Published on

Pastor Junie Josue

    Pagkilala sa Diyos (part 1)

Ano nga ba ang pagkakaiba ng Panginoon sa mga diyus-diyosan na sinasamba sa iba’t ibang bahagi ng mundo? Siyempre, alam natin na ang Diyos ay higit na nakakataas kesa sa iba, pero isang malinaw na paraan para makita natin ang kaibahan niya sa ibang diyus-diyosan ay ang pagkilala sa isa sa kaniyang pangalan: Ang Diyos na Nagpapatawad. Pinahayag sa biblia ang Panginoon bilang Diyos na nagpapatawad, ang tanging Diyos na may kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Ang sabi sa biblia sa aklat ng Micah 7:18 - “Sino ang Diyos na katulad ninyo na nagpapatawad ng kasalanan?”

Ito ang sabi ng propetang si Nehemiah tungkol sa Diyos, “Ikaw ang Diyos na handang magpatawad, puno ng biyaya at habag, matagal bago magalit at napakabuti at hindi ka nagpapabaya sa kanila.” Alam ni Nehemiah na ang kaniyang bayang Israel ay sumuway sa Diyos. Pero kahit na sa kanilang rebelyon, hindi pinabayaan ng Diyos ang Israel. Sa halip, nagpapahayag siya ng ganitong mensahe sa kanila, “Ang aking bayan ay hindi sumusunod sa akin pero ang aking kalikasan ay ang magpatawad. Ang pagpapatawad ay hindi lamang isang bagay na aking ginagawa - ito ang aking pinaka-kalikasan. Puno ako ng habag at hindi ko tatalikuran ang aking bayan.”

Si Moises ay humiling sa Diyos ng kapahayagan ng kaniyang kaluwalhatian. Hindi siya pinayagan makita ang mukha ng Diyos, pero pinahayag ng Diyos ang kaniyang kaluwalhatian kay Moises sa pamamagitan ng pagsabi ng kaniyang pangalan. At ito ang pangalan na binigay kay Moises, “Ang Panginoong Diyos, puspos ng habag at biyaya, puno ng pagtitiiis at nag-uumapaw ang kabutihan at katotohanan, ang kaniyang habag ay para sa libo-libong tao, nagpapatawad siya ng kasalanan.”

Ayon sa biblia, ang mga taga Nineveh ay kaaway ng mga Israelita. Labis ang kasalanan ng mga tao sa Nineveh kayat inutusan ng Diyos ang isang Israelitang propetang si Jonah na pumunta dito para balaan sila na magsisi upang hindi nila maranasan ang parusa ng Diyos. Ayaw ni Jonah dahil siyempre galit siya sa mga taong kalaban ng bayan niya sa loob ng mahabang panahon. Pero iba ang Diyos kay Jonah. Kahit na ang Israel ang piniling bayan ng Diyos, ang kapatawaran niya ay para sa lahat ng bayan at tao kung magsisisi lamang sila at lalapit sa Panginoon.

Mababasa rin sa biblia na nagkasala ng malaki si David. Nang-agaw siya ng asawa at pinapatay pa niya ang asawa nito para pagtakpan ang kaniyang kasalanan. Nang matauhan na siya sa kaniyang ginawang kamalian, nakadama siya ng matinding kalungkutan. Natakot siya ng husto dahil alam niyang may paghuhusgang naghihintay sa kaniyang kasalanan. Siya’y umiyak sa Panginoon at sinabing hindi siya karapatdapat na tumayo sa harap nito.

Pero nakilala ni David ang Diyos nang pinahayag ng Diyos sa kaniya ang kaniyang pangalan. Nakilala niya ang Diyos na mabuti, handang magpatawad at puno ng habag sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. Biglang nawala ang kalungkutan at takot ni David.

Ang sabi ni David sa Diyos, “May kapatawaran sa inyo upang kayo ay galangin.” Ang tunay na paggalang sa Diyos ay hindi nagmumula sa kaisipan na ay naghihintay na kaparusahan sa atin anumang panahon tayo ay nagkasala. Hindi natin ginagalang ang Diyos dahil takot lang tayong mapalo niya kung may nagawa tayong mali. Ang tunay na paggalang sa Diyos ay nagmumula sa kaalaamang mapaglilingkuran natin siya ng may kapayapaan sa ating puso dahil ang ating mga kasalanan ay nabura na. Ito ay ang paggalang sa Kaniya dahil sa kaniyang kabutihan at katangihang handa siyang magpatawad.

Nanghihina ang katawan at loob ni David dahil sa kasalanan niya. Nasa puntong susuko na siya. Pero pinahayag ng Diyos ang mapagpatawad na pag-ibig niya sa kaniya. Marahil akala niya noon, nag-aabang lang ang Diyos na parusahan siya sa tuwing siya’y pumapalpak. Pero nang makilala niya nang husto ang Diyos, nakita niya na ang Diyos ay nagpapatawad at nagbubura ng mali niya. Kaya’t handa na siyang sumamba at maglingkod muli sa Panginoon. Makakasunod na siya sa Diyos nang may makadiyos na takot.

Kaibigan, anuman ang iyong nagawa, lumapit ka lang sa Diyos at buong pagpapakumbabang humingi ng tawad sa kaniya. Handa ka niyang patawarin.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Lifeon CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.