Published on

Cristy Fermin

   Setyembre 1 - 15, 2012

 

 
 
Shaina Magdayao & John Lloyd Cruz
 
 
Angelica Panganiban & Derek Ramsay
 
 
Sarah Geronimo & Gerald Anderson
 
 
Heart Evangelista & Chiz Escudero
 
 
Gelli de Belen
 
 
Alex Gonzaga
 
 
Mark Neumman
Angelica Panganiban at John Lloyd Cruz – sila na nga ba?

Madalas makitang magkasama ngayon sina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban, lagi ring imbitado ang aktres sa mga selebrasyon sa pamilya ng aktor, hindi man sila umamin na sila na nga ngayon ay wala nang kailangan pang paliwanag.

Puro “no comment” lang ang isinasagot nila sa mga diretsong tanong kung may relasyon na ba sila. Kung minsan naman ay pinagtatawanan lang nila ang tanong. Siguro nga’y naghihintay pa sila ng tamang pagkakataon para sa kanilang pag-amin.

Maligaya na sila ngayon. Kahihiwalay lang ni Angelica kay Derek Ramsay at ilang buwan pa lang ding naghihiwalay sina JLC at Shaina Magdayao, pero walang anumang maririnig mula sa ex ni John Lloyd.

Dahil masaya at maligaya na nga si Angelica sa piling ni John Lloyd ay maraming nagtatanong, bakit kailangan pa niyang magpakawala ng mga salitang hindi hinihingi ng panahon. Sabihin man niyang hindi naman si Derek ang kaniyang pinariringgan sa mga entry niya sa kaniyang blog ay walang maniniwala.

Kung anu-anong paghusga ang kaniyang sinasabi, pero puro patagilid lang; walang banggit ng pangalan kahit pa nagkakaisa naman ang mas nakararami na si Derek ang kaniyang pinatatamaan.

Ang opinyon ng marami: kung ganyan na maligaya na siya sa iba, dapat ay tantanan na niya ang pagkokomento tungkol sa kaniyang dating karelasyon.

Nababawasan kasi ang paniniwala ng iba na maligaya na siya ngayon dahil mayroon pa rin siyang dinadalang sama ng loob tungkol sa kaniyang ex. Mayroon pa siyang “sinisingil” na kung ano, samantalang dapat ay maligaya na siya ngayon na kasama si John Lloyd.

At kung talagang matapang si Angelica, sana’y minsanin na niya ang paglalabas ng sama ng loob at diretsuhin niya nang si Derek Ramsay nga ang pinatatamaan niya para matapos na ang kuwento.

Ganoon lang kasimple ‘yon.

Derek Ramsay – isang maginoo

Nakabalik na mula sa kaniyang matagumpay na pagiging news correspondent sa London Olympics 2012 si Derek Ramsay. Marami siyang kuwento dahil nabigyan nga naman siya ng pagkakataon ng TV5 na maglabas-masok sa mismong venue ng mga laro. Malaya siyang nakapag-iinterbyu. Nakakausap niya nang malapitan ang mga kilalang pangalan sa larangan ng palakasan.

Si Derek pa naman, palibhasa’y atleta rin siya, kilalang-kilala niya kung sinu-sino ang kampeon sa iba’t ibang events. Sinamantala niya ang pagkakataong ‘yon. Kahit pa napakaraming mga kaibigang nag-iimbita sa kaniya para lumabas ay tinabla niya ‘yon, ang naging priority ng aktor ay ang kaniyang trabaho bilang Olympics correspondent ng TV5.

“Napakarami kong na-meet na players na dati, e, sa pangalan ko lang kilala. Of course, I know them by name, pero ‘yung makita mo sila nang up-close, ibang usapan na ‘yun!” masayang kuwento ng hunk actor.

Hindi raw niya akalain na isang araw pala ay magiging bahagi siya ng kasaysayan ng Olympics. Iyon daw ang oportunidad na ipinagkatiwala sa kaniya ng TV5 na hinding-hindi niya makakalimutan. Iingatan niya ang karanasang ’yon habambuhay.

“Not everyone is given that great opportunity, kaya ang suwerte-suwerte ko. ‘Yung mga invitation ng mga friends ko, tablado muna. Hindi ko muna sila pinagbigyan. Inuna ko talaga ang trabaho ko.

“Puro work kasi doon. Palaging may coverage, para hindi tayo mahuli sa balita. Masarap. Ibang experience ‘yun. Gusto ko pa uling maranasan ang ganoon kaganda at ka-historical na coverage,” pahayag pa ng guwapong aktor.

Hanggang ngayon ay nagpapakamaginoo pa rin si Derek Ramsay sa hindi pagkokomento tungkol sa hiwalayan nila ni Angelica Panganiban kahit pa parang naghahamon ang dalagang aktres na magsalita na siya.

Ganuoon ang maginoo, hindi nagpapadala sa emosyon. Edukado siya at marunong humawak ng laban.

Gerald at Sarah – naudlot ang pag-iibigan?

Walang kahit anong salitang binibitiwan si Gerald Anderson laban sa mga ginagawang pagkontra ng ina ni Sarah Geronimo sa kaniya. Maginoo ang young actor. Pero ang nagdedepensa sa kaniya ay ang mga taong nakapaligid sa kaniya.

Sabi ng isang malapit kay Gerald na ayaw nang magpabanggit ng pangalan dahil regular din nitong nakikita si Mommy Divine. “Sobra naman ang mommy ni Sarah kung makakontra kay Gerald. Para namang prinsesa ang anak niya na pinag-aagawan ng mga gustong mapabilang sa kaharian nila!

“Ano ba naman ang akala niya sa mga taong nakikipaglapit sa anak niya, puro user na lang? Kung nagkaroon ng hindi magandang experience noon si Sarah sa iba, huwag naman sana nilang itulad doon si Gerald!” inis na sabi ng aming kausap.

Pakiramdam ng mga tagahanga-tagasuporta ni Gerald ay masyado na siyang minemenos ng ina ni Sarah, samantalang wala namang masamang hangad ang young actor sa dalaga kundi ang maging masaya sila ng dalaga. Ano raw ba ang klase ng lalaking gusto ng pamilya ng singer-actress para sa kaniya?

Sabi nga, ina ang unang-unang magmamalasakit sa kaniyang anak. Hindi lang siguro natin nakikita iyon dahil sumosobra na ang ipinakikitang pagkontra ni Mommy Divine kay Gerald.

Isang impormante ang nagpaalala sa amin, “Noong panahong si Rayver ang nakikipag-close kay Sarah, walang ipinagkaiba ang sitwasyon sa mga ginagawa ngayon ng mommy ni Sarah kay Gerald.

“Kahit kanino siguro, e, forever na silang magiging ganiyan, unless ang manligaw kay Sarah, e, isang lalaking hindi nila kayang maliitin. ‘Yung sobra-sobra talaga ang yaman at laki ng pangalan sa lipunan,” nagmamaasim na komento ng aming source.

Mismo! Korek!

Chiz Escudero at Heart Evangelista – dalawang buwan nang magkarelasyon?

Hindi kami kailanman kinuryente ng kausap namin noong isang araw. Ang mga kuwentong ibinabahagi nito sa amin ay idedenay lang muna ng mga personalidad na sangkot, pero sa katagalan ay napatutunayan naming totoong-totoo.

Ang pinakabagong istoryang ibinulong ng aming source ay tungkol kina Senador Chiz Escudero at Heart Evangelista. Dalawang buwan na palang magkarelasyon ang dalawa, kaya kumpirmasyon na lang mula sa kanila ang kailagan nating hintayin.

“They are so in-love with each other,” bitin na banggit pa ng aming source. Naipakilala na raw ni Heart sa kaniyang pamilya ang magiting na mambabatas at mukhang wala naman silang problema dahil alam ng kampo ng dalagang aktres na matagal nang hiwalay sa kaniyang misis ang senador.

Ayon pa rin sa aming impormante ay alam na ng ina ng kambal ni Senador Chiz ang totoo. Wala raw nasabi si Cristine, dahil matagal nang karelasyon ng misis ng senador ang isang kilalang dancer-choreographer.

Sana nga ay maiayos nila nang maaga ang kung anumang legalidad na maaaring humadlang sa kanilang kaligayahan. Ang kuwentong ito ay nagpapatunay lang na sina Senador Chiz at Heart talaga ang nagkakamabutihan. Panggulo lang ang istoryang kunu-kuno ay sina Senador Chiz at Kris Aquino na.

Gelli de Belen – kuhang kuha ang pulso ng masa

Ilang araw na naming natutukan ang Face-To-Face na si Gelli de Belen na ang tumitimon bilang kapitana ng barangay dahil sa pansamantalang pamamahinga ng orihinal na si T’yang Amy Perez.

Bagay na bagay si Gelli sa ganoong tema. Mabilis siyang magkomento. Napapanahon din ang mga ginagamit niyang termino na nagpapatawa nang husto sa manonood.

Noong minsan ay paglalasing ang naging paksa sa problemang idinulog sa kanila. Nag-inuman ang asawa ng nagrereklamo at ang kaniyang kaibigan, pag-iinuman na nauwi sa kama.

Tawa kami nang tawa noong humirit si Gelli. Ang argumento kasi ng nakainumang babae ay ebidensiya. Maglabas daw ng patotoo ang nakakita para maging malinaw ang kuwento.

Ang sabi ni Ateng Gelli, “Ito naman, kung makasigaw ng ebidensiya, eh, nakita na nga kayong nagroromansa espesyal sa kama!” Mayroon din siyang ginagamit na nomo-nomo, mamam at iba pang paglalarawan sa paglalasing. kakontemporary ni Gelli ang panahon sa kaniyang pagho-host.

Wala siyang ipinagkaiba kay T’yang Amy na kuhang-kuha ang pulso ng masa. Ganoon din kasi ang kaniyang hinalinhan pansamantala, kabisado rin ni T’yang Amy ang mga salitang ginagamit sa mga kuwentuhang-kanto.

Alex Gonzaga – bugbog sarado kay Gladys Reyes

Maraming nakakapansin na bigay na bigay talaga ang pamimisikal ni Gladys Reyes kay Alex Gonzaga sa eco-serye ng TV5 na Enchanted Garden. Tanong pa nga noong minsan ng isang kaibigan namin, “Pinag-uusapan ba nilang dalawa ‘yun? Nasa script ba talaga ‘yun?

Hindi rin puwedeng maiwasang isipin ng iba na baka may lihim na galit ang magaling na kontrabida kay Alex dahil sa bigay na bigay na pananakit niya sa mga eksena. Pero may paliwanag doonn si Gladys. Heto ang kaniyang pahayag.

“Alam n’yo po, naaawa na rin ako kay Alex, pero hindi ko naman puwedeng dayain lang ang eksena dahil magagalit si Direk Joel (Lamangan). Maa-award ako, kaya ginagawa ko na lang kaysa naman sa masigawan ako.

“Ang alam ko nga po, eh, medyo affected na si Mommy Pinty dahil sa napapanood nila. Naiintindihan ko naman po ‘yun bilang isang nanay ring tulad niya. Ako man, ayoko siyempreng makitang nasasaktan ang anak ko. Pero wala po ‘yun. Trabaho lang. Sobrang okey po kami ni Alex.

“Saka nagso-sorry po ako sa kaniya after every take na nasasaktan ko siya. Wala pong problema sa aming dalawa. Kuwentuhan to-the-max pa nga kami sa tent while waiting,” paliwanag ni Gladys.

Ang kredibilidad ni Gladys Reyes bilang kontrabida ay nagsimula sa kanilang tambalan ni Judy Ann Santos sa Mara Clara. ‘Yun ang mga panahong halos isumpa na siya ng mga tagahanga ni Juday. Galit na galit din sa kaniya ang manonood, pero sa likod ng galit na ‘yun ay ang paghanga dahil magaling siyang aktres.

Sabi nga ng mga nakasaksi sa pagpapahirap niya noon kay Judy Ann na talaga namang ipinagsusubsuban niya ang batang superstar sa plangganang punumpuno ng sabon habang naglalaba. Kung walang Gladys na nagpahirap kay Juday ay hindi makukuha ng aktres ang simpatya ng manonood. Malaki ang nagawa ni Gladys kay Judy Ann Santos.

Hanggang ngayon ay sanggang-dikit pa rin ang dalawa. Matibay ang pundasyon ng kanilang pagkakaibigan. Pati ang kanilang mga anak ay magkakaibigan na rin ngayon.

“Hanggang sa screen lang po ang pagpapahirap ko. Pagkatapos ng take, tapos na ‘yun. Sobrang magkaibigan pa rin kami ni Juday until now. Invited niya ang mga bata sa lahat ng okasyon ng mga anak nila ni Ryan. Walang katapusan ang mga kuwentuhan naming dalawa kapag naupo na kami,” kuwento pa ni Gladys Reyes.

Mark Neumann – isa sa mga paborito sa Artista Academy

Ibang klase ang dating ng isa sa mga kalahok ng Artista Academy ng TV5, si Mark Neumann. Siya ang minamanok ng ating mga kababayan kahit saan kami magpunta.

Gaanin daw kasi ng loob ang guwapong bagets. Walang kayabang-yabang kahit pa sa kanilang lahat ay siya talaga ang nakauungos sa itsura at talento, kaya mabilis siyang nagustuhan ng mga Pinoy.

Minsan na naming nakita si Mark, kasama siyang dumalaw sa amin ng kaniyang Tito Gio ng Artista Salon. Magsisimula pa lang noon ang Artista Academy at kararating lang ni Mark mula sa Germany.

Magbabakasyon lang sana siya dito, pero nagkataon namang bukas na ang audition sa pinag-uusapan na ngayong reality show ng TV5, kaya isinali siya ng kaniyang mga kamag-anak.

Nakalusot ang teenager sa audition. Napasama sa pilian. Hanggang sa kasalukuyang labing-anim na kabataang naglalaban-laban para sa titulo. Tubong-Batangas ang pamilya ng ina ni Mark Neumann. Napatira siya doon nang halos dalawang taon, kaya hindi nakapagtataka kung bakit matatas siyang magsalita sa Pilipino kahit pa lumaki siya sa Germany.

“Saka in the house, my mom would talk to me in Filipino. Palagi niya akong kinakausap in our native tongue, kaya marunong talaga akong mag-Tagalog,” medyo garil na kuwento ng guwapong si Mark.

Siya rin ang minamanok ngayon ng mga tagahanga ng ibang artista. Suportado ng kanilang text votes ang makisig na bagets, kaya hindi malayong siya ang makakuha ng titulo sa Artista Academy.

Sabi ng kaniyang Tito Gio, “Tuwing nagpe-perform si Mark, kaming lahat sa family, ninenerbiyos. Parang kumakabog ang dibdib naming. Although of course, malaki naman ang tiwala namin sa talent niya.”

Pakitandaan po natin ang kaniyang pangalan, Mark Neumann. Lumaki sa ibang bansa pero Pinoy na Pinoy pa rin sa puso at kultura.

Have a comment on this article? Send us your feedback