Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminSetyembre 1-15, 2021

    Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Gerald Anderson
 
Gerald Anderson
  Bea Alonzo & Dominic
 
Bea Alonzo & Dominic Roque
  Janus Del Prado
 
Janus Del Prado
  lj paolo
 
LJ Reyes & Paolo Contis
  Luis Manzano, Jessy Mendiola & Vilma Santos
 
Luis Manzano, Jessy Mendiola
& Vilma Santos
  Aiai de las Alas
 
Aiai de las Alas
  Gretchen Barretto
 
Gretchen Barretto
  Allan K
 
Allan K

Sharon Cuneta – Ibang iba sa pelikulang Revirginized

Napanood na namin nang buo ang pelikulang Revirginized ni Sharon Cuneta. Tama ang paalala ng henyong direktor nito na si Darryl Yap, hindi para sa mga Sharonians ang pelikula, pero siguradong maipagmamalaki nila ang kanilang idolo.

Ibang-ibang Megastar kasi ang iniluwa sa proyekto, ang singer-actress na palaging kinakawawa sa una pero biglang reresbak sa bandang huli, hindi ganoon ang atake ng Revirginized.

Naganap lang ang kuwento sa loob nang magdamag at kinabukasan ay bigla nang nagbago ang pananaw sa buhay ng misis na sinaktan ng kaniyang mister sa pagkakaroon ng escabeche.

Nagmumura ang binigyang-buhay na papel ni Sharon, binitiwan pa niya ang salitang tumutukoy sa ari ng lalaki, na kahit minsan ay hindi niya ginawa sa alinmang pelikulang pinagbidahan niya.

Matindi nga ang panghalina ng mga salita ni Direk Darryl Yap para mapapayag nito ang Megastar na gawin ang pelikula na walang alaala ng mga dating proyekto ni Sharon.

Ang pagdila niya ng asin sa dibdib ni Marco Gumabao, ang pagwawalwal niya nang magdamag para makalimot sa kaniyang problema, isang kagulat-gulat na eksena dahil sa totoong buhay ay hindi naman umiinom si Sharon pero nagampanan niya ‘yon nang buong husay.

Sa bandang dulo ng pelikula ay ang reyalisasyon. Hindi dapat magmukmok sa isang sulok ang babae kapag nabibigo at nasasaktan sa pakikipagrelasyon.

Babae ang hahanap ng paraan para kahit pansamantala lang ay malimutan niya ang sakit, kailangan niyang baguhin ang kaniyang kapaligiran, pero hindi niya pa rin isinusuko ang kaniyang prinsipyo.

Walang mga rehas ang pagtakas sa isang relasyong sa halip na kaligayahan ay sakit pa ang iniwanan sa babae. Pero kailangang handa ang kaniyang kalooban sa anumang magaganap dahil ang pakikipagmahalan ay isang sugal.

Babae ang gagamot sa kaniyang sugat. Kundi na siya maligaya sa piling ng kaniyang mister ay kailangan na niyang lumabas. Hindi bale nang malungkot siya nang nag-iisa kaysa sa dalawa pa rin sila nang wala naman siyang nararamdamang ligaya.

Makata ang direktor na sumulat ng kuwento. Sensitibo. May respeto. Panahon ngayon ni Direk Darryl Yap.

Gerald Anderson – Sana mapatawad na ni Bea Alonzo

Ang salitang ghosting ay habampanahon nang nakatatak sa pagkatao ni Gerald Anderson. ‘yon ang terminong ginagamit kapag may karelasyon pa ang lalaki pero biglang humanap pa uli ng iba. Pinagsabay niya ang dalawang babae sa buhay niya.

Ghosting din ang inerpretasyon kapag pinalalabas ng lalaki na hiwalay na sila ng kaniyang girlfriend pero ang totoo ay hindi naman.

Palusot lang niya ‘yon para makapambabae. Walang pakialam niyang iniwan ang kaniyang karelasyon dahil may bago na siyang mahal.

Napakatagal na panahong ipinagkaila ni Gerald Anderson ang bintang na ghosting. Ipinipilit niya na tapos na sila ni Bea Alonzo nang pumasok sa buhay niya si Julia Barretto.

Matigas ang leeg ni Gerald, wala na raw sila ni Bea nang maging magkarelasyon sila ni Julia, ganoon ang kaniyang paninindigan para malusutan ang kaliwa’t kanang upak sa kaniya sa social media.

Pero pagkatapos nang ilang buwan ay iba na ang tono ng pagsasalita ni Gerald. Hinaluan na niya ‘yon ng pagpapakumbaba. Sana raw ay mapatawad siya ni Bea sa nangyari.

Wala na siyang ibinigay na anumang paliwanag, basta sana raw ay patawarin siya ni Bea, tanggap na niya ang ginawang panggo-ghosting niya kay Bea.

Lalabas at lalabas din naman kasi ang katotohanan gaano man niya ‘yon itago. Kahit pa sabihin niyang libre na siya noong maging magkarelasyon sila ni Julia at walang maniniwala.

Mabuti naman at nang sabihin ‘yon ni Gerald ay maligaya na si Bea sa kaniyang bagong karelasyong si Dominic Roque.

Bea Alonzo – Suwerte sa kaibigang si Janus Del Prado

Totoo naman na mas mabuti nang magkaroon ng mga kaibigang mabibilang mo lang sa mga daliri na hindi nang-iiwan sa laban kaysa sa marami nga pero sinasaksak ka naman nang talikuran.

Pinanood namin ang una at ikakalawang sultada ng vlog na anak-anakan naming si Ogie Diaz kay Janus del Prado. Malinamnam ang panayam. Nasa tamang riles ang mga sagot ni Janus sa tanong. Kapupulutan ng magandang leksiyon sa buhay.

Pagkatapos naming panoorin ang vlog ni Ogie ay naisip namin, napakasuwerte ni Bea Alonzo sa pagkakaroon ng kaibigan na tulad ni Janus del Prado, totoong marami tayong maituturing na kaibigan sa buhay na ito pero iilan lang ang masasabing kaibigan na panghabambuhay.

Hindi sawsawero ang magaling umarteng aktor, kasama siya sa kuwadro ng mga kaganapan, alam niya ang kaniyang mga sinasabi. Bahagi siya ng senaryo, nasaksihan niya, hindi siya basta nakikihalo lang sa usapan.

Makikipagpatayan siya para sa kaniyang mga kaibigan basta nasa tama, hindi ‘yon dahil sa hiningan siya ng tulong o binayaran para magtanggol, kusang-loob ang pagtataya niya ng pangalan para sa isang kaibigan.

Paborito siyang target ngayon ng mga bashers at trolls, pinagbabantaan na nga ang kaniyang buhay, kung anu-anong masasakit na salita ang ipinakakain sa kaniya mula agahan hanggang hapunan dahil sa pagtatanggol niya kay Bea Alonzo.

Ibinuking niya kasi ang tatlong taon na niyang kinikimkim na kuwento tungkol kina G at P. Na pakiramdam niya’y hindi man lang niya naipagtanggol si Bea dahil wala talaga siyang alam noon.

Pero ibang klase nga ang libido ni Gerald Anderson, mahina ang kontrol ng aktor, mapusok. Doon pa lang pumasok sa eksena si Janus, hindi pa nga kasali sa kuwento noong una si P, sina G at J lang ang kasali sa istorya.

Punumpuno ng resibo ang kaniyang mga kuwento, hindi puwedeng idenay ni Gerald, may karapatan si Janus del Prado na magsalita.

Ang suwerte ni Bea Alonzo, may isang Janus del Prado na humahawak ng baril para idepensa ang aktres, isang tunay at wagas na kaibigan sa pagbagsak at pagbangon.

Sana nga ay marami pang Janus del Prado sa mundo.

Paolo Contis at LJ Reyes – Kumpirmado nang hiwalay

Kumpirnadong tapos na nga ang kuwento ng pagmamahalan nina Paolo Contis at LJ Reyes. Ayon sa source na nakakuwentuhan namin ay may kalahating taon na silang nagiging problemado.

Magaling lang silang magkubli ng mga nagaganap sa kanilang personal na buhay, hindi sila ang klaseng ipagbubuyangyangan sa publiko ang hindi nila pagkakasundo, dinadala nila ‘yon nang tahimik lang.

Walang third party, mismong manager ni Paolo ang nagdiin, ayon kay Manay Lolit Solis ay parang kaso ‘yon nang isang araw ay naramdaman na lang nina Paolo at LJ na matabang na ang timpla ng kanilang relasyon.

At ang pinakahuling kuwento, pagkatapos ng lock-in taping ni Paolo sa Sorsogon ay umuwi na siya sa bahay ng kaniyang mga magulang, hindi sa tirahan nila ni LJ.

Ganoon naman palagi ang nagaganap sa paghihiwalay ng mga magkarelasyong personalidad, kungdi ang lalaki ay ang babae ang umuuwi na sa kaniyang pamilya. Iniiwanan nila ang lugar kung saan nagsimula at natapos ang kanilang relasyon.

Nasa bahay na ng kaniyang mga magulang sa Mandaluyong ngayon si Paolo, pero hindi pa siya nagbibigay ng anumang kumpirmasyon tungkol sa paghihiwalay nila ni LJ, pareho silang nananahimik lang.

Kaya pala lalong gumaling ang aktor sa kaniyang mga eksena sa A Faraway Land na pinagtambalan nila ni Yen Santos. Simple pero pang-award ang pagganap ni Paolo, parang gripo ang kaniyang luha, tumatawid sa manonood ang kaniyang emosyon.

Ang pelikulang ito na kinunan ang kabuuan sa Faroe Island sa Denmark ang isa sa pinakamagandnag proyektong ginawa ni Paolo Contis.

Luis Manzano – Ipinagtanggol ng ina sa mga bashers

Gustung-gusto namin ang pagtanggap ng Star For All Seasons sa pambubusisi ng mga bashers tungkol sa gender ng kaniyang panganay na si Luis Manzano.

Ang ganda-ganda ng kaniyang reaksiyon, hindi napikon o nagalit si Congresswoman Vilma Santos sa ganoong tanong, kung ibang artista lang ‘yon ay siguradong nainis na kundi man nagtaray sa pakikialam sa personal na buhay ng kaniyang anak.

Sa mundo ng lokal na aliwan na nagkaedad si Cong. Vilma, sa mundong ito na rin siya tinubuan ng puting buhok, siya pa ba naman ang hindi makakamaster sa likaw ng bituka ng showbiz?

Ang ganda-ganda ng kaniyang tugon na walang dapat ipag-alala si Luis dahil siya bilang ina ang nakakakilala sa kaniyang anak. Wala ring dapat ikagalit si Luis dahil ito, higit kaninuman, ang nakakakilala sa kaniyang sarili.

Ganoon dapat ang ugaling pinalulutang ng mga personalidad na binabato ng ganoong pang-uurirat. Huwag nagagalit, lalong huwag napipikon, sagutin ang tanong sa makabuluhang paraan.

May mga personalidad kasing napipikon agad, kung anu-ano ang sinasabi, samantalang puwede naman silang sumagot sa paraang marespeto at maiintindihan sila.

Hindi nila alam na ang buhay ay asar-talo, ang napipikon ang olat agad sa argumento, lalong pinagdududahan ang kasarian ng taong pinuputakti ng pagdududa.

Kailangan nilang mag-workshop kay Congresswoman Vilma Santos, magpaturo sila sa pagsagot, para hindi sila naba-bash.

***

Pansamantalang sa bahay ng kaniyang mommy nakatira ngayon si Luis Manzano at ang kaniyang misis na si Jessy Mendiola. Hiling ‘yon ni Congresswoman Vilma Santos na ibinigay naman ng magaling na TV host.

Masarap nga namang samantalahin ang pandemya sa pagba-bonding nilang mag-anak, naaaliw rin si Cong. Vilma ngayon sa pagba-vlog, kasama ang kaniyang anak at manugang.

Diretsong sinabi ni Luis na dalawang eleksiyon na ang nakararaan ay may mga lumalapit na sa kaniya para lumahok sa pulitika. Salamat daw sa mga nagtitiwala sa kaniyang kapasidad pero hindi pa dumarating sa kaniya ang tinatawag na calling.

Hindi siya tatakbong mayor ng Lipa City, wala ring planong tumakbo ang actor-TV host sa anumang posisyon, aminado si Luis na hindi pa ngayon ang takdang panahon na lumahok siya sa pulitika.

Kapansin-pansin na pahirapan man ang trabaho ngayong pandemya ng mga artista ay hindi apektado si Luis, kaliwa’t kanan ang ginagawa niyang TVC, pinakyaw na yata niyang iendorso ang lahat ng mga produkto.

Paborito siyang katrabaho ng mga ahensiya dahil wala siyang karate-arte sa katawan, madali siyang pakisamahan, manang-mana ni Luis ang mahusay na PR na kaniyang amang si Edu.

Kitang-kita ang matinding pagmamahalan ng mag-asawa, aminado si Jessy na napakasuwerte nito sa pagkakaroon ng mister na tulad ni Luis, maganda na ang puso ay napakaresponsable pang asawa, anak at kapatid.

AiAi delas Alas at Miguel Vera – Kapuri-puri pa rin ang relasyon

Kahit ilang dekada na silang hiwalay ay kapuri-puri pa rin ang maayos na relasyon nina AiAi delas Alas at Miguel Vera. Dalawa ang naging anak nila, sina Sofia at Shaun Nicolo, na parehong nasa Amerika na.

Bumili ng bahay sa Amerika ang Comedy Concert Queen, kailangan ng matitirhan ang kaniyang mga anak na nag-aaral pa lang noon, pero ipinagbilin ni AiAi ang magkapatid na tingnan-tingnan din si Miguel.

Napakarami nang naganap sa buhay ni AiAi, mayroon siyang mga nakarelasyon, hanggang sa magpakasal na sila ni Gerald Sibayan na isang badminton coach at ngayon ay piloto na.

Naaksidente si Nicolo, na-hit and run ang binata, nahulog sa bangin ang kotseng yuping-yupi. Halos sumabog ang dibdib ng komedyana nang matanggap ang balita.

Una muna niyang inusisa ang sitwasyon ng kaniyang anak, parang walang nangyari kay Nicolo, tanging mga pasa lang sa balakang ang tinamo ng binata.

Nagpasalamat agad sa Diyos si AiAi, kung titingnan kasi ang sasakyan ay parang hindi mabubuhay ang nagmamaneho, pero isang milagro na naman ang naganap sa buhay ng kaniyang anak.

Sa kabila ng kaniyang pagkokomedya ay malapit sa Diyos si AiAi, mayroon siyang pinag-aaral na mga pari, tumutulong pa siya sa pagpapagawa ng mga simbahan.

Nagko-concert siya nang libre, ang kinikita doon ay ibinibigay niya sa mga namamahala ng simbahan, ilang ulit na niyang ginagawa ang pagbibigay ng kaniyang serbisyo nang walang kabayaran.

Inasikaso ni Miguel ang kanilang anak, ipina-X-ray agad nito, para masiguradong walang dapat alalahanin sa aksidenteng naganap kay Nicolo.

Nakakatuwa ang ganoong klase ng relasyon na nagtapos man ay nananatili pa rin ang maganda nilang samahan para sa kanilang mga anak.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si AiAi na tanging pasa lang sa balakang ang tinamo ni Nicolo. Parang ikinulong sa plastic balloon ang kaniyang anak na iningatan talagang masaktan.

Panay-panay ang pasasalamat ng komedyana sa Diyos dahil kung wala nga namang makapangyarihang kamay na nag-ingat kay Nicolo ay baka nawala na ang kaniyang anak.

Puro “Thank you, Lord” ang lumalabas sa bibig ngayon ng Comedy Concert Queen dahil tunay namang nagaganap ang milagro sa iba-ibang hugis at paraan.

Gretchen Barretto – Namigay ng tulong sa mga manunulat

Laman ng mga kolums at FB ngayon ng mga entertainment press si Gretchen Barretto. Pero hindi intriga ang dahilan, hindi ang pag-aaway nilang magkakapatid ang paksa, kundi ang kagandahan ng kaniyang puso.

Sa panahon ngayon ng pandemya ay pinahahalagahan natin ang anumang tulong na maaaring ibigay ng ating kapwa. Taghirap ngayon, maraming nawalan ng trabaho, kahit ang mga artista ay umaaray dahil biglang nagbago ang takbo ng kanilang buhay.

Napakaganda ng gising ng mga manunulat nang isang araw ay nagpadala siya ng ayuda, at hindi basta ayuda ‘yon, ang laman ng kahon na ipinadala niya ay mga produktong hindi basta-basta.

Pero kayang bilhin ng mga manunulat ang mga ipinadala ni Gretchen. Kahit taghirap ngayon ay puwedeng pag-ipunan ang pambili ng mga produkto.

Pero may isang bagay na hindi kayang tapalan nang kahit magkano, hindi ‘yon mabibili sa shopping mall, sa palengke o kahit sa talipapa, ang masarap na malasakit at pag-aalala ng aktres sa mga manunulat na may malaking ginampanang papel sa kung sino na siya ngayon.

Totoo ang kasabihan na mas binibigyang-halaga natin ang iniabot na piso sa gitna ng kahirapan kaysa sa isang libong nataon na hindi naman natin kailangan.

Maraming salamat kay Gretchen Barretto na nagkaroon ng puso sa pagbabahagi ng kung anumang mayroon siya. Hindi niya sinosolo ang kaniyang mga biyaya, marami siyang pinasasaya, ‘yon ang tunay na diwa ng pagiging pinagpala.

Hindi niya ipinagmamayabang ang kaniyang kayamanan, sensitibo siya sa takbo ng panahon, samantalang mayroon naman siyang karapatang ipagbanduhan ang kung anumang mayroon siya.

Sa ngalan ng mga manunulat, mula sa aming hanay, maraming-maraming salamat sa masarap na pag-alala ni La Greta.

Paolo Contis – Ang galing-galing sa pelikulang A Faraway Land

Isang kaibigan naming ehekutibo sa sarili nitong kumpanya ang tumawag sa amin, ang kaniyang imbitasyon, “Sis, panooring mo ang A Faraway Land, maganda ang kuwento, ang galing-galing ni Paolo Contis!”

Nagbukas ang kuwadro sa pagpapakita kung gaano kaganda ang Faroe Island. Kalahating dagat at kalahating bundok ‘yon na akala mo postcard ang nakikita mo.

Malapit sa Iceland ang Faroe Island, maraming Pilipinong nagtatrabaho doon, nakapag-aasawa rin ng Faronese ang mga Pinay na gustong maiahon sa hirap ang kanilang mga pamilya.

Isang paraiso sa biglang tingin ang lugar. Napakalinis, maliit lang ang populasyon, progresibo ang isla dahil sa mga lamang-dagat na inirarasyon nila sa iba-ibang bansa.

Isang dokumentarista ang papel ni Paolo Contis, pinili niyang interbyuhin si Yen Santos bilang matagumpay na Pinay sa Faroe dahil sa kaniyang kasipagan. Nakapag-asawa ng Faronese si Yen, may isang anak, pero hindi maligaya ang puso.

Sa isang linggo pa lang ng pagsasama nina Paolo at Yen para sa dokumentaryo ay nagkapalagayan na sila ng loob. May naganap agad sa kanila. Pero kailangan nang bumalik sa Pilipinas ni Paolo.

Gusto niyang umuwing kasama si Yen, pero hindi puwede, mayroon itong anak na maiiwan sa isla. Sa eksena sa airport ay kapala-palakpak ang husay sa pag-arte ni Paolo. Parang gripo ang pagtulo ng kaniyang luha, sumisinghot, sa kaniyang basag na basag na boses.

Mahal siya ni Yen, pero hindi nito puwedeng isuko ang maganda nitong buhay sa Faroe Island, lalo na ang kaniyang anak na kapag umuwi pala ang Pinay ay hindi nito maisasama.

Iba ang kaugalian sa Faroe, ang pera ng lalaki ay kaniya lang, humahati lang ang Faronese sa mga gastos sa bahay kaya nagsipag nang nagsipag si Yen sa tatlong iba-ibang trabaho sa maghapon.

Hindi kalaliman ang kuwento ng A Faraway Land, pero mahusay ang pagkakaatake, pagkatapos mong panoorin ang pelikula ay busog na busog ang mga mata mo sa napakagandang tanawin ng isla na parang iniimbitahan ka ring manirahan sa Faroe Island.

Allan K – Tinuldukan na ang kuwento sa kanila ni James Yap

Pagkatapos nang ilang dekada ay tinuldukan na ni Allan K ang kuwentong siya ang unang-unang nagregalo ng sapatos kay James Yap. Hindi raw totoo ang istorya.

Varsity player pa lang daw si James noon ng University of The East, madalas daw itong magpunta sa bahay ng kilalang komedyante, paniwala ng mas nakararami ay si Allan ang unang sumuporta kay James Yap bilang basketball player.

Sa pakikipagkuwentuhan namin kay Allan K ni Romel Chika sa Cristy Ferminute ay nilinaw ng magaling na komedyante ang matagal nang isyu.

“Hindi totoong binigyan ko si James ng sapatos. Hindi rin totoong madalas siyang magpunta sa house ko. Nagpunta lang siya noong birthday ko. Maraming reporters na nandoon, nakita siya, kaya nagkaroon ng ganoong kuwento.

“Naging close lang kami ni James dahil parego kaming Ilonggo. Taga-Bacolod ako, taga-Escalante naman siya, ‘yon lang ‘yon. Masaya ako for him dahil sumikat siyang basketball player na hindi nakalilimot sa pinagmulan niya,” paglilinaw ni Allan K.

Maraming sinuong na paghamon ang kilalang komedyante nitong pandemya. Namatayan siya ng dalawang kapatid na hindi man lang niya nakita, tinamaan din siya ng COVID-19, akala niya’y katapusan na niya ‘yon.

“Matindi ang faith ko, palagi akong naniniwala na nandiyan ang Diyos na gumagabay sa ating lahat. Matapos na nga sana ang pandemyang ito para bumalik na ang buhay natin sa normal,” pahayag ng isa sa pinakamahuhusay na komedyanteng mayroon tayo. – CSF