Published on

Mga Kathang Kuwento ni Tita Li

 Matinding takot - Huling yugto

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

Noong nakaraan:

May kondisyon si Darla na nagbibigay ng malaking takot sa katauhan niya pag lumalabas siya ng bahay. Mistulang bilanggo siya sa bahay niya sa loob ng maraming taon. Hanggang sa mailbox lamang sa harap ng bahay siya nakakaabot. Nakilala niya ang karterong si Iris na naging kaibigan niya. Naipagtapat niya rito ang problema niya. May ideya si Iris na palagay niya ay makakatulong kay Darla.

 

Huling Yugto

“Ito ang usapan natin. Pag hindi mo na makaya ang nasa labas, sabihin mo sa akin at babalik tayo agad,” ani Iris.

Tumingin si Darla sa kaibigan. Matiyaga ito talaga sa kaniya. Napakasuwerte niya talaga. Nakatagpo siya ng kaibigang tulad ni Iris.

“O, pinagmamasdan mo ba ang mga muscles ko para makasiguro kang pag natumba ka, madadampot kita? Kayang-kaya kitang pasanin.”

“Iyan nga ang isang ikinatatakot ko. Baka ako mawalan ng malay sa daan at walang tumulong sa akin.”

“Alisin mo ang walang katuturang takot na iyan.”

At habang naglalagay ng mga sulat sa mga mailbox ay kuwento naman nang kuwento si Iris. Noong una ay nangangalog ang mga tuhod ni Darla. Parang hihimatayin na nga siya sa takot. Ngunit ayaw niyang makita ni Iris na nanghihina ang loob niya kaya’t tinatagan niya ang loob niya. Una ay naninikip ang dibdib niya ngunit gumaan dahil sa kapapatawa ni Iris. Nakadalawang bloke siya bago si Iris na rin ang nagsabing pipihit na sila at baka masiyadong mapagod si Darla ay magkasakit pa. Pagkahatid sa kaniya sa pinto ng bahay niya ay lumakad na naman si Iris para tapusin ang turno niyang hatiran ng sulat.

Kinabukasan, nakahanda na si Darla nang dumaan si Iris. Gaya nang dati ay ngiting-ngiti si Iris at parang hindi mabigat ang bag na dala. Hindi rin nauubusan ng kuwento.

“Iris, magkuwento ka naman tungkol sa iyo. Pulos ako ang tinatanong mo tungkol sa buhay ko. At saka pulos biro ka. Sa dami ng kuwento mo, wala akong alam tungkol sa kaibigan kong si Iris, bukod sa kartero ka at mahilig kang sumayaw at maggala.”

“Tapos ako ng komersiyo pero ito ang napasukan kong trabaho. Kaya ko gusto, kasama sa pagkita ng pera ang exercise. Di nakakatipid ako. Hindi ako kailangang pumunta sa gym at magbayad ng membership.”

“Eh sa ganda mong ‘yan, may nobyo ka na ba? Siguro pila-pila ang mga manliligaw mo, ano?”

“Marami nga akong manliligaw. Lumalabas kasama ng iba’t ibang ka-date pero wala naman akong maibigan.”

“Talaga?” parang hindi makapaniwalang wika ni Darla.

“Talaga. Pero may bago akong nakilalang tagahanga pa lang. May edad na. Mas may edad sa mga manliligaw kong iba. Ang isang ito, tradisyonal ang ugali. Pero naaakit ako dahil very gentle. Maginoo, mataas ang pinag-aralan. Marami siyang alam. Hindi na ako kailangang magbasa ng diyaryo at mga magasin. Ipinaliliwanag niya sa akin.”

“Siya na kaya ang pipiliin mong kakasamahin sa buhay kahit wika mo ay mas may edad sa iyo?”

“Hindi ko masasagot sa ngayon. Ako ang may problema. Paiba-iba ako ng isip. Saka hindi ko alam kung ano o sino ang gusto ko sa buhay.”

“Bata ka pa naman, huwag kang magmadali. Pag nag-asawa ka, taling-tali ka na. Mainam ang may asawa sa isang dako at mahirap din sa kabilang dako. “

“Oo nga. Iyan ang mga gusto mong malaman tungkol sa akin. Hindi ako seryoso sa buhay. Gusto ko, palaging magsaya.”

“Walang masama. Sana ako tulad mong palaging masaya. Hindi naman ako malungkot. May asawa akong mabait. Hindi ko pa nasasabi sa iyo na Miguel ang pangalan niya. Guwapo siya at maunawain sa kalagayan ko.”

“Napakasuwerte mo pala, Darla. Kaya dapat, magpagaling ka at nang maligayahan naman ang Mister mo.”

Naghalakhakan naman ang magkaibigan. Limot na limot ni Darla na takot siyang lumabas ng bahay at wala sa loob nang naglalakad kasabay ni Iris sa makikipot na kalye at maluluwang na mga daan sa purok nila. Habang dumaraan ang mga araw ay nararamdaman ni Darla na bumubuti ang kalagayan niya. Nawawalang unti-unti ang takot niyang lumabas ng bahay gayon din ang mga iba pang wika nga ni Iris ay mga walang kapararakang takot niya. Pati si Miguel ay napapansin ang malaking pagbabago ng asawa. Lagi namang ikinukuwento nito ang tungkol sa kaibigan niya at ang ginagawa nito para siya matulungan.

“Sana, minsan ay magkakilala kayo ng kaibigan ko. Kung hindi sa kaniya, hanggang mailbox pa rin ako.”

“Kung hindi lang ako busy palagi, uuwi ako pag dadaan na ang kaibigan mong karterong babae. Interesado rin akong makilala siya nang mapasalamatan,” ani Miguel.

“Pasasaan ba. Mangyayari rin iyan. Malapit na akong makabisita sa downtown at mapuntahan ka sa opisina mo. Di ang gawin natin ay tagpuin natin siya at ilabas natin.”

“Pag hindi na ako busy,” sagot ni Miguel.

“Palagi ka yatang busy ngayong mga araw na ito. Bihira kang dito matulog sa gabi. Parang ang opisina na ang bahay mo.”

“Darla, huwag tayong magsimula ng away, puwede ba? Pabayaan mong asikasuhin ko ang paghahanapbuhay. Ikaw naman ay pagpapagaling ang isipin mo.”

Hindi na kumibo si Darla. Bihira siyang sagutin nang gayon ni Miguel. Naisip niyang marahil ay marami itong problema sa kompanya.

Anim na buwan na ang nakakalipas at ibang-iba na ang personalidad ni Darla. Masigla siya at halatang may tiwala sa sarili. Sabi nga ni Iris ay madalas nang sinisikatan ng araw ang kaibigan na parang African violets na alaga niya dahil ngumingiti na at malusog.

“Darla, gusto kong subukin mong pumunta sa downtown para maipakilala ko sa iyo si Ike, “ isang umaga ay wika ni Iris sa kaibigan.

“Bakit hindi mo na lang dalhin dito sa bahay?” mungkahi ni Darla.

“Dahil ito ang pagsubok sa iyo. Pag nakapasa ka rito, magaling ka na. Papayagan ka ba ng husband mo?”

“Bakit naman hindi? Kung sabagay, puwede ko siyang sorpresahin sa opisina niya. Lagi namang hinahatinggabi iyon sa pagtatrabaho.”

“Di payag ka?”

“Oo. Siya na ba ang napupusuan mo?”

“Alam mo naman ako, hindi mo masabi ang takbo ng isip. Ipagpaparangalan ko lamang siya sa iyo. Isa sa mga dates ko.”

Napatawa si Darla. Kilalang-kilala na niya si Iris.

Pinagkasunduan nilang magkita sa isang restaurant na kahit hindi kilala ay masarap ang pagkain at disenteng lugar.

Ni wala nang kaba si Darla nang sumakay ng taksi at sinabihan ang tsuper na ihatid siya sa downtown sa restaurant na pagtatagpuan nila ni Iris at ng date nitong si Ike.

Sa labas ng restaurant pagbaba niya ay naghihintay na si Iris. Bihis na bihis ito.

“Hindi kita nakilala. Ang ganda ng suot mo,” bati ni Darla.

“Ang sabihin mo ay hindi ka lang sanay na makita akong hindi nakasuot kartero,” nagtatawang wika ni Iris. Magkaakbay silang pumasok ng restaurant.

“Inabangan kita rito dahil baka atakihin ka ng nerbiyos.”

“Hindi naman,” panatag ang loob na wika ni Darla. “Nasaan na ang gentleman admirer mo?”

“Hinihintay tayo sa table natin. Halika at gutom na ako, Hayun siya, o. Pinag-aaralan ang menu.”

Nang sundan ng tingin ni Darla ang itinuro ni Iris ay nanlaki ang mga mata niya.

“Siya ba ang sinasabi mong tagahanga mo na mas may edad sa iyo?”

“Siya nga, si Ike.”

Iwinaksi ni Darla ang kamay ni Iris. “Asawa ko ang itinuturo mong tagahanga, si Miguel.”

Napanganga si Iris, “Ha?”

Si Miguel naman ay tumayo na at sasalubungin sana sila nang magtama ang tingin nilang mag-asawa. Nawalan ng kulay ang mukha nito.

“Darla!”

Sa halip sumagot ay tumalikod si Darla at patakbong nilisan ang restaurant. Salamat at maraming taksing nag-aabang sa labas ng restaurant. Narinig niyang hinahabol siya at tinatawag ni Iris at ni Miguel ngunit hindi niya pinansin.

Sa bahay ay deretso sa kuwarto nilang mag-asawa si Darla. Ikinandado niya ang pinto. Mabuti pang hindi siya lumabas ng bahay kahit kailan. Hindi sana siya nakadama ng gayong sakit ng damdamin.

Makalipas ang isang oras mula nang makarating siya ng bahay ay narinig ni Darla na may pumasok ng bahay. Sinundan siya ni Miguel. Kumatok nang malakas sa pinto.

“Buksan mo ito, Darla. Mag-usap tayo.”

Nagbingi-bingihan si Darla sa tawag ni Miguel.

“Kung hindi mo bubuksan ang pinto ay kukuha ako ng palakol at sisirain ko. Kailangang mag-usap tayo,” pasigaw na wika ni Miguel.

Napilitang buksan ni Darla ang pinto ng kuwarto nila. Pumasok si Miguel. Umupo sa gilid ng kama.

“Totoong nakikipag-date ako kay Iris. Paano’y wala akong makasamang lumabas, walang makausap. Maraming taon nang hindi ka lumalabas ng bahay. Wala kaming relasyon. Kung hindi nangyari ang insidente ngayong gabi ay hindi ko alam kung saan hahangga ang pagkikilala namin. Unawain mo ako, Darla. Parang mag-isa ako sa buhay dahil pulos takot ang pinaiiral mo. Nang makilala ko si Iris, nasayahan ako dahil napapatawa niya ako. Ang dates namin ay kain lang sa labas at kuwentuhan. Madalas ay siya ang nakikinig sa mga sasabihin ko. Wala kaming seryosong relasyon. Humihingi ako ng tawad sa iyo. Isinusumpa kong hindi na mauulit na mangyari ang bagay na ito. Ang hinihiling ko lang ay unawain mo ang kalagayan ko rin. Ayaw kong masira ang pagsasama natin. Ngunit nasa iyo ang pagpapasiya.”

Pagkasabi nito ay lumabas ng kuwarto si Miguel at umalis ng bahay. Naiwang mag-isa si Darla. Pinag-isipan niyang mabuti ang problema niya. Nabuo sa isip niya ang matibay na pasiya.

Kinabukasan naman ay hindi tumantan ng kakakatok sa pinto si Iris. Para tumigil ito ay binuksan ni Darla ang pinto. Hindi naghintay ng anyaya itong papasukin. Ito na ang nagpapasok sa sarili niya. Hinawakan siya sa dalawang kamay at iniupo sa mesa sa kusina para magkaharap sila tulad ng madalas nilang ginagawa.

“Isinusumpa ko sa iyong hindi ko alam na ikaw ang asawa ni Ike. May suspetsa ako na baka nga may asawa siya kaya nakikipag-date lang ako sa kaniya dahil naaawa ako.”

“Naaawa?” pabiglang tanong ni Darla.

“Oo, naaawa. Palaging pagod sa trabaho. Parang hindi marunong maglibang. Kailangan ng makikinig sa mga sinasabi niya. Kailangan ng kasamang kumain. At iyan lamang ang ginawa namin. Kumain at magkuwentuhan. Humihingi ako sa iyo ng paumanhin na nakipag-date ako sa kaniya. Pero hindi ko naman alam kung sino siya. Mahal kitang kaibigan at ayaw kong mawala ka sa buhay ko, Darla. Kung magkikita man kami ni Ike, ni Miguel, mula ngayon ay kung kasama ka, bilang kaibigan. Wala naman kaming relasyon kaya’t wala akong nagawang kasalanan sa iyo.”

Nang kunin ni Iris ang kamay niya at pisilin ay hindi binawi ni Darla. Walang kasalanan ang dalawa. Mahal niya si Miguel at alam niyang mahal siya nito. Si Iris ang nag-iisa at matalik niyang kaibigan. Hindi niya papayagang mawala ito sa buhay niya.

“Ilang bloke ang lalakarin nating ngayong umaga?” paibang tanong ni Darla kay Iris.

“Hanggang kaya mong lumakad. Kahit maihatid nang lahat ang mga sulat sa bag ko,” masaya na ulit ang tinig na wika ni Iris.

WAKAS