Published on

Cristy Fermin

   Oktubre 1 - 15, 2012

 

 
 
Jessica Sanchez
 
 
Charice Pempengco
 
 
Gretchen Barretto
 
 
Bea Binene
 
 
Amy Perez
 
 
Shaina Magdayao
 
Jessica Sanchez – Hinahangaan ng napakaraming Pinoy ngayon

Bakit kaya nagdudugo ang butse ng banyagang manager ni Charice Pempengco tungkol sa suportang kusang ibinibigay ng mga Pinoy kay Jessica Sanchez?

Hindi raw naman purong Pinoy si Jessica – Amerikanong passport ang kaniyang hawak at iilang patak lang naman ng dugong Pilipino ang nananalaytay sa kaniyang mga ugat – kumpara sa kaniyang alagang si Charice na dutdutin man nang paulit-ulit ang mga ugat sa katawan ay isandaang porisyentong Noypi.

Bakit daw iniidolo ng mga Pinoy ang isang tulad ni Jessica na ni hindi nga marunong magsalita ng Pilipino, ipinanganak at lumaki sa Amerika at ni hindi sinikatan at nilubugan ng araw sa Pilipinas kahit minsan? Nakakahiya raw ang ipinakikitang pagsuporta ng mga Pinoy sa dalaga ayon pa sa manager ni Charice.

Ano ba ang inginangawngaw ng manager na ito? Bakit pati ang kusang-loob na pag-idolo kay Jessica ng ating mga kababayan ay pinakikialaman nito, samantalang napakaraming parte ng bubong ni Charice na sira na at tumutulo na dapat bigyan ng atensiyong kumpunihin kesa sa buhay ni Jessica Sanchez?

Si Jessica, naturingan mang hindi purong Pilipino ay nagsisikap makapagsalita ng ating wika. Kabaligtaran ni Charice na kausapin mo sa Pilipino at isang bonggang-bonggang pa-slang na Ingles ang ibabalik sa iyo.

Sino ngayon sa kanilang dalawa ang nagpapaalipin sa kolonyalismo? Ang tulad ni Jessica na isinilang at lumaki sa Amerika pero pinahahalagahan ang gapatak niyang dugong Pilipino? O si Charice na sa Laguna ipinanganak at nagkaisip pero nagpapaka-trying hard na maging Amerikana sa kaniyang gayak, kilos at pagsasalita?

Ang paghanga ay tulad din ng respeto na kusang ibinibigay at hindi nabibili at nahihingi. Si Jessica Sanchez ang gustong suportahan ng ating mga kababayan, mapipigilan ba iyon ng pumuputok ang butseng kampo ni Charice?

At isang banyaga pa ba ang papayagan nating magdikta sa ating kalayaan at karapatan? Sa mismo nating bayan?

Charice – Banyagang manager ang nakakasira ng career

Kaya, halos mapuno ang inbox ng aming telepono dahil sa kaliwa’t kanang reaksiyon ng ating mga kababayan kontra sa malabigang dila ng banyagang manager ni Charice.

Loko, napakalakas ng loob mong mambulabog ng kuta ng langgam, iyan ang napala mo. Sumisingasing sa galit ang mga mensahe, lait kung lait talaga ang mga kababayan natin hindi lang sa taklesang manager, kundi kay Charice na rin.

Sampol ng isang mensahe mula kay SOS, “Gusto po talaga naming mag-react tungkol sa Charice item ninyo. Agree po kami na mas mukhang Pinay pa si Jessica Sanchez kesa kay Charice sa anyo at ugali.

“Watch po kami ng AI concert sa Smart Araneta at sina Jessica, Colton Dixon at Phillip Phillips po ang talagang pinalakpakan at tinilian nang husto sa concert mula sa umpisa hanggang sa matapos ang show.

“Dati po talaga, eh, paborito namin si Charice, pero dahil hindi na siya ang dating Charice na ginusto namin noon, eh, iniligwak na namin siya nang todo! Masyado na siyang maarte at OA, kaya marami na talaga ang nabubuwisit sa kaniya!

“Laos na si Charice, kaya nasa X Factor Philippines na lang siya. Magsama na lang silang dalawa ni Kedebon Colin sa isang concert, tutal, wala na rin naman siyang X factor na tulad ni Kedebon.

“Y factor, puwede pa, as in, Yamot factor. Napakaarte niya!” emosyonal pang pahayag sa kabuuan ni SOS.

Gretchen Barretto – Talagang kakaiba!

Nakakaaliw ang kuwento ng isang kaibigan tungkol sa makasaysayang si Gretchen Barretto. Kinukunan ang isang eksena niya sa isang teleserye, matutulog na siya sa eksenang iyon, kaya ipinaaalis ng direktor ang suut-suot niyang pearl necklace.

Sa totoong buhay nga naman kasi, kapag natutulog na tayo ay hinuhubad natin ang kung anu-ano nating burloloy sa katawan, masarap kasing mamahinga nang magdamag na walang abala sa ating pagtulog.

Ang sagot ni Gretchen sa assistant director, “Why, is it a crime to sleep with pearl necklace?” Napahagalpak ang direktor, hindi na ito nakipagdiskurso pa kay Gretchen, pinabayaan na lang siyang matulog sa eksenang iyon na alahada pa rin.

Nag-iisa lang talaga si Gretchen Barretto. Siya lang iyon at wala nang iba pa.

Bea Binene – May stalker nga ba o wala?

Nakapanayam namin ni Richard Pinlac sa Cristy Fer Minute (92.3 News FM at AKSYON TV-41) ang kontrobersiyal na abogadong si Attorney Ferdie Topacio.

Nakakalungkot lang isipin na sangkatutak nang malalaking kaso ang hinawakan at naipanalo ng abogadong ito pero isang Bea Binene lang pala ang mananakit sa kaniya nang husto.

Ilang beses siyang hiningan ng payong-legal ng mag-ina. Tinulungan niya naman at pinaglaanan ng panahon ang mag-ina kahit pa marami siyang inaasikasong mas malalaking problema ng kaniyang mga kliyente.

Mayroon daw stalker si Bea, hina-harass daw ito ng naturang lalaki. Ayaw nilang pangalanan ang taong iyon noong una pero gusto raw nilang kasuhan at ipahuli ito.

Noong isa-isa nang ihinahanda ni Atty. Topacio ang mga legal na hakbang para masukol ang stalker daw ni Bea ay nagulantang na lang siya, ayaw nang pumayag ng mag-ina. Kamukat-mukat mo ay nakatira pala sa kanilang bahay mismo ang tinutukoy nilang stalker ng dalaga.

Maraming inabalang taong nakaposisyon sa kapulisan si Attorney Ferdie Topacio nang dahil sa mga sumbong ng mag-inang Binene.

Iniwan siya sa gitna ng laban ng mag-ina, pinalabas pa ng mga ito na wala naman silang ibinibigay na otorisasyon kay Attorney Topacio para sila ipaglaban.

Paano naman malalaman ng abogado ang kabuuang kuwento kung walang isinumbong ang mag-inang ito? Kilala ba ni Attorney Topacio ang tinutukoy nilang Papa Dan daw na deejay sa isang FM station?

Nakakalungkot na ang senaryong ito dahil kabata-bata pa ni Bea Binene para masangkot sa ganitong uri ng usapin. Mas nakalulungkot pa na ganoon pala silang mag-ina, nang-iiwan sa gitna ng laban, pagkatapos nilang mang-abala ng taong sa paggising pa lang sa umaga ay nakaatado na ang napakahalagang oras sa maghapon.

Ipinakukumpiska pa diumano ng mag-inang Binene ang laptop at telepono ng Papa Dan na ito, ayon pa rin kay Attorney Ferdie Topacio, kung bakit ay isang napakalaking kuwestiyon na silang mag-ina dapat ang sumagot nang diretso.

Amy Perez – Umaasang babae ang magiging anak

Aminado si T’yang Amy Perez na ito ang pinakamalaki niyang pagdadalantao. Anim na buwan pa lang ngayon ang kaniyang tiyan, pero napakalaki na, para ngang kabuwanan na niya ngayon ang kaniyang itsura.

Umaasa sila ng kaniyang mister na si Carlo Castillo na sana nga ay babae naman ang magiging anak nila para magkaroon ng prinsesa sa kanilang tahanan.

“Kay Adi, malaki rin ang tiyan ko, pero not this big. Kahit kay Kyle, malaki rin, pero ito talaga ang pinakamalaki, kaya sabi ko nga, baka girl na talaga ang ipinagbubuntis ko ngayon,” pahayag ng orihinal na kapitana ng Face-To-Face.

Kapag nasa set kami ng Ang Latest ay puro kuwentong-nanay ang iniikutan ng mga kuwentuhan namin nina Amy at Congresswoman Lucy Torres Gomez, lalo na silang dalawa, na nagsisimula pa lang magpalaki ng kanilang mga anak.

“Si Juliana, nanood siya ng concert ng Maroon 5. When she got home, she was like walking in heaven because of Adam Levin. Sabi niya sa amin ni Richard, ‘You know what, I told him that I love him. He answered back, love din daw niya ako!’

“Nagkatinginan kami ni Richard, ito na iyon, malapit na kaming sorpresahin one day ni Juliana by saying na mayroon na siyang boyfriend!” natatawang kuwento ni Congresswoman Gomez.

Nagbibinata na rin si Adi, ang anak ni Amy sa singer na si Brix Ferraris. Kahit saang anggulo mo tingnan ang itsura ng binatilyo ay hindi maikakaila na si Brix ang ama nito.

Shaina Magdayao – Hindi pumapatol sa taklesang JLC

Inaasahan na namin ang pagtatanggol ng kaniyang mga magulang kay Shaina Magdayao dahil sa isang pataklesang linyang binitiwan ni John Lloyd Cruz kamakailan na sa piling lang daw ni Angelica Panganiban ito lumigaya.

Natural, napakasakit ng ganoong mga salita para sa isang babaeng nakarelasyon ng nagsasalita tungkol sa kaniyang bagong pag-ibig. Mas masakit pa nga iyon kung tutuusin para sa mga magulang ng babae.

Opinyon ng kampo ni Shaina, kung gustong itaas ni John Lloyd ang posisyon ni Angelica sa kaniyang puso, kung gustong kilitiin ng aktor ang ego ng kaniyang girlfriend ngayon ay huwag sanang gamitin pa ang mga litanyang makakasakit sa kaniyang ex.

Sa pagsasabi nga naman ni JLC na sa piling lang ni Angelica ito lumigaya ay ano pa nga ba ang maiisip ng mas nakararami lalo na ng mismong mga nagmamahal kay Shaina?

Ang mga ganoong salita, siyempre pa, ay inalmahan ng ina ni Shaina na si Mommy Deanne.

Nakipaghiwalay na noon si Shaina kay John Lloyd, pero ang aktor ang nakipagbalikan, niligawan nito pati ang mga magulang ni Shaina, tanggapin lang uli ito ng dalaga.

Iyon nga ba naman ang klase ng babaeng hindi man lang nakapagbigay ng ligaya sa kaniya? Nakipaghiwalay na, pero binalikan pa rin ng aktor?

Kung minsan talaga ay nagpapadala ang lalaki sa init ng isang bagong relasyon. Parang ulam. Dahil bago sa panlasa ay sarap na sarap ito, nilalasahan nang husto ang bagong putahe, hanggang sa isang araw ay magsawa lang uli.

Ang maganda lang kay Shaina ay hindi siya nagbibigay ng panahon sa mga ganoong parunggit. Malaki ang tiwala ni Shaina Magdayao sa kaniyang pagkababae.

Have a comment on this article? Send us your feedback