Published on

Cristy Fermin

   Pebrero 16 - 29, 2012

 

 
 
Anne Curtis
 
 
Lea Salonga
 
 
Andi Eigenmann
 
 
Andi’s baby, Adrianna Gabrielle
 
 
Jaclyn Jose
 
 
KC Concepcion & Cloie Syquia Concepcion
 
 
Gabby Concepcion
 
 
Congressman Roman Romulo and wife, Councilor Shalani Soledad
Anne Curtis – Nilait ni Lea Salonga

Halos mapuno ang aming inbox ng mga negatibong komento tungkol kay Lea Salonga na siyempre pa’y galing sa mga tagahanga ng nilait nitong young actress na si Anne Curtis. Kung mababasa lang ni Lea Salonga ang mga komento tungkol sa kaniya, siguro’y mananatili na lang sa ibang bansa ang international performer, at doon na lang tatapusin ang kaniyang singing career.

Matindi raw ang pagpapahalaga ni Lea sa mundo ng musika, ayaw na ayaw raw niyang nakakarinig ng mga singers na wala naman sa tono, “I hate it, I really hate it!” sabi pa ni Lea.

Siguradong pinupupog ng mga Twitter followers ni Anne si Lea Salonga ngayon dahil ang kanilang katwiran ay hindi naman nagpapanggap na magaling na singer si Anne Curtis.

Sabi ng isang nag-text sa amin, “Bakit ba masyadong insecure si Lea Salonga? Napapansin n’yo rin ba? Kapag may isyung pinag-uusapan, makikisali na agad siya, tweet na siya nang tweet, wala na kasing pinag-uusapan tungkol sa kaniya kundi ang pakikipaghiwalay kuno niya sa mister niya!

“Nakikisawsaw siya agad sa kung anu-anong issue, bakit hindi na lang kasi niya asikasuhin ang career niya? Pati si Anne na nananahimik at hindi naman siya sinasaktan, nilait-lait pa niya.

“Napahiya ba kasi siya sa sarili niya? Hindi ba kasi niya kayang paapawin ang Smart Araneta Coliseum, kaya ginaganyan niya iyong taong nananahimik? Tapos na ang career niya, kaya manahimik na lang siya!” Sampol lang ito ng mga mensaheng tinatanggap namin ngayon laban kay Lea Salonga.

Sa estadong narating na ni Lea Salonga, ang inaasahan kasi ng ating mga kababayan ay magiging maligaya na ito sa kaniyang kinalalagyan, hindi na nito papansinin-mamaliitin pa ang mga personalidad na pumapasok sa kaniyang mahal na mundo.

Sa titulo pa lang ng kaniyang concert ay nandoon na agad ang kawalan ng pretensiyon ni Anne Curtis bilang singer, gasgas na gasgas na rin ang kaniyang paunang salita na hindi naman talaga siya concert artist, basta gusto lang niyang kumanta.

Hindi lang si Anne Curtis ang sinaktan-pinatamaan ni Lea Salonga sa kaniyang pahayag na inis na inis ito kapag nakakarinig ng mga boses na dispalinghado at sintunado. Maging ang iba pang singers ay nayabangan sa kaniyang komento. Sorry na lang daw dahil hindi sila kasinggaling ni Lea Salonga.

Sarkastiko!

President P-Noy – Madaldal ang bagong girlfriend

Tama ang punto ng aming mga nakakausap, kapribaduhan ang palaging hinihingi ng Pangulong Noynoy Aquino tungkol sa kaniyang buhay-pag-ibig, pero sa takbo ng mga pangyayari ngayon ay makukuha kaya ni P-Noy ang kaniyang hiling?

Kaliwa’t kanan ang pagpa-painterbyu ni Grace Lee, ang sinasabing apple of his eye ngayon. Lahat na lang yata ng may gustong uminterbyu sa kaniya ay dalawa-singkong pinagbibigyan ng dalaga.

Kuda nang kuda si Grace tungkol sa kanilang pagde-date nang tatlong beses sa isang linggo. Ikinukuwento niya pati ang mga pinag-uusapan nila ni P-Noy kapag magkasama sila. Hindi kaya ang maging resulta nito ay hindi naman pala siya girlfriend ng pangulo kundi PRO?

Nandiyang isang tawag lang daw niya sa pangulo, wala pang kinse minutos ay dumarating na ito. Sinabi rin ni Grace Lee na inaabot sila nang kung ilang oras sa pag-uusap sa telepono.

Mabubutasan at mabubutasan ang pangulo nang dahil sa mga pinagsasasabi ni Grace Lee. Nakakahanap pala si P-Noy ng panahon para makipag-date kay Grace nang tatlong beses sa isang linggo, samantalang ni hindi nga nito nasisilip ang marami nating kababayan na nangangailangan ng kaniyang pagsuporta?

Oo nga’t nilinaw naman ng dalaga na nagkikita sila ni P-Noy sa panahong tapos na ang trabaho nito ay ganoon pa rin ang kalalabasan noon. Masisilipan pa rin ng butas ang pangulo dahil may naglalantad ng kaniyang mga aktibidad na hindi naman mauunawaan ng lahat ng tao.

Sinasabi na nga ba, sa ganito hahantong ang lahat, biglang magdedenay si Grace Lee kapag naiipit na. Tulad na lang ngayon, wala raw siyang sinabi na gusto na niyang sa altar mauwi ang kanilang relasyon, kailangan daw manghingi ng dispensa sa publiko ang sumulat noon, dahil wala siyang sinabing anuman patungkol sa pagpapakasal na nila ni P-Noy.

Simple lang ang kuwentong ito. Huwag daldal nang daldal para walang naririnig ang mga manunulat. Huwag salita nang salita, para walang pinagpipistahan tungkol sa kanila.

Ang tanong, magkarelasyon na ba sila? E, wala pa ngang kumpirmasyon. Ganito na ang nangyayari? Umamin muna bago ang mga kuwentong-kasalan.

Nanahimik nga si Kris Aquino sa panghihimasok sa lovelife ng kaniyang kapatid na pangulo, mayroon namang daldal na tulad ni Grace Lee, ano na ito?

Jaclyn Jose – Mahal na mahal ang apo kay Andi

Nakakuwentuhan namin nang mahabaan ang isa sa mga magagaling nating aktres na si Jaclyn Jose. Sa unang pagkakataon mula nang magdalantao-manganak ang kaniyang mahal na si Andi Eigenmann ay ngayon lang siya nagbukas ng kaniyang kalooban.

“Matindi iyong pinagdaanan naming mag-ina. Bagsak na bagsak ako. Iyak ako nang iyak. Ramdam ko na pregnant siya, pero in denial ang anak ko. Hanggang sa noong magtagal-tagal na, wala pa rin siyang monthly period, kinausap ko na siya nang masinsinan.

“Umamin siya. Ang unang pumasok sa isip ko, paano na siya? Paano na si Andi, paano na ang future niya? Hindi man lang niya mae-enjoy ang pagiging dalaga niya, heto na agad ang responsibility na kailangan niyang gampanan,” seryosong pahayag ni Jaclyn.

Unang problema iyon para kay Jaclyn. Ang sumunod, na pinakamatindi, ay ang pagtalikod ni Albie Casiño sa kalagayan ng kaniyang anak. Iniwan nito si Andi. Hindi nito pinanagutan ang naganap. Doon parang gusto nang bumigay ni Jaclyn.

“Magkasama silang dalawa noong mag-pregnancy test si Andi. Noong malaman niyang positibo, lumabas agad siya. ‘I want out,’ gumanoon agad siya, dahil masisira raw kasi ang career niya.

“In-abandon niya ang bata, kung ano-anong masasakit na salita pa ang sinabi niya instead, mayroon pa siyang sinasabing sampung lalaki, mayroon siyang ibang itinuturo na ama ng apo ko.

“Hindi naman playgirl ang anak ko, na-in-love lang si Andi. Doon na talaga ako nasaktan nang husto. Ginanoon niya ang anak ko, tapos, tatalikuran lang pala niya?” madiing pahayag ni Jaclyn.

Napakaganda ni Gabrielle, ang munting anghel na sentro ng atensiyon ng kanilang tahanan ngayon. Ito rin ang nagsisilbing inspirasyon ng mag-inang Jaclyn at Andi.

Napakasarap daw palang magkaroon ng apo, sabi ng magaling na aktres. Ngiti pa lang ng bata kapag dumarating siya mula sa trabaho ay para na siyang nakapagpahinga nang matagal na panahon.

“Siya ang source of inspiration namin ni Andi. Nagmamadali ako sa pag-uwi after work. Dahil gusto ko na siyang makita at mayakap. Ito ba ang klase ng bata na basta na lang tatalikuran?” makahulugan pang pahayag ni Jaclyn Jose.

Dolphy – Maselan ang kalusugan ng Comedy King

Pabalik-balik sa ospital ngayon si Tito Dolphy. Minsang gumaganda ang kaniyang kundisyon, minsan namang kailangang magpaospital na siya, para magkaroon ng katahimikan ng kalooban si ZsaZsa at ang kaniyang mga anak.

Noong huli naming mainterbyu si Tito Dolphy para sa kaniyang birthday special ay halos hindi niya nagamit ang baby oxygen na palagi niyang dala-dala kahit saan.

Sa taping niya ay mayroon siyang nakabantay na nurse. Nakahanda palagi ang kaniyang oxygen, para kapag nahihirapan siyang huminga dahil sa pagod ay nandoon lang ang kailangan niya.

Napakaraming nagmamahal sa Hari ng Komedya. Iyon ang bunga ng napakaganda niyang itinanim na pakikisama sa industriya. Mula noon hanggang ngayon ay pinaliliguan ng respeto at pagmamahal ng kaniyang mga kasamahang artista si Tito Dolphy.

Lingid sa kaalaman ng marami dahil hindi naman kasi nito ipinagmamakaingay ang kaniyang mga ginagawa ay may isang taong masyadong apektado ng kundisyon ngayon ng Comedy King.

Gabby Concepcion – Hindi pa nakikita kahit minsan ang anak kay Jenny Syquia.

Sa programang Paparazzi Showbiz Exposed ay marami na namang damdamin ng ating mga kababayan ang nagmistulang sensitibong lobo na pumutok dahil sa pakikisimpatya sa mag-inang Jenny at Cloie Syquia.

Hindi simple ang nasaksihan nating paghagulgol ni Cloie nang sabihin ng dalaga na hindi siya makapagbibigay nang mahabang mensahe para sa isang taong hindi pa niya nakikita at nakikilala nang personal—ang kaniyang amang si Gabby Concepcion.

Mahaba ang bahaging iyon, pero sa kakapusan sa oras ay kinailangang maputol ang ilang tagpo. Isa sa pinakamasakit na iyak ng isang anak ang nasaksihan namin kay Cloie na habang nananaghoy ay hinihimas-himas naman sa likuran ng kaniyang inang si Jenny.

Ang ina ang sumalo sa gustong sabihin ng kaniyang anak na hindi masabi-sabi dahil sa sobrang pag-iyak. Ang sabi ni Jenny, “If I could speak for her, I think there’s a lot of pressure to give a message to someone you really don’t know.

“She’s been asked a lot of times to give a message and she really doesn’t know what to say. It’s hard, she wants to be who she is. She does not want to fake it. She’s talking to someone she doesn’t know,” nangingilid din ang luhang komento ng maganda pa ring si Jenny Syquia.

Napakaigsi lang ng mensaheng ipinaabot ng dalaga sa kaniyang ama, “Hi, Daddy Gabby! It’s been a long time. I know I’ll see you when the time is right.”

Labing-anim na taon, kailan pa kaya ang tamang panahon para sa kanilang pagtatagpo? Nagpunta dito si Cloie para matagpuan ang kaniyang ugat. Gusto niyang makita ang kaniyang tunay na ama na palaging sa mga kuwento lang ng kaniyang ina at sa mga retrato niya nakikita. Matinding lungkot ang idinulot ng senaryong ito para kay Cloie.

At dahil wala nga siyang anumang masabi tungkol sa kaniyang ama ay hiningan na lang namin ng mensahe si Cloie para sa kaniyang ina, gaano ba niya ito kamahal, ano’ng gusto niyang sabihin kay Jenny?

“I love her. She’s the most brave person in my life. She’s been there my whole life through everything. Anytime, every hour. I’m gonna be with you through all things like this,” umiiyak na pahayag ni Cloie.

At ang ganting mensahe naman ni Jenny para sa kaniyang dalaga, “I’ve told you everyday that I’m so proud of you. You’re amazing. Her heart is amazing. And her soul is amazing.

“And there’s so much about Cloie that is loving. She’s the most loved person in our whole family from all sides. She’s everyone’s favourite person to talk to, to be with, and I’m so proud that she’s making her dreams come true,” sinserong pahayag ni Jenny para kay Cloie.

Nakalulungkot lang malaman na noong bata pa pala si Cloie ay palagi na siyang sinasabihan ng kaniyang ina na isang araw ay magkikita rin sila ng kaniyang ama.

Pinaghandaan niya iyon. Lagi siyang nangangarap na dumating ang tamang oras na magkaharap na mismo sila ni Gabby Concepcion. Dumating silang mag-ina noong January 11. Nagkita-kita na silang magkakapatid. Mahal na mahal ni Cloie ang kaniyang Ate KC at Ate Garie.

Isang araw ay aalis na ang mag-ina para bumalik sa Sweden. Hiling ng marami, bago sana dumating ang takdang oras na iyon ay magkita na ang mag-ama. Sana’y ngayon na nga ang tamang panahon na iniisip ni Cloie.

Nakakaawa naman si Cloie kung uuwi siyang bigo. Hindi kumpleto ang pagkatao. Dahil hindi pa rin niya nayakap man lang ang lalaking dahilan kung bakit naging tao siya.

Shalani Soledad – Hindi na babalik sa show ni Willie Revillame

Kumpirmadong wala nang babalikan sa Wil Time, Bigtime ang kakakasal pa lang na si Konsehal Shalani Soledad. Biyernes nang umaga nang bumalik sila sa bansa ni Congressman Roman Romulo mula sa kanilang honeymoon sa Italy ay nagsabi pa ang konsehala na sabik na sabik na siyang bumalik sa programa ni Willie Revillame.

Pero Sabado ng gabi, nang magmiting sila ng BUH ng show na si Jay Montelibano ay inilatag na nito sa kaniya ang mga dahilan kung bakit kailangan na niyang magpahinga sa pagko-co-host sa Wil Time, Bigtime.

Una, pulitiko na nga si Shalani ay pulitiko pa ang kaniyang napangasawa. Hindi maiiwasang isipin ng iba nating mga kababayan na magkaroon ng pansariling interes ang pagko-co-host niya sa WTBT.

Ikalawa, sa mga huling buwan ng taong ito ay siguradong magpapaalam na rin si Shalani dahil paghahandaan na niya ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2013, kaya napaaga lang ang kaniyang pamamahinga para mas matutukan niya ang kaniyang mga pangarap na pampulitikal.

At ikatlo na napakahalaga, hindi na magiging maganda sa panlasa ng manonood kung patuloy pa ring bibiruin ni Willie ang konsehala dahil may asawa na siya. Magiging masikip na ang mundo ng biruan para sa kanilang dalawa dahil nandoon na ang paninimbang ni Willie sa kaniyang estado.

Agad na nagbigay ng reaksiyon ang isang kaibigan namin pagkatapos nitong mapanood sa Paparazzi Showbiz Exposed ang aming baon. Ang kaniyang sabi, “Kahit hindi naman outright na ginagamit ni Shalani ang WTBT sa political career niya, eh, parang ganoon na rin iyon dahil sa dami ng mga binabati niyang politicians sa show.

“Imagine, kapag hawak na niya ang microphone, kung sinu-sinong politicians ang binabanggit niya? May congressman, may senador, may konsehal at mga barangay captains. Di ba, parang panggagamit na rin sa show ang ginagawa niya?

“Nahahaluan ng politics ang isang show na ang tanging hangarin lang naman, eh, ang makapagpasaya ng mga kababayan natin. I’m sure, napapansin na rin iyon ng manonood, kahit ni Willie. Mabait lang talaga siya kaya pinababayaan na lang niyang bumati nang bumati ng mga pulitiko si Shalani!” diretsong komento ng aming kausap.

Kung sukatan ng kung sino ang mas gumanansiya sa pagiging co-host ni Shalani sa Willing-Willie pa noon hanggang sa Wil Time, Bigtime ang pag-uusapan ngayon ay napakalaking milyahe na ang naibigay ng programa sa kandidatura ni Shalani.

Nakilala siya bilang dating karelasyon ni P-Noy, pero ang pangalan ay wala pang mukha, nagkaroon iyon ng marka nang pumasok na siya sa programa ni Willie Revillame noong November 8, 2010.

Pero hindi natin maiaalis na may naidagdag din si Shalani sa programa ni Willie. Nagmarka rin sa publiko ang kaniyang walang kamatayang “One, two, three, go!” at ang kaniyang talento sa pagho-host.

Ayon sa kuwento ng isang source ay iniyakan ni Shalani Soledad ang pagkawala sa programa hindi dahil sa nanghihinayang siya sa maitutulong pa sana ng Wil Time, Bigtime sa kaniyang karerang pulitikal kundi dahil sa napamahal na sa kaniya ang buong staff at crew ng programa ni Willie Revillame.

Zoren Legaspi – Ulirang kabiyak ni Carmina Villaroel

Hangang-hanga kami sa mahigit na isang dekada nang relasyon nina Zoren Legaspi at Carmina Villaroel. Hindi pa sila nagpapakasal kahit pa puwede na naman nilang gawin iyon dahil maayos na ang lahat ng mga dokumentong hinihintay nila. Pero sa takbo ng kanilang pagsasama ay parang humarap na rin sila sa altar, dahil kumpleto sila sa pagmamahalan at pagrerespetuhan.

Hindi kuwestiyon sa kanila kung sino ang mas malakas kumita. Ang pera ng isa ay pera nilang dalawa, at pera ng kanilang kambal na tatay at nanay ang tawag sa kanila.

Pero may kuwento si Tita Dolor Guevarra, manager ni Carmina, kung paano naging tatay at nanay ang tawag sa kanila ng kambal, “Noong maliliit pa ang kambal, eh, father at mother ang tawag nila kina Zoren at Carmina. Pero narinig nila na may tumatawag ng tatay at nanay sa parents nila, mga bata rin iyon, kaya nagulat na lang ang mag-asawa dahil tatay at nanay na ang tawag sa kanila ng kambal noong dumating sa bahay nila from school.”

Sa matagal-tagal na rin naming pagsasama sa trabaho ni Zoren sa Paparazzi Showbiz Exposed ay ramdam na ramdam na namin ang pagiging responsable niyang ama at asawa. Palaging una ang pamilya para sa kaniya. Lutang din ang kaniyang prinsipyo na minahal sa kaniya ni Carmina.

Iyon ang dahilan kung bakit mula noon hanggang ngayon ay wala tayong nababalitaang anumang problema sa pagitan nina Zoren at Carmina, kung bakit parang mag-boyfriend lang sila hanggang ngayon, kung bakit walang kahit anong alingasngas tungkol sa kanilang relasyon.

Maligayang kaarawan uli sa iyo, Papa Z!

Mommy Dionisia – Balik na ang magandang kalusugan ng ina ni Pacman

Apat na buwang nanahimik ang dakilang ina ni Congessman Manny Pacquiao na si Mommy Dionisia. Nagkasakit siya nang matindi. Lumaki ang kaniyang tiyan. Iyak lang siya nang iyak noong mga panahong iyon.

Hindi mananahimik si Mommy Dionisia nang walang dahilan. Nasanay na ang ating mga kababayan sa kaniyang pag-iingay. Aminado ang ina ng Pambansang Kamao na matindi ang karamdamang pinagdaanan niya.

“Hindi basta simpleng sakit lang ang pinagdaanan ko. Ispiritwal iyon. Lumaki ang tiyan ko, katulad din noong year 2000, may nainggit daw sa akin, kaya pinalaki ang tiyan ko.

“Napakahirap, iyak ako nang iyak noon. Four months iyon na nakahiga lang ako. Hindi ako makalakad. Lumaki ang tiyan ko,” kuwento ni Mommy Dionisia.

Sa mga panahong ito na napakatindi na ng milagrong nagagawa ng teknolohiya at mabibisang gamot na ang natitimpla para sa iba’t ibang uri ng sakit ay parang maraming hindi naniniwala sa kuwento na kinulam si Mommy Dionisia.

Pero sa isang banda, sa sobrang yaman ng kaniyang anak ay siguradong hindi naman siya pinabayaan nito sa kaniyang sakit. Siguradong ipinagamot ni Pacman ang nakaratay nitong ina dahil kayang-kaya iyon ng kaniyang bulsa.

“Albularyo ang nagpagaling sa akin, taga-Cavite siya. Sinabi niya sa akin na mayroon daw mga naiinggit sa akin, kaya pinalaki ang tiyan ko. Siya ang nagpunta sa akin dito sa GenSan, ginamot niya ako at pinagaling,” patuloy ni Mommy D.

Nagulat daw siya nang mapabalita na mapagbasa na ng Bibliya ang kaniyang sikat na anak. Ikinaligaya niya ang kuwento na umiiwas na ngayon ang Pambansang Kamao sa kaway ng bisyo, pero mayroon lang siyang pakiusap kay Pacman.

“Oo, wala na. Hindi na siya nagsasabong. Hindi na rin siya nagpupunta sa mga bar. Iyong mismong bar nga niya, eh, ipinasarado na niya, kaya wala na akong mapupuntahan pag gusto kong mag-ballroom.

“Tigil na lahat. Casino, babae, wala na lahat, kaya maligaya na si Jinkee! Wala namang masama sa pagbabasa ng Bibliya. Maganda nga iyon, pero ang gusto ko lang, eh, hanggang doon na lang sana.

“Ayoko siyang magpalit ng relihiyon. Saradong Katoliko na kami noon-noon pa. Iyon na ang kinagisnan niyang relihiyon namin, kaya huwag na sana niyang palitan ang paniniwala namin.

“Iyong Bible, maganda iyon. Iyong pag-aalis sa mga bisyo niya, mas maganda iyon. Pero sana, huwag na siyang magpalit ng religion, ayoko talaga,” seryoso at sinserong pahayag pa ni Mommy Dionisia.

Magaling na magaling na raw siya. Puwede na uli siyang sumayaw at mag-concert. Pinagaling na raw ng albularyo ang sakit niyang ispiritwal kung kaniyang ilarawan.

Panunudyo naman ng iba, hindi raw kaya ang makasaysayan niyang Hermes bag at mga alahas ang dahilan kung bakit siya kinainggitan ng nagpakulam sa kaniya. Kung totoo man iyon ay ano sa palagay n’yo?

KC Concepcion – Matapang na ang panganay ni Mega

Naikuwento sa amin ni Direk Jose Javier Reyes ang ilang bahagi ng panayam na ginawa nito kay KC Concepcion para sa isang magazine. Si KC ang nasa cover ng naturang babasahin. Si Direk Joey ang naatasang sumulat ng cover story, at ayon sa magaling na direktor-manunulat ay napakaraming dagdag na rebelasyon ng dalaga sa kaniyang interview.

Una, idiniin daw ni KC na mula ngayon ay matututo na siyang lumaban. Bibigyan na niya ng pagpapahalaga ang kaniyang pagkatao. Dati kasi ay tahimik lang ang anak ni Sharon Cuneta. Iniiyakan na lang niya ang mga inaabot niyang bira, pero ngayon ay magiging matapang na siya.

Sinabi rin ni KC na alam na niya ngayon ang katotohanan na mahirap talagang makipagrelasyon sa isang kapwa artista. Magulo ang buhay kapag ganoon dahil napakarami raw nakikialam sa relasyon.

Noong tanungin namin si Direk Joey kung mayroon pa bang mga sinabi si KC tungkol kay Piolo Pascual ay natawa lang ang magaling na director. Tutukan na lang daw namin ang Rogue Magazine, kung saan cover ang magandang young actress-singer.

Isang malaking rebelasyon kung tutuusin ang pagpo-pose ni KC nang naka-one-piece suit lang. May hawak-hawak na pugot na ulo, kitang-kita ang magandang hubog ng katawan.

Kaninong ulo raw kaya ang bitbit ni KC? Sino rin daw kaya ang naging ahas sa kaniyang buhay dahil mayroon ding props na ahas sa kaniyang pictorial?

Kaabang-abang nga ang engkuwentro ni Direk Joey Reyes kay KC Concepcion.

Have a comment on this article? Send us your feedback