Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueBuhay na ganap

ni Junie Josue

Maraming tao ang nabubuhay na may pakiramdam na tila walang saysay ang buhay. Tila may kulang. Ang iba naman ay namumuhay ng puro pagsisisi. Ayon sa biblia, dumating ang Panginoong Hesus upang bigyan tayo ng buhay na ganap. Pero bakit parang mailap ang ganoong uri ng buhay maging sa ilang mga Kristyano?

Mababasa ang kuwento ng buhay ni David sa biblia. At sinabi dito na sa huling bahagi ng buhay niya ay mayaman siya, ginagalang ng marami at may anak pa siyang uupo sa trono na papalit sa kaniya bilang hari. Mahalaga kasi para sa isang hari na may anak na lalaki na magmamana ng kaniyang kaharian. At ang sabi pa sa biblia, namatay siya pagkatapos na pinaglingkuran niya ang kaniyang henerasyon. Ang ibig sabihin nito ay natupad niya ang kaniyang layunin sa mundo at pagkatapos ay kinuha na siya ng Diyos.

Paano nga ba tayo makakapamuhay nang ganap? Mahalagang mabuhay tayo nang matuwid. Ang isang matuwid na tao ay may tamang ugnayan sa Diyos. Tinatanggap niya si Hesus sa kaniyang puso bilang Panginoon na naghahari sa kaniyang buhay at alam niyang ang katuwiran niya ay hindi galing sa kaniyang sariling gawa kundi kay Hesus lamang.

Ang isang matuwid na tao ay hindi perpekto. Pinahihintulutan nito ang Dyos na saliksikin ang kaniyang puso. Sa biblia sa Mga Awit 139:23-24, hiniling ni David na saliksikin ng Diyos ang kaniyang puso kung may kasamaan sa kaniya. Ang isang matuwid na tao ay inaanyayahan ang Espirito Santo na halukayin ang kaniyang puso at ilabas ang anuman na hindi kalugod-lugod sa harap ng Diyos upang kaagad-agad niyang pagsisihan and mga ito. Madalas kasi hindi natin alam na may mga nasasabi, naiisip o ginagawa tayo na nakakasakit sa puso ng Diyos kaya’t mahalagang magpasiyasat tayo sa Diyos upang malinis ang ating puso. At alam kong hindi madali na mahulihan tayo ng kasalanan. Masakit na mapagsabihan tayo ng ating mali. Kailangang ng pusong puno ng pagpapakumbaba para magpasaliksik sa Diyos na ating puso. Pero iyon ang idinasal ni David sa Diyos. Naunawaan niya kasi na ang kasalanan ang siyang nagwawasak ng ugnayan niya sa Diyos. At dahil mahalaga kay David ang ugnayan niya sa Diyos, ayaw niyang anumang bagay ang makahadlang dito. Ayon sa biblia sa Kawikaan 28:13, ang mga taong nagtatakip ng kanilang kasalanan ay hindi uunlad.

Ang isang matuwid na tao ay nababagabag ng kasalanan at kaagad na nagsisisi. Sa biblia sa 2 Samuel 12, mababasa na hinarap at pinagsabihan ng propetang si Nathan Si Haring David tungkol sa pagpatol niya sa isang babaeng may asawa at sa pagpatay niya sa asawa ng babaeng ito. Sa halip na magdahilan, magyabang, o magalit at ipag-utos niya bilang hari na parusahan si Nathan dahil sa lakas ng loob nitong harapin ang isang hari tulad niya, buong pagpapakumbabang inamin niyang nagkasala siya sa Diyos. Tinanggap niya ang parusa ng Diyos bunga ng kaniyang sala.

Ang isang matuwid na tao ay patuloy nagtitiwala sa Diyos. Sa biblia, mababasa na dahil sa inggit, ibinenta si Joseph ng kaniyang mga kapatid at naging alipin siya sa ibang bayan. Nakulong siya kahit na wala siyang sala. Ang sabi sa biblia, ang presensiya ng Diyos ay nasa kaniya habang siya ay isang alipin sa bahay ng kaniyang amo at maging noong nasa kulungan siya. Patunay lang ito ng patuloy na pagmamalasakit ng Diyos kay Joseph na noong panahon na iyon ay dumadaan sa matinding pagsubok sa kaniyang buhay.

Naniniwala ako na ang pananalig ni Joseph sa Diyos ang siyang nagpatibay sa kaniya para mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay. At hindi nga siya nabigo, isang araw, pinatawag siya ng hari dahil nabalitaan nito ang kaniyang abilidad na magpaliwanag ng panaginip. At dahil bumilib sa kaniya ang hari ng Egypt, ginawa siyang kanang kamay nito. At dahil naluklok siya sa mataas na position sa isang bayan na tinuturing na pinakamakapangyarihan noong panahon na iyon, natulungan pa niya ang kaniyang pamilya na kasalukyang dumadanas ng kagutuman at nanganganib na mamatay.

Kaibigan, kapag tayo ay namumuhay nang matuwid, makakaasa tayong pagpapalain tayo ng Diyos at ang pagpapala ay pakikinabangan hindi lamang natin kundi maging ang mga malalapit sa atin at ng mga tao sa ating paligid.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.