Published on

Sangandaan by Emmie Z. Joaquin, Editor-in-Chief

Sahog

 

Maikling kuwento ni Emmie Joaquin, unang nailathala sa HIYAS Magazine (WInnipeg) noong 1998. Inilathala muli ng Pilipino Express bilang paggunita ng ika-40 taon ng deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas, noong Setyembre 21, 1972. Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

 

“Hon, hurry up, baka ma-late tayo,” sigaw ni Ronnie mula sa ibaba ng hagdan.

“Sandali na lang, Dad. Sandali na lang itong buhok ng princess mo,” at dali-dali kong inilagay ang clip sa buhok ni Merlie.

Ginto na ang kulay ng mga dahon sa puno. Marami na ring nalalaglag sa daan. Kaunting panahon na naman at makukumutan na ng snow ang Winnipeg. Bukas, sa ganitong oras ay nasa Pilipinas na kami.

Bagong kasal kami ni Ronnie nang huli kaming umuwi sa Pilipinas. Labing-isang taon na ang nakaraan, at ngayon sa aming pagbabalik, tatlo na kami.

Magkakahilera ang upuan naming tatlo sa eroplano. Nasa gitna naming mag-asawa si Merlie. Pinagmasdan ko siya sumandali. Para siyang maliit na dalaga at talagang kahawig siya ni Ate Merlie, naisip ko.

Kaisa-isang anak namin si Merlie. Sa isang buwan ay sampung taon na siya. At dahil kaisa-isang apo sa pamilya namin, pumayag kami ni Ronnie na sa Pilipinas na ipagdiwang ang kaniyang ikasampung kaarawan, para naman makonsuweluhan ang lolo at lola niya. “Princess” ang tawag sa kaniya ni Ronnie at talaga namang parang prinsesa. Kayang-kayang paikutin nito ang ama sa kaniyang mga daliri ’ika nga. Walang hiniling na hindi ibinigay ng ama; at ang maganda sa kaniya, kahit sunod sa layaw, hindi abusada, tulad din ni Ate Merlie ko.

Talagang ipinangalan naming mag-asawa si Merlie sa pinsan ko. Anim na taon ang tanda sa akin ni Ate Merlie. Nag-iisa akong anak at wala akong ate; kaya siya ang parang naging ate ko. Noong bata pa ako, lahat ng gawin niya ay ginagaya ko – sa pananamit, pag-aayos ng buhok, pati pakikipag-usap. Lahat ng paborito niya, naging paborito ko rin. Lumaki akong siya ang idol ko.

Popular si Ate Merlie sa subdivision namin. Maraming nagsasabing kamukha niya si Susan Roces. Totoo naman. Noong sumali sila sa dance contest ng NineTeeners sa Channel 9 noong araw, mapapansing paborito ng cameraman si Ate Merlie dahil palagi siyang naka-close-up. Sumikat siya lalo sa eskwela at sa mga kapitbahay namin; kaso nga lang, eh, nakatikim siya ng kurot at napagalitan siya ni Tita Sony dahil nabistong nag-cut siya ng klase sa eskwela; muntik nang atakihin sa puso ang nanay at tatay niya nang makitang nagsasayaw siya sa TV ganoong dapat ay nasa eskwela siya.

Apat na magkakapatid ang mga tatay. Siguro nagkasundo silang hindi maghihiwalay kaya sa iisang compound lahat nagpatayo ng bahay. Si Ate Merlie ang panganay na anak nina Tita Sony at Tito Ben; kuya ng tatay ko si Tito Ben. Kami lang ni Ate Merlie ang babae sa pitong magpipinsan, kaya naman mutyang-mutya kami sa pamilya.

Kasi nga’y sa iisang compound kaming magpipinsan nakatira, kahit only child lang ako ay lumaki akong parang maraming kapatid. Sa magpipinsan, si Ate Merlie ang pinakamatanda. Naghahabulan at nagtutumbang-preso kami palagi pero noong naging senior high school na si Ate Merlie, hindi na siya sumasali sa laro namin. May barkada na siyang mga dalagitang katulad niya at palagi silang nagkukulong sa kuwarto niya pagkagaling sa eskwela.

Mabait sa akin si Ate Merlie. Lagi siyang may pasalubong sa akin basta may lakad siya. Pumapayag siyang hawakan ko ang mga gamit at make-up niya. Siyam na taon pa lang ako noon at kilig na kilig ako kapag isinusukat ko ang high heels niya kahit na natatapilok ako dahil malaki sa akin ang mga ito.

Nasa grade school pa lang ako nang ginawa akong opisyal na tagabantay ni Tita Sony kapag may umaakyat ng ligaw kay Ate Merlie. Enjoy na enjoy ako kapag may manliligaw na dumarating sa kanila kasi lagi akong may “lagay” na chocolate, kung hindi ay hindi ako aalis sa pagkakaupo kong nakagitna sa kanila. Nabansagan tuloy akong si “Sahog” dahil lagi akong nakahalo sa mga ginagawa niya. Mahigpit si Tita Sony kay Ate Merlie. Mahigpit din ang utos niya sa akin na bantayan ko at baka kung ano ang gawin ng manliligaw habang nasa terrace nila.

Sa lahat ng manliligaw ni Ate Merlie, gusto ko si Obet. Kutob ko, crush din siya ni Ate Merlie.

Basketball player si Obet sa high school na pinapasukan nila. Sikat daw sa campus si Obet at ang balita ay marami raw nagkakagusto sa kaniya. Si Ate Merlie naman ang muse ng basketball team nila kaya siguro doon sila nagkalapitan ng loob.

At dahil parang may gusto sa kaniya si Ate Merlie, may crush na rin ako kay Obet. Tuwing aakyat ito ng ligaw ay parang ako ang nililigawan dahil ako ang kinikilig kapag nandoon na siya. Ako rin ang naiinip kapag wala pa siya. Ayos lang sa tatay at nanay ko kahit alas siyete na ay wala pa ako sa amin dahil alam nilang nakasahog na naman ako sa ligawan sa kabilang bahay.

Isang hapon, naglalaro kami ng mga pinsan kong lalaki nang masayang dumating si Ate Merlie. Isinama niya ako sa kuwarto niya. Malalaking poster ng Beatles ang nakapaskel sa dingding niya at sa ibabaw ng tokador ay may kuha sila ni Obet kasama ang basketball team.

“Millie!” excited na usal niya sa pangalan ko sabay pagpapakita ng kaniyang daliring may nakasuot na singsing. “See this?” tanong niya sa akin.

Napanganga ako dahil hindi ko alam kung ano ang gusto niyang sabihin ko. Sa loob-loob ko, “Bakit kaya halos himatayin siya sa tuwa, eh, mukha namang ordinaryo lang ang singsing sa daliri niya?”

Pero dahil idol ko siya, naisip kong siguro nga, eh, importante ito at nakitalon na rin ako sa tuwa kasabay niya, kahit wala akong kaide-ideya kung bakit kami kinikilig na dalawa.

“Millie, mag-steady na kami ni Obet!” masayang bulong niya sa akin.

“Wow, Ate Merlie, magpapakasal na ba kayo?” inosenteng tanong ko naman.

“No, silly. Ibig sabihin nito, sinagot ko na siya. Hindi na ako magpapaligaw sa iba at hindi na rin siya manliligaw sa iba!” sabay yakap sa akin na halos hindi ako makahinga, “Millie, I’m in love!”

Hindi ko pa masyadong naiintindihan noon ang buhay teen-ager, basta alam ko lang na inip na inip na akong lumaki at mag-highschool para ako naman ang liligawan. Parang ayaw ko nang magsuot ng damit pambata at gusto ko na ring mag-attend ng party tulad nina Ate Merlie at barkada niya.

Iisa lang ang maliwanag sa isip ko noong hapong iyon. Kung hindi na siya magpapaligaw sa iba, “Eh, di tapos na ang maliligayang araw ng delihensya kong chocolates galing sa ibang manliligaw niya!”

Dumaan din ang ilang buwan. Graduating na si Ate Merlie at si Obet. Mukha naman silang masaya. Napapakamot na lang ako sa ulo kapag nalilito ako sa ikinikilos ni Ate Merlie. Selosa siya at may araw na bati sila, may araw na galit. Minsang masaya, minsan, eh, basta na lang iiyak. Sabi niya, pag malaki na ako, eh, maiintindihan ko rin kung bakit siya nagkakaganoon.

Palagay ko’y nagsususpetsa na sina Tita Sony at Tito Ben na mag-steady na si Ate Merlie at Obet. Wala naman silang ipinapakitang hindi maganda sa dalawa dahil mabait na anak si Ate Merlie. Hindi ito sumasamang mag-isa kay Obet, siyempre, lagi akong nakasahog. Gusto naman nila akong kasama sa date dahil basta may popcorn at Coke ako, eh, hindi ako nagsusumbong na naghahalikan sila sa sine. At pag nagpupunta naman sila sa party, hindi lumalampas sa curfew ang hatid sa kaniya sa bahay at laging kasama ang buong barkada nila.

Tuwing Biyernes ng gabi ang pormal na dalaw ni Obet kay Ate Merlie. Dumarating siya ng bandang alas siyete at umaalis ng bandang alas diyes. Nandoon lang sila sa sala, kung hindi sila nanonood ng TV ay nagpapatugtog ng mga plaka ng Beatles o Mamas and the Papas. Nakakatulugan ko ang pagbabantay sa kanila. Kadalasan ay sinusundo pa ako ng tatay ko at iyon naman ang signal kay Obet na oras na para magpaalam siya.

Wala akong nalamang naging problema sa relasyon nilang dalawa. Maski naman ang pamilya ni Obet ay mukhang botong-boto kay Ate Merlie. Hindi gaanong mayaman sina Obet pero komportable naman ang buhay nila, gayon din sina Ate Merlie.

Kahit na nasa kolehiyo na ay sila pa rin ang magnobyo. Si Obet ang escort ni Ate Merlie nang siya ay mag-debut. First dance siyempre si Tito Ben at second dance naman si Obet. Ang ganda nilang tingnan sa dance floor.

Nag-highschool na rin ako at alam ko na kung ano ang buhay-teen-ager. Kahit may isip na ako ay idol ko pa rin si Ate Merlie. Kapag may problema ako sa pag-ibig, siya pa rin ang aking tinatakbuhan. Pinapayuhan niya ako at pinatatawa kapag pakiramdam ko’y parang nagsasalubong na ang langit at lupa sa aking dibdib.

Taong 1972. May isang taon pa sa kaniyang master sa education si Ate Merlie at matatapos na siya ng pag-aaral. Si Obet naman ay nag-aaral upang maging abugado. Pareho silang mga university scholars. Sabi ni Ate Merlie, pag naging abugado na si Obet ay saka sila magpapakasal.

Nasa senior high school ako noon. May isip na ako at hindi na ako pinagbabantay ni Tita Sony sa kanilang dalawa. Malaya na silang lumakad nang sila lang at dahil matagal na silang magnobyo ay parang kamag-anak na rin ang turing kay Obet ng pamilya namin. Pero kahit na ganoon, nanatiling malapit ako sa kanilang dalawa. At maski dalagita na ako, “sahog” pa rin ang tukso nila sa akin.

Panahon iyon ng mga protesta at demonstrasyon laban sa gobyerno, laban kay Marcos. Aktibo si Obet sa kanilang Student Council sa unibersidad. Lagi siyang nagsasalita sa mga rally. Kadalasa’y isinasama niya si Ate Merlie sa mga lakad niya, at nang lumaon, napansin kong pati na rin si Ate Merlie ay naging aktibong kasapi ng kanilang kilusan.

Isang umaga, nagising na lang ako sa lakas ng panaghoy ni Tita Sony. Lahat ng pamilya ay nagtipun-tipon sa amin. Habang ang nanay ko ay abala sa paghagod ng likod ni Tita Sony, ang tatay ko at ang dalawa ko pang tiyuhin ay kasama ni Tito Ben na kausap ang mga Metrocom sa may labas ng bahay.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang umagang iyon ng Setyembre, 1972. Mukha lang ni Information Secretary Francisco Tatad ang mapapanood sa TV, walang radyo, walang diyaryo. “Ano ba ang nangyayari?” sa loob-loob ko.

“Nag-declare na ng Martial Law si Marcos, Millie. Namundok na yata si Obet kasama si Ate Merlie,” bulong sa akin ng pinsan kong si Boying. “Iyung mga Metrocom sa labas, eh, pinipilit si Tito Ben na sabihin kung saan sila nagtago, kaso mo, wala naman talagang nakakaalam kung nasaan sila.”

Awang-awa ako kay Tita Sony at kay Tito Ben. Ginising sila ng malakas na katok sa pinto ng mga armadong sundalo, tuluy-tuloy ang mga ito sa kabahayan, pinagbabaligtad ang mga kasangkapan at mga gamit sa kuwarto ni Ate Merlie na para bang makakapagtago siya doon. Subalit wala naman talagang kaalam-alam ang kaniyang mga magulang kung anong oras umalis o kung saan man nagpunta ang kanilang kaisa-isang anak. Sa totoo lang, walang dalang gamit ni damit man lang si Ate Merlie.

Nasindak ang buong bansa sa pagbaba ng Proclamation 1081 o Martial Law. Maraming mga kabataan, lalo na ang mga kasapi ng mga kilos-protesta, ang nabalitaang pinagdadampot ng militar at hindi na nakita pang muli. Ipinagdarasal na lang namin noon na saan man sila nagtatago, sana’y maalagaan ni Obet si Ate Merlie.

Lumipas ang ilang buwan, naging taon. Tila namanhid na ang damdamin ng taong bayan sa pagkakaroon ng Martial Law sa Pilipinas. Patuloy pa rin ang pagkilos ng mga organisasyong laban sa rehimeng Marcos. Wala kaming balita kung nasaan sina Ate Merlie. Ang alam lang namin ay buhay pa siya dahil palaging may bulaklak na dumarating kay Tita Sony tuwing kaarawan ni Ate Merlie. Marahil, ayaw niyang masangkot ang kaniyang mga magulang sa kumplikasyon kaya minarapat niyang huwag nang ipaalam ang kaniyang kinalalagyan noon. Kung wala silang alam, wala silang masasabi sa mga sundalong madalas pa ring pumunta sa aming compound.

Malungkot na sa bahay nila. Hindi ko rin maiwasang malungkot tuwing naaalala ko si Ate Merlie at ang aming masayang pinagsamahan. Kami namang magpipinsan ay nagsilaki na at may kaniya-kaniya nang pinagkakaabalahan.

Nakalipas ang ilang taon. Malapit na akong pumunta sa Canada. May tumanggap sa aking isang ospital sa Winnipeg, Manitoba. Bagama’t ayaw kong iwanan sina Tatay at Nanay, sila rin ang nagtulak sa aking magpunta sa ibang bansa. Bilang isang nurse, gusto ko sanang manatili sa piling nila upang ako ang mag- alaga kung saka-sakaling may magkakasakit. Retirado na silang pareho at ang pagpunta-punta na lang sa bukid namin sa Bulacan ang nagiging libangan nila.

“Doon ka na sa Canada, anak, at baka doon ka na makapag-asawa,” biro pa ni Nanay noong hindi pa ako makapagdesisyon kung itutuloy ko nga o hindi ang pag-alis ko.

“Hindi tayo nakakatiyak sa kinabukasan ng ating bansa, ayaw kong dito lumaki ang magiging apo ko. Hindi na rito katulad ng dati,” malungkot na sabi ni Tatay. “Huwag kang mag-alala, anak. Dadalawin ka namin doon.”

Taong 1983. Nakakaisang taon na ako sa Winnipeg nang ibalita sa akin ni Nanay na nakita na si Ate Merlie. Wala nang Martial Law subalit matindi pa rin ang pakikibaka ng mga makabayang Pilipino laban sa mapang-aping rehimen. Panay na panay raw noon ang rally at mga demonstrasyon lalo na dahil sa ginawang pagpaslang sa dating Senador Ninoy Aquino.

Nahuli ng mga sundalo si Obet at ang mga kasamahan niya sa isang liblib na baryo sa Davao. Doon pala sila namuhay ni Ate Merlie. Dinala sa Fort Bonifacio ang lahat ng nahuli, lalake at babae, bata at matanda. Kasama sa mga nahuli si Ate Merlie at ang kanilang anak na babae ni Obet.

Ayon sa nakakita, binugbog at pinahirapan nang husto ang mga lalaking bihag. Isang gabi’y kinuha sila sa selda, kasama si Obet. Mula noon ay wala nang nakakita pang muli sa kanila.

Isang sundalo sa kampo ang kaibigan ng kumpare ni Tito Ben. Siya ang naging dahilan kung bakit nalaman nina Tito Ben na kasama sa mga nakakulong doon si Ate Merlie at ang kanilang apo. Inabot din ng halos isang buwan bago nakakuha ng padrino upang malaman lang nila ang detalye ng kaso. Napakarami nilang nilapitan upang hilingin na matulungan silang lakaring makalaya ang mag-ina.

Napakasakit para kay Tito Ben at Tita Sony nang malaman nila ang napakasaklap na karanasan ng kanilang mutyang anak sa loob ng kulungan. Walang umamin, subalit, may mga tumestigo na paulit-ulit na pinagsamantalahan ng mga bantay ang mga babaeng nahuli nila, kabilang doon si Ate Merlie.

Isa pang matinding dagok ang dumating sa kanilang buhay nang malaman nilang nagkasakit ng pulmonya habang nasa selda ang anak nina Ate Merlie at Obet. Nalagutan ng hininga ang kawawang bata na ni hindi man lang nakita ang kaniyang lolo o lola. Ni isa man sa aming pamilya ay walang nakakita sa kaniya; ni walang nakakaalam kung saan inilibing ang labi ng bata. Hindi man lang namin nalaman ang kaniyang pangalan.

Marahil ay nais lang talagang mailabas na ng kaniyang mga magulang si Ate Merlie kung kaya ni hindi gumawa na anumang ingay o reklamo ang mga ito habang nakaharap sa husgado ang kasong rebelyon laban sa kaniya at mga kasamahan niya. Nagpupuyos sa galit ang buong angkan namin subalit tiim-bagang na tiniis ito huwag lamang magkaaberya ang nilalakad nilang kaso sa kampo.?Dahil sa tindi ng sama ng loob sa nakita niyang pagpapahirap kay Obet at tuluyang pagkawala nitong parang bula; dagdag ang pait ng walang awang panggagahasa sa kaniya at ang pagkamatay ng kaniyang anak, hindi na nakayanan ni Ate Merlie ang kaniyang mapait na karanasan. Nang pumayag ang opisyal ng kampo na makita siya ng kaniyang mga magulang, si Ate Merlie ko ay nadatnan nilang nakatingin sa kawalan na parang tulala.

Pinalaya si Ate Merlie. Naipanalo ng kaniyang abugado ang kaso sa argumentong siya’y nasiraan na ng bait. Masakit man sa kanilang kalooban, tahimik na inuwi ni Tito Ben at Tita Sony si Ate Merlie sa bahay sa pag-asang gagaling din siya at babalik ang dating sigla ng kanilang anak.

Mabuti na lang at may kaunting kaya sina Tito Ben. Matanda na sila kung kaya kumuha sila ng private nurse upang alagaan si Ate Merlie. Ayon daw sa psychiatrist ay walang makapagsasabi kung kailan babalik ang dating personalidad ni Ate Merlie, maaaring bumalik at maaari rin namang hindi na.

Nagulat ako nang marahan akong tapikin ng stewardess. “Ma’am, straighten your seat please, we’re about to land,” sabi ng stewardess sa akin. Tiningnan ko ang aking mag-amang parehong naalimpungatan sa pagtulog. Inaayos ni Ronnie ang seatbelt ni Merlie. Si Merlie nama’y humihikab pa.

“Anak, we’re here. Ron, at last, eto na tayo!” sabi ko habang inaayos ko ang mga pasaporte naming mag-anak.

Masaya sa bahay nang dumating kami. Lahat ng mga pinsan ko ay dala-dala ang kani-kanilang pamilya at walang tigil ang bidahan hanggang hatinggabi. Hindi kami nakaramdam ng pagod kahit walang tigil ang tawanan at kainan sa bienvenida party para sa amin. Buti na lang at nakatulog ang aking mag-ama sa eroplano. Pati si Merlie ay siyang-siya rin sa pakikipag-usap sa mga bagong kakilalang pininsan.

Malaki ang itinanda nina Tito Ben at Tita Sony. Mababakas pa rin sa kanilang mga mata ang lungkot. Panay ang yakap ni Tita Sony kay Merlie ko. Lahat sila’y nagsasabing kamukhang-kamukha ng lahi namin si Merlie’ng maliit.

Lumipas ang una naming magdamag subalit ni walang nagsalita o nagkuwento man lang tungkol kay Ate Merlie. Alam kong alam nilang lahat na pinipigilan ko lang ang aking sariling magtanong. At dahil ayaw ko rin namang malambungan ng lungkot ang unang reunion naming magpapamilya, iniwasan ko na rin ang gawin iyon.

Naging abala ang mga unang araw ng aming bakasyon. Tuwang-tuwa ang tatay at nanay ko sa katalinuhan ng kanilang apo. “Mabait na bata, grasyosa at talaga namang parang prinsesa,” sabi ni Tatay, na siya namang ikinatangos ng ilong ng Daddy niya.

Tanaw ko si Ate Merlie mula sa sala ng bahay namin. Maganda pa rin siya. Lagi siyang nakaupo sa tumba-tumba sa terrace nila at yakap-yakap palagi ang isang photo album. Sa album nakalagay ang mga larawan nila ni Obet noong nasa high school hanggang nag-kolehiyo silang dalawa. Ganoon daw si Ate Merlie araw-araw, maghapon, hanggang gumabi. Hindi pa rin siya umiimik. Minsan ay ngumingiti siya subalit walang salitang namumutawi sa kaniyang labi.

Nairaos namin nang napakasaya ang 10th birthday party ni Merlie’ng maliit. Tuwang-tuwa ang anak ko sa mga pakulo ng mga pinsan niya. Kami namang malalaki ay walang tigil sa pagkukuwento sa kanila kung gaano kami kalilikot noon at pati na mga kapilyuhan ng mga pinsan kong lalaki noong mga totoy pa sila.

Ilang araw na lang at babalik na kaming mag-anak sa Winnipeg. Araw-araw, dinadalaw namin si Ate Merlie sa kabilang bahay. Kinukuwentuhan ko siya na parang tulad ng dati. Ipinapaalala ko sa kaniya ang mga kapilyahan ko lalo na noong lagi akong nakasahog sa kaniya noong araw. Ibinibida ko sa kaniya na mabait ang aking naging asawa at pati naman si Ronnie ay nagkukuwento rin sa kaniya. Wala kaming nakukuhang reaksyon kay Ate Merlie pero alam ko, sa puso ko at damdamin, na naririnig at naiintindihan niya ang mga sinasabi namin sa kaniya.

Masyado pang bata ang aming maliit na Merlie kung kaya marahil ay nagugulumihanan siya kung bakit namin kinakausap ng Daddy niya ang kaniyang Tita Merlie na hindi man lang sumagot kahit minsan. Alam niya na sadyang pinangalanan ko siya sunod sa aking mahal na pinsan. At sa mura niyang isipan, alam kong nararamdaman ng aking anak ang pagiging malapit ko kay Ate Merlie kung kaya hindi siya tumututol kapag pinahahalik ko siya sa kaniya.

Malungkot ang paalaman namin sa airport. Iiwan na naman namin sina Tatay at Nanay. Kahit anong pilit namin ni Ronnie ay ayaw nilang mag-immigrate sa Canada. Hindi raw nila kakayanin ang lamig kapag winter.

Mula sa bintana ng eroplano ay natatanaw ko na ang Winnipeg. Puting-puti na at takip na ng snow ang lunsod.

Naisip ko si Ate Merlie at ang hirap na dinanas niya. Sino ang mag-aakalang ang buhay niyang tila napakasaya noong una ay magiging napakalungkot. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha. Napansin ni Ronnie at mapagmahal na inalo niya ako. “Payapa na si Ate Merlie,” ’ika niya sa akin, “huwag ka nang malungkot.”

Alam kong hindi na nga ako dapat malungkot dahil nasa mabuting kamay na siya muli. Sana, kung puwede lang sana, dasal ko’y nasa isip ni Ate Merlie ngayon ang maliligayang araw nila ni Obet noong araw. Sana, sa kaniyang pagtingin sa kawalan ay binubuhay niya sa gunita ang matamis nilang kahapon at hindi ang mapait na kinasapitan ng kanilang buhay.

Subalit hindi ko talaga mapigil ang panghihinayang sa kaligayahang dapat ay napasakanila ni Obet, ang panghihinayang para sa kanilang munting anak na hindi man lamang namin nakilala.

Pinagmasdan ko si Merlie, nakahilig ito sa bisig ng kaniyang Daddy. Sampung taon na si Merlie. Ganito ang edad ko noong lagi akong nakasahog sa buhay ni Ate Merlie. Masaya ang mga alaala ng aking kabataan. Sana ang aking anak ay magkaroon din ng alaalang katulad ng sa akin paglaki niya.

Nag-landing na ang eroplanong kinalululanan namin. Nagkatinginan kaming mag-asawa at hinawakan ni Ronnie ang aking kamay. “Hon, we’re home,” sabi niya sa akin.

Kinuha niya ang hand-carry namin at pinauna ako at ang kaniyang princess palabas. May kapayapaan akong naramdaman sa aking kalooban. Bumaling ako kay Ronnie. “Oo, Dad,” sabay ngiti ko sa aking mahal na asawa, “We’re home.”

WAKAS

Have a comment on this article? Send Emmie your feedback