Published on

    Auto tip:

    Battery o alternator

Winter na naman. Nandiyan na naman ang mga sasakyan na ayaw mag-start. Baterya ba ang problema? O ang alternator kaya? Paano nga ba malalaman kung alin sa dalawa ang talagang problema? Sa totoo lang, maraming puwedeng maging dahilan, hindi lamang ang baterya at alternator. Subalit para lang ma-isolate natin ang mga sintomas na makapagsasabi kung alin sa dalawa, atin pong ililimita ang ating discussion sa dalawang car components na ito.

Kapag baterya ang problema, ang mga sumusunod na signs ay ating mao-observe sa sasakyan:

Kapag sinubukan nating i-crank o i-start ang makina, walang maririnig na tunog, kung mayroon man, ito ay ang solenoid ng starter na nag-e-engage.

Kapag sinubukan na i-on ang mga ilaw o stereo, ito ay hindi mag-o-on.

Kung mayroong battery tester, kapag ang nakuhang reading ay mas mababa sa 11 volts, ibig sabihin ay patay o dead talaga ang baterya.

Ang susunod na tanong ay, bakit namatay ang baterya? Ito ba ay depleted na at kailangan ng palitan o hindi lamang kumarga ng tama dahil sa ibang dahilan? Bisitahin ang mga polo ng baterya. Kung ang terminal ay maluwag, hindi talaga kakarga ng maayos ang baterya. Maaari rin na marumi ang mga polo at nalilibutan ng mga rebaba o acid residues. Kailangang linisin ang mga polo at ikabit nang mahigpit ang mga terminal upang masiguradong kakarga nang maayos. Maaari rin na may ilaw na naiwang nakasindi ng matagal kaya na-drain ang baterya.

Kung mayroong computerized tester, masasabi kaagad nito kung kailangan nang palitan. Sasabihin nito na “replace battery” or “ bad cells” na maaaring dahil sa faulty alternator.

Kuwidaw sa common notion na kapag umilaw ang battery indicator sa inyong instrument cluster, ibig sahibin ay baterya ang problema. Ang ibig sabihin nito ay hindi nakakargahan ng ayos ang baterya. Maaaring nag-o-overcharge o nag-a-undercharge ang alternator. Kung bago pa ang baterya, maaaring sirain ito ng naglulukong alternator (maiging ipatingin kaagad at palitan ang alternator dahil maaaring ma-void ang warranty ng baterya kapag ito ay nasira dahil sa faulty alternator). So sa halip na alternator lang ang papalitan, pati baterya ay kakailanganin ding palitan.

Kaya huwag mag-speculate kaagad, ipatingin upang maiwasan ang mga complications at maiwasan ang mga unnecessary expenses.

Ron Urbano is a Certified Red Seal Mechanic.

Have a comment on this article? Send us your feedback