Published on

Pastor Junie Josue     

Ala-alang iiwan

Lahat tayo ay mamamatay ngunit anong ala-ala ang nais nating iwan sa mga taong nabubuhay? Ang sabi ng dating race car driver na ni Scott Goodyear, “Hindi mo makikita kung saan ito nangyari.” Ang tinutukoy niya ay ang mga driver ng mga race cars na namatay dahil sa pagkabundol ng kanilang kotse sa Indianapolis 500, isang kilalang karera ng mga kotse sa America. Wala kang makikitang palabas nito sa telebisyon. Hindi ito napag-uusapan. Kapag nagsasara na ang karerahan sa araw na iyon, agad-agad may isang trabahador na nagpipintura sa lugar kung saan bumangga ang kotse sa pader. Sa loob ng maraming taon, hindi kailanman sinasabing namatay ang isang race car driver sa karerahan. At kung kayo’y mamamasyal sa Indianapolis Motor Speedway Racing Museum na nasa loob ng oval, walang memorial o ala-alang nakalaan para sa 40 driver na namatay sa lugar na iyon. Kahit saan, hindi man lang nabanggit ang mga yumaong driver na ito.

Ayaw nating mabuhay na parang singaw lamang na lumilitaw at naglalaho. Sa ating lapida, nakasulat ang ating buong pangalan, ang petsa ng ating kapanganakan at kamatayan. Ang lapida ay gagawin ng mga kamay ng mga taong hindi man lang nakakakilala sa atin. Made to order ito. Isusulat ito ng mga taong diniktahan kung ano ang isusulat

Nunit hindi nito maitatala ang tunay na kuwento ng ating buhay, ang ating pagbibigay, ang mga ginawa natin sa buhay. Ang maikling pangungusap na nakaukit sa bato ay hind kailanman maipapahayag kung ano ang nakaukit sa puso ng mga taong naiwan natin.

Ang tunay na memorial ng ating buhay at kamatayan ay makikita sa kilos at salita ng mga nakakakilala sa atin. Nakakalungkot minsang makita na halos walang dumalo sa libing ng isang tao maliban sa kaniyang kamag-anak. Wala kasing naging kaibigan ang mga taong ito. Ang iba nama’y hindi mapigil makahinga ng maluwag sa pagkamatay ng ilang tao dahil sa mga krimeng ginawa ng mga ito sa kanilang lugar.

Ngunit higit sa sasabihin ng ating naiwan sa buhay, dapat nating bigyan pansin ang sasabihin ng Diyos sa atin. Balang araw, lahat tayo’y haharap sa Panginoon at huhusgahan tayo ayon sa ating ginawa. Tayo ba’y namuhay para sa ating sarili o para sa ating kapwa at para sa Diyos? Ano ba ang ginawa natin sa kaniyang handog na anak na si Hesus? Tinanggap ba natin ang kaligtasang dulot ng Panginoon o binalewala natin ito?

At hindi tulad ng ibang tao na malilinlang natin, wala tayong maitatago at maililihim sa Diyos. Alam niya ang lahat sa ating buhay.

Kung tayo’y namumuhay nang may magandang ugnayan sa Diyos, wala tayong dapat ikabahala. At kahit hindi pansin ng maraming tao ang ating mabubuting gawa, alam ito ng Diyos. Sa biblia sa aklat ng Pahayag 14:13, narinig ni apostol Juan ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi “Mapapalad ang naglilingkod sa Panginon hanggang kamatayan. Tunay nga, sabi ng Espiritu, ‘Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal at susundan sila ng kanilang mga gawa.”

Kaibigan, kung nais mong bumango ang pangalan mo kahit ikaw ay yumao na, bakit hindi mo ipagkatiwala ang buhay mo kay Hesus? Manampalataya ka sa Kaniya na kaya niyang baguhin ang buhay mo. Sundin mo ang kaparaanan niya nang sa gayon ay maging kalugud-lugod ang ala-alang iiwan mo sa iyong mga kakikilala at higit sa lahat ay sa Diyos.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays, 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:30p.m. English services) and host of radio program Higher Lifeon CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m.  For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.