Published on

Pastor Junie Josue

    Sa kabila ng lahat, may dahilan pa

    para magdiwang sa pasko

Sa Kapaskuhan ngayon, iba’t ibang tunog ang ating naririnig – mga tunog ng bells, mga choir at mga radyo at telebisyon na nagkakantahan ng mga awiting pamasko. Sa kabila ng mga masasayang pamaskong awitin at tila masiglang kapaligiran, hindi rin nating maiwasang makarinig ng ibang tunog – ang tunog ng paghihirap at dalamhati.

Andiyan ang mga ilang libong taong namatayan at nawalan ng bahay, hanap-buhay at ari-arian sa Cagayan de Oro, Iligan, Dipolog at iba pang lugar sa may bandang south na ating bayang dahil sa malakas na hagupit na Bagyong Sendong. Bihirang tamaan ng bagyo ang lugar na ito at pinili pa ang panahon ng kapaskuhan para sumalakay ang bagyo. Hindi pa naman handa ang mga tao dito.

Andiyan din ang hirap ng loob ng mga iniwang asawa at mga anak ng mga taong nagpasyang sumama sa kanilang mga kalaguyo. Andiyan din ang mga hirap ng mga may malubhang karamdaman. Maging ang kanilang pamilya ay damay sa pagod at hirap sa pag-aalaga at pagsuporta. Andiyan din ang mga nawawalan na ng loob na mga kababayan natin dahil mahabang panahon na ang kanilang hinihintay, wala pa silang trabaho dito o hindi pa nila nakukuha ang inaasam nilang trabaho.

Kung babalikan natin ang unang Kapaskuhan, dalawang libong taong na halos ang nakakaraan, makakarinig din tayo ng iba’t ibang tunog tulad ngayon. Andoon ang ingay na mga hayop na abala sa pagkain sa kanilang kulungan. Andoon ang tunog ng mga anghel na umaawit sa kalangitan dahil sa pagdiriwang nila sa kapanganakan ng dakilang Tagapagligtas ng mundo. Andoon din ang ingay ng mga pastol na sabik na makita ang sanggol na si Hesus at siguradong andoon din ang tunog ng malambing at malumanay na tinig ni Maria habang siya’y umaawit para patulugin ang kaniyang sanggol.

Pero ang mga masasaya at sabik na ingay ay napalitan ng mababagsik na sigaw ng mga sundalo, ng mga iyak ng mga batang lalaki at ng mga pagdadalamhati ng mga nanay na namatayan ng mga batang anak. Sa biblia sa aklat ng Mateo, mababasa na pinag-utos ng haring si Herod na patayin ang mga batang lalaki dalawang taon pababa. Nalaman niya kasi sa tatlong mago na may sanggol na lalaking sinilang na isa ring hari. Sa takot na maagawan ng trono, dinaanan ni Herod sa dahas ang mga bagay-bagay. Noong gabi din iyon, nagpakita ang isang anghel kay Joseph sa isang panaginip at sinabi nito “Bumangon ka. Kunin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka sa Egypt. Manatili kayo doon hanggang makarinig ka muli mula sa akin. Hinahanap ni Herod ang bata para patayin ito.” Kaya’t bumangon nga si Joseph, kinuha ang bata at ang ina nito noong gabi at umalis sila tungong Egypt, Nanatili sila roon hanggang namatay ang haring si Herod.

Noong panahon ng unang kapaskuhan, nakaranas din ng paghihirap at pagdadalamhati ang ibang tao. Totoong may paghihirap sa mundo hanggang sa kasalukuyan, maging sa panahon ng kapaskuhan. At nauunawaan ko kung bakit hindi makapagdiwang ang iba ngayong Pasko. Marahil dahil sa mga kahirapang kanilang kasalukuyang dinaranas. Nalay-off sa trabaho. Nawasak ang pamilya. Nagkasakit ng malubha ang mahal sa buhay. Pero huwag na huwag nating kalilimutan na ang Pasko ay tungkol sa pagbaba ng Panginoong Hesus na siyang anak ng Diyos sa lupa upang makiisa sa atin, upang makapiling tayo anuman ang kalagayan natin sa buhay. Kaya nga ang isa sa kaniyang pangalan ay “Emmanuel” na nangngahulugang “kasama natin ang Diyos.” Hindi ba mas gumagaan ang ating buhay kapag alam nating hindi tayo nag-iisa, na may kaakibat tayo sa panahon ng kahirapan?

At itinakda na bago pa man ipinanganak ang sanggol na si Hesus na siya ay mamatay sa krus para sa kabayaran ng ating mga kasalanan, para wasakin at sugpuin ang gawain ng demonyo at upang tayo’y magkaroon ng masaganang buhay hindi lamang dito sa ibabaw ng lupa kundi pati na sa kabilang buhay. Kaya’t ngayong pasko, pagtuunan natin ng pansin ang tunay na kadahilanan ng Pasko at kapag ito’y ginawa natin, sigurado akong makakadama kayo ng kagaanan sa buhay.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Tagalog Sunday 9 a.m.; English 10:45 a.m. English service at 6:30p.m. starts on Jan. 8, 2012) and host of radio program Higher Lifeon CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.