Published on

Cristy Fermin

   Hulyo 1 - 15, 2012

 

 
 
Ruffa Gutierrez
 
 
Grace Poe Llamanzares
 
 
Amalia Fuentes
 
 
Willie Revillame, Dolphy & Zsa-Zsa Padilla
 
 
Meryll Soriano
MTRCB – Walang naganap na violation kay Ruffa sa Paparazzi

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang MTRCB sa pamamagitan ng kanilang tagapamuno na si Ms Grace Poe Llamanzares tungkol sa pinagpipistahang kaganapan sa Paparazzi Showbiz Exposed noong nakaraang Sabado (June 23) nang tanghali.

Pagkatapos ng programa ay nagsasalimbayang tweets ang nabasa at nasundan ng publiko. Galit na galit si Ruffa Gutierrez, dahil binastos diumano siya ng Paparazzi.

Mas matitinding tweet pa ang sumunod nang umariba na ang masasakit na panlalait ng ina ni Ruffa. Tinawag nitong iresponsable, bastos, maniac, bobo at kung ano-ano pang masasakit na termino ng pangmamaliit ang mga writers ng Paparazzi.

Nagimbal kami dahil hanggang noong paalis na kami sa studio ay maayos na maayos pa si Ruffa. Nagparetrato pa nga siya sa mga tagahanga na lumalapit sa kaniya.

Salita laban sa salita. May sariling bersiyon si Ruffa Gutierrez na kung saang puno ng sampalok niya hinalukay ay walang nakakaalam. May bersiyon din ang buong produksiyon ng Paparazzi. Kung sino ang nagsasabi ng katotohanan ay pinagbobotohan pa ng sambayanan.

Nasaktan ang mga writers ng Paparazzi dahil hinusgahan agad sila ng ina ni Ruffa. Kaya nilang panindigan na bago ginanap ang segment na Bulong ng Palad ay kinausap muna nila ang aktres-TV host. Nagbigay naman siya ng basbas tungkol sa mga mangyayari.

Pinagpistahan ang isyu. Kung ano-anong masasakit na paratang ang binitiwan ng mag-ina laban sa programa kung saan siya nagho-host. Hindi naging maganda sa panlasa ng mayorya ang mga sinabi nila.

Nirebyu ng MTRCB ang episode ng Paparazzi noong nakaraang Sabado. Paulit-ulit na tinutukan ng mga miyembro ng ahensiya ang episode na sinasabi ni Ruffa na nambastos sa kaniya. Heto ang resulta ng kanilang pagrerebyu sa Paparazzi.

“Technically, wala naman talagang violation. Maaaring mayroon silang hint kung anuman iyon, pero hindi naman sinabi nang diretsuhan at walang narinig.

“We had people monitoring the program. We didn’t find anything objectionable in that episode,” malinaw na pahayag ni MTRCB Chairman Grace Poe Llamanzares.

Nakalulungkot lang isipin na ang isang magandang samahan ng mga hosts at staff ng programa ay nabahiran ng ganitong isyu. Responsable ang mga tagapamuno, staff at crew ng Paparazzi. Iyon ang moog na nagbubuklod sa aming lahat. Iyon ang dahilan kung bakit Huwebes o Biyernes pa lang ay gusto na naming hilahin ang mga oras para maging Sabado nang tanghali na.

Walang binastos at walang nambastos. Walang hindi nirespeto, walang naging iresponsable, pero kung ang puti ay gustong palabasing itim ng iba ay sila na ang magdadala noon.

Amalia Fuentes – Walang nakitang pambabastos kay Ruffa sa show

Sinorpresa kami ng tawag noong isang gabi ni Amalia Fuentes. Malaking sorpresa iyon para sa amin dahil hindi kami nabigyan ng pagkakataong maging malapit sa isa’t isa mula nang maging manunulat kami. Puro mga kuwento-kuwento lang ang naririnig naming. May magaganda at hindi rin kagandahan. Ang isang katotohanan lang na alam namin nang malayuan ay magandang-maganda pa rin siya sa kabila ng pagdadagdag niya ng edad at timbang. “Cristy, kumusta ka na? Ang Tita Nena mo ito,” sabi ng nasa kabilang linya. Hindi maaaring magkaila ang kaniyang boses, kaniyang-kaniya lang iyon, para kaming binato ng suwerte noong Martes nang gabi dahil isang itinuturing na Reyna ng Pelikula ang kausap namin. Kahit hindi kami nagkakausap ni Tita Nena ay kilalang-kilala na rin namin siya dahil sa mga kuwento ni Tita Daisy Romualdez. Sanggang-dikit kasi sila, magkaututang-dila, Muhlach kung tawagin siya ni Tita Daisy. Ang dami-dami naming pinagkuwentuhan, kung saan-saang paksa tumutok-lumundag ang aming usapan, para kaming saranggola noon na kung saan niya gustong pihitin ang aming tali ay lipad lang kami nang lipad. Nakakaaliw siyang magkuwento, hindi siya nauubusan ng paksa, hanggang sa igiya na niya ang aming usapan sa nangyari sa Paparazzi Showbiz Exposed noong nakaraang Sabado. “Alam mo, pinanonood ko ang Juicy at Paparazzi. Sapul ko ang Juicy dahil late sleeper talaga ako. Aliw na aliw ako sa inyong lahat dahil para lang kayong naglalaro sa show. Napaka-casual. “Ang Paparazzi naman, ligaw na ligaw ako sa araw at timeslot ninyo, nahihilo ako, palit kayo ng palit ng araw at oras! Pero napanood ko iyong last Saturday, natutukan ko iyong Bulong ng Palad segment ninyo. “Nakakaaliw ang portion na iyon, bulungan kayo nang bulungan, tawanan kayo nang tawanan, pero kayo-kayo lang naman ang nagkakaintindihan ng mga ibinubulong ninyo! “Hindi ko alam kung bakit nagalit si Ruffa sa show, I don’t see any reason why, hindi naman siya binastos sa show, I saw that! Wala naman kayong ipinarinig sa televiewers, kayo-kayo lang naman ang nagkakaalaman, ano’ng pambabastos doon?” mahabang pahayag ni Tita Nena. Dalawang bigwas na ng kasong libelo ang naihahain niya ngayon laban sa mag-inang Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez, sa Twitter din nag-ugat ang lahat-lahat, mga mensaheng hindi kinayang palampasin nang paganoon na lang ng Reyna ng Pelikulang Pilipino.

Dolphy – Kritikal pa rin ang situwasyon ng Comedy King

Nabubuhayan ng loob ngayon ang magkakapatid na Quizon dahil mas gumaganda kesa sa dati ang kalagayan ng kanilang amang Comedy King. Ayon kay Direk EricQuizon ay malaki ang naitutulong ng dialysis kay Tito Dolphy, kaya nagdesisyon silang magkakapatid na hanggang kaya ng katawan ng Hari Ng Komedya, tuloy-tuloy lang ang ganoong proseso para kay Tito Dolphy.

Dumating na ang panganay sa magkakapatid, si Manny Boy na ilang taon nang naninirahan as Amerika, pati si Marikit na matagal na ring hindi nakakasama ang kaniyang ama.

Kuwento ng magkakapatid, nang dumating si Manny Boy at Marikit ay napansin nila na mas nagbibigay ng magagandang senyal si Tito Dolphy. Parang alam na alam niya na isa-isa nang nagdaratingan ang kaniyang mga anak na galing pa sa malalayong lugar.

Maraming kuwentong nakararating sa amin na nagkaroon na ng pagpupulong ang magkapatid tungkol sa kanilang gagawin kung dumating man ang senaryong kanilang pinaglalabanan hanggang ngayon.

Ayaw pa rin nilang isuko ang laban. Pero kung talagang hanggang doon na lang ang buhay ng kanilang ama ay wala silang pamimilian kundi ang tanggapin na lamang ang kalooban ng Diyos. Ayaw na rin nilang makitang nahihirapan ang Comedy King.

Sa pag-uusap ng magkakapatid ay humakbang na sila nang mas mabilis para hindi na sila matuliro kapag dumating na ang pinakamasakit na pangyayari sa kanilang buhay. Sa Heritage Park ilalagak ang mga labi ni Tito Dolphy. Hindi nila ipagdadamot sa publiko ang pagdalaw bilang panghuling respeto sa kanilang ama.

Pero ang lahat ng detalyeng ito ay hindi kinukumpirma ng magkakapatid. Napakapribado na raw ng mga ganoong pangyayari, para sa kanila na lang daw iyon na sana’y maunawaan ng iba.

Kritikal pa rin ang situwasyon ng Comedy King. Kahit pa sinasabi nila na umaayos na ang kaniyang kalagayan ay hindi pa rin nila hawak ang isandaang porsiyento ng pag-asa. Patuloy na panalangin pa rin ang hinihingi ng pamilya para sa Hari ng Komedya.

Mahigit na dalawang dekada na ngayong naninirahan sa Amerika si Tita Baby Smith (Pamela Ponti sa pagkakilala ng mas nakararami). Siya ang ina ng magkakapatid na Ronnie, Eric, Madonna at Epi Quizon, matagal na nakarelasyon ng Comedy King.

Naging maayos ang kanilang paghihiwalay. Magkaibigan pa rin sina Tito Dolphyat Tita Baby hanggang ngayon. Natutuwa ang magkakapatid dahil sa kabila ng nangyari sa kanilang mga magulang ay parang walang nagbago sa kanilang samahan.

Noong huling biyahe namin sa Amerika ay tinawagan pa kami ni Tita Baby. Nasa San Francisco siya noon, malayo sa amin na kasalukuyang nasa Los Angeles naman.

“Gusto sana kitang makita, may titinatayo kasi akong resto dito sa Sanfo, sabik na akong magkakuwentuhan tayo,” sabi ni Tita Baby.

Masarap siyang magluto. Nasanay na ang kaniyang mga anak sa lasa ng kaniyang mga putahe. Noong nandito pa siya ay nasa kanilang bahay sa Blueridge tuwing Linggo ang Comedy King.

Nakakatuwa nga dahil kahit pa sina Tito Dolphy at Alma Moreno na ang magkasama sa buhay ay hindi pa rin sila kinalilimutan ng Hari ng Komedya.

“Every Sunday, dito siya sa amin, maliban na lang kung may trabaho siya na malayo sa Manila. Kaya every Sunday, dito na ako nakatira sa kusina, alam ninyo naman si Dolphy, mahilig sa masasarap na pagkain,” natatandaan pa naming kuwento ni Tita Baby.

Ngayong nasa kritikal na kundisyon ang Comedy King ay sinsero ang pakiusap-panawagan ni Tita Baby na sana’y maglaan ng panahon ang ating mga kababayan sa pagbibigay ng panalangin para sa minsan pang paglakas ni Tito Dolphy para madugtungan ang kaniyang buhay.

Nagpapasalamat din si Tita Baby kay Zsa Zsa Padilla na hanggang sa huli ay hindi bumibitiw sa pagmamahal kay Tito Dolphy, sa iba pang mga anak ng Hari ng Komedya, lalo na sa kanilang mga anak na sina Ronnie, Eric, Madonna at Epi.

Meryll Soriano – Mapagsilbing anak sa mapagmahal na ama

Nag-bonding sa Singapore kamakailan ang mag-amang Willie Revillame at Meryll Soriano. Sinamantala nila ang panahon para makabawi sa matagal ding panahon ng hindi nila pagsasama dahil nag-aral nga sa London si Meme.

Sa kanilang pagba-bonding ay kasama rin ang apo ni Willie na si Eli, ang guwapong anak ni Meryll na lumalaking bibung-bibo at guwapo. Namasyal sila nang namasyal sa Singapore at nalagasan nang malaking halaga ang namumutok na bulsa ni Willie.

“Lahat ng mga ginagawa ko ngayon, eh, para sa mga anak ko na lang. Gusto ko silang iwan na may maaasahan para sa kanilang kinabukasan,” makahulugang komento ng aktor-TV host.

Kapag my mga okasyong kailangang daluhan si Willie na humihingi ng pormalidad ng gayak ay si Meryll ang namamahala sa kaniyang isusuot. Magaling si Meme sa ganoon, mapagkakatiwalaan ang kaniyang panlasa.

Paminsan-minsan ay binabago ni Meryll ang napakasimpleng porma ng kaniyang ama na napakakumportable na sa lumang t-shirt, tsinelas na goma at lumang shorts.

“Si papa, ang hirap-hirap bihisan! Kailangang may explanation ka muna sa kaniya kung bakit ganoong kulay ang kailangan niyang isuot, kung bakit ganito at ganyan!

“Sabi ko naman sa kaniya, trust me, ako pa ba naman ang maglalagay sa kaniya sa alanganin? Siyempre, proud ako sa kaniya, mahal ko siya, kaya I want him to look good all the time,” nakangiting sabi ng matalinong si Meryll Soriano.

Have a comment on this article? Send us your feedback