
Opinions
![]() | Paano nga ba pumili at bumili ng baterya ng sasakyan? |
Dapat nating maintindihan na hindi lahat ng sasakyan ay pare-pareho ang baterya. Ito ay depende sa pangangailangan ng sasakyan. Ibig din sabihin nito ay hindi pare-pareho ang presyo o halaga ng mga baterya. Kapag bumagal na ang pag-crank ng baterya, ito ay nagpapahiwatig na kailangan na itong palitan. Maliban sa presyo, may mga ilang bagay na dapat tingnan sa pagbili ng baterya:
• Cold Cranking Amps (CCA) – ito ay tumutukoy sa pag-crank o start ng makina. Mas mataas ang CCA, mas mabilis na mag-start ang sasakyan. Bawat sasakyan ay may kaniya-kaniyang minimum required na CCA ng baterya. Ito ay makikita sa owner’s manual ng sasakyan. Kapag sinabi nating minimum requirement, ibig sabihin hindi ka maaaring maglagay ng mas mababang CCA ng baterya kaysa sa pini-prescribe sa owner’s manual ng sasakyan.
• Reserve Capacity (RC) – ito ay tumutukoy kung gaano katagal maaaring patakbuhin ang mga accessories ng sasakyan na hindi maaagawan ang baterya ng supisyenteng lakas upang i-start ang makina. Mas maraming reserve capacity, mas maigi.
• Warranty – Ito ay nade-determine ng size at bilang ng plates ng baterya dahil ito ang nagdi-dikta kung gaano karaming amperahe ang kayang ibigay ng baterya. Ang bateryang may malalaking mga plates o mas maraming plates sa loob ay mas tumatagal. Kaya makikita natin sa market na mayroong 12 months warranty (pinaka-mura); 5 (60 months) years warranty hanggang 7 years (84 months) na warranty.
• Posisyon ng polo – kinakailangan na alam natin kung top-post or side-post ang puwesto ng mga battery terminals ng ating sasakyan. May mga bagong labas na baterya na adaptable kahit saan.
Bago magpalit ng baterya, siguraduhin na talagang depleted na ito. Ipa-test ang power ng baterya. Tandaan na hindi ibig sabihin na kapag lumabas ang ilaw sa inyong battery indicator sa inyong dashboard ay automatic na baterya na ang may diperensiya. Ipa-check ang alternator dahil ito ang dahilan ng ilaw ng battery indicator. Subalit dahil sa sirang alternator, maaaring masira rin ang baterya sa kadahilanan na ang mga plates nito ay naaapektuhan ng overcharging or undercharging ng alternator.