
Opinions
![]() | “Ayaw mag-start ng sasakyan ko!” |
Ilan na ba sa atin ang nabubulaga ng ating sasakyan dahil sa ayaw itong mag-start? Nagmamadali ka pa naman sa umaga papasok o kaya ay nagmamadali kang umuwi galing sa trabaho, tapos biglang ayaw mag-start ang sasakyan natin.
Tanong natin, ano kaya ang posibleng dahilan nito? May mga ilan-ilang dahilan tayong puwedeng ibigay kung ano ang posibleng sanhi nito. Maaaring baterya, ignition switch, ignition module, ignition coil, fuel pump/ injector, computer box o simpleng fuse lamang.
Paano natin mapi-pinpoint? I-check-up ang ating baterya. Kung mabilis rin lang ang andar ng starter ay maaari na nating iisang-tabi ang baterya. Tingnan kung mayroon bang lumalabas na kuryente sa high tension wire habang ito ay ikina-crank sa pamamagitan ng pagpasok ng isang screw driver sa pinagkakabitan ng spark plug at ilapit ang screw driver sa ground o kahit anong parteng bakal ng makina na pinakamalapit sa iyo na may 1/8 of an inch ang distansya at tingnan kung may tatawid na kuryente o mag-i-spark. Huwag hawakan ang bakal na parte ng screw driver upang huwag makuryente. Kung may spark walang problema ang ignition system.
Kung wala namang spark, bunutin naman ang high tension wire na nakakabit sa distributor na galing sa ignition coil at gawin ang ginawa sa kabitan ng spark plug wire at tingnan kung may spark. Kung wala rin, maaaring sira ang ignition coil at kung may spark ang coil at walang lumalabas na kuryente sa linya ng spark plugs, posibleng sira ang rotor o cap ng distributor.
Kung walang lumalabas na kuryente sa coil maaaring ignition module ang problema. Kung buo ang lahat ng ito ngunit walang kuryente maaaring computer box na ang ating problema. Ito na ang pinakahuling dapat nating tingnan.
Kung ang kuryente naman ay maayos ngunit ayaw mag- start, siguraduhin munang may gasolina at baka naman isang linggo mo nang minamaneho ang sasakyan mo ay nagtataka ka pa na bakit hindi nababawasan ang iyong gasolina sa tangke. Wala nang laman yan! May diperensiya siguro ang float o fuel level sensor ng sasakyan mo kung iyan ay nakasagad sa puno o minsan puno pagkatapos ay bababa sa empty.
Posible ring fuel pump ang problema, nakagawian nang pag-check ng fuel pump ay ang pakikinig ng ugong na manggagaling sa likod na ilalim ng sasakyan kung saan nandoon ang tangke ng gas. I-on ang ignition switch at kapag nakarinig ng ugong na galing sa tangke ay buo ang pump. Ito ay tutunog lamang nang kung ilang segundo at mamamatay din dahil sa timer na galing sa computer. Kung walang narinig ay subukang pukpukin ang ilalim ng tangke at muling i-start ang sasakyan at kung umi- start, sira ang pump at kung hindi pa rin patingnan ang fuel pressure at kung may pressure naman papuntang makina ay patingnan ang kuryente ng bawat injector, kung wala itong kuryente ay may problema sa sensor o kaya naman ay ang computer box na muli.
Parating huling solusyon ang pagpapalit ng computer box dahil ito na ang pinakamalaking posibleng problema sa electrical. Kung ikaw ay may kuryente at may gasolina at walang problema sa mechanical, hindi puwedeng hindi aandar ang ating sasakyan.
Base, sa mga naging karanasan natin sa mga sasakyan na ating nakumpuni na, ang mga sumusunod na mga problema ay nabigyang lunas ng mga kaukulang solusyon: (Tingnan ang chart.)
Marami pa tayong isusunod na diagnostics na ating naranasan at ito ay maluwag nating ibabahagi sa inyo upang kayo ay lalo pang magkaroon ng malawak na idea kung paano nagrereact ang sasakyan sa bawat problema na nararanasan nito. Sana ang mga bagay na ating pinag-ukulan ng pansin ay magsilbing gabay sa inyo upang maintindihan ninyo ng lubos ang mga maaaring maging problema ng inyong sasakyan. Ang mga tips na ating ibinabahagi ay hindi upang ituro kung paano kayo magkumpuni ng sasakyan bagkus ay maging gabay upang maiwasan ang mga ganitong problema. Iminumungkahi na maging ugali ang mag-maintain ng sasakyan kaysa mag-paayos. Ang old adage na “An ounce of prevention is worth a pound of cure” ay tunay na mabisa pa ring i-apply maging sa ating mga sasakyan.