Published on

Usapang Auto    Rip-off o savings?

Marami sa atin ang nanggaling na sa iba’t ibang mekaniko (lehitimo o backyard) at shops (independent o franchised). Hindi rin miminsan na nabiktima ang ilan sa atin ng mapagsamantalang mga mekaniko. Minsan nga ang masakit ay kapuwa kababayan pa natin. Bigyan natin ng pangmalawakan na paliwanag ang ilang anggulo ng karaniwang transaction natin sa mga mekaniko at repair shops. Istilong question and answer ang atin gagawin.

TANONG: Nagpapalit ako ng brake pads, sabi ng mekaniko sa akin, palitan na rin ang disc rotor. Tama ba ito technically o dinadagdagan lang ako ng gastos?

SAGOT: Ito ay depende sa condition ng rotor. Kapag ang ating brake system ay nagbigay ng tunog na metal-sa-metal, ibig sabihin nito ay sagad na ang brake pads at nakain na rin ang ibabaw ng rotor. Kapag ganito ang situation, it is either magpa-resurface ng rotor o magpalit na ng rotor. (Note: mas nirerekomenda na kaysa magpa-resurface ng rotor ay mas makabubuting magpalit na lang. Di naman masyadong malayo ang halaga ng bago sa re-surfacing at di pa mawawala sa specification ang rotor measurement ­– na isang aspeto ng safety) Upang makatiyak na di lang gusto ng mekaniko na lumaki ang bill mo, imungkahi na ipakita sa iyo ang rotor bago pumayag na palitan.

TANONG: Nagpapalit ako ng water pump dahil sa tumutulo ito. Sabi ng mekaniko, palitan ko na rin ang timing belt ng sasakyan. Lumaki tuloy ang naging bill ko.

SAGOT: Depende sa design ng sasakyan. May mga sasakyan na kapag nagpalit ka ng water pump, tinatanggal mo rin ang tinatawag na timing belt. Kapag ganito ang design ng sasakyan, mas makakatipid ka in the long run na magpalit na rin ng timing belt kapag nagpalit ng water pump or vice versa dahil isang trabaho lang ito. Ang madadagdag sa bill mo ay ang halaga ng piyesa. Kapag nagpalit ng bagong water pump, it is either na ibalik ang lumang timing belt o bago na para makatipid sa labour charges na maaari pang gastusin kapag bumigay ang timing belt. Karaniwan na ang dalawang piyesang ito ay magkasunuran lang na bumibigay kaya mas practical na palitan nang sabay. So hindi rip off ito, although, at the end of the day, ikaw na may-ari ng sasakyan ang siya pa ring masusunod. Kung ito ay ibigay na suggestion ng mekaniko, ito ay para sa iyong advantage, hindi sa kaniya, dahil pareho lang ang ibabayad mo sa trabaho niya.

TANONG: Bumigay ang driveshaft ng sasakyan ko, pati output shaft seal pinapalitan ng mekaniko. Tama ba ito?

SAGOT: Tunog dagdag bill na naman ito di ba? Tulad ng una nating paliwanag, sa pagpapalit ng drive shaft, nakabunot na rin lang ito. Makabubuti na papalitan na rin ang output shaft seal na karaniwang madalas panggalingan ng tulo. Tulad ng naunang paliwanag, wala namang dagdag na labour charges ito dahil nga nakabunot na rin lang ang drive shaft. Ang isa pa, ang mga seals ay di naman kamahalan kung madagdagan man. At least nakatipid ka pa sa labour in the long run.

TANONG: Control arm bushing lang ang sira ng sasakyan ko, buong control arm na pinalitan ng mekaniko, tama ba ito?

SAGOT: Ang ganitong situation ay depende sa make at design ng sasakyan. May mga make ng sasakyan na walang aftermarket parts na available o maging sa dealer man ay walang listing para sa bushing lang kundi buong control arm. Kaya kahit mag-refer sa standard labour time, ang pagpapalit ng control arm bushing ay naka-base sa pagpapalit ng buong control arm. Dahil para mapalitan ang bushing ay kailangan na tanggalin at ikabit ang buong control arm ng sasakyan.

TANONG: CV Boot o Driveshaft, tanong ba naman sa akin ng mekaniko. Putok ang CV Boot ng driveshaft ng sasakyan ko, pero ang singil sa akin sa labour ay parang nagpalit ng driveshaft.

SAGOT: Para sa nakaraan na katanungan, ganoon din ang sa CV boot sa Driveshaft. Dahil hindi naman po mapapalitan ang CV boot kung di tatanggalin ang buong driveshaft. Kaya nga yung iba, pinapabayaan na lang na masira ang driveshaft kapag na-diagnose na may crack ang CV Boot dahil pareho lang ang bayad sa labour. Subalit kapag ganito ang stand ng may-ari ng customer, mas malaki naman ang babayaran nila pagdating sa parts dahil di hamak na mas mahal ang halaga ng buong driveshaft kaysa CV boot.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga karaniwang mae-encounter ninyo sa inyong mekaniko o repair shop. Kaya napakahalaga na ang trust level ninyo sa inyong mekaniko ay mataas. Kung di ninyo man kabisado at first time kayong magpapagawa, humingi ng kaukulang paliwanag at hilingin na makita ang piyesa na may diperensiya bago ibigay ang inyong approval to go ahead. Ipaliwanag na nais ninyong ma-appreciate ang buong proseso. Mas maiging maging malawak bago maghusga at ipagkalat na kayo ay ni-rip off ni ganito at ni ganyan kung ang tanging intensiyon ay makatipid kayo sa kalaunan.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback