin sa Amerika,” pasasalamat pa ni Willie Revillame.

Have a comment on this article? Send us your feedback