
Opinions
ni Junie Josue
Hindi maiiwasan na mabigo tayo sa buhay. Hindi natin nakuha ang trabahong gusto natin. Hindi tayo pinayagan ng bangko na makapag-loan para mabili natin ang bahay na matagal na nating pinapangarap. Nadiskubre natin na ang ating anak ay nalulong sa masamang bisyo. Nalaman natin na may iba na palang mahal ang ating kabiyak. Pinagtsitsismisan na pala tayo ng ating mga malapit na kaibigan.
Sa librong sinulat ni Charles Dickens na may pamagat na Great Expectations, kinuwento niya ang tungkol sa isang babae na si Miss Havisham. Nakamana siya nang malaki mula sa kaniyang tatay. Na-in love siya kay Compeyson na hindi niya alam ay may interes lamang sa kaniyang kayamanan. Sinabihan na siya ng kaniyang pinsan na mag-ingat pero hindi siya nakinig. Noon araw ng kaniyang kasal, habang siya ay nagbibihis, nakatanggap si Miss Havisham ng isang sulat mula kay Compeyson at doon niya nalaman na niloko siya sa pera nito at ayaw na siyang pakasalan.
Hiyang hiya at biguan, naapektuhan ang kaniyang pag-iisip. Tumira siyang nag-iisa sa nabubulok niyang mansion. Hindi na niya hinubad ang kaniyang damit pangkasal hanggang nanilaw na ito. Hindi na niya kinain ang kaniyang almusal noong araw na iyon at ang wedding cake niya ay iniwan niyang nakatiwangwang sa lamesa. Sinara niya lahat ng kurtina sa bahay at tinigil niya ang pagtakbo ng lahat ng orasan. Hinayaan niyang mawasak ang buhay niya dahil sa isang kabiguan.
Kapg nabigo tayo sa buhay, makakapili pa rin tayo kung ano ang gagawin. Maaaring sundin natin ang ginawa ni Miss Havisham o maaari natin gayahin ang ginawa ni apostol Pablo. Nais ni Pablo na maging misyoneryo sa Spain pero nauwi siya sa isang bilangguan kahit na wala siyang kasalanan. Nagtuturo lamang siya ng salita ng Diyos sa mga tao. Sa halip na magmukmok dahil sa kabiguan, nagpasiya siyang gawing kapaki-pakinabang ang kalagayan niya. Mula sa preso, sumulat siya ng mga liham at hinikayat niya ang ilang grupo ng mga bagong mga alagad ni Hesus sa iba’t ibang bahagi ng mundo na magpatuloy sa kanilang papanampalataya.
Noong unang panahon ang mga pastol ay gumagamit ng langis para sa kanilang tupa. Binubuhusan nila ang ulo ng mga tupa ng langis para proteksyon laban sa mga insekto. Kapag nakapasok kasi ang mga itlog ng mga langaw o lamok sa ilong ng tupa, nagwawala ang tupa. Sobra ang pagkabagabag ng tupa na humahantong ito sa puntong iuumpog nito ang kaniyang ulo sa bato o poste dahil sa iritasyon mula sa mga pumasok ng insekto. Naapektuhan din ang kalusugan ng tupa at minsan ay nagsasanhi ito ng kamatayan. Regular ring tinitingnan ng pastol kung may mga sugat ang tupa. Natinik ba ito ng mga matutusok na halaman? Nahiwa ba ito ng mga matatalas na bato? May gasgas ba ang isang bahagi ng katawan nito? Ayaw kasi ng pastol na lumala ang sugat at magkaroon ng impeksyon pagkalipas ng ilang araw,
Ang sabi sa Biblia, ang Panginoon ay ang Mabuting Pastol. Tulad ng mga tupa, nasusugatan ang ating mga puso na dala ng mga kabiguan sa buhay. At kapag hindi tayo mag-ingat ang mga sugat na iyan ay maaaring magsanhi ng sama ng loob na siyang lalason sa ating karacter at espirito. Maapektuhan din ang ating ugnyan sa Diyos at sa tao.
Tulad ng mga tupa, nangangailangan tayo ng pangangalaga. Ito ang sabi sa biblia sa Awit 100:3 “Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Diyos; siya ang lumikha sa atin, at tayo’y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.” Mababasa sa biblia na maraming kabiguan na naranasan si David. Kinuha sa kaniya ang kaniyang asawa na ama nito. Binalak siyang patayin ni Haring Saul na matapat niyang pinagsilbihan. Pinagtaksilan siya ng kaniyang matalik na kaibigan at kumampi sa kalaban niya. Nagrebelde ang kaniyang panganay na anak at nagtangkang agawin ang trono niya bilang hari. Magulo ang buhay ng ilan sa kaniyang mga anak. Pero sa halip na maghari ang galit at sama ng loob sa Diyos at sa ibang tao dahil sa mga kabiguan niya sa buhay, lumapit siya sa Diyos na tinuturing niyang kaniyang Mabuting Pastol.
Kaibigan, tanging ang Diyos lamang ang makakapagbigay lunas sa sugatan nating puso. Ayon sa biblia sa Awit 147: 3, ang Diyos ang nagpapagaling sa sugatan nating puso. At kapag lumapit tayo sa Diyos, huwag nating ipilit ang ating sariling ideya o kaparaanan. Magpasakop tayo at buong pagpapakumbabang magpagabay sa kaniya. Alam niya kung ano ang pinakamainam para sa atin.
Kung paanong lumalapit ang mga tupa sa kanilang pastol kahit na hindi nila naunawaan kung ano ang silbi ng langis na pinapahid ng pastol sa kanila, buong puso tayong magtiwala sa Diyos kahit minsan hindi natin maunawaan ang gingawa niya.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.