
Opinions
ni Junie Josue
Hindi natin maipagkakaila na ang ugali ng maraming tao patungkol sa paglilingkod at pagtulong sa kapuwa ay nagbago na. Sa kapanahunan ngayon, ang paglingkod sa ibang tao ng walang kapalit ay hindi na uso. Ang pokus ng marami ay ang kanilang sarili, at ang iniisip nila “sino ang maglilingkod sa amin?”
Sa biblia sa Juan 13:1-17, tinuruan ng Panginoong Hesus ang kaniyang mga alagd ng kahalagahan ng paglilingkod. Nagtatalo kasi ang mga ito kung sino ang pinakadakila sa kanila at bilang pagtugon, nagsimula si Hesus na hugasan ang kanilang mga paa. Nagulat ang kaniyang mga alagad sapagkat ang trabaho ng paghuhugas ng paa ay nakalaan para sa mga pinakamababang uri ng mga katulong noong mga panahong iyon. Ang mga kalye noong unang panahon ay hindi sementado at pangkaraniwan na ang mga kalat sa daan ng mga dumi ng iba’t ibang hayop na naglalakad sa kalye o sinasakyan ng mga tao tulad ng mga kabayo at kamelyo. Kaya’t bago tumuloy ang mga panauhin sa isang bahay, may isang katulong na nakalaan na maghugas ng kanilang paa.
Ginawang halimbawa ni Hesus ang paghuhugas ng paa ng kaniyang mga alagad para ipakita ang kalagahan ng paglilingkod nang may pagpapakumbaba. Hinikayat niya ang mga ito na upang sila’y tunay na pagpapalain.
Nakakalungkot na maging sa ilang simabhan ang paglilingkod sa iba ay naisasantabi. May mga taong nag-aakala na sila pa ang naglilingkod sa Diyos kapag nagpakita sila sa simbahan tuwing Linggo. May mga ilan naman ang naghahanap na sila ang mapaglingkuran.
Ang sabi sa biblia maging ang Panginoong Hesus ay naparito sa lupa hindi upang mapaglingkuran kundi ang maglingkod. Alam n’yo bang ang paglilingkod sa ating kapuwa ay nakapagbibigay sa atin ng kagalakan?
Si Mother Teresa ay naging tanyag dahil sa kaniyang paglilingkod nang buong pagpapakumbaba sa mga taong nakatira sa ilan sa pinakamahirap na lugar sa India. Ang sabi niya “Natulog ako at nanaginip na ang buhay ay puro kagalakan. Nagising ako at nakita ko na ang buhay ay puro paglilingkod. Naglingkod ako at nakita ko na ang paglilingkod ay kagalakan.” Walang asawa si Mother Teresa pero may kagalakan siya sa kaniyang puso. Hindi pa siya kilala, nagsimula na siyang naglilingkod sa mga tao. Nang malaman ng buong mundo ang kaniyang pagkakawang-gawa, nagdodonate ang marami ng milyon milyon dolyares at makikitang inilalaan ng dakilang madreng ito ang pera para para sa kaniyang mga gawain. Makikita naman ng lahat na napakasimple ng kaniyang pamumuhay.
Si Heidi Baker ay lumaki sa may kayang pamilya sa California. Pero siya at ang kaniyang asawa ay sumunod sa panawagan ng Diyos na pumunta sa Mazombique, Africa. At doon ay nakapagtayo sila ng libo-libong simbahan at araw-araw nangangalaga sila ng mga 10,000 mga batang ulila. Nakaranas ng maraming pahirap si Heidi. Nabugbog siya, binantaang patayin, kinikilan ng patalim sa lalamunan, pinagtawanan at kinutya. Para sa kaniya, hindi isang sakripisyo na pumunta siya at ang kaniyang pamilya sa napakahirap na lugar kung saan laging may panganib na magkasakit ng malaria, cholera at iba’t iba pang karamdaman. Ang sabi niya, “Para sa akin, hindi ito isang sakripisyo. It ay isang kagalakan sapagkat binigay ko na ang aking buhay sa aking Panginoon na aking iniibig. Nakahanap ako ng kagalakan sa pagiging isang misyoneryo.”
May pag-aaral na ginawa na kung patuloy tayong tumutulong o gumagawa ng kabutihan sa iba tulad ng paggugol ng panahon sa mga balo o pagdalaw sa may mga sakit, mayroon daw kemikal na pinakakawalan ang ating utak na siyang nagdadala sa atin ng mabuti at magaan na pakiramdam. Nawawala din ang ating sariling kalungkutan o pangungulila kapag tayo’y naglilingkod sa iba dahil nakatuon ang ating pansin sa ibang tao kaysa sa ating sarili. At dahil dito naiiwasan ang magkasakit tulad ng depression, high blood at sakit sa puso. Kaya’t bakit hindi natin ugaliin na mamuhay na handang maglingkod at tumulong sa ating kapuwa nang walang kapalit upang makaranas nang kagalakan at mabuting kalusugan?
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.