Published on

    

Ready na ba ang sasakyan mo ngayong darating na winter?

It is never too early para maghanda sa darating na winter. Marami ang nagsasabi na magiging napakalamig ang darating na winter, subalit di masyadong magiging mayelo. Well, kung ano pa man ang dumating, ang importante ay maging handa tayo habang maaga pa. Kahit sa sarili nating mga garahe, maaari na tayong mag-umpisa ng paghahanda sa pamamagitan ng basic inspection ng ating sasakyan. Based sa magiging outcome ng ating inspection ay makapaghahanda tayo sa mga dapat nating ipagawa o mga bagay na puwede na nating gawin para makatipid rin. Ang sumusunod na basic checklist ay maaaring gamitin sa ating inspection.

1. Wiper blades

Suriin ang condition ng ating wiper blades. Kung punit na o di kaya ay puro crack na, huwag nang mag-atubili at palitan na kaagad. Ang maayos na wiper blades ay kasiguraduhan ng maayos na visibility, lalo na kapag pumatak na ang snow.

2. Engine oil

Mag-invest sa paggamit ng synthetic oil ngayong winter upang masiguradong aandar ang inyong sasakyan, kahit na hindi ma-iplug ang block heater. Ang synthetic oil ay hindi lumalapot tulad ng conventional oil, kaya ito ay di kailangang painitin bago patakbuhin.

3. Cooling/heating/air conditioning

Subukan ang i-operate ang inyong heater sa lahat ng speed. Siguraduhin na ito ay nagpa-function nang maayos. Subukan pati ang inyong air-conditioning unit. Sa manaka-nakang pagpapatakbo nang sandali ng inyong air conditioning system ngayong winter ay magbibigay ng kasiguraduhan na hindi pagmumulan ng leak ang mga seals, valves, hoses. Maaaring mag-crack ang mga ito dahil sa hindi dinadaluyan ng freon tuwing winter at dahil na rin sa reaction ng mga rubber na ito sa napakalamig na temperature.

4. Gulong

Kung ia-allow ng budget, magpalit ng winter tires. Makadadagdag ng 25% na traction ang paggamit ng winter tires. Kung hindi man, alalahanin na kailangan na i-adjust ang ating driving style ngayong winter.

5. Tune-up

Ang pagkakaroon ng tuned engine ay isang kasiguraduhan na hindi ka ma-stall sa daan dahil ayaw mag-crank ng iyong sasakyan. Ngayon ang panahon upang magpa-tune-up.

6. Baterya

Linisin ang mga polo ng baterya at siguraduhin na ayos ang tinatawag na battery hold down bracket upang ito ay maging stable. Kung hindi na matandaan kung kailan nagpalit ng baterya, it is about time na ipa-check ang health status nito at magpalit na kung kailangan.

7. Emergency kit

Kung wala ka pa, magbuo ng iyong sariling emergency kit na magiging ready kapag na-stranded sa daan. Ang ilan sa mga importanteng bagay na kailangan na mayroon ka ay:

  • Flashlight (with extra batteries)
  • Cell phone, charger
  • Booster cable (optional)
  • Phone numbers ng family/relatives/mechanic/towing service
  • Blanket, extra gloves, toque, extra jacket
  • Non-perishable food like protein bars, candy
  • Shovel
Iminumungkahi rin na ipasyal ang inyong sasakyan sa isang legitimate shop na maaaring makapagtaas ng inyong sasakyan sa hoist upang ma-inspection ang inyong pang-ilalim. Hindi mo gugustuhin na kung kailan winter ay saka ka mapuputulan ng tie rods, ball joints at dadapa na lang ang iyong sasakyan sa kalye. Samantalahin ang mga winter packages na ino-offer ng mga auto shops na may kasamang mga courtesy checks ang winter oil change packages.

Ron Urbano is a Certified Red Seal Mechanic.

Have a comment on this article? Send us your feedback