
Opinions
![]() | Checklist bago bumiyahe ngayong summer |
Panahon na naman ng mga long driving, kaya mainam na ilang linggo bago ang inyong scheduled trip ay i-condition na ang inyong sasakyan. Ang sumusunod ay magbibigay sa inyo ng basic items to check subalit makabubuti pa rin na ang inyong sasakyan ay mapa-inspect sa isang lehitimong mekaniko na makakapag-check ng inyong brakes, steering at suspension components. Makakakuha rin kayo ng mga recommendations kung anu-anong bagay ang dapat bigyang pansin bago ninyo i-biyahe ang sasakyan. Huwag hintayin ang last minute bago ang trip. Kung may mga bagay na kailangan na ayusin sa sasakyan ay may sapat na panahon upang gawin ang mga ito. May sapat na oras din na ma-testing kung ano man ang ginawa sa sasakyan bago ang actual trip. Ating tunghayan ang sumusunod na checklist:
Engine oil
Tingnan kung medyo madumi na ang inyong engine oil; Kung tama ba ang level ng langis. Maigi na mag-oil change bago bumiyahe.
Transmission fluid
Tingnan kung medyo kulay kalawang na ang inyong automtic transmission fluid. Siguraduhin na tama ang level ng fluid. Kung almost due na ang inyong transmission fluid, makabubuti na magpa-flush bago ang trip. Ang mahabang biyahe at ang load na ikakarga ay magbibigay ng mabigat na stress sa transmission, lalo na kung may hatak na trailer o bangka.
Antifreeze o coolant
Siguraduhin na nasa tamang level ang inyong antifreeze o coolant. Kung medyo kulang lang ang fluid ay i-top off ng tamang fluid (regular o long life). Subalit kung medyo malaki ang kakulangan ay maigi na i-patingin kung may leak. Kailangang maayos ang leak bago mag-biyahe dahil kapag naubusan ng antifreeze ang sasakyan ay maaaring mag-overheat ang inyong makina at ito ay magkakaroon ng malubhang epekto sa makina.
Baterya
Bisitahin ang inyong battery, siguraduhin na walang corrosion sa polo o terminal ng baterya dahil maaaring mag-stall kayo sa daan dahil dito. Kung mahigit na apat o limang taon ang inyong baterya, maigi na palitan na ito bago ang inyong trip.
Belts at hoses
Tingnan ang mga belts at hoses kung may mga traces ng leak o kaya kung may cracks. Palitan ang mga cracked belts at hoses. Maging ang mga kinked o nabaluktot na mga hoses ay makabubuting palitan dahil sa mga tupi ng hoses na ito maaaring magkaroon ng crack lalo na kapag nainitan nang husto.
Gulong
Tingnan kung tama ang psi o ang tire pressure ayon sa manufacturer’s specification. Balikan ang nakaraaang issue ng Pilipino Express tungkol sa gulong. Maging mapagmasid sa uneven tire wear. Ito ay isang indikasyon na may alignment problem ang inyong sasakayan. Kung nakakaramdam ng pag-vibrate habang nasa cruising speed, kinakailangan ng balancing ng gulong. Tiyakin na hindi pa expired ang inyong gulong (apat na taon mula sa manufacturing date). Makabubuti na magpa-align ng gulong bago magbiyahe. Makatutulong ito sa economical fuel consumption at makakabawas sa stress sa mga steering at suspension components.
Steering at suspension
Pakiramdaman kung may mga tunog at lagutok na naririnig habang pinaaandar o inililiko ang inyong sasakyan. Maaaring isa sa mga steering at suspension components ay nangangailangan ng pansin. Kailangan na masiguro na ang anumang tunog at lagutok na nararamdaman ay maisa-ayos bago magbiyahe upang maging ligtas.
Mga ilaw at ilan pang electrical components
Siguraduhin na lahat ng ilaw ay gumagana – harap at likod. Palitan kaagad ang mga punding bumbilya. Kung may electrical problem ay makabubuting bigyan lunas muna bago magbiyahe.
Ilan pang mga importanteng bagay
Siguraduhin na gumagana ang inyong horn, na ang wiper ay may maayos pang wiper blade at puno na washer fluid.
Air conditioner at heater
Gumagana ba lahat ng temperature regulator ng iyong air conditioning? Satisfied ka ba sa lamig na ibinibigay ng iyong A/C system? Hindi mo gugustuhin na magbukas ng bintana habang bumibiyahe. Hindi lang sa magabok kundi ito ay malakas pa sa gasoline dahil nagkakaroon ng drag sa loob ng sasakyan. Mas pigil ang takbo. Ipaayos ang inyong A/C system bago lumarga.
Makabubuti na may handa ang mga sumusunod bago ang trip:
• Extra engine oil, ATF, coolant
• Portable na pang-vulcanize ng gulong
• Portable compressor
• Flashlight
• Basic tools tulad ng wrenches at small jack
• Emergency numbers (towing or roadside assistance)
Ang mga nabanggit sa checklist items ay very basic lang po. Makabubuti na ipa-check ang inyong sasakyan kaysa abutin kayo sa daan na sa halip na magkaroon kayo ng memorable trip ng pamilya ay mauuwi sa inis at pag-aalimura. Matapos ang mahabang winter na ating pinagdaanan, we all deserve to have a very good summer experience kasama ng ating pamilya at mga kaibigan.