
Opinions
![]() | Ang power steering system at ang maintenance nito |
Tulad ng lagi nating nababanggit sa ating mga nakaraang artikulo, ang mga bagay na karaniwang nakapagbibigay sa atin ng comfort and convenience ay karaniwan din na nangangailangan ng kaukulang pansin o attention sa angulo ng maintenance. Kapag daka at di natin ito naging gawi ay malaking gastos ang katapat. Talakayin natin ngayon kung paano ba natin mapapanatiling nasa magandang kondisyon ang power steering system ng ating sasakyan.
Ano ba ang maaaring makasira ng mga components ng ating power steering system? Ang unang-una ay ang power steering fluid na kalimitan, ay di nabibigyang alintana. Kadalasan na nakakalimutang palitan sa kadahilanang hindi natin alam gawin ito o medyo kumplikado gawin ito.
Sa makalumang paraan ng pagpapalit ng fluid ay tinatanggal natin ang likido sa pamamagitan ng pagtanggal ng hose sa mga fittings at hinahayaan na ang gravity ang magtulak palabas. Okay din yan, kaya lamang ay naiiwan pa rin ang maraming dumi sa loob ng pump at ng rack and pinon o gear box na siyang nagliliko sa ating mga gulong.
May mga equipment na lumabas upang mapadali at maging tama o lubos ang pagtatanggal o pagpa-flush ng contaminated fluid o maruming likido sa power steering system ng sasakyan. Ang contaminated fluid na ito ang nagiging sanhi o ang siyang sumisira sa mga oil seals ng system upang mag-umpisa ang leak o tagas mula sa mga hose at pump.
Ang pinaka-common na sintomas ng depektibong power steering system ay ang pagkakaroon ng ingay kapag lumiliko. May mga sasakyang notorious sa ingay ng power steering tulad ng Ford Aerostar, Windstar, Chevy Venture at iba pa. Ang kinakailangan nating tingnan ay kung tamang fluid at level nito ang nakalulan sa ating system. Kung kulang, dagdagan at kung maling fluid ay ipa-flush ang luma at palagyan ng tamang fluid para sa inyong sasakyan. May mga sasakyan tulad ng Honda, Acura o mga European cars na may kaukulang fluid lamang ang maaaring gamitin; hindi basta ordinaryong power steering fluid.
Kasama na rin sa ating pagche-check ang pag-amoy at pagtingin sa kulay ng fluid. Kung amoy sunog na at maitim na ang fluid, kailangang ipa-FLUSH. Siguraduhing ang nagpa-flush ay gumagamit ng cleaning agent sa system na tanging makapagtatanggal at tutunaw ng dumi (sludge and grime) sa buong system. Hindi biru-biro ang halaga ng mga power steering parts kung ito ay masisira, kaya ang pinaka-mainam ay preventive maintenance. Regular na ipa-flush ang power steering system Karaniwan na ito ay kada tatlong taon o di kaya ay kapag naka-konsumo na ang sasakyan ng mga 60,000 km.
Kung ikaw ay regular na nagpapa-oil change para sa inyong engine, ganoon din dapat para sa power steering fluid. Hindi kinakailangang hintayin na magkaroon ng mga sintomas na ating nabanggit bago magpa-flush. Ito ay isang regular maintenance service na kailangang isagawa sa takdang panahon.