Published on

Pic-Ron 

Paano ba mapo-proteksyunan

ang inyong sasakyan sa auto crime?

By Ron Urbano

Ang auto crime ay isang krimen na karaniwang nangyayari sa ating kapaligiran, sakop nito ang pagnanakaw ng sasakyan, attempted o consummated; maging ang vandalism ay parte rin nito.

Kamakailan lamang, ilan sa aking mga kaibigan at customers ay nabiktima ng vehicle theft. Isa sa kanila ay bumaba lamang sandali sa tapat ng tindahan na regular niyang pinupuntahan bilang ahente. Iniwan niyang umaandar ang makina. Paglabas niya ay wala na ang sasakyan niya.

Ang pangalawa naman ay mismong kinuha ang sasakyan sa loob ng garahe.

Ang pangatlo ay kinuha muna ang mga susi sa bahay bago kinuha ang mga sasakyan.

Parang nakakabahalang isipin ang mga pangyayari, di ba? Ang mga sitwasyon na ito ay pawang totoo at hindi likhang isip lang.

Ating linawin ang mga pangyayari sa mga sitwasyon na nabanggit:

Sa unang sitwasyon, naiwan ang susi sa loob ng sasakyan; maging ang driver’s licence ng may-ari ay nasa loob din ng sasakyan.

  • Huwag mag-iiwan ng susi sa loob ng sasakyan, dalhin ito lagi;
  • Hangga’t maaari ay huwag iiwan na tumatakbo ang makina ng sasakyan lalo na kung panahon ng spring hanggang fall.

Sa pangalawang sitwasyon, may extrang susi na nakatago sa sasakyan at ang garahe ay hindi secured.

Napanood na ba ninyo ang Six-second Garage Door Break-In? Sa YouTube video, malalaman din ninyo kung paano ninyo mase-secure ang inyong garage door.

  • Huwag mag-iiwan ng extrang susi sa loob ng sasakyan;
  • Siguraduhin na ang lahat ng pinto ng garahe ay nakasarado at secured tulad ng nabanggit sa video.

Sa pangatlong sitwasyon, ito ay medyo complicated dahil ang ginawa ng magnanakaw ay pumasok muna sa bahay. Doon kinuha ang mga susi bago ninakaw ang mga sasakyan.

  • Siguraduhin na ang mga susi ng sasakyan ay nakasabit na malayo sa bintana at pinto upang hindi visible sa labas at hindi rin accessible.

Bilang karagdagan sa mga nabanggit na precautions, makabubuti rin na maging gawi ang mga sumusunod:

  1. Siguraduhing naka-lock ang mga pinto at sarado ang bintana ng inyong sasakyan kung ito ay iiwanan;
  2. Tiyakin na walang gamit sa loob ng sasakyan na magsisilbing tukso sa mga magnanakaw upang mag-break-in. Ilagay ang lahat ng gamit sa inyong trunk;
  3. Huwag iiwanan ang inyong garage door opener sa sasakyan;
  4. Huwag mag-iiwan ng mga importanteng documents tulad ng inyong driver’s licence at registration;
  5. Pumarada sa lugar na may sapat na liwanag at daanan ng tao;
  6. Maglagay ng steering club lock.

Ang MPI ay nagpo-provide ng Immobilizer Warning Stickers para sa mga sasakyan na may factory-installed immobilizers. Maari kayong pumunta sa mga MPI Service Centres kahit walang appointment. Lalagyan ng MPI ng dalawang stickers – isa sa magkabilang window.

Huwag hintayin na maging biktima, maging pro-active sa pag-protect against auto crime!