Published on

Usapang Auto    Plano mo bang ibenta ang kotse mo?

Kailan nga ba dapat ibenta ang sasakyan mo? Kapag marami nang sirang lumalabas? Kapag maayos-ayos pa at may mangilan-ngilan pa lang na component ang kailangan na ipagawa? Ang iba minamabuti na i-maximize ang sasakyan, marahil ito ay isang mabuting move kung may ibang priorities na kailangang paglaanan ang family resources tulad ng pag-aaral ng anak o kaya ay pagbili ng bahay. Yung medyo nakakaluwag at may kaunting extra funds, ang pagkakaroon ng reasonable interval sa pagpapalit ng sasakyan ay isa ring magandang practice. Ating bigyan ng katuwiran ang bawat isa upang kayo ay magabayan sa inyong pagde-desisyon:

Ibenta habang maayos-ayos pa

Ang pagbebenta habang maayos pa ang sasakyan ay makapaglalagay sa iyo sa advantageous na position dahil mataas pa ang value ng sasakyan at di mo na kailangan na umabot pa sa panahon na marami nang kailangang palitan o ipagawa sa iyong sasakyan. Kung ang sitwasyon mo sa buhay ay nakaluluwag at maaaring ang iyong hanapbuhay ay tumatawag sa pangangailangan ng pagkakaroon ng bago at presentableng sasakyan, ang option na ito ay para sa iyo.

I-maximize ang serbisyo ng sasakyan

Pag sinabi nating i-maximize ang serbisyo ng sasakyan, ibig sabihin ay “gamitin hanggang puwede.” Sa panahon ngayon ng economic uncertainties, karamihan ay nagho-hold on sa kanilang mga sasakyan, lalo na kung patapos na o tapos nang bayaran ang mga ito. Maaaring napaka-lucrative ng mga offers ng mga dealers, halos ipamigay at may kalakip pang mga pangako na aakuin ang bayad kapag nag-default ka sakaling mawalan ka ng trabaho. Ang tanong ay hanggang kailan at ano ang catch doon di ba?

Ang karaniwang nagiging concern pag itong option na ito ang pinili, siyempre habang minamaximize mo ang serbisyo ng sasakyan, kinakailangan mong ipagawa ang mga problema that would come along habang ginagamit mo di ba? Ang iba kapag naipagawa na halos ang lahat ng problema ng sasakyan ay nanghihinayang ng ibenta. Naiisipan lang ulit ibenta kapag medyo malaki ang naibayad sa pagpapagawa ng sira ng sasakyan. Kung hindi rin lang brand new ang kukunin, hindi naman mawawala ang problema ng pagpapagawa ng sasakyan. Actually, kahit bago, kailangan pa rin ng maintenance di ba? Anyway, kung sakaling ibebebenta ang sasakyan, ano nga ba ang mga bagay na dapat nating paghandaan upang masiguradong mabibili kaagad ang ating sasakyan?

1. Linisin ang labas at loob ng sasakyan

Unang-una, siyempre, kailangan malinis ang sasakyan. Labas at loob ay malinis. I-car wash at i-vacuum ang loob. Makapagbibigay ng magandang impression sa mga nais bumili kapag malinis ang sasakyan. Ibig lang sabihin ay naaalagaan nang husto ito. Tanggapin man natin o hindi pero karaniwan na notion sa mga Pilipino na ang pagkatao o personalidad ng tao ay nakikita sa mga gamit nito di ba? Magsasabi na maayos rin ang taong nagbebenta kapag maayos ang sasakyan.

2. Ayusin ang mga obvious na sira

Tulad halimbawa ng mga basag na ilaw, pundidong bumbilya. Pagkaminsan, ang maliliit na bagay na ito ang nagiging dahilan ng pang-ayaw ng prospective buyer. Kung malambot ang gulong ay ipa-repair muna.

May option ka kung gusto mo munang ipa-safety o ibenta ng tinatawag na “as is” ang sasakyan. Mas bentahe na naka-safety dahil alam ng bibili na safe ang sasakyan at naayos ang karamihan ng sira. Mas makaka-demand ka ng magandang presyo. Subalit kung ang nais mo naman ay just to get rid of the car, “as is” mo na lang i-benta, kung marunong gumawa ang bibili, okay lang di ba?

3. I-compile at i-handa ang mga repair documentations

Ang pagpapakita ng mga repair papers ng sasakyan ay magandang selling point sa kadahilanan na malalaman ng bumibili na well-maintained ang sasakyan.

4. Maging malinaw at klaro sa pag-execute ng “bill of sale”

Magiging safe sa iyong side na maglagay ng condition sa bill of sale na ang sasakyan ay ibinebenta nang “as is” at “no warranties implied or expressed.” Itong simpleng conditions na ito ay makapaglalayo sa kung ano mang responsabilidad sa sasakyan matapos ang bentahan. Hindi ka dealer, hindi ka required magbigay ng warranty. Subalit siyempre, iwasan na mag-claim ng mga bagay tungkol sa sasakyan na di totoo upang di ka maakusanhan ng panlilinlang ng bumibili.

5. Form of payment na acceptable sa iyo

Linawin sa bumibili na ang tanging acceptable na form of payment sa iyo ay either cash, certified cheque or bank draft na nasa pangalan mo. Huwag na huwag na tatanggap ng personal cheque unless kilalang kilala ninyo ang bumibili. Tandaan na walang bouncing cheque law dito sa Canada. Hindi mo puwedeng habulin ang nagbayad nang cheque.

Sana ay nakapagbigay ng kaunting dagdag na gabay ang mga nabanggit na tips.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback