
Opinions
![]() | Paano pumili ng maayos na repair shop |
Paano nga ba pumili ng maayos at maaasahang auto repair shop? Kinakailangan bang sa dealer lamang upang makasigurado? O di kaya ay sa mga franchise chains tulad ng Midas, Speedy’s, Sears o Canadian Tire? O yung mga independent repair shops?
Bawat repair facility tulad ng ating mga nabanggit ay may kaniya-kaniyang pros and cons na tinatawag. Sa totoo lang, kung ano mang klaseng shop ay di mahalaga; ang importante ay ang mga taong gumagawa o yung mga technicians. Kinakailangan na ang mga technicians ay makapagbigay ng confidence o tiwala.
Subalit siyempre, hindi naman lahat ng mekaniko ay pare-pareho. Mayroon diyan na dahil sa wala kang masyadong alam sa sasakyan ay papaikot-ikutin ka upang palalain ang problema. Mayroon naman na talagang tapat at sincere sa paggawa at pilit na lumalagay sa sitwasyon ng nagpapagawa. Subalit bilang may-ari ng sasakyan, nais nating ibahagi ang mga mumunting tips or guide upang makapamili kayo ng maayos na repair shop na siyempre pa ay mapapagkatiwalaan ninyo ang mga taong gumagawa.
1. Unang-una at walang dadaig sa pagkuha ng referrals. Ito ay sa kadahilanan na siyempre may first-hand experience ang taong nag-rerefer ng repair shop. Ito ang tinatawag na “word-of-mouth” recommendations.
2. Hindi kinakailangan na kung kailan may diperensiya ang sasakyan ay saka maghahanap ng repair shop na pupuntahan. Ang magandang pang-testing ng isang shop ay ang pagpapa-oil change. Dito ninyo makikilatis ang repair shop at ang mga taong gumagawa. Pagpasok pa lang sa reception area ng shop ay medyo makikilatis na ninyo. Sabi nga, first impressions last di ba?
Karaniwan na ang repair shop ay di masyadong malinis subalit at least ang reception area ay maayos. Tingnan kung anong certification mayroon ang mga taong gumagawa na makapagte-testify ng qualifications ng technician na hahawak ng inyong sasakyan. Lisensiyado ba ang mga mekaniko? Tingnan kung ang shop ay miyembro ng mga kilalang automotive association tulad ng CAA. Tulad rin ito kapag nagpapaduktor ka – pupunta ka ba sa quack doctor o doon sa lehitimong doctor na may established na clinic?
3. Sa panahon ngayon, hindi lamang mahalaga kung magaling ang mekaniko ng repair shop, subalit importante rin ang tinatawag na customer service. Maaaring “icing on the cake” na maituturing subalit given that all things are equal, siyempre mas magigiya kang pumunta sa shop na nagpa-practice ng customer service, di ba?
4. Importante rin tingnan kung anong sistema mayroon ang repair shop tungkol sa mga technical information, labour guides at step-by-step procedure tungkol sa mga sasakyan. Kung may nakapaskel na Mitchell On Demand or Alldata na poster, ito ay sign na ang repair shop ay bumabase sa manufacturer’s standard labour time ng paggawa. Kung ang shop ay naka-hook-up electronically sa mga sistemang ito, makakasiguro ka na ang shop ay gumagawa ayon sa mga standard procedures na dapat para sa iyong sasakyan. Makakasiguro ka rin na updated ang mga technical information tulad ng mga tinatawag na TSBs/recalls para sa iyong sasakyan. Sa panahon ngayon na masyadong makabago ang technology sa sasakyan, hindi maaari na pairalin ang so called, “extensive knowledge” na nabuo ng kung ilang dekada. Kung ang sasakyan mo ay relatively new, ang repair shop na pagdadalan mo ay kinakailangan na may up-to--date schematics at repair procedures na available sa mga nabanggit na systems.
5. Obserbahan kung paano hina-handle ng technician ang explanation ng serbisyo. Bilang customer, karapatan mo na maintindihan nang lubos kung ano ang diperensiya ng iyong sasakyan, kung ano ang gagawin ng shop upang maayos ito at kung magkano ang aabutin ng repair. Binibigyan ka ba ng pagkakataon o ng options ng repair shop kung paano mo nais ipaayos ang iyong sasakyan. Tulad halimbawa sa mga piyesa na maaaring gamitin (halimbawa, kung economy, middle-of-the-road o yung premium parts). Dahil kapag ganito ang approach ng repair shop, ibig sabihin, “they work with you.”
6. Ang isang pang key na kailangan ninyong obserbahan ay kung ang repair shop ay hinihingian kayo ng inyong contact number kung saan kayo maaaring tawagan para sa resulta ng initial diagnosis ng diperensiya ng inyong sasakyan at estimate ng repair. Kung ang repair shop ay matino at maayos ang palakad, sisiguraduhin na hihintayin muna ang inyong approval bago pa gawin ang actual repair sa inyong sasakyan.
7. Ang isang maayos na repair shop ay tumatayo sa trabahong ginawa nito. Nakapagbibigay ng kaukulang warranty base sa klase ng piyesang ginamit sa sasakyan.
Nawa ay minsan pang nakapagdulot ng kaunting karagdagang kaalaman ang inyong lingkod.
Have a comment on this article? Send us your feedback