
Opinions
ni Junie Josue
Napakaraming mga calamidad at kaguluhan ang nangyayari sa buong mundo. Nandiyan ang giyera, ang mga terorista sa iba’t ibang panig ng mundo, at mga sakit na lumalaganap tulad ng AIDS at cancer na hanggang ngayon ay wala pang lunas. Maging sa ating sariling buhay, may mga problema tayong hinaharap. Kaya’t hindi kataka-taka na maraming tao ang namumuhay sa takot. Ngunit ito nga ba ang dapat nating maramdam? Takot nga ba ang dapat mangibabaw sa ating puso’t isipan?
Ang takot ay walang mabuting maidudulot sa atin. Naobserbahan ni Dr. Paul Tournier na ang takot ay naglilikha ng mismong bagay na kinatatakutan nito. Ang takot sa digmaan ang nag-uudyok sa isang bayan na gumawa ng mga hakbang na nagbubukas naman ng daan para magkaroon ng digmaan. Ang takot nating mawala sa atin ang ating minamahal ang pumipigil sa atin na magtapat sa ating pagkakamali at kakulangan at dahil dito, nasisira ang tunay na pag-iibigan. Ang isang skier ay nahuhulog sa oras na mag-umpisa na itong matakot na mahulog. Ang takot na bumagsak sa isang eksaminasyon ang umaagaw ng matuwid na pag-iisip ng tao at lalo itong nagpapahirap sa tao na maalala ang mga tamang sagot sa mga tanong. Ang takot ay nagdadala ng ulap sa ating pag-iisip kaya’t hindi tayo makapag-isip nang matuwid.
Ang takot ang nagsasanhi sa atin na maparalisa kaya’t hindi tayo makakilos nang tama. Ninanakaw ang ating kapayapaan at kaligayahan ng takot. Inaagaw nito ang ating pag-asa. Alam n’yo bang hindi kalooban ng Diyos na tayo ay mamuhay sa takot? Ilang beses nating mababasa sa biblia na pinagsabihan ng Diyos ang iba’t ibang tao na huwag matakot o mabahala. Sa tuwing lulusob ang mga kaaway ng mga Israelita, sinasabihan sila ng Diyos na huwag matakot. Nang si Hosue ay papalit na kay Moises upang mamuno ng mga Israelita, pinaalalahanan ito ng Diyos na huwag matakot. Nang nag-uumpisa ang unang simbahan at tumitindi ang pag-uusig sa Jerusalem at iba pang panig ng mundo laban sa mga Kristyano, sinabihan ng Diyos ang mga alagad niya na huwag matakot.
Hindi ba napalaking ginhawa kung malaman natin na sa oras ng kadiliman at unos, may kasama tayong mas malakas sa atin na maaari natin kapitan? Yan ang pangako ng Diyos sa mga tumatawag at nagtitiwala sa Kaniya. Nangako siyang hindi niya tayo iiwan at pababayaan. Kahit na hindi natin siya makita ng ating dalawang mata, makasisigurado tayong totoo siya sa kaniyang salita.
May kuwento akong hango sa Our Daily Bread na patungkol sa mga naunang American Indian na may kakaibang kaugalian sa pagsasanay ng kanilang matatapang na binatilyo. Sa gabi ng ikalabintatlong kaarawan ng isang binatilyong Indian, pagkatapos nitong matutong manghuli ng hayop, mag-imbestiga sa kaniyang paligid at mang-isda, ilalagay ang binatilyo sa isang kahuli-hulihang pagsubok. Inilalagay siya sa isang masukal na kagubatan upang maggugol ng buong gabi na nag-iisa sa lugar na yoon. Ito ang kauna-unahang pagkakataong mawawalay siya sa ligtas na kalagayan ng kaniyang pamilya at tribo. At sa gabing yoon, lalagyan ng piring ang kaniyang mga mata at dadalhin siya sa napakalayong lugar ng kagubatan. Kapag inalis na niya ang takip sa mata, matatagpuan niya ang kaniyang sarili sa gitna ng masukal na gubat at matatakot siya. Sa tuwing napuputol ang isang sanga ng puno, para niyang nakikita ang isang mabangis na hayop na handang umatake sa kaniya. Pagkatapos ng parang walang katapusang magdamag, dumadating na ang madaling araw. Ang unang sinag ng araw ay pumapasok na sa loob ng gubat. Titingin sa kaniyang paligid ang binatliyo. Makikita niya ang mga bulaklak, puno, at isang daanan. At buong pagkagulat niyang mamamasdan ang hugis ng isang tao na nakatayo ilang dipa mula sa kaniya na may sibat at pana. Ang taong yaon ay ang kaniyang ama. Sa buong gabi, sinamahan pala siya ng kaniyang ama sa masukal at madilim na kagubatan!
Makakaasa ang mga taong nagtitiwala sa Diyos na sasamahan niya ang mga ito sa lahat ng sandali.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.